Gusto ng bawat isa sa atin ng balanse. Kaya lang ay hinihila naman tayo ng buhay sa napakaraming direksyon.

Para sa ilang Kristiyano, ang paghahanap nila ng balanse ay nakapagkumbinsi sa kanila na ang mas kaunting involvement sa church ay magbibigay sa kanila ng higit sa buhay. Sa realidad, dapat kilalanin ng lahat ng Kristiyano ang church na central o pangunahin sa ating mga buhay, hindi lang isang element na dapat ibalanse sa iba pang aspeto o bahagi ng buhay.

Tama ang pagkakabasa mo—ito ang sentro. Ang buhay na nakasentro kay Cristo ay ang buhay na nakasentro sa church.

Ipapaliwanag ng article na ito kung paanong ang centrality ng church ay ang susi sa pagkakaroon ng balanse na pinakahahangad natin.

Ang mga Panganib ng Maliit na Pagpapahalaga sa Church Life

Ang pagbalewala sa church life ay nagdudulot ng unti-unting pagkasira sa iba pang aspeto ng buhay. Iniisip natin na ang pagpapabaya sa mga pagtitipon ng church para sa family gatherings ay makakabuti sa ating pamilya, na sulit ang paglipat sa lugar na malayo sa church para sa career o trabaho, na okay lang um-absent sa Sunday school para sa mas mahabang tulog, o na ang mas kaunting church relationship at commitment ay makakabawas sa ating stress. Pero ang totoo ay ang kabaligtaran.

Ito ay mga paraan ng pag-iisip na nagmumula sa pagiging makakalimutin. Nakakalimutan natin na si Cristo ang ating pinakadakilang pinagmumulan ng pagpapala, at ang kanyang church ang madalas na pangunahin niyang ginagamit para palaguin, i-sustain at i-encourage tayo. Ang ordinary means of grace ng church ang modus operandi para sa higit na pagkakilala kay Cristo.

Ang isang church member na hindi buong puso ang pakikibahagi sa biyayang ito ay hindi lamang nakakapinsala sa kanyang sarili, pero sa buong church din. Ang health ng isang church ay nakasalalay sa kung paano ito i-prioritize ng mga members nito. Ang basta pag-attend lang ay nagli-lead sa isang lifeless church, isang lugar ng mga spiritually isolated at malulungkot na tao. Lalong nararamdaman ng mga singles ang kanilang relational state, pakiramdam ng mga matatanda ay irrelevant sila, pinananatili ng mga married couples ang mga struggles nila na nakabaon nang malalim, at hindi naipapahayag ng mga bata ang kanilang mga pagdududa. Ito ay mga churches kung saan tahimik na naitatago ang kasalanan, na tinakpan ng mababaw na mga relasyon, malayo sa mapag-usisang mata ng discipleship.

Kung paanong ang physical malnourishment ay humahantong sa paghina, pagkagutom, at kamatayan, gayundin ang pagbalewala sa church.

Ang Kagandahan ng Church-Centered Life

Sa kabaligtaran naman, ang isang church na punô ng mga miyembro na committed sa centrality nito ay punô ng buhay. Malalim ang pagkakilala ng mga miyembro sa isa’t isa dahil marami na silang pinagsamahan at pinagsaluhan maging sa hapag-kainan. Pagkatapos ng pananambahan, makikita ang mga teenagers na karga ang mga babies, na nagbibigay sa mga nanay na kulang sa tulog ng pagkakataon na mag-meditate sa sermon. Ang mga mag-asawang walang anak ay makikitang nakikipag-usap sa mga maliliit na bata. Ang mga biyuda ay naiimbitahan sa bahay ng mga young families.

