God Turns Bad Things into Good

Preached by Derick Parfan on Jan. 22, 2012 at Baliwag Bible Christian Church

Magandang lahat ng nilikha ng Dios. Lalo na ang tao na ginawa niya ayon sa kanyang larawan – para maging salamin ng kadakilaan at kabutihan ng Dios, para magbigay karangalan sa kanya. Maganda noong una…pero hindi na ngayon. Ang dahilan? Nagrebelde ang tao sa Dios, di nakinig sa kanya. Kaya nahiwalay tayo sa Dios at sa magandang layunin niya sa buhay natin. Pero di pa tapos ang lahat. Nangako ang Dios kay Abraham na pagpapalain niya ang buong mundo sa pamamagitan niya. Pero bago iyon, si Abraham muna ang pagpapalain – magkakaroon siya ng pamilya at mga anak, na pagmumulan ng isang bansa. Siya at ang bansang manggagaling sa kanya ay bibigyan ng Dios ng lupang matitirhan – ang Canaan, ang Lupang Pangako. At dahil ang Dios ang nangako, hindi napapako. Nagkaroon ng anak si Abraham sa asawa niyang si Sarah kahit matanda na sila. Ang pangalan ay Isaac, na ang naging anak naman ay si Jacob na pinalitan ng Dios ang pangalan at ginawang Israel. Tumutupad ang Dios sa pangako niya, mapagkakatiwalaan siya, kaya di tayo dapat magduda at di dapat matakot na sumunod sa kanya. Kasi nangako siyang sasamahan tayo at iingatan.

Kapag nangako ba ang Dios na pagpapalain tayo siguradong matutupad? Kung magtitiwala at susunod tayo, masasabi siguro nating “Oo.” Maraming tao, kahit mga Cristiano na, naniniwala sa karma – gumawa ka ng mabuti, mabuti ang darating sa iyo; gumawa ka ng masama, masama din ang darating sa iyo. As a general principle, puwedeng totoo. Kung anong itinanim iyon din ang aanihin. Pero alam naman nating hindi ganyan sa lahat ng pagkakataon. Kaya, paano kung nagtitiwala naman tayo sa kanya, tapos sinisikap nating sumunod sa mga utos niya, tapos di naman natin nararanasan ang pagpapala… tapos sa halip na maganda ang mangyari sa buhay natin, napapasama pa. Noong naging Cristiano tayo at naging tapat sa pagbibigay saka pa nalugi ang negosyo…Nang subukan mong kausapin ang isang kapamilya mo para magkabati na kayo, ikaw pa ang napasama…Nang naging Cristiano ka at nagtiwala sa kapwa mo Cristiano, pero niloko ka pa pagdating sa pera…Ang sariling pamilya mo, sila pa ang nagtraydor sa iyo…nasaan ang pagpapala ng Dios doon? Kala ko ba nangako ang Dios…pero parang nahahadlangan siya ng mga masasamang gawa ng tao laban sa akin?

Masasagot ang mga tanong na ito sa buhay ni Jose, isa sa mga anak ni Jacob. Makikita ang kuwentong ito sa Genesis 37, 39-50.

The Story of Joseph

Si Jacob (na ngayo’y Israel na ang pangalan) at kasama ang kanyang 12 anak na lalaki ay nakatira na ngayon sa Canaan, sa Lupang Pangako. Sa kanyang mga anak, pinaka-paborito niya si Jose, kaya’t ginawan niya siya ng maganda at mahabang damit. Labimpitong taon siya noong tinutulungan niya ang mga kapatid niyang mag-alaga ng hayop at isinusumbong naman niya ang mga maling ginagawa nila.

Dahil doon, at dahil paborito si Jose ng tatay nila, naiinggit at galit sa kanya ang mga kapatid niya. Mas nagalit pa sila nang ikuwento niya ang panaginip niya kung saan nakita niyang darating ang araw na lahat sila ay yuyuko sa kanya! Nagalit sila, “Ano? Magiging hari ka at mangunguna sa amin?”

Isang araw, pinapunta ni Israel si Jose sa kanyang mga kapatid para tingnan kung maayos ang kalagayan ng mga kapatid niyang nagbabantay ng mga hayop. Nang makita nila si Jose, nagbalak silang patayin siya, “Narito na ang ambisyoso. Patayin natin siya, at ihulog sa balon. Tingnan nga natin kung magkatotoo pa ang panaginip niya.” Pero napagkasunduan na lang nilang ibenta si Jose sa mga mangangalakal na Ishmaelitang dumaraan at papunta Egipto.

