Man Rebels Against God

Preached by Derick Parfan on Jan. 8, 2012 at Baliwag Bible Christian Church

Flood, Murder, and Rebellion

Last week, nakita nating ang laki at ang ganda ng lahat ng nilikha ng Dios – at ang pinakamaganda sa lahat ay ang tao na nilikha niya ayon sa kanyang larawan. Sa kabuuan ng kuwento nakita natin na (4Gs): God is good, gracious, great and glorious. Dahil nilikha niya ang tao ayon sa kanyang larawan, ang misyon na binigay niya kay Adan at Eba ay (4Rs): Reflect his image; Reproduce his image; Reign over his creation; Receive God’s grace. Ganito ang buhay nina Adan at Eba noon. Kasama nila ang Dios at sinasamba. Lahat ng kailangan nila, ibinibigay ng Dios. Everything is perfect. Wala na silang hahanapin pa. But what happened with God’s good creation? Bakit di na ganito ngayon? Bakit di kinikilala ang Dios na Hari ng lahat? Bakit iba na ang misyon o pangarap ng mga tao ngayon?

Oo, lahat sa atin gusto nating maging maganda ang kuwento ng buhay natin. Pero alam nating hindi lahat ng bahagi ng buhay natin maganda ang nangyayari. Kung isa kayo sa mga nilubog ang bahay sa Mindanao dahil sa bagyong Sendong, masasabi niyo bang maganda iyon? Bakit may mga tao na kinakalbo ang bundok na naging dahilan tuloy ng pagbaha? Nitong linggo lang napanood ng marami sa atin ang nangyari sa Tondo, kung saan pinatay ng isang lalaki ang kanyang asawa, hipag, at biyenan dahil sa away tungkol sa pulutan. At sa buhay natin sa araw-araw? Di nga tayo binaha o nawalan ng bahay, o nakapatay o namatayan, pero kung titingnan natin ang relasyon natin sa asawa natin bakit palaging nag-aaway o kaya naman ay di nagpapansinan? Bakit mga magkapatid nag-aaway-away sa pera at sa mana? Bakit may mga taong nanloloko sa negosyo? Bakit lumalaki ang mga bata na rebelde sa magulang? Bakit tayong lahat ay makasalanan?

Makikita natin ang sagot sa sumunod na bahagi ng Kuwento ng Dios – sa unang pagrerebelde nina Adan at Eba, na kumalat sa kanilang mga anak na sina Cain at Abel, na kumalat sa marami pang salinlahi na naging dahilan ng pinakamalaki at pinakamapanirang baha sa kasaysayan ng tao, na kumakalat hanggang sa panahon pa rin natin ngayon…

The Start of Rebellion – Satan, Adam and Eve

Ang kuwentong ito ay galing sa Genesis 3. Habang inilalagay ng Dios ang pundasyon ng mundo, nanonood ang mga anghel – hangang-hanga sa ginagawa niya, kumakanta, at humihiyaw sa tuwa (Job 38:6-7)! Nilikha niya ang magagandang anghel na ito para sambahin niya. Pero ang ilan sa mga ito ay nagrebelde sa Dios at sa kanyang paghahari. Anumang pagrerebelde sa Dios – sa isip, sa salita, at sa gawa – ay tinatawag na kasalanan. Dahil di hahayaan ng Dios na manatili ang kasalanan sa kanyang presensiya itinapon niya ang mga rebeldeng anghel sa kadiliman sa mundo, at darating ang araw na haharapin nila ang tiyak na parusa ng Dios.

Isang araw, ang pinakapuno sa mga anghel na ito na si Satanas ay nag-anyong ahas at lumapit kay Eba. Tinanong niya ang babae, “Totoo bang pinagbawalan kayo ng Dios na kumain ng bunga ng alin mang puno sa halamanan?” Sumagot si Eba, “Hindi, puwede naman naming kainin lahat puwera lang dun sa Puno na Nagbibigay-Kaalaman ng Mabuti at Masama. Sinabi ng Dios na kapag kinain namin iyon, o hinawakan man lang, tiyak na mamamatay kami.” Sabi ng ahas sa kanya, “Hindi totoong mamamatay kayo! Sinabi iyan ng Dios dahil alam niya na kapag kumain kayo ng bungang iyon, mabubuksan ang mga isip ninyo, at magiging katulad niya kayo na nakakaalam kung ano ang mabuti at masama.”

