Luha (Ruth 1)

You are Here: Home / Sermons / Ruth: Isang Kuwento ng Pag-asa / Luha (Chapter 1)

October 2, 2011 | By Derick Parfan Scripture: Ruth 1:1-22

Listen Now

Downloads

Naomi’s Desperate Situation (1:1-5)

Ang nagbibigay sa atin ng totoong pag-asa sa buhay ay mga totoong kuwento. Kung gusto nating maaliw lang, manood lang tayo ng fairy tales (“Once upon a time…”) o telenovelas. Pero kung gusto nating maging matibay ang pag-asa sa kabila ng maraming pagsubok sa buhay, kailangan natin ng mga totoong kuwento – ang Salita ng Dios – tulad ng Ruth.

Nagsimula ang kuwento ng Ruth na sinasabi sa atin kung kailan ito nangyari, “In the days when the judges ruled” (Ruth 1:1 ESV). Ito ang panahon na “hindi pa mga hari ang namumuno sa Israel” (ASD). They were ruled by “judges.” “Nang panahong iyon,” tingnan n’yo ang huling sentence ng Judges, “walang hari sa Israel, kaya ang bawat isa ay gumagawa ng kahit anong gusto nilang gawin” (Judges 21:25; tingnan din ang 17:6; 18:1; 19:1). Ito ang panahon na ang ginagawa ng mga tao ay kung ano ang tama sa kanilang paningin. Walang hari na namumuno sa kanila, ni hindi nila kinikilalang hari ang Dios na si Yahweh na siyang naglabas sa kanilang bayan mula sa pagkaalipin sa Ehipto noong panahon ni Moises, na siyang tumulong sa kanila sa paglalakbay nila sa disyerto, na siyang nanguna sa kanila sa pag-conquer ng Canaan, ang promised land, sa panahon ni Joshua.

Sa panahong ito ng mga judges (tulad nila Gideon, Samson, atbp.), paulit-ulit ang tigas ng ulo nila. Sasamba sila sa mga dios-diosan at mamumuhay sa imoralidad, tapos paparusahan sila ng Dios, tapos hihingi sila ng tulong sa Dios, tapos sasagutin naman sila ng Dios at magpapadala ng tagapagligtas nila, tapos magiging mapayapa sa bayan nila, tapos susuway na naman. Paulit-ulit na katigasan ng ulo. Hindi na natuto. Ito ang dark ages sa kasaysayan ng bansang Israel. At maraming tao ang nagtatanong, ganito na lang ba palagi, kelan ba ito matatapos, may pag-asa pa ba?

Kung oobserbahan mo ring mabuti kung paanong palala nang palala ang sitwasyon ng pamilya dito sa Pilipinas, tatanungin mo rin yun. Kung manonood ka lang ng TV, hindi ba’t mababalitaan mo ang mga barilan sa loob ng mall, 12-taong bata pinagsamantalahan ang 3-taon, tatay inaabuso ang sariling anak. Hindi naman isolated cases ang mga problemang iyan. Sa kapitbahay o kamag-anak mo, hindi ba’t nakikita mong may mga tatay na hindi naman nagtatrabaho, patambay-tambay lang, kung magtrabaho man, nasa malayong lugar at wala nang oras sa pamilya. Mga anak, sa halip na makatapos ng pag-aaral at maging responsable, nag-aasawa agad, nagsasama na kahit hindi kasal. Kung ikasal man, may laman na ang tiyan at pagkatapos naman ng kasal wala nang mailaman sa tiyan. Hindi tayo siguro magiging affected kasi sa iba nangyayari, pero paano kung sa loob na mismo ng bahay niyo? Kung may ibang babae na si mister, kung naglayas ang anak niyo, kung gabundok na ang utang n’yo, kung wala nang nangyayaring maganda sa relasyon n’yo sa pamilya?

Oo, palala nang palala ang pamilyang Pilipino. Pero sa gitna ng kadilimang ito ay may liwanag. Sa napakadilim na gabi sa ating buhay, makakaasa tayong walang ibang kasunod kundi ang pagsinag ng araw. Sa panahong parang walang ginagawa ang Dios para mabago ang sitwasyon sa bansang Israel, ang katotohanan ay meron. Sa panahong parang wala nang pag-asang mangyayari sa bayan nila, may ginagawa ang Dios sa buhay ng isang pamilya.