Pinunit nila ang kanyang damit na bigay ng kanyang ama, isinawsaw sa dugo ng kambing at ipinakita sa kanilang ama at sinabi, “Nakita po namin ito. Kay Jose po ba ito o hindi?” Tiningnang mabuti ni Israel ang damit at sabi, “Oo, sa kanya ‘to. Pinatay siya ng mabangis na hayop at kinain.” Umiyak siya nang malakas, “Mamamatay akong nagdadalamhati dahil sa pagkamatay ng anak ko!”

Samantala, si Jose ay ibinenta naman ng mga nakabili sa kanya kay Potifar, kapitan ng mga guwardiya ng hari ng Egipto. Napansin ni Potifar na si Jose ay ginagabayan ng Dios at pinagpapala sa lahat ng ginagawa niya. Dahil doon, tinaasan niya ang posisyon ni Jose at ginawang tagapamahala at katiwala ng kanyang buong sambahayan at mga ari-arian. Pinagpala din ng Dios ang sambahayan ni Potifar dahil kay Jose.

Dahil si Jose ay bata pa at guwapo, nagustuhan siya ng asawa ni Potifar. Palagi siyang pinipilit nitong sumama sa kanya sa kama. Pero tumatanggi si Jose, at sinasabi, “Hindi ko magagawang pagtaksilan ang amo ko at magkasala sa Dios!” Isang gabi pag-uwi ni Potifar, nagsumbong ang asawa niya at pinagbintangan si Jose, “Ang aliping Hebreo na dinala mo dito, tinangka niyang gahasain ako.”

Galit na galit si Potifar sa narinig niya, kaya ipinakulong niya si Jose sa kulungan ng hari. Pero patuloy pa rin siyang ginabayan at sinamahan ng Dios kahit sa kulungan. Napansin ng tagapamahala ng mga bilanggo ang kabutihan ng Dios kay Jose, kaya naging panatag siya at ipinagkatiwala niya kay Jose ang mga bilanggo at lahat ng ginagawa sa kulungan. Patuloy na ginabayan ng Dios si Jose at pinagpala sa lahat ng kanyang ginagawa.

Binigyan din siya ng Dios ng kakayahan na magpaliwanag ng panaginip. Isang araw, napansin niyang malungkot ang dalawang bilanggo na dating mga tauhan ng hari. Sinabi nilang nanaginip sila at di nila maintindihan, kaya ipinaliwanag ni Jose sa kanila ang panaginip nila. Nagkatotoo ang paliwanang ni Jose. Pagkatapos ng tatlong araw, sa kaarawan ng hari, ang isang tauhan ay ipinapatay, ayon sa paliwanag ni Jose. Ang isa naman ay pinalaya at ibinalik sa dati niyang posisyon, tulad din ng paliwanag ni Jose. Sinabi niya sa tauhang ito, “Alalahanin mo ako kapag nasa mabuti ka nang kalagayan. Banggitin mo rin ako sa hari para matulungan mo rin akong makalabas dito.” Pero di man lang siya inalala nito.

Pagkaraan ng ilang taon, nagkaroon ng ilang mga panaginip ang hari na sobrang ikinabahala niya. Sa isa sa mga panaginip na iyon, may nakita siyang pitong matatabang baka na kinakain ng pitong payat na baka! Wala ni isa man sa mga matatalinong tauhan ng hari ang makapagpaliwanag kung ano ang ibig sabihin noon. Ngayon, naalala si Jose ng tauhang nakasama niya sa kulungan at sinabi sa hari ang kanyang kakayahang magpaliwanag ng panaginip.

Kaya pinatawag ng hari si Jose at tinanong, “Totoo nga bang marunong kang magpaliwanag ng panaginip?” “Hindi po ako, Mahal na Hari,” sagot ni Jose, “kundi ang Dios ang siyang magbibigay ng kahulugan ng mga panaginip ninyo kaya wala kayong dapat ikabahala.”

Ikinuwento ng hari kay Jose ang panaginip niya at ipinaliwanag ito ni Jose, “Sa loob ng pitong taon, magiging labis ang kasagaan sa buong Egipto. Pero susundan po agad ito ng pitong taon na matinding taggutom. Sigurado pong ganito ang mangyayari, kaya ipinaalam ito sa inyo ng Dios.” Natuwa ang hari kay Jose kaya ginawa niya itong gobernador sa buong Egipto – pangalawang pinakamataas na posisyon, sumunod lang sa hari!