Nang makita ni Eba na maganda at mukhang masarap ang prutas na iyon, at dahil gusto niyang maging marunong, pumitas siya at kumain. Binigyan din niya ang asawa niya, na katabi niya, at kumain din si Adan! Pinili nilang di maniwala sa Dios kundi sa kasinungalingan.

Maganda ang nilikha ng Dios. Pero pumasok ang kasalanan. Di galing sa Dios, kundi kagagawan ng mga nagrebeldeng anghel at mga tao. Dito sa unang eksena, makikita natin kung ano ang kasalanan, at kung paano nahuhulog sa kasalanan ang tao. Alam nating lahat na ang kasalanan ay pagsuway sa Dios – anumang iniisip natin, o damdamin, o ginagawang pagrerebelde sa Dios. Kapag di ginawa ang nais niyang gawin natin, o ginawa ang ayaw niyang gawin natin. Pero bakit nga ba tayo sumusuway sa Dios?

We sin when we believe a lie about God. God is good, pero pinili nilang paniwalaang may ipinagkakait ang Dios sa kanila. God is glorious, pero pinili nilang paniwalaang may mas makapagbibigay pa sa kanila ng kasiyahan kaysa sa Dios. Pinili nilang paniwalaang nagsisinungaling ang Dios sa kanila. Nagkakasala tayo kung di tayo naniniwalang dakila ang kapangyarihan at kabutihan ng Dios sa buhay natin. Kapag pinagdududahan natin ang salita niya.

We sin when we turning a good thing into a god-thing. Sabi ni Mark Driscoll, When you turn a good thing into a god-thing then it becomes a bad thing. Idolatry ang tawag dun. Pagsamba sa isang bagay na di naman dios. Di naman masamang kumain…pero kumain sila ng prutas na ipinagbawal ng Dios at pinahalagahan ang prutas na iyon ng higit sa Dios. Di naman masamang maging marunong…pero ginusto nilang maging marunong nang hiwalay sa Dios. Ano ang isang magandang bagay na bigay sa atin ng Dios na ginagawa nating Dios?

We sin when we desire to be God. We are to desire God, and not to desire to be God. Pinili nilang maging nasa posisyon na parang Dios, na kontrolado ang lahat sa buhay nila. Pero only God is God. He is in control. Ganoon din tayo kapag ginugusto nating kontrolin ang lahat ng bagay sa buhay natin na para bang tayo na ang Dios.

Ano ngayon ang consequences ng pagrerebelde natin sa Dios?

The Consequences of Rebellion

Noon din ay nabuksan ang kanilang isip at nalaman nilang hubad sila kaya’t nahiya sila at natakot. Kumuha sila ng mga dahon at pinagtagpi-tagpi para pantakip sa kanilang katawan.

Pagdating ng hapon, narinig nila ang Dios na dumarating, kaya nagtago sila sa likod ng puno. Tinawag ng Dios si Adan, “Nasaan ka?” Sumagot si Adan, “Narinig ko po kayong dumarating, kaya nagtago ako. Natatakot po ako dahil hubad ako.” Sumagot ang Dios, ”Sino ang nagsabi sa iyo na hubad ka? Kumain ka ba ng bunga ng punongkahoy na sinabi ko sa iyo na huwag ninyong kakainin?” Sinisi ni Adan ang asawa niya at ang Dios, “Ang babae po kasi na ibinigay n’yo sa akin ay binigyan ako ng bunga ng punongkahoy na iyon at kinain ko.” “Bakit mo ginawa iyon?”, tanong ng Dios kay Eba. Sinisi naman ni Eba ang ahas, “Nilinlang po kasi ako ng ahas, kaya kumain po ako.”

Kaya sinabi ng Dios sa ahas, “Dahil sa ginawa mong ito, sa buong buhay mo’y gagapang ka sa pamamagitan ng iyong tiyan at ang bibig mo ay palaging makakakain ng alikabok. Ikaw at ang babae ay mag-aaway. Ang lahi mo at ang lahi niya ay mag-aaway din. Dudurugin niya ang ulo mo at tutuklawin mo ang sakong niya.”

Nalungkot ang Dios sa ginawang pagsuway ng tao, pero di niya puwedeng palampasin lang iyon. Lahat ng ginagawa ng Dios ay mabuti, tama at perpekto – dahil makatarungan siya dapat lang na parusahan ang kanilang pagrerebelde sa kanya. Kaya pinarusahan sila ng Dios at pinalayas sa hardin – malayo na sa naranasan nilang pangangalaga at pag-iingat ng Dios. Dahil di na sila nagpasakop sa Dios, pumasok ang sakit, hirap, sirang relasyon at kamatayan sa buhay ng tao. Sa kabila noon, patuloy pa ring ipinakita ng Dios ang kanyang pag-ibig kina Adan at Eba – tumahi pa nga siya ng damit para sa kanila na mula sa balat ng hayop na pinatay niya. Ginawa niya para sa kanila, para matakpan ang kanilang kahihiyan.

