Hindi Kita Malilimutan

Isang Pagbubulay sa Pusong-Nanay ng Diyos

May 8, 2011 (Mother’s Day)  |  By Derick Parfan  |  Scripture: Isaiah 49:14-26

[vimeo http://vimeo.com/25852251]

Downloads: audio  |  video

Ang mga Nanay ay Larawan ng Diyos

Bakit sa tingin ninyo nilikha ng Diyos ang mga nanay? Sagot ng iba, “Upang maging katuwang ni tatay.” Oo, tama rin iyan. Sabi ng Diyos sa Genesis 2:18, “Hindi mabuti na ang lalaki ay nag-iisa; siya’y igagawa ko ng isang katuwang na nababagay sa kanya” (Ang Biblia). Puwede ring isagot ng iba, “Upang mag-alaga at magpalaki sa anak.” Tama rin iyan. Ayon sa Genesis 3:20, “Tinawag ng lalaki ang kanyang asawa na Eva sapagkat siya ang naging ina ng lahat ng mga nabubuhay.” Ang naunang dalawang sagot ay may kinalaman sa relasyon sa asawang lalaki at sa anak. Pero ang pangunahing dahilan kung bakit may  nanay ay upang maging salamin ng karakter at puso ng Diyos. Tingnan ninyo ang Genesis 1:26-28:

Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Ngayon, likhain natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis. Sila ang mamamahala sa mga isda, sa mga ibon sa himpapawid at sa lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit.” Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan. Sila’y kanyang nilalang na isang lalaki at isang babae, at sila’y pinagpala niya. Sinabi niya, “Magpakarami kayo at punuin ninyo ng inyong mga anak ang buong daigdig, at kayo ang mamahala nito. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa tubig, sa mga ibon sa himpapawid, at sa lahat ng mga hayop na nasa ibabaw ng lupa.”

Hindi lang lalaki ang nilikha ayon sa larawan ng Diyos. Pati babae. Hindi lang tatay, pati rin ang nanay. Ibig sabihin ng larawan ay parang isang salamin na kapag tiningnan mo kamukhang-kamukha ang makikita mo. Ayon rito, ang mga nanay ay nilikha para maipakita sa pamilya, sa kapitbahay, at sa buong mundo kung sino ang Diyos na lumikha sa kanya. Mayroon tayong makikita sa mga nanay na patungkol sa Diyos na hindi natin makikita sa mga tatay.

Yes, we call God our Father. Ito rin naman ang itinuro sa atin ng Panginoong Jesus. Pero huwag nating kalimutan na hindi mali na sabihin rin nating ang Diyos ang ating nanay. Kasama sa kanyang pagiging Ama ang pagkakaroon ng puso ng isang ina. Sa panahon ngayon, kung ang nanay ay nasa ibang bansa at naiwan ang tatay na mag-alaga ng anak, kahit ano ang gawin ng tatay hindi niya puwedeng palitan ang nanay. Pero sa Diyos mayroon tayong Ama, mayroon din tayong nanay. Oo, may pusong nanay ang Diyos. Ang mga nanay ay larawan ng pusong-nanay ng Diyos. Pansinin ninyo ang sinabi niya sa teksto natin:

Ang sagot ni Yahweh, ‘Malilimot kaya ng ina ang sarili niyang anak? Hindi kaya niya mahalin ang sanggol niyang iniluwal? Kung mayroon mang inang lumilimot sa kanyang anak, hindi ko kayo kakalimutan kahit sandali (Isaiah 49:15 MBB).

“Nakalimutan na Tayo ng Diyos!”

Bakit ito sinabi ni Yahweh? Bakit niya nagamit ang ilustrasyon ng pagiging nanay para bigyang diin ang katotohanang hindi siya lumilimot sa kanyang bayang pinili, sa Israel? Kasi sa kabila ng kanyang kabutihan at mga binitiwang pangako na magbibigay sa kanila ng pag-asa, ito pa ang sabi ng mga Israelita (“Zion” sa orihinal), “Pinabayaan na tayo ni Yahweh. Nakalimutan na niya tayo” (v. 14). Isa itong salita ng isang taong desperado na at nawawalan ng pag-asa dahil sa mga paghihirap na naranasan niya sa buhay.

Tandaan ninyong isinulat ang aklat na ito ni propeta Isaiah sa panahong malapit nang parusahan ng Diyos ang mga taga-Judah (ang southern kingdom) sa pagpapatapon sa kanila sa Babylon. Nauna nang ipatapon ng Diyos ang northern kingdom (Israel) sa Assyria. Mula chapter 1 hanggang 39, binibigyang diin ang pagpaparusa ng Diyos sa kanila dahil sa kanilang pagrerebelde sa kanya. Pero mula chapter 40 hanggang 66, puro mensahe ng pag-asa ang ibibigay niya. Sa perspektibo ng mga nasa ibang bayan na, bibigyan niya sila ng pag-asa at pangakong babalik sila at darating ang Messiah, ang tagapaglitas. Makikita ito sa isa sa mga tinatawag na Servant Songs sa 49:1-13.