Sa sumunod na pitong taon, naglakbay si Jose sa buong Egipto para siguraduhing maraming pagkain ang naiipon sa bawat lugar. Tatlumpung taon pa lang si Jose nang mga panahong iyon.

Lumipas na ang pitong taon at dumating ang taggutom na umabot sa buong mundo. Ang mga tao na mula pa sa iba’t ibang bansa ay nagpupunta sa Egipto para bumili ng pagkain kay Jose.

Nang makita ni Israel na nauubusan na ng pagkain ang kanyang pamilya, ipinadala niya ang mga anak niya sa Egipto. Nang dumating ang magkakapatid para bumili ng pagkain, hindi nila nakilala si Jose at yumukod sila sa kanya bilang paggalang. Naalala ni Jose ang panaginip niya noon na naging dahilan ng galit nila sa kanya. Hindi muna sinabi ni Jose sa kanila kung sino siya. Noong una nagkunwaring malupit si Jose sa kanyang mga kapatid, inakusahan pa silang mga espiya at ipinakulong.

Pero di nagtagal, pagkatapos ng ilang beses na pagkikita at dalawang beses na paglalakbay ng kanyang mga kapatid, di na siya nakatiis. Sinabi na niya sa kanila kung sino siya, “Ako si Jose, ang kapatid n’yong pinagbili n’yo at dinala dito sa Egipto para maging alipin!” Di makapagsalita ang mga kapatid niya – nagulat at natakot! Sino ba sa kanila ang mag-aakalang magkakatotoo nga ang mga panaginip ng kapatid nila? Natakot sila na baka gantihan sila ni Jose.

Pero naging mabuti si Jose sa pagsasalita sa kanila, “Wag kayong mag-alala. Hindi ko kayo sinisisi sa nangyari sa akin. Gumawa ang Dios para ang masamang ginawa n’yo sa akin ay maging para sa ikabubuti. Siya ang naglagay sa akin sa posisyong ito para mailigtas ang buhay ng maraming tao. Ngayon ako ang bahala sa inyo. Susustentuhan ko kayo ng pagkain pati ang mga anak n’yo.”

Nang marinig ng hari na dumating ang mga kapatid ni Jose, inimbitahan niya si Israel at ang kanyang buong pamilya na sa Egipto na tumira. Ibinigay niya sa kanila ang pinakamagandang lupa para sa kanila, maraming pagkain, at mga bagong damit! Buong pamilya ni Israel ay lumipat sa Egipto, nakaligtas sa taggutom at siyang-siya sa mga pagpapalang ibinigay ng Dios sa kanila sa pamamagitan ni Jose.

The Sovereignty of God

Bad things happen to God’s people. Si Abel, anak nina Adan at Eba, pinatay ng kapatid niyang si Cain dahil sa inggit at galit. Dito sa kuwento natin ngayon, parang ganun din nangyari. Kahit wala namang ginagawang masama si Jose, pinag-initan siya ng mga kapatid niya. Muntik na ring patayin. Sariling kapatid ibinenta, pinagtakpan pa ang ginawa nila at di sinabi sa tatay nila. Sa kabila ng naranasan ni Jose, sinamahan pa rin siya ng Dios, ginamit iyon ng Dios para pagpalain siya sa Egipto. Lahat ng ginagawa niya nagtatagumpay. Nang sumunod siya sa Dios, at di nagpatangay sa tukso at nanatiling sexually pure, siya pa ang nakulong. Pero sinamahan siya ng Dios, napromote pa siya sa kulungan. Kahit di man lang siya naalala ng pinalayang bilanggo, inaalala naman siya ng Dios. At naging gobernador pa siya ng buong Egipto. Sino ba mag-aakalang gawa ng tao yun? Di ba ang Dios ang gumagawa at ginamit niya ang mga masamang ginawa ng tao sa atin para sa ikabubuti din natin? Kaugnay ito sa layunin ng Dios na pagpalain tayo.

Hindi lang para sa ikabubuti natin, para din sa ikabubuti ng ibang tao. Di ba’t gusto ng Dios na maging pagpapala tayo sa iba? Kahit gaano man kahirap o kasakit ang sapitin natin, mangyayari pa rin ‘to. Ang pamilya ni Jose naligtas sa taggutom. Mangyayari ba iyon kung di naibenta si Jose? Ang sambahayan ni Potifar, pinagpala ng Dios dahil kay Jose. Ang buong Egipto, pati ibang mga bansa nabuhusan ng pagpapala dahil kay Jose. Naalala n’yo ba ang pangako ng Dios kay Abraham? Totoo ang sabi ni Jose sa mga kapatid niya, “Totoong nagplano kayo ng masama sa akin, pero plinano na ng Dios na magdulot iyon ng kabutihan na siyang nagligtas ng marami sa inyo sa taggutom” (Gen. 50:20).