Ang kasalanang malalim ang pinag-uugatan ay nailalabas habang ang mga lalaki at mga babae ay magkasamang gumagawa sa bakuran, kumakain ng breakfast, o nanonood ng laro. Habang gumagawa sila ng mga ordinary activities, ginagawa nila ang extraordinary work ng pagpapahayag ng struggles ng kanilang mga puso at pagsi-share ng encouragement na nakuha nila mula sa Salita ng Diyos. Ang pananalangin nang sama-sama ay nagiging napakanatural na ito ay nangyayari sa mga upuan pagkatapos ng service o sa mga stolen moments sa mga fellowship gatherings. Ang mga bata ay lumalaki sa isang lugar kung saan ang discipleship at fellowship ay nakikita na mas mahalaga kaysa makakuha ng trophies o scholarships.

Ang fellowship ng church ay naiiba sa ibang communities sa isang kadahilanan: si Cristo. Sa pamamagitan lamang ni Cristo kaya tayo naipagkaisa, kaya ang ating community ay nakatayo sa krus, isang pundasyon na binili sa malaking halaga. Dahil nasa atin si Cristo bilang kalakasan at halimbawa, natututo ang mga church members na itakwil ang kanilang sarili, ipinagtatapat ang ating kasalanan para magpatuloy sa kabanalan, nagpapatawad kapag tayo ay nasaktan, at nagsasakripisyo para sa kabutihan ng iba. At dinadala natin ang mga krus na ito hindi lamang para makalapit sa isa’t isa, kundi kay Cristo, na siyang may-akda at siya ring gantimpala ng church.

Binibilang ang Kabayaran ng Pagpapahalaga sa Church

Ang makamit ang ganitong uri ng kultura ay mangangailangan ng matinding pag-evaluate muli sa ating mga priorities. Kung ang church ang magiging central sa buhay natin, maraming bagay ang hindi puwedeng maging pangunahin. Ang nakaugaliang takbo ng pamumuhay na umiikot sa tahanan, trabaho, at pamilya ay kailangang suriin muli ayon sa prayoridad na binibigay ng Bibliya sa church sa mga sulat sa New Testament.

Kapag muling naitama ang ating pananaw, makikita natin ang mga regular na pagtitipon ng church bilang pinakamahalagang oras ng ating linggo. Makikita natin ang mga malalim na relasyon sa loob ng church na hindi lang basta preferable, kundi mahalaga. Maaari tayong humindi sa mga bagay na inakala natin na palagi dapat nating sang-ayunan—iba’t ibang extracurriculars para sa mga anak natin, career advancement opportunities, madalas at matagalang pag-absent na naglalayo sa atin mula sa community.

Pero sa pagsasabi natin ng “no,” magsasabi tayo ng “yes” sa kung ano talaga ang nagpapalago sa ating kaluluwa at naghahanda sa atin para sa eternity.

Conclusion

Ang solusyon sa nakakapagod at hindi balanseng buhay ay matatagpuan sa pagsasama ng buhay natin sa church, na tinitingnan nating hindi mapaghihiwalay ang mga ito. Sapagkat doon natin sinesentro ang ating sarili kay Cristo at sa kanyang Salita. Doon tayo napapaalalahanan kung bakit tayo nabubuhay at kung para kanino tayo nabubuhay. Doon tayo nabubuhay hindi bilang mga isla sa mundong ito, kundi bilang katawan ni Cristo. Doon lang tayo maliligtas mula sa kapaguran, kalungkutan, at pagkabalisang nagmumula sa isang buhay na salungat sa disenyo ng Diyos. Tanging ang buhay na nakasentro sa church ang makakalikha ng uri ng balanse na hinahangad natin, habang ipinagkakaisa ng church ang mga hiwa-hiwalay na piraso ng ating mga buhay kay Cristo.


Isinalin ni Marie Manahan mula sa 9Marks article ni Lydia Schaible na The Church-centered Life Si Lydia Schaible ay isang member ng Emmanuel Church sa Winston-Salem, North Carolina at host ng podcast na All Things Bright and Beautiful.

Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)

Sign up to get your free pdf

By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

Leave a Reply