Kung pamilyar na tayo sa kuwento, alam nating happy ending ang kuwento ni Naomi at Ruth. Pero mabigat ang pinagdaanan nila, lalo na itong si Naomi. Meron siyang asawa ang pangalan ay Elimelech (“God is my king”) at ang kanyang dalawang anak ay si Mahlon at Chilion. Taga-Bethlehem (“house of bread”) sila. Isang bayan sa Judah na bahagi ng Israel. Alam natin ilang daang taon makalipas nito ay isisilang ang Panginoong Jesus sa Bethlehem. Noong panahong ito ay nagkaroon ng taggutom sa Israel. Siyempre mahirap ang buhay, kapos sa pagkain. Kaya napagdesisyunan ni Elimelech na dalin ang kanyang pamilya sa Moab, katabing bansa ng Israel. Nag-abroad siya (parang mula Pilipinas papunta ng Hongkong). Pero hindi niya iniwan ang pamilya niya. Siyempre hindi pa naman uso ang remittances o LBC noon, saka wala ring makakain ang pamilya niya pag iniwanan niya. Doon na sila namalagi. Halos sampung taon din sila dun. Nagpapakita rin ang desisyon nila na iyon na kakulangan ng tiwala sa Dios na sasama sa kanila sa oras ng kahirapan. Ayaw nga ng Dios na umaasa sila sa mga dayuhan dahil malaki ang posibilidad na matangay sila palayo sa pananampalataya sa kanya. Lalo pa dito sa Moab na ang isa sa kinikilalang dios ay si Chemosh. Ang lahing ito ay galing sa anak ni Lot sa kanyang anak na babae na pinangalanang Moab.

Akala ni Naomi siguro mapapaganda ang buhay nilang pamilya sa Moab. Pero hindi pala. Oo, mas sagana sa pagkain. Pero dumating din ang isang araw namatay ang kanyang asawa. Malungkot pero ok pa naman, kasi nandyan pa naman ang dalawa niyang anak na hindi siya pababayaan. At nadagdagan pa ang pamilya nila nang mag-asawa ang dalawang anak niya ng mga Moabita na sina Orpah at Ruth. Na isa rin sa mga ipinagbabawal ng Dios sa mga Israelita dahil sa maaaring maging kompromiso sa mga dios-diosan ng kanilang napangasawa (tulad ng nangyari kay Haring Solomon). Pagkatapos ng sampung taon, namatay din ang dalawa niyang anak. Kung mga Pilipino siguro ang masasabi, “Kala ko pa naman susuwertehin kami dito, bakit pagkamalas-malas ang nangyari sa akin dito. Wala na ang asawa ko. Wala pa ang mga anak ko. Wala naman ding iniwang apo sa akin. Paano na iyan? Iintindihin ko pa itong mga manugang ko!”

Umasa man tayong maganda ang mangyayari, ang katotohanan ay mararanasan (o nararanasan) ng bawat isa sa atin ang trahedya sa buhay, lalo na kung may kinalaman sa pamilya. Hindi man trahedya, pero may problema pa rin tayong pagdaraanan.

Ruth’s Determination to Stay (1:6-18)

May bad news. Pero may good news din. Minsan nasa bukid siya, umiiyak dahil sa pait na sinapit niya, may kaibigang lumapit sa kanya at nagbalita, “The LORD had visited his people and given them food.” Tapos na ang taggutom! Hindi pala nakakalimot ang Dios. Hindi pala nagpapabaya ang Dios. Hindi pa pala iniiwan ng Dios ang kanyang bayan. Kaya naisip ni Naomi na bumalik sa Bethlehem. Tutal, nandoon naman ang mga kamag-anak niya. Sa Moab, walang-wala na siyang maaasahan. Iaasa ba niya ang kanyang buhay sa mga dayuhan? Kaya sabi niya sa mga manugang niya, “Tara, babalik ako sa Bethlehem.”

Pero naisip niyang baka mas mapabuti pa ang buhay ng mga manugang niya kung uuwi na lang sila sa kani-kanilang bahay. Wala naman na rin silang maaasahan sa kanya. Kaya sabi niya, “Sige na, bumalik na lang kayo sa mga nanay niyo. Mas mainam nang sila ang mag-alaga sa inyo kaysa sa biyenan. At loobin nawa ng Panginoon na makapag-asawa pa kayo nang guminhawa ang buhay ninyo. Nawa’y maranasan ninyo ang hesed (kabutihan, katapatan, kabaitan, pag-ibig) ng Dios sa inyo. Magkahiwalay man tayo, dalangin kong hindi kayo iwanan ng Panginoon.”