Dahil sa kasalanan, nasira na ang relasyon ng tao sa Dios. Pinalayas na sila sa hardin at wala na sa proteksiyon at pangangalaga ng Dios tulad dati. Sirang relasyon sa isa’t isa, nagsisisihan na.  Sirang relasyon sa iba pang nilikha ng Dios. Pumasok din ang kahihiyan sa tao, ang takot, ang sakit, ang hirap sa pagtatrabaho, at higit sa lahat – ang kamatayan. Wala na sila sa “buhay” kundi nasa “kamatayan” na – hiwalay sa Dios. Kitang-kita ang epektong ito ng kasalanan sa buhay ng pamilya nina Adan at Eba, na minana rin ng kanilang mga anak na sina Cain at Abel.

The Spread of Rebellion – Cain and Abel

Ang kuwentong ito ay galing sa Genesis 4. Pagkatapos palayasin ng Dios, nagkaroon ng dalawang anak na lalaki sina Adan at Eba, na ang pangalan ay Cain at Abel. Si Cain ay naging magsasaka at si Abel naman ay nag-aalaga ng hayop. Nang umani na si Cain, naghandog siya sa Dios ng galing sa kanyang ani. Si Abel naman ay nagdala ng pinakamaganda sa kanyang mga alagang hayop. Tinanggap at natuwa ang Dios sa handog ni Abel, ngunit kay Cain ay hindi. Dahil dito nagalit si Cain.

“Ano ba ang ikinagagalit mo?” tanong ng Dios sa kanya. “Bakit ka nakasimangot? Tatanggapin ko ang handog mo kung tama sana ang puso mo sa paghahandog. Pero mag-ingat ka! Ang kasalanan ay maghahari sa iyo. Sapagkat ang kasalanan ay katulad ng mabagsik na hayop na nagbabantay sa iyo para tuklawin ka. Kaya kailangang talunin mo ito.”

Di nakinig sa Dios si Cain. Naghari sa kanya ang inggit at galit kaya pinatay niya si Abel. “Nasaan ang kapatid mo?” tanong ng Dios. Sumagot si Cain, “Ewan ko. Bakit, ako ba ang tagapagbantay niya?” Sabi ng Dios, “Dahil sa ginawa mo, isusumpa ka. Kahit magtanim ka pa, ang lupa ay hindi na magbibigay sa iyo ng ani. At wala kang pirmihang matitirhan, kaya magpapagala-gala ka kahit saan.”

Sabi ni Cain, “Napakabigat ng parusang ito. Itinaboy ninyo ako ngayon sa lupaing ito at sa inyong harapan. Kung may makakakita sa akin, tiyak na papatayin ako.” Sumagot ang Dios, “Hindi! Ang sinumang papatay sa iyo ay gagantihan ko ng pitong beses.” Kaya nilagyan ng marka ng Panginoon si Cain para hindi siya mapatay. Pagkatapos, lumayo si Cain sa Panginoon at doon tumira sa bandang silangan ng hardin.

Judgment and Grace

Kitang-kita dito ang mga ebidensiya na God is great in holiness and judgment. Di niya hahayaan ang kasalanan sa presensiya niya. Kaya tinapon niya ang mga anghel palabas ng langit, sina Adan at Eba palabas ng hardin, si Cain palayo sa presensiya niya. Hindi hinayaan ng Dios na maabot nila ang “Tree of Life” – wala na silang buhay na walang hanggan. Pero God is gracious in his promise and patience. May pinangako siyang manggagaling kay Eba ang Isang dudurog sa ahas at babaligtad sa sumpa ng kasalanan. Binihisan pa sila ng Dios. Pinaalalahan pa niya si Cain at nilagyan ng marka kahit na he is deserving of death.