Hindi lang para sa kabutihan natin at ng ibang tao, lalo na para sa karangalan ng Dios. Makikita ng maraming tao na ang Dios ang kasama ni Jose, gumagabay sa kanya. Nagtatagumpay lahat ng ginagawa niya dahil sa Dios. God is sovereign, in control of everything that is happening – good or bad. ‘Yan ang gusto ng Dios na makita natin. Oo nga’t mananagot ang tao dahil sa kasalanang ginagawa nila, pero dito sa kuwentong ito malinaw na malinaw sa buhay ni Jose na anumang nangyaring masama sa buhay natin na dahil sa ginawang masama ibang tao ay hindi makahahadlang para matupad ang pangako ng Dios. Ang totoo pa nga, gagamitin ito ng Dios para sa ikabubuti natin at ng ibang tao, at para sa karangalan ng Dios.

Anumang sakit ang naranasan ninyo dahil sa ginawa ng iba…sexual abuses, parental neglect, niloko sa pera, betrayed by a friend, iniwan ng asawa, pinagsamantalahan ng boyfriend…oo masakit iyan. Pero di tayo dapat mawalan ng pag-asa. Ang mga naranasan natin naranasan din ni Jose. At lalo na ng Panginoong Jesus nang siya’y traydurin ng sarili niyang kaibigan, iwanan ng kanyang mga tagasunod, at ipako sa krus ng kanyang mga kababayan. Pero ano sabi ng unang mga Cristiano sa kanilang panalangin tungkol doon, “Sa kanilang ginawa, natupad na ang inyong balak noon. At ito’y nangyari ayon sa inyong kapangyarihan at kalooban” (Acts 4:28). Kaya makatitiyak din tayo, di man natin naiintindihan ngayon, na may magandang layunin ang Dios sa mga sakit at hirap na dinaranas natin.

Paano naman ngayon iyong mga masamang ginawa natin sa ibang tao? Kanina nilagay natin ang sarili natin kay Jose. Pero paano kung tayo ang mga kapatid niya na gumawa ng masama? Ganoon din, di pa rin mahahadlangan ang layunin ng Dios. Pero di tayo masyadong convinced kapag sariling kasalanan natin ang nakikita natin. Kung alam lang nila kung gaano ka karumi noon, o hanggang ngayon. Di ka naman katulad ni Jose, siya lumayo sa tukso, pero baka ikaw pa nga ang lumapit sa babaeng may-asawa na. Paano kung di naman ako katulad ni Jose? Paano kung ako ang nanloko ng kapatid ko? Paano kung ako ang amang nagpabaya sa mga anak ko? Oo nga’t may pananagutan tayo sa mga kasalanan natin…and we will suffer the consequences. But remember the grace of God? He can triumph even over the worst things we did in the past…his grace is greater than all our sins. Kaya nga may chapter 38 sa pagitan ng kuwento ni Jose sa Genesis 37-50. Hindi ito tungkol kay Jose, kundi sa kapatid niyang si Juda.

The Story of Judah

May mga bagay sa kuwentong ito na sensitibo sa pandinig ng bata, at asahan niyong magtatanong sila sa inyo. Tulad din ng maraming naging kuwento na sa Genesis – nang malasing si Noe, nang magkaanak si Abraham sa di niya asawa, nang sipingan si Lot ng mga anak niya, nang magkaasawa ng higit sa isa si Jacob, nang sipingan ni Reuben ang nanay ng kapatid niya. Kung magtanong sila bakit nandito sa Bible ang mga ganitong kuwento na di magandang basahin, ipaliwanag natin: the Bible is brutally honest about the sinful condition of man (kasama tayo dito), even by those God will use to accomplish his purposes. Tulad pa nito…

Si Juda ang pang-apat na anak na lalaki ni Jacob kay Leah. Pinangalanan siyang Juda dahil pagkapanganak sa kanya ay sinabi ni Lea, “Ngayon, pupurihin ko ang Panginoon.” Dahil sa inggit at galit nila sa kapatid nilang si Jose na paborito ng kanilang ama, si Juda at ang kanyang mga kapatid ay nagsabwatan para patayin siya. Pero itong si Juda ang nagsabing ‘wag na lang siyang patayin, “Ano ba ang mapapala natin kung papatayin natin siya? Ipagbili na lang natin siya sa mga Ishmaelitang dadaan.” Kaya ipinagbili nila si Jose.