Siguro dahil sa bigat ng pinagdaraanan nila, hindi nila nakikita ang presensiya ng Diyos, parang hindi nila kasama ang Diyos kaya nasabi nila, “Pinabayaan na tayo ni Yahweh.” Para sigurong isang nanay na nangibang-bansa at araw-araw na hinahanap ng kanyang 3-taong anak, “Nasaan na si nanay? Bakit hindi ko na siya nakikita?” Akala ng mga Israelita ay iniwan na o pinabayaan na sila ng Diyos. Pero hindi lang iyon. Maging ang mga nanay na malayo sa anak, iniisip at naaalala pa rin ang kanilang mga anak. Pero nasabi pa rin ng mga Judio, “Nakalimutan na niya tayo.” Para bang sinasabi nilang hindi na sila iniisip ng Diyos, para bang wala nang pakialam ang Diyos sa kanila. Nagdududa at hindi na sila naniniwala sa pangako ng Diyos.

Ganito ang mangyayari sa atin kung titingin lang tayo sa mga nangyayari sa paligid natin. Magtatanong tayo, “Nasaan na ang Diyos?” Ang problema natin – kinakalimutan nating may Diyos na kailanma’y hindi lumilimot sa atin. Siya ang nagsabi ng kanyang pangako, “Hindi kita iiwan ni pababayaan man.” Sinabi rin niyang, “Hindi kita malilimutan.” Hindi lang ito intelektuwal na pag-alala, kundi nasa pusong pag-aalaga, pag-iingat, pagmamahal, pagkaawa, pagkaawa at pag-ibig sa atin. Ganyan ang Diyos kung umibig sa atin. Huwag na huwag nating kalilimutan. Upang hindi natin makalimutan ang napakahalagang katotohanang iyan, nagbigay siya ng isang napaka-powerful na illustration, “Malilimot kaya ng ina ang sarili niyang anak? Hindi kaya niya mahalin ang sanggol niyang iniluwal” (49:15a)?

Kaya Bang Lumimot ng mga Nanay?

Ang salitang “malilimot kaya” ay nagpapakita ng kakayahan, “Kaya niya kaya? Piliin man niyang lumimot, kaya ba niya? Posible ba?” Ang “anak” na binabanggit dito ay sa literal na salin, “pasusuhing sanggol.” Kapag ang anak niya kayang iyak nang iyak dahil gutom na at walang ibang puwedeng pagkain maliban sa gatas ng ina, papanoorin ba iyon ng nanay at walang gagawin? Imposible! Kahit ako tulog na tulog sa hatinggabi pero si Jodi babangon iyan para padedehin si Daniel. Kahit antok na antok at pagod, hindi niya malilimutang alagaan ang anak.

Nakikita ba ninyo kung bakit hindi tatay ang ginamit na image dito ng Panginoon? Kasi hindi ganoon ka-powerful! Makakalimutin kaya ang mga lalaki. Kapag may ibinilin lang sa akin ang asawa ko, kung marami akong iba pang iniisip nakakalimutan ko tuloy. Pero ang mga babae, multi-tasking, kayang sabay nagbreastfeed, nagbabasa, nag-iisip kung ano ang iluluto maya-maya, at paano pasasayahin si mister pag-uwi. Hindi ba?

Kaya bang lumimot ng mga nanay? Para yatang imposible! Pero…puwede. “Kung mayroon mang inang lumilimot sa kanyang anak…” (“Oo, ang mga ito’y makakalimot,” Ang Biblia) (49:15b). Wala namang perpektong nanay. Lahat din ng nanay ay makasalanan at may mga limitasyon. Si Jodi baka makatulog habang nagpapadede. May mga nabasa siyang ilang kaso na namatay ang anak dahil nakatulugan at nadaganan. Ang tito ko may inampon na isang bata na isang araw ay iniwanan sa labas ng bahay niya ng kanyang nanay. Parang imposible sa isang nanay, pero puwedeng mangyari. Hindi naman lahat sa atin dito ay puro magaganda ang masasabi sa nanay natin. Mayroon ding mga pangit at masasakit na karanasan.

Pero ang Diyos? “Kung mayroon mang inang lumilimot sa kanyang anak, hindi ko kayo kakalimutan kahit sandali” (“ngunit hindi kita kalilimutan,” Ang Biblia) (49:15b). Ang pag-ibig ng Diyos sa atin, ikumpara man sa pinakamataas na antas ng pag-ibig ng tao tulad ng ina sa kanyang sanggol, ay walang katulad. Dahil mga itinuturing ng mga anak ng Diyos, hindi niya tayo kalilimutan, ayaw niyang may mangyaring masama sa atin, puro kabutihan ang nais niya para sa atin. Hindi rin niya tayo malilimutan, imposible na siya ay lumabag sa kanyang karakter. Sabihin man nating magagawa ng Diyos ang lahat ng bagay, may mga bagay na hindi niya kayang gawin. Hindi niya kayang limutin tayo. Imposible iyon kung tayo ay nakay Cristo (cf. Rom. 8:1, 28-39). Bakit hindi niya tayo kalilimutan at malilimutan?