Ibang klaseng relasyon nga naman meron sila, di tulad ng relasyon ng mga magbiyenan ngayon. Naiyak pa sila at magkakahiwa-hiwalay sila. Ang iba siguro na nakatira ang biyenan sa bahay nila o sila ang nakikitira sa biyenan ang sasabihin, “Yes, mawawala din ang perwisyo.” Pero iba ito. Ayaw nilang pumayag na iwanan si Naomi at nagsabing, “Sasama kami sa iyo, sa bayan ninyo.” Mabigat kay Naomi na paalisin na sila kasi napamahal na sila sa kanya bilang kanyang sariling anak na rin. Pero kumbinsido siya na mas mainam sa kanila na ‘wag nang sumama sa kanya kaya sabi niya, “Mga anak, mas mainam pang bumalik na kayo. Ano ba ang mapapala ninyo sa pagsama sa akin? Mas mainam na mag-asawa pa kayo ulit kasi bata pa kayo. Ako matanda na. Kung magkaasawa man ako ngayon, tapos magkaanak, halimbawa lang pero ‘di na ko umaasa sa ganoon, hihintayin n’yo ba silang lumaki para mapangasawa. Siyempre hindi! Ayoko namang tiisin n’yo pa ang hirap na dinaranas ko. Sana’y pagpalain kayo ng Panginoon, hindi tulad ko na puro pait ang dinanas mula sa kamay ng Panginoon.”

Concern si Naomi sa kanila. Inamin n’ya namang hindi n’ya sila kayang alagaan at ano pa ba ang naghihintay sa kanila pagdating sa Bethlehem? Hindi rin n’ya alam. Kaya itong si Orpah, nakumbinsi. Nagpaalam. Hinalikan si Naomi at nag-iyakan silang tatlo. Kitang-kita n’yo naman ang ganda ng relasyon nitong magbiyenan. Hirap silang magkahiwa-hiwalay. Pero sa tingin ni Naomi yun ang pinakamabuti. Sa tingin din ni Orpah, oo nga mainam nang ganun. Pero kay Ruth, iba. May nakikita siyang maaaring hindi nakikita nung dalawa. Kaya nung umalis na si Orpah, nagtaka si Naomi at itong si Ruth ay ‘di pa umalis. Parang tuko na nakakapit pa sa kanya, parang balabal na nakabigkis sa kanya, parang asawa na anuman ang mangyari, sa hirap at ginhawa, kasama pa rin n’ya. Pambihirang commitment, “but Ruth clung (cleave, hold on to) to her.”

Kaya’t pa sabihin ng biyenan n’yang, “Bumalik na ang bilas mo sa mga kababayan niya at sa kanyang dios (o mga dios-diosan), kaya sumama ka na rin sa kanya” (v. 15), para kay Ruth iba na ang bayan n’ya, iba na ang pamilya n’ya, hindi na si Chemosh ang diyos n’ya, si Yahweh na, ang tunay at buhay na Diyos ng Israel. Verses 16-17, kitang-kita ang commitment dito ni Ruth na paninindigan n’ya hanggang chapter 4, kaya nga madalas din nating marinig sa kasal ang binitawang salita ni Ruth.

Huwag po ninyo akong piliting iwan kayo, dahil kung saan kayo pumunta, doon din ako pupunta, at kung saan kayo tumira, doon din po ako titira. Ang mga kababayan n’yo ay magigigng kababayan ko rin, at ang Dios ninyo ay magiging Dios ko rin. Kung saan kayo mamamatay, doon din po ako mamamatay at ililibing. Parusahan nawa ako ng PANGINOON nang mabigat kapag humiwalay ako sa inyo, maliban na lang kung ang kamatayan na ang maghiwalay sa ating dalawa.