Pagkatapos maibenta si Jose, humiwalay siya sa mga kapatid niya at tumira sa Adulam, at doon siya nakapangasawa ng isang taga-Canaan. Naging anak niya sina Er, Onan, at Shela.  Napangasawa ng panganay niyang si Er si Tamar. Pero dahil sa kasamaan ni Er, pinatay agad siya ng Dios. Kaya sabi ni Juda sa sumunod niyang anak na si Onan, “Pakasalan mo ang hipag mo dahil tungkulin mo iyan sa namatay mong kapatid, para magkaanak siya sa iyo.” Dahil sa pagkamakasarili ni Onan ay di sila nagkaanak ni Tamar, kaya pinatay din siya agad ng Dios. Dahil sa takot ni Juda sa mga nangyari sa dalawa niyang anak, pinauwi muna niya si Tamar sa bahay ng magulang niya, “Umuwi ka muna at bumalik na lang dito kapag binata na si Shela.”

Di nagtagal, namatay na rin ang asawa ni Juda. Nagbinata na si Shela ngunit di pa rin binibigay ni Juda si Shela para kay Tamar. Dahil dito, nagbalak ng masama si Tamar. Nagpanggap siyang isang babaeng bayaran, at nang makita siya ni Juda di niya ito nakilala. Lumapit si Juda sa kanya, at dahil sa akalang babaeng bayaran siya, sabi niya, “Halika, sumama ka sa akin.” Tanong naman ni Tamar, “Ano naman ang ibabayad mo sa akin?” Sagot ni Juda, “Bibigyan kita ng isang kambing.” Sabi ni Tamar, “Para sigurado, ibigay mo munang garantiya ang ginagamit mong pantatak, panali at pati ang iyong tungkod.” Ibinigay naman ito ni Juda sa kanya. Dahil sa nangyari, nabuntis si Tamar, na manugang ni Juda.

Pagkalipas ng tatlong buwan, may nagbalita kay Juda, “Ang manugang n’yo pong si Tamar ay nagbebenta ng dangal at nabuntis.” Galit na sinabi ni Juda, “Dalhin n’yo siya sa labas ng lungsod at sunugin.” Nang dadalhin na si Tamar sa labas, sabi niya, “Ang may-ari ng pantatak, panali at tungkod na ito ang siyang ama ng dinadala kong sanggol.” Nakita ni Juda na sa kanya iyon, kaya ang sabi niya, “Wala siyang kasalanan. Ako ang nagkasala dahil hindi ko pinayagang mapangasawa niya ang anak kong si Shela.” Si Tamar ay nagkaanak ng kambal sa biyenan niyang si Juda – sina Perez at Zera…

Pagkatapos ng halos 20 taon, nagkaroon ng malaking taggutom sa Canaan. Nabalitaan ni Juda at ng kanyang mga kapatid na may pagkain sa Egipto kaya pumunta sila roon para bumili. Noong una, hindi pa nila alam na si Jose pala ang naging gobernador sa bansang iyon. Kaya ng pagbintangan ni Jose ang mga kapatid niya na mga espiya at magnanakaw, at dahil doon ay pinaiwan ang bunso nilang si Benjamin para ikulong, nagmakaawa si Juda kay Jose, “Kung uuwi kami na hindi siya kasama, tiyak na mamamatay sa sobrang lungkot ang aming ama…Kaya Mahal na Gobernador, ako na lang po ang magpapaiwan dito bilang alipin ninyo, at payagan n’yo na lang po siyang makauwi kasama ng mga kapatid niya. Hindi po ako puwedeng umuwi nang hindi kasama ang anak niya. Hindi ko po kayang tiisin na makita ang masamang mangyayari sa aming ama.”

Hindi na napigilan ni Jose ang kanyang pag-iyak kaya nagpakilala na siya sa kanyang mga kapatid. Nabalitaan ito ni Jacob kaya sinundo siya ng mga kapatid ni Jose at lumipat ng tirahan ang kanilang pamilya sa Egipto. Nang mamamatay na si Jacob, binasbasan niya ang kanyang mga anak. Ganito ang sabi niya kay Juda: “Ikaw, Juda, pupurihin ka at igagalang ng iyong mga kapatid. Tatalunin mo ang iyong mga kalaban. Katulad ka ng batang leon…Patuloy kang mamumuno, Juda. Magmumula sa mga lahi mo ang magiging mga pinuno. Kaya magbibigay ng buwis sa iyo ang mga bansa at susunod sila sa iyo.” Pagkatapos, nanalangin si Israel, “O Panginoon, naghihintay po ako sa inyong pagliligtas.” Bago siya mamatay ay ibinilin niyang ilibing siya kasama nina Abraham at Isaac sa Canaan, sa lupang ipinangako ng Dios na magiging kanila magpakailanman.

