Kung ano ang pinaniniwalaan nating totoo o kahit inaakalang totoo ay merong malaking epekto sa mga gagawin natin o mga desisyon natin sa buhay. Noong college pa lang kami ng kapatid ko, sa UP kami nag-aral. E nasa ibang bansa noon ang parents namin kasi merong malaking utang sa bangko na kailangang bayaran. So, medyo gipit talaga financially. So kapag mag-aayang kumain ang mga kaklase namin, o mga kasama namin sa Christian org, at alam naming medyo mamahalin ang kakainan, at kanya-kanya ng bayad, hindi na lang kami sumasama. Pero ngayon naman, kung kakain kami sa labas, at ia-assume na ang kapatid ko ang magbabayad, sige lang kahit saan, kahit marami ang orderin na pagkain, no problem! Pero kapag ako ang magbabayad, kailangang piliing mabuti kung saan kakain at yung saktong pagkain lang! Kung ano ang meron tayo, kung sino ang kasama natin, merong malaking epekto ‘yan sa mga desisyon natin sa buhay.
Ganun din sa buhay Kristiyano. Kung alam mo na nakay Cristo ka, at kung gaano kalaking kayamanan ang nasa ‘yo na dahil kay Cristo, hindi pwedeng walang epekto ‘yan sa buhay natin. Kaya nga maganda ang overall structure nitong sulat ni Paul sa mga taga-Efeso. Yung first three chapters ay exposition o pagpapaliwanag ng yaman na meron tayo kay Cristo—gospel doctrine. Kaya nga sinimulan natin ang first two verses last week at pinag-usapan “ang biyaya ng pagtawag ng Diyos” sa atin. At yung chapters four to six naman ay yung paglalahad ng mga dapat nating gawin in light of the riches we have in Christ: “mamuhay kayo gaya ng nararapat sa mga tinawag ng Diyos” (Eph. 4:2)—Christian life. Malaki ang epekto ng pinaniniwalaan nating totoo sa buhay natin kay Cristo sa buhay natin sa araw-araw—sa relasyon natin sa Diyos, sa relasyon natin isa’t isa sa church, sa pakikipaglaban natin sa kasalanan, sa pagpupursigi natin sa kabanalan, sa relasyon natin sa asawa, sa mga anak, sa mga katrabaho, at maging sa mga spiritual forces na hindi natin nakikita.
Ang ganitong structure ng sulat ni Pablo—gospel indicatives (ano ang ginawa ng Diyos) at gospel imperatives (ano ang mga dapat nating gawin bilang resulta o tugon sa ginawa ng Diyos)—ay makikita rin natin sa ibang sulat ni Pablo, tulad ng Romans (chapters 1-11 at chapters 12-16) at Colossians (chapters 1-2, chapters 3-4). Nagpapaalala naman ito sa atin na mahalaga ang parehong doktrina at pagsasabuhay nito. Hindi mo pwedeng sabihing tamang doktrina lang ang mahalaga. Walang kabuluhan yun kung tama nga ang pinaniniwalaan mo pero wala namang nakikitang pagbabago sa buhay mo. Hindi mo rin pwedeng sabihing ang application sa buhay ang mahalaga at hindi na mahalaga kung tama ba ang doktrina o hindi. Kapag mali ang pinaniniwalaan mo, hindi mapapabuti ang buhay mo. Kung naniniwala ka na napakayaman mo at marami kang pera sa bangko, pero hindi naman pala, magsa-swipe ka ng magsa-swipe sa credit card hanggang mabaon ka sa utang kasi wala ka namang pambayad!
Dahil sa kahalagahan na tama ang doktrina na pinaniniwalaan natin kaya napakahalaga na sa simula pa lang—sa verses 3 to 14—ay ipinapahayag na ni Pablo sa sulat niya ang yaman—limpak-limpak na yaman—na meron tayo kay Cristo. It will really change the way you live. Actually, sa original na pagkakasulat ni Paul sa Greek ay isang sentence lang itong passage na ‘to. Yes, one very long sentence—lagpas ng 200 words!—na para bang nag-uumapaw talaga ang puso ni Pablo sa pagpupuri sa Diyos at pagpapahayag ng mga pagpapalang ibinigay niya sa atin kaya naman he is worthy of this praise. Siyempre, sa salin sa English o Tagalog, multiple sentences ‘yan para mas maintindihan natin. Dahil sa yaman ng mga talatang ito, apat na sermon ang ilalaan natin dito. Ngayon ay verse 3 lang muna, na nagsisilbing introductory summary sa passage na ‘to, at introduction na rin sa tema na tatalakayin ni Paul sa buong sulat niya. Ganito ang sabi niya:
Blessed be the God and Father of our Lord Jesus Christ, who has blessed us in Christ with every spiritual blessing in the heavenly places. (Eph. 1:3 ESV)
Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal na nagmumula sa langit dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo. (MBB)
Sa English, tatlong “bless” ang makikita natin sa isang verse na ‘to, na isa rin naman ang root word nito sa Greek: “Blessed (eulogetos) be the God and Father of our Lord Jesus Christ, who has blessed (eulogesas) us in Christ with every spiritual blessing (eulogia) in the heavenly places.” Siyempre, naririnig natin ang salitang “eulogy” na karaniwang sinasabi ng isang kapamilya o kaibigan sa burol o libing ng namatay na mahal sa buhay. Pero hindi lang ito pampatay! Literally, ibig sabihin nito ay “good word.” Pero magkaiba ang meaning nito depende sa object nito. Kapag sa Diyos, yung unang part—“Blessed be…”—papuri ‘yan sa Diyos sa kanyang likas na kabutihan at sa kanyang mabuting ginawa para sa atin. Wala tayong mabuting bagay na ibinibigay sa kanya. Wala rin naman tayo talagang maibibigay sa kanya na hindi sa kanya nagmula. Sa kanya nga galing ang lahat ng mabuti. “Every good and perfect gift is from above” (Jas. 1:17). Pagdating sa atin, itong salitang “bless” —dalawang beses sa second part, “has blessed us…blessing”—tumutukoy ito sa mabuting bagay na ginawa ng Diyos, pagpapalang tinanggap natin mula sa kanya.
Ito ang dalawang bahagi ng verse 3, ang papuri sa Diyos at ang pagpapala ng Diyos sa atin. Tingnan nating mabuti kung ano ang sinasabi ni Pablo dito.
A. Ang Papuri ay sa Diyos
Ang tanong, ano ang kaugnayan ng dalawang ito? Mas lalo tayong magpupuri sa Diyos kung mas lalo nating nakikita at nararanasan ang mga pagpapala niya sa buhay natin. Ang pagpapala ng Diyos ay nararapat na magbunga sa pagtugon natin sa pagpupuri sa kanya. Ito ang halimbawang ipinapakita dito ni Pablo. Hindi niya sila inuutusan, “Purihin ninyo…” Actually, wala ni isa mang utos dito sa first three chapters na dapat nating gawin. Sinasabi ni Pablo ang nararamdaman niya, “Pinupuri ko ang Diyos…” o “Kapuri-puri ang Diyos.” At sasabihin niya pagkatapos, “Heto ang dahilan kung bakit…”
Mula verse 3 hanggang verse 14, ang daming mga salitang ginamit ni Pablo dito para i-describe kung ano ang layunin, plano, at gawa ng Diyos na angkop na angkop sa isang “eulogy.” Ang daming salita na kailangang sabihin para isalarawan ang gawa ng Diyos na “almost beyond description.” Bagamat ito ay papuri ni Pablo sa kabutihan ng Diyos, nagsisilbi rin itong modelo para i-encourage ang mga Ephesian believers at tayo rin para purihin ang Diyos at kilalanin ang napakaraming blessings na bigay ng Diyos sa atin (Hoehner, Ephesians, 159). Sinabi rin ni Paul sa Ephesians 3:13 na hinihiling niyang ‘wag silang panghinaan ng loob dahil sa hirap na dinaranas ni Paul. Nasa kulungan siya nung sinusulat niya ‘to. So ipinapaalala sa kanila dito ni Paul ang lahat ng ginawa ng Diyos para sa kanila (Thielman, Ephesians, 44). Maraming mga dahilan kung bakit kahit na maraming nawala sa kanya sa pagkakakulong niya, patuloy pa rin siyang nagpupuri sa Diyos. Tulad ni Job, “The Lord gave, the Lord has taken away; blessed be the name of the Lord” (Job 1:21).
Sa Hebrew Old Testament, ang salitang “blessed” ay berakah, papuri sa Diyos. Sa Greek New Testament naman, sa sulat dito ni Paul, eulogetos. Parehong tumutukoy ito sa pagdedeklara ng papuri sa Diyos. Again, tulad ng sinabi ko na kanina, kapag pinupuri natin ang Diyos, hindi ito tulad ng papuri na binibigay natin sa ibang tao, tulad ng sa asawa natin. Kapag Diyos ang pinupuri natin, wala tayong ibinibigay na anumang bagay sa Diyos, kahit gaano pa kaganda ang lumabas sa bibig natin. Ito ay pagkilala sa kabutihan niya. Wala tayong maidaragdag na anuman sa Diyos. Ang Diyos ay Diyos, self-existent, self-sufficient. Wala siyang kailangan sa atin. Tayo ang may kailangan sa kanya. We are created to worship him. “The chief end of man is to glorify God and to enjoy him forever,” sagot sa unang tanong ng Westminster Shorter Catechism. Kapag sinabing “glorify,” we magnify God. Paliwanag ni John Piper, kapag sinabing “magnify,” hindi natin ginagawang mas malaki ang Diyos, kundi kinikilala natin kung gaano siya kalaki, na hindi naman din natin lubos na maipapahayag sa mga salita natin.
Dahil ito ang layunin ng Diyos sa paglikha sa atin—ang purihin siya—ang essense ng kasalanan natin ay yung failure natin to give the glory that belongs to God, yun bang minamaliit natin ang infinite value and preciousness of God. At ang dahilan naman kung bakit tayo iniligtas ay para ang buhay natin ay ilaan natin sa pagpupuri sa Diyos, “that you may proclaim the excellencies of him who called you out of darkness into his marvelous light” (1 Pet. 2:9). Ganito rin ang awit ni Haring David, “Bless the Lord, O my soul, and all that is within me, bless his holy name! Bless the Lord, O my soul, and forget not all his benefits” (Psa. 103:1–2). Kaya ganito rin ang simula ng sulat ni Paul sa mga Ephesians. Karaniwan sa sulat niya ang simula ay pasasalamat sa mga sinulatan niya, pero dito hindi ganun ang una niyang ginawa. Unang-una ang papuri sa mabuting gawa ng Diyos para sa kay Paul, para sa kanila, para sa atin. Dito rin nagtapos si Paul sa first part ng Ephesians, “Now to him who is able to do far more abundantly than all that we ask or think, according to the power at work within us, to him be glory in the church and in Christ Jesus throughout all generations, forever and ever. Amen” (Eph. 3:20-21). Benediction ang karaniwang tawag natin dito. Galing sa Latin na “good word” din ang ibig sabihin. Sa second section naman, isinalarawan niya na ang pusong nagpupuri sa Diyos ay ang pusong puspos ng Espiritu, “Sa inyong pag-uusap gumamit kayo ng mga salmo, mga himno at mga awiting espirituwal; buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon. Lagi kayong magpasalamat sa Diyos na ating Ama dahil sa lahat ng bagay, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo” (Eph. 5:19–20).
Sino ba ang nararapat na object of our praise? Siyempre ang Diyos. Obvious naman ang sagot, pero kailangang laging ipaalala sa atin. Ang taas-taas kasi ng tingin natin sa sarili natin kaya we expect na palagi tayong pupurihin ng mga tao. Akala natin lagi tayo ang tama o nakakaalam ng tama o at least mas tama kaysa sa iba. Akala natin mabuti tayong tao. Akala natin mabubuti ang mga ginagawa natin. Pero ang totoo, hindi tayo ang nararapat na purihin. Although maganda rin namang nagbibigay tayo ng mga appreciation sa mabuting ginagawa ng ibang tao. Pero we need to recognize na ang unang-una at talagang karapat-dapat sa papuri natin ay ang Diyos.
Kapag sinabing Diyos, si Yahweh, ang Diyos na inihayag ang sarili niya sa atin na Trinity—Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu. Isang Diyos, tatlong persona. Kasama ‘yan sa mystery of our Christian faith. Makikita natin hanggang verse 14 kung bakit bawat persona sa Trinity ay equally deserving of our praise and worship. Siyempre pare-pareho namang Diyos. Pare-parehong gumawa para sa ating kaligtasan. Pero dito sa verse 3, ang pinatutukuyan ni Pablo ng kanyang papuri ay specific, ang Diyos Ama: the God and Father of our Lord Jesus Christ.” This is not to deny that the Son and the Spirit are worthy of praise. Pantay-pantay ang pagka-Diyos ng tatlong persona, so pare-pareho rin silang nararapat purihin. Nang sabihin ni Paul na ang Ama ay ang Diyos ng Panginoong Jesus, hindi ‘yan nangangahulugan na si Jesus ay hindi Diyos. Ang Ama ay Diyos ni Jesus sa kanyang pagkatao siyempre. Sa pagka-Diyos ni Jesus, ang Diyos Ama ang Ama ng Panginoong Jesus. Ang Ama ay may Anak mula pa sa walang-hanggan. Ganun din ang Anak ay may Ama mula pa sa walang-hanggan. Ibig sabihin, kapag ninanais ng Diyos na purihin natin siya, yun ay hindi dahil sa may kulang sa kanya, o kailangan niya tayo. From eternity past, he is already in that blessed communion and fellowship with his Son (and the Spirit). Siya ang “minamahal na Anak” ng Ama (Eph. 1:6; also Matt. 3:17).
If you recognize Jesus as Lord and Savior, then this is your life, isang buhay na ang pinakalayunin ay sambahin at purihin ang Diyos. God is also our Father through Jesus. Nagpupuri tayo dahil sa kaligtasang tinanggap natin: planned by the Father (Eph. 1:4-6), accomplished by the Son (Eph. 1:7-10), and sealed by the Spirit (Eph. 1:11-14). When we praise the Father, hindi naman nagseselos ang Anak at Espiritu. We honor the Father, we also honor the Son and the Spirit. Specific object of praise dito ni Paul ang Diyos Ama dahil ang Diyos Ama ang nagplano ng kaligtasan, nagpadala kay Jesus bilang ating Tagapagligtas, nag-appoint sa kanya bilang Cristo (the anointed one), at nagbigay ng kapamahalaan at nagtaas sa kanya bilang Panginoon (Matt. 28:18; Phil. 2:9-11). So when we confess Christ as our Lord, we do it to the glory of God the Father.
Paano natin pina-practice ang pagpupuring ito sa Diyos. Ginagawa natin ito sa mga awit natin every Sunday na nagpapahayag ng papuri natin sa kadakilaan at kabutihan ng Diyos, pati ang mga pasasalamat natin sa mga biyayang tinanggap natin sa Diyos. Kaya nga meron din tayong prayer of praise and prayer of thanks every Sunday. Sa prayer life natin, pwede rin natin i-practice ‘yan, hindi lang hingi nang hingi sa Diyos. Makakatulong ang ACTS: adoration (praise), confession, thanksgiving, supplication. Ginagawa natin ‘yan every Sunday kapag nagtitipon tayo. Ginagawa mo ba ‘yan kapag mag-isa ka sa iyong private prayer time? Ginagawa n’yo ba ‘yan kapag nagpe-pray kayo as a family?
B. Ang Pagpapala ay sa Atin
Kung hindi, o kaya naman ay hindi ganun karegular, posibleng ito ay dahil hindi mo talaga lubusang naa-appreciate ang kabutihan ng Diyos at ang mga mabubuting bagay na tinanggap mo sa kanya. Remember kung ano ang main point ni Paul dito sa verse 3? Karapat-dapat purihin ang Diyos dahil sa mga pagpapalang tinanggap natin galing sa kanya. Ibig sabihin, habang mas inaalala mo at kinikilala ang mga blessings ng Diyos sa atin, mas mag-uumapaw ang pag-eexpress natin ng papuri sa Diyos. “Blessed be the God and Father of our Lord Jesus Christ.” Bakit daw karapat-dapat siyang purihin? Because he “has blessed us in Christ with every spiritual blessing in the heavenly places.” Itong dahilan ng pagpupuri ni Pablo sa Diyos ang susunod nating titingnan. At para mas maintindihan natin ‘to, meron akong siyam na tanong. Mahalaga ‘to kasi kung anu-ano ang naiisip natin kapag naririnig ang salitang “blessing.”
- Unang tanong, Kanino galing ang blessing na ‘to? Sagot: sa Diyos. “Pinagkalooban niya tayo…” Ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng mabuting bagay. “Ang lahat ng mabuti at ganap na kaloob ay buhat sa Diyos” (Jas. 1:17). “Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay” para sa kanyang mga anak (Psa. 84:11). Ito yung pangako ng Diyos na nakakabit sa new covenant: “I will rejoice in doing them good” (Jer. 32:41). Kanino galing ang blessings na tinutukoy ni Pablo? Sa Diyos. Hindi sa pulitiko. Hindi sa mayaman mong tatay. Hindi sa boyfriend mo. Hindi sa kumpanyang pinapasukan mo. Hindi rin galing sa sarili mong pagsisikap. Wala ni isa man sa mundong ito ang makapagbibigay ng kailangan natin. Gustuhin man nila, pero hindi nila kaya. Only God can. He is both able and willing, kaya nga napasaatin ang mga blessings na ‘to.
- Ikalawa, Sinu-sino ang tumanggap ng blessing na ‘to? “Pinagkalooban niya tayo…” Kasama si Paul, kasama ang mga Ephesian believers, yung tinawag niyang “mga hinirang ng Diyos…at tapat na sumasampalataya kay Cristo Jesus” (Eph. 1:1). Hindi dahil regular attender ka, o na-baptize na, o church member na, o anak ng member ng church, ay tumanggap ka na ng blessing na sinasabi dito ni Paul. No, ito ay para lang sa mga genuinely in Christ. So, kahit mayaman ka, o ang parents mo, o palagi kang nasa church, o religious ka, o feeling mo blessed na blessed ka, you are really not. Ang pagpapalang tinutukoy dito ay para lamang sa mga “nakarinig ng salita ng katotohanan, ng Magandang Balita na nagdudulot ng kaligtasan, at sumampalataya sa kanya” (Eph. 1:13).
- Ikatlo, Anong klaseng blessings ang tinanggap natin? “Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal…” Spiritual blessing ang tinutukoy dito ni Paul, hindi material blessings. Siyempre naman pati material blessings ay galing din sa Diyos. Binibigyan din tayo ng Diyos ng materyal o pisikal na pagpapala. Pero hindi ‘yan ang dahilan ng pagpupuri dito ni Pablo. Siyempre magpapasalamat din tayo sa Diyos sa mga material blessings niya. Pero paano kung wala? At hindi naman lahat ay merong bahay na maayos tulad ng iba, o ng trabaho, o maayos na pamilya, o mababait na mga anak, at iba pa. Ito ay paalala sa atin na mayaman tayong lahat hindi dahil sa mga materyal na bagay na meron tayo, kundi dahil sa mga espirituwal na pagpapalang galing sa Diyos. Ito rin ay panawagan sa atin na tumingin sa mga bagay na hindi natin nakikita. Kaya nga prayer ni Paul na bigyan sila ng mata (spiritual eyes) para makita itong mga spiritual blessings, itong yaman na meron sila (Eph. 1:18). Kapag ine-emphasize na ang blessings na ‘to ay “spiritual,” hindi lang ito in contrast sa material blessings, kundi reminder din na ito ay galing sa Diyos, sa Espiritu, kaya nga spiritual. Hindi ito natural blessings na galing lang sa mga tao o bagay sa mundong ito kundi merong supernatural source, galing sa Diyos (Hoehner, 168).
- Ikaapat, Nasaan ang mga blessings na ‘to? “…in the heavenly places.” Dahil ito ay galing sa Diyos, at ang tahanan ng Diyos ay nasa langit, ang mga pagpapalang ito ay “nagmumula sa langit.” Kung saan naroon si Cristo ngayon, na siyang nakaupo “sa kanan ng Diyos sa kalangitan” (Eph. 1:20), naroon ang mga blessings natin. Nandito tayo sa lupa, totoo, pero dahil sa pakikipag-isa natin kay Cristo, at si Jesus ay nakaupo sa langit at mula roon ay namamahala bilang Hari, tayo rin ay “pinaupong kasama niya sa sangkalangitan” (Eph. 2:6 AB). Ibig sabihin, dahil sa sobrang focus natin sa mga blessings na nandito sa mundong ito, dapat matuto tayong tumingin lalo na sa buhay na meron tayo sa langit (Col 3:1-4). Ang mga blessings na ito ay galing sa kalangitan, siyempre nae-enjoy natin habang narito pa tayo sa mundo, pero ganap na mararanasan natin kapag nakasama na natin si Cristo. “These blessings occur in a dimension of existence that is beyond common, everyday experience” (Thielman, 47). Maraming Kristiyano ang nalulungkot dahil wala sila ng mga “blessings” na nae-enjoy ng mga tao sa mundong ito, o kaya’y naiinggit, “Sana all,” o nagrereklamo sa Diyos bakit hindi binibigay sa kanila ang hinihiling nila. Itinatali kasi natin ang puso at kaligayahan natin sa mga bagay sa mundong ito, sa halip na sa mga espirituwal at makalangit na pagpapalang bigay sa atin ng Diyos. Akala natin “pobre” tayo, hindi natin lubos na pinaniniwalaan na mayaman tayo kay Cristo.
- Ikalima, Gaano karami ang mga blessings na tinanggap natin? “Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal…” “Every spiritual blessing” ang tinanggap natin. Lahat ay ibinigay na sa atin ng Diyos. Ibig sabihin ng lahat ay lahat. Hindi kaunti lang, hindi marami, hindi napakarami, kundi lahat. Ibig sabihin, lahat ng mga Kristiyano ay lubos na pinagpala. Hindi yung mga pastor lang o masisipag sa ministry ang nakatanggap ng lahat ng pagpapalang ito, at yung mga bagong Christians ay kaunti pa lang. If you are a Christian, lahat ng pagpapalang ito ay nasa ‘yo. Hindi lang ito blessing para kay Pablo, o para sa mga taga-Efeso, kundi sa bawat isa na nakay Cristo. Anu-ano yun?
- Pinili tayong mahalin ng Diyos, itinakda para maging mga anak niya (vv. 4-6).
- Tinubos tayo ng dugo ni Cristo, pinatawad ang ating mga kasalanan, binuhusan ng kanyang biyaya, binigyan ng karunungang malaman ang kanyang kalooban (vv. 7-10).
- Itinakda tayong tumanggap ng mana bilang mga anak ng Diyos, tinatakan ng Banal na Espiritu, na siyang garantiya na mapapasaatin nga ang manang ito balang araw (vv. 11-14).
Napakayaman ng tatlong bahaging ‘yan kaya nga tatlong sermon pa ang ilalaan natin para pag-usapan ‘yan! Kaya nga ‘wag na ‘wag nating iisiping pinagdadamutan tayo o pinagkakaitan tayo ng Diyos ng pagpapala dahil lang hindi niya binibigay ang pinagpe-pray mo, o hindi mo nararamdamang blessed ka. Ang problema, hindi natin lubos na nauunawaan kung ano ang nasa atin na, sa sobrang focus natin sa mga bagay na wala sa atin.
- Ikaanim, Tinanggap na ba natin ang lahat ng blessings na ‘to? Yes. “Pinagkalooban niya tayo…” He “has blessed us…” Hindi sinabing future pa ‘yan. Ibinigay na. It is as good as done. Hindi nga ‘yan sa moment lang na sumampalataya tayo kay Cristo. From eternity past, pinagpala na tayo ng Diyos: “Bago pa likhain ang sanlibutan ay pinili na niya tayo…” (Eph. 1:4). From historical past naman ang ginawa ni Cristo para sa atin 2000 years ago: “Tinubos tayo ni Cristo sa pamamagitan ng kanyang dugo” (Eph. 1:7). At yung personal past naman natin ay yung actual experience ng kaligtasan, ng kapatawaran, ng katiyakan galing sa Holy Spirit na nangyari the moment we put our faith in Christ. Yes, meron pa tayong hinihintay, wala pa yung inheritance na ipinangako sa atin ng Diyos. Balang araw ‘yan darating. Pero kapag magsalita si Pablo, parang done deal na. Meron nang kasulatan, meron nang katibayan na tayo ang tatanggap nun. Guaranteed na, though not fully realized or experience. Dahil eternal ang Diyos, kaya we can speak this way. Dahil tapat ang Diyos sa mga pangako niya, kaya may kumpiyansa tayo na lahat ay nasa atin na. Ganito rin magsalita si Paul sa Romans 8, “Ang mga pinili niya noon pang una ay kanyang tinawag; at ang mga tinawag ay kanya ring pinawalang-sala, at ang mga pinawalang-sala ay kanyang binahaginan ng kanyang kaluwalhatian” (Rom. 8:30). Kaya nga may kumpiyansa tayo na “all things work together for good,” our good (Rom. 8:28).
- Ikapito, Paano napasaatin ang blessings na ‘to? “…in Christ”; “…dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo.” Ibig sabihin, kung hindi dahil kay Cristo, at kung hindi ka nakakabit kay Cristo by faith in him, wala ni isa man sa mga blessings na ‘to ang mapapasaiyo. Hindi mo ito makukuha kung nakadikit ka man sa pastor, o nakadikit ka sa parents mo. Pero kung ikaw ay nakay Cristo, you are rich beyond what you can imagine. Napaka-precious nitong doctrine of union with Christ para kay Paul. Dito dumadaloy ang lahat ng yaman ng biyaya ng Diyos na napapasaatin. Ito yung pinakamahalagang identity na meron tayo bilang mga Kristiyano: “in Christ Jesus.” Verse 1 pa lang ‘yan na ang pakilala sa kanila ni Paul. At dito sa verses 3-14, paulit-ulit ‘yan:
Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal na nagmumula sa langit dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo (in Christ). 4 Bago pa likhain ang sanlibutan ay pinili na niya tayo upang maging kanya sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo (in him) at upang tayo’y maging banal at walang kapintasan sa harap niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, 5 pinili niya tayo upang maging anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo (through Jesus Christ), ayon sa kanyang layunin at kalooban. 6 Sa gayon ay purihin ang kaluwalhatian ng kanyang kagandahang-loob na sagana niyang ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak (in the Beloved)! 7 Tinubos tayo ni Cristo (in him) sa pamamagitan ng kanyang dugo at pinatawad ang ating mga kasalanan. Ganoon kasagana ang kanyang kagandahang-loob 8 na ibinuhos niya sa atin. Ayon sa kanyang karunungan at kaalaman, 9 ipinaunawa sa atin ng Diyos ang hiwaga ng kanyang kalooban ayon sa kanyang layunin na isasakatuparan sa pamamagitan ni Cristo (in Christ) 10 pagdating ng takdang panahon. Layunin niyang tipunin ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa, at ipasailalim ang mga ito kay Cristo (in him). 11 Kami ay pinili ng Diyos mula pa sa simula na maging kanya sa pamamagitan ni Cristo (in him), ayon sa kanyang plano. Ang Diyos ang gumagawa sa lahat ng bagay ayon sa layunin ng kanyang kalooban. 12 Kaming mga unang umasa sa kanya (in Christ) ay pinili niya at hinirang upang parangalan ang kanyang kaluwalhatian. 13 Sa pamamagitan ni Cristo (in him), kayo rin na nakarinig ng salita ng katotohanan, ng Magandang Balita na nagdudulot ng kaligtasan, at sumampalataya sa kanya (in him), ay pinagkalooban ng ipinangakong Espiritu Santo bilang tatak ng pagkahirang sa inyo. 14 Ang Espiritu ang katibayan na makakamit natin nang lubos ang lahat ng pangako ng Diyos sa atin, at sa gayon ay pupurihin ang kanyang kaluwalhatian.
Paulit-ulit ‘yan, in Christ, in Christ, in Christ. To emphasize na katiting man lang sa mga blessings na ‘to ay hindi tayo maaambunan kung wala tayo kay Cristo. But in Christ, we have everything we need.
- Ikawalo, Deserving ba tayo ng mga blessings na ‘to? No. Sa pagbati pa lang niya, “Grace to you” (v. 2). Ang mga pagpapalang ito ay biyaya ng Diyos. Hindi sweldo, hindi reward dahil mabuti kang tao, dahil alam mo namang hindi. Marami nga tayong mga kasalanan sa Diyos. Kaya nga ito tinawag na “the riches of his grace” (v. 7). Undeserved. Ito ay “glorious grace, with which he has blessed us” (v. 6). By nature, tayo ay “children of wrath” (Eph. 2:3), pero itinuring na minamahal na anak ng Diyos dahil kay Cristo na minamahal na Anak ng Diyos! In Christ, kung ano ang deserving ni Cristo ang siyang napunta sa atin na hindi deserving, dahil inako ni Cristo sa krus ang parusang hindi niya deserving tanggapin, na siyang dapat ay para sa atin.
- Huling tanong, Ano ang nararapat na tugon sa mga blessings na ‘to? Inilista ‘yan ni Pablo isa-isa, para matuto tayong bilangin din ‘yan isa-isa. “Count your blessings, name them one by one / Count your blessings, see what God hath done / Count your blessings, name them one by one / And it will surprise you what the Lord hath done.” Hindi nga matuldukan ni Paul ang mga blessings na nilista niya. Marami pa. Kaya matuto tayong bilangin ang mga pagpapalang ito. Hindi para suklian ang Diyos sa ginawa niya para sa atin. Hindi naman natin ‘yan mababayaran, hindi naman natin ‘yan kailangang bayaran. Kaya nga grace ang tawag diyan. Bibilangin natin ang di-mauubos at nag-uumapaw na pagpapala ng Diyos sa atin para mag-umapaw naman ang di-matatapos na pagpupuri natin sa Diyos. Balik na naman tayo sa kung saan tayo nagsimula. Ito naman ang layunin bakit tayo pinagpala ng Diyos, for us to praise him (v. 3); kung bakit tayo piniling mahalin at ituring na mga anak ng Diyos, “to the praise of his glorious grace” (Eph. 1:6); kung bakit tayo pinagkalooban ng inheritance bilang mga anak ng Diyos, “so that we…might be to the praise of his glory” (Eph. 1:12); kaya tayo tinatakan ng Espiritu bilang garantiya na tatanggapin natin ang manang ito, “to the praise of his glory” (Eph. 1:14).
Kung ‘yan ang layunin ng Diyos sa pagliligtas niya sa atin, ‘yan din ang layunin ng buong buhay natin, ang layunin ng pagtitipon natin every Sunday kaya pinahahalagahan natin ‘to, ang layunin ng relasyon natin sa asawa, sa mga anak, sa church, sa mga kapitbahay, sa mga unbelievers, sa mga Muslim na hindi pa nakakakilala kay Cristo, sa paggamit natin ng social media, sa paggamit natin ng pera, ng oras, at ng lakas na ipinagkaloob sa atin ng Diyos, ng lahat-lahat sa buhay natin. “Bless the Lord, O my soul, and all that is within me, bless his holy name! Bless the Lord, O my soul, and forget not all his benefits” (Psa. 103:1–2).
Manghang-mangha sa Diyos (by John Piper)
Sign up to get your free pdf
By submitting your email, sumasang-ayon ka na makatanggap ng regular na email communications mula sa Treasuring Christ PH. Pwede kang mag-unsubscribe any time.