The Spread of Rebellion – Noah and the Flood

Ang kabanalang ito ng Dios at ang kanyang habag ay makikita rin sa Genesis 6-9. Hindi nagtagal, dumami nang dumami ang mga tao sa mundo. Sa pagdami ng tao, kumalat din ang kasalanan hindi lang mula kina Adan at Eba tungo sa kanilang mga anak, kundi sa bawat salinlahi. Kahit na ang tao’y nilikha sa larawan ng Dios, pinili nilang sumuway sa Dios. Naging marahas sila sa isa’t isa. Nang makita ng Panginoon na ang ginagawa ng mga tao sa mundo ay puro kasamaan lang, at ang palagi nilang iniisip ay masama, nanghinayang siya kung bakit ginawa pa niya ang tao sa mundo. Labis ang kalungkutan niya, kaya sinabi niya, “Lilipulin ko ang lahat ng taong nilikha ko sa buong lupain. At lilipulin ko rin ang lahat ng hayop sa lupa dahil nanghihinayang ako sa paglikha sa kanila.” Pero may isang tao na nakapagbigay-lugod sa Panginoon, siya ay si Noe. May malapit siyang relasyon sa Dios at siya lang ang namumuhay na matuwid noon.

Kaya sabi niya kay Noe, “Lilipulin ko ang lahat ng tao. Pababahain ko ang mundo para malipol ang lahat ng nabubuhay. Mamamatay ang lahat ng nasa mundo. Pero may plano ako para maligtas ka at ang pamilya mo. Pangako ko ito sa iyo.” At sinabihan siya ng Dios na gumawa ng isang barko – kung gaano ito kalaki at kung ano ang itsura nito. “Gumawa ka ng isang barko na may mga kuwarto para sa iyo at para sa mga hayop na ililigtas ko. Magdala ka ng pitong pares ng mga hayop na ihahandog n’yo sa akin at tig-isang pares ng iba pang hayop. Magdala ka ng sapat na pagkain para sa pamilya mo at sa mga hayop.”

Sinunod ni Noe ang lahat ng iniutos ng Dios sa kanya. At tulad ng sinabi ng Dios – dumating ang malaking baha – naglabasan ang mga tubig mula sa lupa at bumuhos ang malakas na ulan. Nang dumating na ang tubig, pumasok na si Noe at ang kanyang pamilya sa barko. Sa pagbuhos ng malakas na ulan, tumaas nang tumaas ang baha hanggang nalubog ang pinakamataas na bundok, at lahat ng tao at lahat ng nabubuhay sa mundo ay nalunod at namatay; maliban lang doon sa mga nasa loob ng barko.

Tumigil ang ulan pagkatapos ng 40 araw, at pagkatapos ng halos isang tao nang magsimulang umulan, humupa na ang baha, at lumabas na sa barko si Noe at ang kanyang pamilya, pati mga hayop. Paglabas ng barko, gumawa si Noe ng altar para sa Panginoon, pumili ng mga malilinis na hayop para ihandog, at sinunog niya ito sa altar bilang handog sa Panginoon, bilang pasasalamat at pagsamba sa kanya. Natuwa ang Dios sa handog ni Noe at sinabi, “Hindi ko na muling susumpain ang lupa dahil sa ginawa ng tao, kahit alam kong makasalanan ang tao mula nang bata pa siya.” Pinagpala ng Dios si Noe at ang kanyang mga anak, at sinabing sila’y magpakarami, mag-anak nang marami at muling punuin ang mundo ng mga tao.

Sinabi ng Dios kay Noe at sa mga anak niya, “Kayo ang maghahari sa lahat ng mga hayop. Puwede n’yo silang kainin, ‘wag lang ang mga hayop na hindi pa lumalabas ang dugo, dahil ang dugo ay simbolo ng buhay. Sisingilin ko ang sinumang papatay sa kanyang kapwa. Sapagkat ang tao ay ginawa ng Dios na kawangis niya.” At dugtong pa niya, “Bilang palatandaan ng kasunduan ko sa inyo at sa mga hayop, maglalagay ako ng bahaghari sa ulap. Tuwing lilitaw ang bahaghari sa mga ulap, aalalahanin ko agad ang walang hanggang kasunduan ko sa lahat ng uri ng nilikha na nabubuhay sa mundo.”

Judgment and Grace

God is great in holiness and judgment. Kung hindi pa ninyo nakita ito sa mga nakaraang kuwento, dito obvious na. Dahil sa laki ng kasalanan ng tao sa Dios, pinarusahan niya sa pamamagitan ng baha. Dakila ang kapangyarihan niya sa paglikha, dakila din sa pagpuksa. Siya ang nagbigay ng buhay natin, sa kanya tayo magsusulit. Lahat tayo ay deserving of death. Pero God is gracious in patience and promise. Di naman namatay agad ang tao, binigyan pa nga niya ng mahabang buhay. Mas maraming taon na pagtitiisan ng Dios ang rebelyon ng tao. Di naman siya nagpabaha agad, nagbigay muna siya ng warning para may pagkakataong magsisi ang mga tao. Di naman niya pinatay lahat, pinili niya si Noe at ang kanyang pamilya para iligtas. Gusto niyang magsimula ulit. Nangako siya kay Noe, at ipinakita ang bahaghari bilang katibayan ng pangako niya. Ang baha na dulot ng Sendong ay patunay ng pangako niya, na hindi niya na lilipulin ang lahat, kundi ililigtas ang marami.

