Ang pastoral ministry ay maaaring ibuod sa tatlong general na mga obligasyon: graze, guide, at guard.

Graze (Pagpapakain)

Ang unang responsibilidad ng pastor ay pakainin ang mga tupa ng Salita ng Diyos (Juan 21:15–17; 2 Tim. 4:2). Simple lang, hindi talaga magiging tapat ang isang pastol sa kanyang gawain kung hindi niya napapakain nang mabuti ang kanyang kawan (Ezek. 34:2–3, 13–14; 1 Tim. 3:2; Tito 1:9). Kailangan niyang bigyan sila ng luntiang pastulan na mahihigaan at makakainan (Awit 23:1–2). Tiyakin mong may gatas para sa mga bata pa (1 Ped. 2:2) at karne para sa mga mature (Heb. 5:11–14). Ipaliwanag mo ang ebanghelyo para sa mga hindi mananampalataya at nominal na mga Kristiyano, at linawin ang patuloy na mga implikasyon nito sa mga tunay na mananampalataya.

Ang isang tao ay maaaring magkaroon ng charismatic personality; maaaring siya ay isang magaling na tagapangasiwa at mahusay magsalita sa harap ng marami; maaaring armado siya ng kahanga-hangang mga programa; maaaring mayroon pa siyang people skills ng isang pulitiko at empathic listening skills ng isang counselor; ngunit gugutumin niya ang mga tupa kung hindi niya kayang pakainin ang mga anak ng Diyos ng Salita ng Diyos.

Ang mga programa at personalidad ay lilipas. Ngunit kung walang pagkain, ang mga tupa ay mamamatay. Ang pagpapakain sa kawan kung gayon ang unang priority ng pastor. “Pakainin mo ang aking mga batang tupa” (Juan 21:15).

Guide (Paggabay)

Ang mga tupa ay kailangang patnubayan, hindi lamang pakainin (Awit 23:3–4). Kapag sinabing patnubayan ang mga tupa, ibig sabihin ay dapat nasa harapan tayo para makasunod sila sa atin sa luntiang pastulan. Ito naman ay nangangahulugang kailangan nating simulan ang maka-Diyos na mga pag-uusap at pag-isipan ang mga paraan para sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, gayundin ang pagpapakita ng maka-Diyos na mga halimbawa sa paraan ng ating pamumuhay at pamumuno (1 Tim. 4:12; 1 Ped. 5:1–5).

Ang pamumuno sa iglesya ay nangangahulugan din na dapat nating sanayin ang mga tao sa kailangan nila para sa espirituwal na paglago at ministeryo (Efe. 4:11–13), at paglingkuran sila sa paraang naglilinang ng kulturang servant leadership at tumutulad sa katangian ng ating Tagapagligtas (Mar. 10:45; Juan 13:1–17). Kasama rin dito sa mga gawaing gumagabay ay ang panatilihing magkakasama ang mga tupa at ibalik ang mga naliligaw (Ezek. 34:4–12, 16).

Gayunpaman, ang paggabay na ito ay maisasagawa lamang sa maka-Diyos na paraan habang ang pastor mismo ay mabuting binabantayan ang kanyang sariling buhay at doktrina (1 Tim. 4:16). Mawawala ang lahat kung mapapabayaan ng pastor ang pagbabantay sa kanyang sarili.

Guard (Pagbabantay)

Ang tapat na pastol ay laging nagbabantay laban sa mga mandaragit at willing na ilagay ang kanyang sarili sa kapahamakan para sa kawan kapag kinailangan (Juan 10:12–15). Karamihan sa mga mandaragit na ito ay darating sa anyo ng mga guro na binabaluktot ang katotohanan (Gawa 20:28–31), kaya ang mga pastor at elders ay tinawag na maging mga lalaking kayang “maituro sa iba ang mga tunay na aral at maipakita ang kamalian ng mga sumasalungat dito” (Tito 1:9).

Minsan, dapat tayo ang marunong pumigil sa sitwasyon na may potensyal na magdulot ng pagkakahati-hati. Sa ibang mga pagkakataon, tinawag tayong sumali sa labanan na may kinalaman sa mga mahahalagang doktrinal na isyu—yung mga nakakaapekto sa gospel at sa seguridad ng iglesya. Kapag nangyari iyan, bahagi ng ating protective responsibility sa local church na ating pinaglilingkuran na makisali sa kontrobersiya ng doktrina para sa kalinawan ng gospel at kalusugan ng iglesya.

Sa ganitong paraan, hindi lamang natin binabantayan ang kawan, kundi binabantayan natin ang “mabuting bagay na ipinagkatiwala” sa atin (2 Tim. 1:14).


Mula sa Paano Magtayo ng Healthy Church: Praktikal na Gabay sa Intensyonal na Pangunguna (Chapter 8: Ang Tungkulin ng Pastor) ni Mark Dever & Paul Alexander


Si MARK DEVER (PhD, Cambridge University) ang senior pastor ng Capitol Hill Baptist Church sa Washington, DC, at president-emeritus ng 9Marks (9Marks.org). Marami nang naisulat na libro si Dever at isa ring speaker sa mga conferences sa buong mundo. Naninirahan siya sa Washington, DC, kasama ang kanyang asawa na si Connie, at mayroon silang dalawang anak.

Si PAUL ALEXANDER (MDiv, Trinity Evangelical Divinity School) ay pastor ng Grace Covenant Baptist Church sa Elgin, Illinois, kung saan siya naninirahan kasama ang kanyang asawa na si Laurie, at ang kanilang anim na anak.

Now available on paperback:

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply