January 20, 2013 | By Derick Parfan | Scripture: Acts 1:1-14
Download
sermon audio
The Story of God’s Church
Maraming tao ang akala nila kapag sinabing “church” ito yung “building.” Kaya kung wala pang building, wala pang church. Akala naman ng iba, ang involvement sa church ay kapag Sunday lang. Kaya kapag Sunday mo lang sila makikita. Akala naman ng iba, makikinig ka lang ng sermon, mabe-bless ka na. Akala ng iba ang involve lang sa missions ay ang mga mature at mga leaders ng church. Akala ng iba growing ang isang church kapag dumadami ang members o busy sila o maraming activities. Akala ng iba puwede silang lumago sa espirituwal na buhay kahit wala silang kinabibilangang church. Pwede namang makinig ng sermon sa radio o sa Internet. Akala ng iba ang buhay Cristiano ay yung tanggapin mo lang si Jesus bilang Tagapagligtas at hintaying mamatay para mapunta sa langit. Akala ng iba okay lang namang hindi maging committed member ng isang church. Kaya kapag may hindi nagustuhan sa church nila o may nakatampuhan, madali namang lumipat sa iba.
Marami tayong mga akala na may kinalaman sa kung ano ba ang church. Ang tanong, “Tama ba ang mga akalang ito?” May kasabihan nga tayo, maraming namamatay sa maling akala. Ganoon din kapag tungkol sa church. Kung mali ang mga akala natin, walang buhay o walang sigla ang buhay natin o ng church natin. Para magkaroon tayo ng tamang pananaw kung ano ang church at ano ang kinalaman natin dito, simula ngayon magkakaroon tayo ng 12 bahaging pag-aaral ng “The Story of God’s Church” na hango sa mga kuwento ng mga unang nangyari sa unang church sa book of Acts. Ang problema kasi hindi alam ng maraming Cristiano kung ano ang bahagi ng Church sa Story of God, at kung ano ang bahagi ng bawat isang Cristiano sa Church. Dalangin ko na ito ang ilan sa mga mangyari pagkatapos ng series na ito:
- Mas tumibay ang pananampalataya natin. Hindi lang kuwento sa Acts ang maririnig natin, kundi ipapakilala ng Dios ang sarili niya kung paano siya gumagawa sa pamamagitan ng church. Titingnan din natin ang ilang may kinalaman sa Statement of Faith natin para maging malinaw sa atin kung bakit ito ang pinaniniwalaan natin.
- Mas maunawaan natin kung ano ang church at ang layunin ng Dios para dito. Kung meron man tayong dapat tularan o meron mang prinsipyong dapat tayong tingnan, hindi ang CCF o VCF o GCF o ang G-12, kundi ang unang church sa book of Acts. Makikita natin kung paano nagliyab ang church na iyon at kumalat sa iba’t ibang dako ng mundo hanggang ngayon.
- Mas tumibay ang commitment natin bilang member ng church na ito. Titingnan natin kung ano ang tungkulin o responsibility na gusto ng Dios na gawin natin bilang member ng church. Kaya babalikan din natin ang pinirmahan nating “church covenant” at kung may kailangan mang baguhin o idagdag, gagawin natin. Kung hindi ka pa member, ang prayer ko ay makita mo ang inam at saya ng pagkakaroon ng commitment sa isang local church. Para bang bumisita ka sa isang bahay tapos napansin mong ang saya-saya ng pamilya nila, sabi mo sa sarili mo, “Gusto ko ganito din!”
- Mas maging mahusay at epektibo tayo sa church formation at church planting. Matututunan din natin ito sa Book of Acts. Kaya dapat pag-usapan natin ang mga kuwentong ito sa small groups, sa K-Group ninyo ngayon, at sa mga nakatapos na ng 12-Week Story of God para matulungan silang maging member ng church o kung nasa ibang lugar makabuo ng panibagong churches.
Sabi ni Thabiti Anyabile: “Whether your Christian life began yesterday or thirty years ago, the Lord’s intent is that you play an active and vital part in his body, the local church. He intends for you to experience the local church as a home more profoundly wonderful and meaningful than any other place on earth. He intends for his churches to be healthy places and for the members of those churches to be healthy as well” (What is a Healthy Church Member?, page 14).
Continuing Acts of Jesus
Ngayon, tingnan na natin ang unang bahagi ng kuwentong ito. At habang pinapakinggan natin, tingnan n’yong mabuti kung sino ang nasa sentro ng kuwentong ito. Kung sino talaga ang bida. Hindi naman ang church. Hindi naman ang mga apostol. Ito kasi ang nagiging problema ng maraming churches ngayon, nawawala tayo sa sentro. Minsan ang nagiging sentro ay ang pastor. Minsan ang mga programa sa church. Minsan ang pera naman. Pero hindi ba’t nagkakaisa tayong ang sentro nito ay ang Panginoong Jesus, wala nang iba! Huwag na tayong humanap pa ng iba. Ito ang isa sa mga burden ni Luke, ang sumulat ng Book of Acts at sumulat din ng Gospel of Luke. “In the first book, O Theophilus, I have dealt with all that Jesus began to do and teach” (Acts 1:1). Ang sinasabi niya, sa Gospel of Luke daw ang isinulat niya ay ang sinimulang gawin at ituro ni Jesus. Ibig sabihin, dito sa Acts, ang sinulat niya ay ang ipinagpapatuloy na gawin ni Jesus, sa buhay ng iglesia noon hanggang sa church natin ngayon. Bahagi naman ito ng pangako niya, “I will build my church” (Matt. 16:18). Sa kanyang iglesia ito, siya ang gagawa dito.
Maraming purposes si Luke bakit niya ito isinulat. Pero isa sa layunin niya ay patunayan sa pamamagitan ng mga kuwentong ito, mga totoong nangyari, kung paanong kahit si Jesus ay hindi na nakikita o pisikal na nakakasama ng iglesia, nagpapatuloy siyang gumagawa at dapat manatiling nasa kanya ang sentro ng buhay ng iglesia. Kaya kung nakikinig tayo ng kuwento, hindi tamang ang tingnan lang natin ay iyong “Acts of the Apostles” kundi “Acts of the Risen and Reigning Christ.”
The Story of Jesus and His Church
Napakahalaga ng unang bahagi ng kuwentong ito para makita natin kung saan ba nagsimula ang church, na ano ang dahilan kung bakit may church. Galing ito sa Luke 22:14-20; 24:46-53; Acts 1:1-14:
Sa huling gabi ni Jesus bago siya patayin, nakasama niya ang labindalawang tagasunod niya sa hapunan. Dumampot siya ng tinapay, nagpasalamat sa Dios, pinagpira-pisaso iyon at sinabi, “Ito ay simbolo ng aking katawan na ibinibigay ko para sa inyo. Gawin ninyo ito para maalala ninyo ang ginawa ko para sa inyo.” Pagkatapos kumain, kinuha niya ang inumin at sinabi, “Ang inuming ito ay simbolo ng bagong kasunduang pinagtibay sa pamamagitan ng aking dugong ibinubuhos para sa inyo. Gawin ninyo ito para alalahanin ang ginawa ko para sa inyo.”
Kinabukasan, ipinako si Jesus sa krus, namatay, inilibing. Sa ikatlong araw, muli siyang nabuhay. Lahat ng ito ay nangyari bilang katuparan ng mga ipinangako ng Dios. Ilang beses din siyang nagpakita sa mga tagasunod niya sa loob ng 40 araw para patunayan sa kanila na muli siyang nabuhay at turuan sila tungkol sa kaharian ng Dios. Sa panahong ito, nag-iwan siya ng mga utos sa kanila.
Isang araw, nakasamang kumain ni Jesus ang kanyang mga tagasunod. Sinabi niya, “Huwag muna kayong umalis sa Jerusalem. Hintayin n’yo ang pagdating ng Espiritu na ipinangako ng Dios Ama. Ito ang sinabi ko na sa inyo noon na kung paanong nagbautismo si Juan sa tubig, ako naman ang magbabautismo sa inyo sa Espiritu.”
Nang magkatipon sila ulit sa may Bundok ng Olibo, tinanong si Jesus ng kanyang mga tagasunod, “Panginoon, ito na po ba ang panahon na ibabalik n’yo ang kaharian ng Israel?” Sumagot si Jesus, “Hindi pinahihintulutan ng Ama na malaman ninyo kung kailan mangyayari ang mga bagay na itinakda niya. Ngunit pagdating ng Banal na Espiritu sa inyo, bibigyan kayo ng kapangyarihan. At ikukuwento ninyo sa iba ang mga bagay tungkol sa akin, mula sa Jerusalem hanggang sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa buong mundo.”
Pagkasabi nito, umakyat na si Jesus pabalik sa langit, natabingan ng mga ulap, at di na nila nakita. Habang nakatingala pa sila, may lumitaw na dalawang anghel at sinabi sa kanila, “Si Jesus ay muling babalik sa mundo kung paano n’yo rin siya nakitang umakyat sa langit.”
Pagkatapos noon, masayang-masayang bumalik ang mga tagasunod ni Jesus sa Jerusalem – gaya ng ibinilin niya sa kanila. Sa loob ng halos isang linggo, palaging nagtitipon sa isang kuwarto ang 120 sa kanila para sumamba at manalangin kay Jesus. Kasama dito ang labing-isang apostol, si Mariang ina ni Jesus pati ang iba pang babaeng tagasunod niya, at ang mga lalaking kapatid niya.
All About Jesus our King
Tungkol kanino ang kuwentong ito? It’s all about Jesus! Mula simula pa nga ng Story of God sa Old Testament, isinulat na ang mga tungkol sa kanya (tingnan ang Luke 24:44), hanggang sa pagtupad niya nito sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. Hanggang pag-akyat niya sa langit hanggang sa pagbabalik niya. The Story of God’s Church is the story of Jesus. He is the gospel, the good news, the good story. “Now I would remind you, brothers, of the gospel I preached to you, which you received, in which you stand, and by which you are being saved, if you hold fast to the word I preached to you—unless you believed in vain. For I delivered to you as of first importance what I also received: that Christ died for our sins in accordance with the Scriptures, that he was buried, that he was raised on the third day in accordance with the Scriptures” (1 Corinthians 15:1-4). Dahil diyan, kaya nakalagay sa Statement of Faith natin tungkol sa pinaniniwalaan natin tungkol kay Jesus: “Ang ating Panginoong si Cristo Jesus ay Diyos at tao sa iisang Persona. Siya lamang ang tanging Tagapamagitan sa Diyos at tao. Isinilang Siya ng isang birhen at nabuhay nang sakdal at walang bahid kasalanan, gumawa ng mga himala at namatay sa krus kapalit natin bilang kabayaran sa ating mga kasalanan. Siya ay nabuhay na mag-uli mula sa mga patay at iniakyat sa langit sa kanan ng Diyos Ama.”
Bago siya umakyat sa langit, Jesus was talking to his disciples about the kingdom. At isang mahalagang bagay na pinatutunayan niya ay ang katotohanan na he is the king of this kingdom. He gives commands all throughout the 40 days. Bago siya mamatay, sabi niya, gawin ang Lord’s Supper para alalahanin siya. Bago siya umakyat sa langit, “Maghintay kayo…” Tapos, “Ikuwento sa iba ang tungkol sa akin.” Ang buhay ng iglesia ay nasa pagsunod sa mga salita ng Panginoon. Kaya nga “tagasunod ni Jesus” ang tawag sa mga Cristiano. Everything in the story of Acts flow from Jesus’ works and words. Nawawala sa sentro ang church kung hindi niya masyadong kilala si Jesus.
Sa narinig nating kuwento, paano ba ipinakilala kung sino si Jesus? At bilang bahagi ng iglesia na binubuo ng mga tagasunod niya, ano dapat ang response natin doon?
Remembering the Redeemer-King
Una, ipinakilala si Jesus dito na Redeemer-King. Ang kamatayan niya ay ayon sa plano ng Dios simula’t simula pa. Ito ay upang tubusin tayong mga makasalanan at maging bahagi ng kanyang kaharian. “Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak, na nagpalaya at nagdulot sa atin ng kapatawaran sa ating mga kasalanan” (Col. 1:13 MBB). Ito ang dahilan bakit tayo nabubuhay. Ito ang dahilan kung bakit nalapit tayong muli sa Dios. Ito ang dahilan kung bakit wala na tayong takot na maparusahan pa. Ito ang dahilan kung bakit tayo ngayon merong church.
“Dati, kayo’y malayo sa Diyos at naging kaaway niya dahil sa inyong paggawa at pag-iisip ng masasama. Ngunit sa pamamagitan ng pagkamatay ni Cristo, kayo ay ginawang kaibigan ng Diyos, nang sa gayon ay maiharap niya kayong banal, walang kapintasan at walang dungis. Subalit kailangan ninyong manatiling tapat at matatag sa inyong pananampalataya at huwag pabayaang mawala ang pag-asang dulot ng Magandang Balita na inyong narinig” (Col. 1:22-23).
Si Jesus ang basehan ng ating pananampalataya. Hindi lang ito usapin para sa mga bagong Cristiano, kahit sa matagal na. Kailangan nating manatiling tapat at matatag sa pananampalataya. “Naligtas kayo sa pamamagitan nito, kung matatag ninyong pinanghahawakan ang salitang ipinangaral ko sa inyo; dahil kung hindi, walang kabuluhan ang inyong pananampalataya” (1 Cor. 15:2).
Paano magiging matibay ang pananampalataya natin kung kinakalimutan natin ang pagiging sapat ng ginawa ni Jesus para sa atin? At paano natin maaalala palagi iyon? Sa pamamagitan ng regular (minsanan isang buwan ginagawa natin dito nang sama-sama; kung pwede rin sa mga small groups ninyo sa bahay-bahay linggu-linggo) na Lord’s Supper. Sa pamamagitan nito, we remember Jesus, the Redeemer-King. Sabi ni Jesus, “Gawin ninyo ito para alalahanin ang mga ginawa ko para sa inyo.” Sabi niya, hindi minsanan lang, kundi palaging gawin, tuluy-tuloy, para hindi makalimutan at sa gayo’y tumibay ang pananampalataya. Hindi lang kapag Lord’s Supper, pero kahit sa mga ordinary daily conversations natin. Sa tingin n’yo ano ang pinag-uusapan ng mga disciples noon? Kahit sa pagtuturo natin ng Salita ng Dios, huwag dapat mawala sa sentro ang krus ni Cristo. Kaya nakalagay sa church covenant natin ang pangakong: “Uugaliin ko ang pagdalo sa pagsamba” at “Uugaliin ko ang pagdalo sa isang Kaagapay Group.” Paano mo nga naman maaalala ang ginawa ni Cristo kung walang iba na nagpapaalala sa iyo?
Proclaiming the Risen King
Ikalawa, ipinakilala sa kuwentong ito na si Jesus ay buhay at mananatiling buhay magpakailanman. Jesus is the Risen King. “Inilibing siya at muling nabuhay sa ikatlong araw, ayon din sa Kasulatan; at siya’y nagpakita kay Pedro, at saka sa Labindalawa. Pagkatapos, nagpakita siya sa mahigit na limandaang kapatid na nagkakatipon” (1 Cor. 15:4-6). Kaya nga 40 araw pa siyang nanatili sa kanila para makita nila, mahawakan, makausap, at mapatunayang buhay ang hari nila. Napakahalaga nito kaya sinabi ni Pablo, “At kung si Cristo’y hindi muling binuhay, walang kabuluhan ang aming pangangaral at walang katuturan ang inyong pananampalataya…At kung hindi muling binuhay si Cristo, kayo’y hindi pa nalilinis sa inyong mga kasalanan at walang katuturan ang inyong pananampalataya” (15:14, 17). Pero totoong nabuhay si Jesus! May kabuluhan ang pag-asa natin, ang pananampalataya natin, ang pangangaral natin. May kabuluhan ang church natin! Pinatawad na tayo sa ating kasalanan. Meron na tayong bagong buhay at may pag-asa na may buhay na walang hanggan.
Kung buhay ang Panginoon natin, ano ngayon ang response natin bilang isang church? We proclaim Jesus, the Risen King. Ano ang sabi ni Jesus? “You shall be my witnesses…” (Acts 1:8). Hindi lang ito ipamamalita nila ang kamatayan ni Jesus. Noong panahong iyon, alam ng mga tao iyon. Pero ang maraming hindi nakakaalam at hirap paniwalaan ng marami ay ang muli niyang pagkabuhay. Kaya kung ano ang nakita nila, iyon din ang ikukuwento nila sa iba. Sasabihin nila sa ibang tao, “Buhay si Jesus!” Ito rin ang sasabihin natin sa ibang tao. Lahat tayong naniniwala na siya’y muling nabuhay. Lahat tayong nararanasan ang bagong buhay na dulot ng gawa ni Jesus sa atin. Lahat tayo ay sasanaying ikuwento sa iba ang Story of God. Iyan din naman ang unang pangako natin sa church covenant natin: “Mag-aakay ako ng mga tao kay Cristo bilang kanilang Panginoon at Tagapagligtas sa pamamagitan ng aking mabuting halimbawa at pagsaksi.”
Worshipping the Reigning King
Ikatlo, Jesus is the reigning King. Namatay si Jesus para sa atin. Sa ikatlong araw, nabuhay siyang muli. Pagkatapos ng 40 araw, umakyat siya sa langit. Anong ginagawa niya doon? Sabi ni Pedro sa sermon niya sa chapter 2, “Pinaupo siya sa kanan ng Dios” (2:33). Ibig sabihin, naghahari siya bilang Panginoon. Hindi pa lubos ang paghahari niya, pero sa lahat ng kumikilala sa kanya bilang Panginoon, nakaluklok na siya sa trono ng buhay nila. Ibig sabihin, he is the head of the church (Col. 2:18). Dahil siya ang ulo, siya ang masusunod. Kaya nang umakyat si Jesus sa langit, nakatingala sila. Sa kanyang pagbabalik, nakatingala pa rin sila. Sa pagitan ng kanyang pag-akyat sa langit at pagbabalik, nakatingala pa rin.
Iyon din ang dapat nating gawin in response. “At dahil dito, siya’y lubusang itinaas ng Diyos, at ibinigay sa kanya ang pangalang higit sa lahat ng pangalan. Sa gayon, sa pangalan ni Jesus ay luluhod at magpupuri ang lahat ng nasa langit, nasa lupa, at nasa ilalim ng lupa. At para sa ikaluluwalhati ng Diyos Ama, ang lahat ay magpapahayag na si Jesu-Cristo ang Panginoon” (Phil. 2:9-11). We worship the reigning King. Ganoon naman ang ginawa ng mga tagasunod niya nang makita siyang buhay. “Nang makita nila si Jesus, siya’y sinamba nila” (Matt. 28:17). “Siya’y sinamba nila at pagkatapos ay masayang-masaya silang bumalik sa Jerusalem” (Luke 24:52). Sa Acts 1:14, ano ang ginagawa nila? Di ba’t nananalangin? Sino ang kausap nila? Hindi ba’t si Jesus na nakaluklok sa trono ng Dios at namamagitan para sa kanila?
Sino ang isang babaeng binanggit doon na karaniwang kinakausap ng maraming Pilipino kapag nananalangin sila? Si Maria! Bakit sino ba si Maria? Dito nga siya huling nabanggit sa Bibliya. Wala nang ibang talata sa Bibliya na nabanggit siya. Wala na siya sa eksena. Pero si Jesus nananatili sa eksena. Siya ang nasa sentro. Hindi si Maria. Si Jesus ang tulay sa Dios. Di na natin kailangan pa ng ibang tulay (o tulay para makarating sa tulay). Si Maria nga nananalangin kay Jesus, sumasamba kay Jesus, sumusunod kay Jesus. Jesus is the King of his Church. Walang Queen. Walang Mother. Siya lang ang dapat sambahin. The church, the true church worships only one Man (who is also God), Jesus Christ! So, pray to Jesus. Sing to Jesus. Offer gifts to Jesus. Do everything in the name of Jesus.
Anticipating the Returning King
Ikaapat, Jesus is the returning King. Pag-akyat ni Jesus sa langit, habang nakatingala pa sila, may lumitaw na dalawang anghel at sinabi sa kanila na babalik si Jesus sa katulad na paraan din ng kanyang pag-alis. Ibig sabihin, glorious. Ibig sabihin, visible. Ibig sabihin, reigning in power. Ibig sabihin, bodily din kasi nanatili siyang tao na may katawan nang siya’y bumalik sa langit. Siguradong babalik siya. Sabi sa Statement of Faith natin tungkol sa Pagbabalik ni Jesus: “Ang ating Panginoong Hesu-Kristo ay personal na babalik, makikita natin ang Kanyang kapangyarihan at maluwalhating pagbabalik at Siya ay maghahari sa sanlibutan.” Pag-uusapan pa natin iyan sa Part 12 ng series natin.