“For richer or for poorer, in sickness or in health, for better or worse, til death do us part.” Ito ay isang sinumpaang pangako na kung hindi n’ya tutuparin ay parusa ng Dios ang sinabi n’yang kapalit. Matinding commitment. Hindi lang kay Naomi, pero lalo na sa Dios. Mahirap man ang kalagayan ni Naomi, susunod, sasamba, magpapasakop pa rin si Ruth kay Yahweh. This is faith, risk-taking faith. Kaya namangha si Naomi sa narinig niya at hindi na nakapagsalita. Kasi nakita niyang “desidido” si Ruth, determinado, buong-buo ang loob, walang pag-aalinlangan.

Maraming humanga sa sagot ni Shamcey Supsup sa Miss Universe pageant. Judge Vivica A. Fox asked her the question: “Would you change your religious beliefs to marry the person that you love? Why or why not?” She replied, “If I had to change my religious beliefs, I would not marry the person that I love because the first person I love is God, who created me. I have my faith and my principles, and this is what makes me who I am. And if that person loves me, he should love my God, too.” Kung totoo ang Dios mo, hindi mo ipagpapalit. Buo ang loob ng sagot ni Shamcey. Pero hindi natin alam kung paninindigan niya. Pero alam nating pinanindigan ni Ruth ang pangako niya. Alam niyang kung bumalik siya sa Moab, ibang dios ang lalapitan niya. Pero sa Bethlehem, kahit mahirap ang buhay, totoo at buhay ang Dios na kanyang yayakapin.

Merong nag-iisang tunay na Dios na nagbubuklod sa relasyon sa pamilya. Kaya sa anumang trahedya, panatilihin ang tiwala sa Dios at sa pagiging tapat sa isa’t isa. Mas mainam na ang trahedyang magiging daan para mapalapit sa Dios kaysa ginhawa sa buhay na magiging daan upang mapalayo sa Dios, na isa rin namang mas malalang trahedya na puwedeng mangyari.

Naomi’s Bitter Expression (1:19-22)

Pabalik na sila sa Bethlehem. Walang nagsasalita sa kahabaan ng biyahe. Mga 50-100 kilometro ang layo ng biyahe nila, depende sa ruta na dadaanan nila. Rugged pa ang lugar. Kaya kung maglalakad lang at pahintu-hinto dahil may katandaan na rin naman si Naomi, aabutin sila ng 7-10 araw. Nagtiyaga silang bumalik. Hindi alam ni Naomi ang naghihintay sa kanya. Nakita siya ng mga tao na paparating. Nakilala siya at nagtaka bakit siya bumalik. “Si Noemi ba talaga ‘to?” tanong nila. Nagbubulung-bulungan sila, nagkakagulo sa pagdating nila, pinag-uusapan marahil ang trahedyang nangyari.

“Huwag n’yo na akong tawaging Noemi, kundi tawagin ninyo akong Mara, dahil pinapait ng Makapangyarihang Dios ang buhay ko. Pag-alis ko rito ay nasa akin ang lahat, pero ibinalik ako ng PANGINOON na walang-wala. Kaya huwag na ninyo akong tawaging Noemi, dahil pinahirapan ako ng Makapangyarihang PANGINOON” (vv. 20-21). Itinakwil na ni Noemi ang pangalang ibinigay sa kanya. Hindi naman ito totoo sa buhay niya. Buti pa kung Mara na lang itawag sa kanya, kapait naman ng buhay para sa kanya. Oo, naniniwala siyang may Dios.

Naniniwala siyang makapangyarihan ang Dios at magagawa niya ang lahat ng bagay, pero nagtatanong siya, nagtataka siya. “Bakit naman nangyayari sa akin ‘to? Bakit sa dami-dami ng babae sa mundo, bakit ako pa ang nakaranas nang ganito? Bakit ako pinahihirapan ni Yahweh? Bakit, hindi ba puwedeng katulad lang din ng dati ang buhay ko? Pag-alis namin sa Betlehem, kumpleto ang pamilya ko, masaya, maganda ang pangarap namin. Pero ngayon? Ano’ng nangyari? Wala nang natira kahit isa! Naglaho ang pangarap namin sa buhay! Ano pa ang silbi ng buhay? Ano na lang ang sasabihin ng mga tao? Ano nang gagawin ko para mabuhay? Paano ako kakain? Ano na?”