We are Rebels in Need of God’s Grace

Ano ngayon ang tugon na nais ng Dios na gawin natin? Recognize that you are a rebel. Tulad din tayo ng ating unang mga magulang na sina Adan at Eba, di naniwala sa kabutihan ng Dios, na tinangkang magmarunong nang hiwalay sa Dios. Tulad din tayo ni Cain, naiinggit sa ibang tao, nagagalit at kung di lang tayo makukulong ay papatay tayo dahil sa galit. Tulad din tayo ng mga tao sa panahon ni Noe, na ang iniisip lang natin ay sarili natin, malayo ang Dios sa mga pangarap natin sa buhay. Ang unang hakbang na gusto ng Dios ay aminin natin na tayo’y mga makasalanan. Minsan nagshare ako ng gospel, tinanong ko siya kung siya ba ay rebelde sa Dios, sabi niya hindi raw. Pero lahat naman tayo rebelde sa Dios. Kung ikukumpara natin sa ibang tao, baka hindi. Pero kung ikukumpara natin sa standard ng Dios, bagsak tayo lahat.

Repent of your rebellion. Huwag na tayong magtago tulad ng ginawa nina Adan at Eba. Huwag na nating ikaila tulad ng ginawa ni Cain. Huwag na tayong magmatigas pa tulad ng sa panahon ni Noe na binalewala ang warning ng Dios. Ano ba ang kaibahan ni Noe? Wala ba siyang kasalanan. Meron din. Pero inaamin niya, di niya sinisisi sa iba, at naghahandog siya sa Dios bilang pagkilala na siya’y makasalanan at lumalapit sa Dios.

Receive God’s grace of forgiveness. Remember the last in the 4R? Huwag na nating pagtakpan ng mga “handog” nating panlabas lang tulad ng ginawa ni Cain. Huwag na nating pagtakpan yung kahihiyan at mga pagkukulang natin sa pamamagitan ng sarili nating efforts, tulad ng ginawa ni Adan at Eba. Tanggapin natin ang pantakip na ibinigay din ng Dios nang pumatay siya ng hayop para gawing damit nina Adan at Eba ang balat nito. Ang pamilya ni Noe, sa tingin niyo bakit sila naligtas? Dahil ba sa paggawa nila ng mabuti? Di ba’t kasama din sila sa mga makasalanan? Dahil ba damay lang sila kasi pamilya sila ni Noe? Hindi. Dahil sa biyaya ng Dios at tinanggap nila yun. Pumasok sila sa barko, naniwala sila sa warning ng Dios at sa pangako niyang ililigtas sila sa baha.

At tayo? Paano ba tayo maliligtas, at makakalaya sa kamandag ng kasalanan, at magkakaroon ng buhay sa halip na kamatayan? Naalala niyo ang sabi ng Dios sa ahas? “Dahil sa ginawa mong ito, sa buong buhay mo’y gagapang ka sa pamamagitan ng iyong tiyan at ang bibig mo ay palaging makakakain ng alikabok. Ikaw at ang babae ay mag-aaway. Ang lahi mo at ang lahi niya ay mag-aaway din. Dudurugin niya ang ulo mo at tutuklawin mo ang sakong niya.” Sino ba iyang anak ng babae na ipinangako ng Dios? Walang iba kundi ang Panginoong Jesus. Sa kanya lang, kung tatanggapin natin ang biyaya ng Dios, magkakaroon tayo ng buhay at mababalik sa orihinal na intensiyon ng Dios sa buhay ng tao.

Like in Noah’s time, God wants a new beginning – so that people can once again reflect and reproduce God’s image, and reign over his creation. There’s a rainbow after the rain. I hope and pray na habang nakikibahagi tayo sa Kuwento ng Dios, gusto niyang magkaroon tayo ng panibagong simula – bagong buhay. At sa atin na may bagong buhay niya, gusto niyang ipagpatuloy natin – na alalahanin ang pinagmulan natin, kilalaning tayo’y mga dating rebelde, na patuloy na tumatalikod sa ating mga kasalanan at tumatanggap ng biyaya ng Dios.

1 Comment

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.