Kung babalik siya, ano ang dapat gawin ng church? Sabi ni Jesus sa kanila, maghintay sila sa Jerusalem para sa pagdating ng pangako ng Ama. Ang tinutukoy niya ay ang bautismo sa Espiritu Santo na pag-uusapan natin sa susunod. Pero ang gusto kong ipakita sa atin ay iyon bang kapag may pinangakong darating ang Panginoon, inaabangan, hinihintay, pinananabikan. Hindi iyong parang nasa airport ka at naiiinip na naghihintay ng flight mo. Kundi iyon bang may sasalubungin kang parating at sabik na sabik ang puso mong makita ang inaabangan mong darating. We anticipate Jesus, our Returning King. “Doon (sa langit) magmumula ang Tagapagligtas na hinihintay natin nang may pananabik, ang Panginoong Jesu-Cristo” (Phil. 3:20; tingnan din ang 1 Thes. 1:10). Nang itinuro ni Jesus ang tungkol sa kanyang kaharian, sabik ang mga tagasunod niya. Nagtanong pa nga, “Ngayon na ba iyon?” Bagamat sinabi ni Jesus na hindi para sa kanila malaman kung kelan, kung sabik silang dumating iyon, tatapusin nila ang misyong bigay sa kanila na ipangaral ang mabuting balita hanggang sa lahat ng bansa (Matt. 24:14; 28:19; Luke 24:47). Pagbalik sa Jerusalem, ano ang ginawa nila? Hindi ba’t nanalangin? Ano kaya ang mga panalangin nila? Tungkol sa trabaho nila o sa business o sa tuition fee o sa sakit? Hindi kaya’t tungkol sa pagdating ng Espiritu, tungkol sa muling pagbabalik ni Jesus, tungkol sa kaharian ng Dios! “Our Father in heaven, hallowed be your name, your kingdom come, your will be done on earth as it is in heaven” (Matt. 6:9-10). Iyan ang panalanging turo ni Jesus. Iyon malamang ang ginawa nila at dapat din nating gawin hanggang ngayon kung nasasabik talaga tayo sa pagbabalik niya. At kaya din tayo nag-cecelebrate ng Lord’s Supper dahil sabik tayong bumalik siya at personal, mukhaan, pisikal natin siyang makakasalong kumain. “For as often as you eat this bread and drink the cup, you proclaim the Lord’s death until he comes (1 Corinthians 11:26).
The Jesus-Centered Church
Jesus. This church is all about Jesus – the Redeemer-King, the Risen King, the Reigning King, the Returning King. Ang dalangin ko sa Baliwag Bible Christian Church ay maging Jesus-Centered Church. It would be helpful for us if we will ask ourselves these three questions to help us evaluate if we are being a Jesus-centered church:
- Ang ginagawa ba natin ay dahil sa natapos nang ginawa ni Jesus sa krus at sa kanyang muling pagkabuhay – na sapat na ang kanyang ginawa para sa atin at hindi na natin dapat dagdagan pa? O ginagawa natin ito na nag-aakalang sa pamamagitan nito ay makukuha natin o madaragdagan ang pagpapala ng Dios sa atin?
- Ang ginagawa ba natin ay bilang pagkilala at pagsunod kay Jesus na ngayon ay naghahari mula sa langit? O ang ginagawa natin ay pagsunod na nakalakihan lang natin na tradisyon o bilang paggaya sa ginagawa ng ibang churches?
- Ang ginagawa ba natin ay nagpapakita na nasasabik tayo sa muling pagbabalik ng Panginoong Jesus at ipinapakita natin sa mga tao kung ano ang klase ng buhay sa ilalim ng kanyang paghahari?
Marami pang bagay tayong pag-uusapan tungkol sa church. Marami pang dapat baguhin. May mga bagay na dapat tanggalin. May mga bagay na dapat idagdag. May mga programang dapat gawin. May mga ministries na dapat pag-igihan. Pero lahat iyan ay secondary lang. Ang primary, ang sentro, ay ang karangalan ng Panginoong Jesus. Huwag na huwag ninyong ipagpapalit ang Panginoong Jesus. Huwag ninyo siyang tatanggalin sa sentro ng iglesiang ito. Wala nang ibang pwedeng ipalit sa kanya. Nakikiusap ako nang ganito kasi ang nararamdaman ko ay tulad ng kay Pablo, “Ang pagmamalasakit ko sa inyo ay katulad ng pagmamalasakit ng Diyos. Ang katulad ninyo ay isang malinis na dalagang ipinakipagtipan ko sa isang lalaki, walang iba kundi si Cristo. Ngunit nag-aalala akong baka malason ang inyong isipan at mailayo kayo sa tapat at dalisay na pananampalataya kay Cristo, tulad ni Eva na nalinlang ng ahas” (2 Cor. 11:2-3). May this church have “a sincere and pure devotion to Christ.”
“He is the image of the invisible God, the firstborn of all creation. For by him all things were created, in heaven and on earth, visible and invisible, whether thrones or dominions or rulers or authorities—all things (the church included!) were created through him and for him. And he is before all things, and in him all things hold together. And he is the head of the body, the church. He is the beginning, the firstborn from the dead, that in everything he might be preeminent. For in him all the fullness of God was pleased to dwell, and through him to reconcile to himself all things, whether on earth or in heaven, making peace by the blood of his cross” (Colossians 1:15-20).
1 Comment