Maaaring meron tayong tamang pagkakakilala sa Dios, pero kapag tayo na ang nakaranas ng trahedya sa buhay, nahihirapan na tayong kilalanin na ang Dios ay kakampi pa rin natin. Patung-patong na problema ang sinapit nitong si Noemi. Una, walang makain kaya umalis ng Betlehem at tumira sa Moab. Pangalawa, namatayan pa. Una ang asawa. Sumunod naman ang dalawang anak. Biyuda na, ulila pa. Pangatlo, kahihiyan ang inabot, dahil walang asawa, dahil walang anak, wala ring apo. Pang-apat, kalungkutan, kasi nawalan ng mahal sa buhay. Panglima, kahirapan, kasi hindi naman niya kayang suportahan ang sarili niya, Pang-anim, mababa na ang tingin sa sarili, kasi kahit gustuhin man niyang isama ang mga manugang niya, hindi niya magawa kasi ‘di niya naman maaalagaan. Pampito, dahil sa dami ng problemang ito, kawalan ng pag-asa.

Kapag patung-patong na ang problema, nakakalimutan na natin kung anong klaseng Dios meron tayo. Kapag kabundok ang utang, nakakalimutan na nating meron tayong Dios na siyang may gawa ng bundok. Kapag nawalan tayo ng mahal sa buhay, nakakalimutan na natin kung anu-ano pa ang meron tayo. Sa mga panahong walang makain, nakakalimutan nating may Dios na pinagmumulan ng lahat ng mabuting bagay. Kapag umiiyak tayo sa trahedya ngayon, nakakalimutan na natin na bukas ngingiti din tayo dahil may pag-asa ang buhay.

Alam ni Naomi na merong Dios na ang pangalan ay Yahweh, at may personal na relasyon sa bansang Israel. Na itong si Yahweh ay may binitawan at sinumpaang pangako sa kanila. Pero hirap siyang panghawakan iyon ngayon dahil sa trahedyang sinapit ng kanyang pamilya. Hindi pa naman tapos ang Dios. Hindi mo naman masasabing hindi mapagkakatiwalaan ang Dios hangga’t hindi ka pa nakakarating sa dulo ng istorya ng buhay mo. Hindi mo pa nga lang nakikita. Pero sa bawat pangyayari sa buhay, sa buhay ni Noemi, sa buhay ni Job, sa buhay ni Joseph, sa buhay ng lahat ng anak ng Dios, may di-nakikitang kamay na kumikilos maging ito man ay sa trahedya ng buhay.

Kamay ng Dios. Hindi natin nakikita kapag natatabunan ng problema. Pero dapat nating makita. Kapag hawak ko si Daniel, kahit madapa pa siya o mabuwal o umiyak, alam niya kung gaano kahalaga ang kamay na iyon na nakahawak sa kanya. Maaaring hindi ninyo naranasan ang ganitong klaseng kamay sa buhay n’yo. Maaaring ang nakikita n’yo ay ang kamay ng tatay n’yo na sinasaktan kayo o ang nanay n’yo, o ang kamay n’yang nagbibigay lang ng pera pero hindi naman kayo niyayakap. Pero ang kamay ng Dios, oo nga’t makapangyarihan pero hindi malupit sa kanyang mga anak. Sa bawat trahedya sa buhay pinapakita n’yang meron tayong Ama sa langit na…

Kasama natin. Akala ni Noemi nag-iisa na lang siya. Pero hindi. Nandyan ang manugang niya na nangakong hanggang kamatayan ay sasamahan siya. Hindi naman responsibilidad ni Ruth iyon. At hindi lang iyon, kasama niya ang Dios! Kasama niya nang nagkaroon ng taggutom sa Bethlehem. Kasama niya nang tumira sila sa Moab. Kasama sila nung namatay ang asawa’t mga anak niya. Kasama niya sa pagbabalik sa Bethlehem. Hindi lang basta kasama, kundi…

Kumakalinga sa atin. Hawak ang buhay natin. Inaalagaan tayo. Ibinibigay kung ano ang kailangan natin (hindi basta gusto lang natin o inaasahan natin). Akala ni Noemi mapait na ang buhay niya, akala niya pinagmamalupitan siya ng Dios, akala niya ipinagkakait sa kanya ng Dios ang kasiyahan sa buhay, ang pangarap sa buhay. Akala niya pinabayaan siya. Pero sino ba ang bumaligtad ng taggutom at muling nagpaulan at nagpatubo sa mga pananim?