The Sovereignty of God

God’s people do bad things. Oo, kay Jose medyo maganda ang portrayal. Pero most of the time hindi naman good examples ang mga characters sa Bible tulad ni Juda. Oo nga’t ayaw ng Dios sa kasalanan at mananagot tayo kasi nga makatarungan ang Dios. Pero may ginagawang paraan ang Dios para mailigtas tayo sa kapahamakang dulot ng kasalanan natin. Hindi tayo dapat maniwala sa “karma” kasi merong Dios – and he is sovereign over all, and he is gracious. He did not give us as our sins deserve. We see that over and over again in the Story. Si Jacob, di ba’t dinaya pa niya ang kapatid at tatay niya, bakit siya pa ang pinagpala ng Dios? Because God is gracious, kahit na sa panahong gumawa tayo ng masama, gagamitin ng Dios para baguhin tayo, para sa ikabubuti natin. Parang mahirap paniwalaan?

Tingnan niyo si Juda…di ba’t masama ang ginawa niya? Manugang niya iyon, o kahit hindi pa niya alam, lumapit siya sa babaeng bayaran…kahit ba patay na ang asawa niya…di pa rin natuwa ang Dios doon. Pero ginamit iyon ng Dios para marealize niya ang kasalanan niya. At sa dulo ng kuwento…hindi ba’t malaking pagbabago ang ginawa sa kanya ng Dios? Handa pa niyang ipagpalit ang sarili niyang buhay para mailigtas ang kapatid niyang si Benjamin?

A transformation from selfishness to selflessness. Kaya ding gawin sa atin ng Dios iyon. Anuman ang kalagayan natin ngayon. Anumang sugat na dulot ng nakaraang mga kasalanan natin ang dala-dala pa rin natin ngayon, kayang pagalingin ng Dios. Sexual addiction…internet pornography…premarital sex…anger…adultery…kahit ano pa iyan, walang imposible sa Dios.

Gagamitin iyang lahat ng Dios para sa ikabubuti mo, para makita mo ang pangangailangan mo sa Dios, para lumapit ka sa kanya. Hindi lang para sa iyo, kundi para ang ibang tao din ay pagpalain. Nakita ko iyan nang may magpa-counsel sa akin na mag-asawa na naging isyu ang adultery, pinakausap ko sila sa isa pang mag-asawa na ganoon din ang pinagdaanan. Pinagpala sila ng Dios at naging pagpapala din sa iba. Paano naging pagpapala? Dahil ba sa mabuting ginawa nila? Hindi ba’t dahil doon sa masamang nagawa din nila kung saan nakita nila ang laki ng biyaya ng Dios.

Paano ginamit ng Dios na pagpapala si Juda? Narinig n’yo ang basbas ni Israel sa kanya? “Magmumula sa mga lahi mo ang mga magiging pinuno (o hari)” (Gen. 49:10). Sa anak ni Juda na si Perez nagmula si Haring David. At sa kanya din nagmula ang Hari ng mga hari, the Lion of Judah, ang Panginoong Jesus na siyang naging sagot ng Dios sa panalangin ni Israel, “Naghihintay po ako sa inyong pagliligtas” (Gen. 49:18). Sino ang nanay ni Perez? Si Tamar, manugang ni Juda. Ang lahing patungo sa Panginoong Jesus ay nagpatuloy dahil sa imoralidad ni Juda at Tamar. Ha? Oo, because God is sovereign and he is gracious. Mahirap ipaliwanag pero totoo, at ang dapat lang nating sabihin ngayon ay tulad ng ibig sabihin ng pangalan ni Juda, “Pupurihin ko ang Panginoon” (Gen. 29:35). Because where sin abounds, grace abounds all the more (Rom. 5:20). At “alam natin na sa lahat ng bagay (mabuti man o masama, masama mang ginawa sa atin o tayo ang may gawa), gumagawa ang Dios para sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya, na kanyang tinawag ayon sa kanyang layunin” (Rom. 8:28).

2 Comments

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.