Gumagawa sa buhay natin. Para mas maintindihan natin ang mga nangyayari sa kuwentong ito, at kung bakit ito isinulat, magandang alam natin agad kung ano ang mangyayari sa katapusan. Siyempre kapag nanonood ka ng movie, ayaw mo nang ganoon. Pero ang pinag-uusapan natin kasi dito ay ang pag-asa ng pamilya. May pag-asa kung alam mo na may magandang mangyayari, may magandang gagawin ang Dios. Hindi mo man alam lahat ng detalye pero naniniwala ka na maganda ang plano ng Dios.

Bakit ko nasabing ang Ruth ay “Isang Kuwento ng Pag-asa”? Malungkot ang sinapit ng buhay ni Noemi. Pero sa pagbalik sa Betlehem, nabago ang takbo ng buhay niya. Masipag si Ruth na magtrabaho para sa biyenan niya. Doon niya nakilala si Boaz, na isang kamag-anak nila Noemi. Nagkatuluyan si Boaz at Ruth, ikinasal, at nagkaanak. Nagkaapo si Noemi, ang pangalan ay Obed, na siyang nagging lolo ni David, ang pinakamagiting na hari ng bansang Israel, na siya rin naming pinagmulang lahi ng darating na Tagapagligtas, ang Panginoong Jesus. Something big is happening in this story. Don’t forget that. Kasi gumagawa ang Dios para matupad ang napakaganda niyang plano. Hindi ibig sabihing wala tayong gagawin, may gagawin tayo pero alam din nating siya ang…

Gumagabay sa bawat hakbang natin. Siya ang magbibigay ng karunungan, siya ang magtutuwid kapag nagkakamali tayo, siya ang magbibigay ng lakas kung hindi na natin makaya ang mga kailangang gawin. Hindi niya tayo pababayaan, hindi niya tayo iiwanan. Minsan akala lang natin, pero bukas, sa isang linggo, o sa isang taon, o kapag huling araw na natin, malalaman natin, makikita nating mali pala ang akala natin. Nakahawak pala ang Dios sa bawat hakbang na ginagawa natin. Hindi siya bumibitaw. Baka tayo ang bumibitaw kaya tayo nadadapa.

Hindi rin tumpak ang kasabihang, “Habang may buhay, may pag-asa.” Mas tama pa siguro, “Habang may buhay, may problema; ngunit habang buhay ang Dios, tiyak na may pag-asa.” Sabi nga ng Bible scholar na si Tremper Longman III (Breaking the Idols of Your Heart, p. 38), “God uses the frustrations of this life and the hurt of relationships to compel us to look beyond what we can control to the God who controls all things in order to woo us to himself.” Nakita yun ni Ruth. Hindi iyon nakita ni Noemi.

“Nagsisimula pa lang ang anihan ng sebada nang dumating si Noemi sa Betlehem kasama ang manugang niyang si Ruth na Moabita” (v. 22). “Nagsisimula pa lang ang anihan…” Hindi pa tapos ang kuwento ng buhay ni Naomi at Ruth. Oo, naranasan nila ang trahedya, pero hindi pa tapos ang Dios sa kanila. Oo, umiiyak sila at may mga panahon na parang hindi na kaya ni Naomi, parang wala nang pag-asa, pero hindi pa tapos ang ginagawa ng Dios, nagsisimula pa lang siyang buuin ang kanyang magandang plano sa kanilang pamilya, at hindi nila alam na ang planong ito ay hindi lamang para sa kanilang pamilya kundi mas malaki pa at ang makikinabang ay ang buong mundo na nangangailangan ng pag-asa sa bawat pamilya.

Hindi pa tapos ang kuwento. Umalis ang pamilya ni Noemi sa panahon ng taggutom, bumalik siya kasama ang manugang at dayuhan na si Ruth na simula na ng anihan. Merong ginagawa ang Dios. Hindi pa tapos ang Dios sa pamilya natin. Marami pa tayong dapat abangan. Nasa chapter 1 pa lang ang Dios sa buhay natin. Kaya gaano man karaming luha ang pumatak sa ating mga mata, tandaan natin na merong di-nakikitang kamay na kumikilos sa bawat trahedya sa buhay. Kaya ibukas natin ang ating mga mata at pagmasdan ang kamay ng Dios na kasama at kumakalinga sa atin, gumagawa at gumagabay sa bawat pamilya gaano man kabigat ang maranasang trahedya.

2 Comments

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.