Diyos na Buhay Magpakailanman

Jerusalem, hinding-hindi kita malilimutan. Pangalan mo’y nakaukit sa aking mga palad. 17Malapit nang dumating ang muling magtatayo sa iyo, at ang nagwasak sa iyo ay paalis na. 18Tumingin ka sa paligid at masdan ang nangyayari. Ang mga mamamayan mo’y nagtitipun-tipon na upang umuwi. Ako si Yahweh, ang Diyos na buhay, ang nagsasabi: ipagmamalaki mo sila balang araw, tulad ng babaing ikakasal na suot ang kanyang mga alahas. (vv. 16-18)

Utang natin sa ating mga nanay ang buhay natin. Wala ni isa man sa atin ang buhay kung hindi dahil sa mga nanay natin. Anumang himutok mo sa iyong nanay, hindi mo maikakaila na kung hindi dahil sa 9 na buwang inilagi mo sa kanyang sinapupunan, wala ka rito sa mundo. Kung hindi dahil sa gatas ng nanay mo, hindi ka na sana nabuhay. Salamat sa Diyos sa mga nanay na nagbigay ng buhay sa atin. Salamat din dahil sa kanilang walang sawang pagmamahal sa atin kahit sa panahong naging teenager na tayo at masakit na sa ulo.

Pero ang pagmamahal ng nanay kukupas din, maaaring kapag teenager na at puro sakit ng ulo o naging drug addict na ang anak. Sasabihin ni nanay, “Ayoko na. Ginawa ko na ang lahat ng magagawa ko para sa kanya.” Kung hindi man mangyari iyon, darating ang araw na magkakasakit din ang nanay o kukuhanin na ni Lord. Ang tita ko nagkaroon ng lung cancer, wala pang 40 namatay na. Naiwan ang asawa na mag-alaga sa tatlong anak. Anuman ang gawin niya para maging nanay, hindi siya kailanman magiging nanay dahil tatay siya. Darating ang araw, hindi na natin mararamdaman ang pag-ibig ng nanay.

Pero ang Diyos? “Hinding-hindi kita malilimutan. Pangalan mo’y nakaukit sa aking mga palad…Ako si Yahweh, ang Diyos na buhay.” Kung nakaukit sa palad ng Diyos ang ating mga pangalan, magpakailanman iyon. Hindi na mabubura pagkat buhay ang Diyos magpakailanman. Ang isang lalaki kapag nagpa-tattoo ng pangalan ng girlfriend niya, tatanggalin din kahit masakit kapag nagbreak na sila at may iba nang girlfriend. Hindi ba’t kinikilig ang mga babae kapag nakapost sa Facebook ng boyfriend mga pictures nila? Pero paano kapag wala na sila, tatanggalin din iyon. Ang relationship status, mula sa “In a relationship” magiging “Single.” Pero sa Diyos kailanman hindi niya magagawa sa atin iyon. Walang makabubura ng pangalan natin sa isip ng Diyos. Anuman ang bigat ng sitwasyon natin ngayon, huwag nating kalilimutan na mayroon tayong Diyos na hindi tayo malilimutan.

Diyos na Kahanga-hanga kung Magbigay

Nagpapasalamat tayo sa Diyos sa mga nanay dahil maabilidad sila. Sabi ng isa na nagshare sa Kaagapay Night natin kung ano ang ipinagpapasalamat nila sa kanilang nanay: “Tinuruan niya akong magluto. Nagamit ko sa pamilya”; “Palaging may surprise na gift kapag Christmas”; “Masarap na pagluluto. Incomparable sa iba”; “Laging gumagawa ng paraan kahit hindi sabihin.” Bagamat pangunahing responsibilidad ng tatay ang pag-provide sa family, may responsibilidad din ang nanay na tiyaking nakakakain at naaalagaan ang mga bata. At diyan magaling ang mga nanay.

Pero hindi lahat ng nanay. Unang gabi namin sa paglipat ng bahay, nagkuwento ang tito ko na kung umuwi man siya sa kanila nang gabing iyon, wala siyang dadatnan na hapunan kasi hindi naman daw nagluluto ang asawa niya, hindi siya inaasikaso. Maging mga nanay maaaring magkulang sa pag-aalaga. Pero ang Diyos?

Aking pinabayaan na mawasak ang iyong bansa, ngunit ngayon ito’y magiging masikip sa dami ng tao; at ang mga taong dumurog sa iyo ay itatapon sa malayo. 20Sasabihin ng mga anak mo balang araw na isinilang sa pinagtapunan sa inyo: “Ang bayang ito’y maliit na para sa atin. Kailangan natin ang mas malaking tirahan.” 21Sasabihin mo naman sa iyong sarili, “Kaninong anak ang mga iyon? Nawala ang mga anak ko, at ako nama’y hindi na magkakaanak. Itinapon ako sa malayo, ako’y iniwang nag-iisa. Saan galing ang mga batang iyon?” (vv. 19-21)

Maraming nawala sa mga Judio dahil sa kanilang pagkakatapon sa ibang bansa. Pangako ng Diyos kay Abraham na siya ang magiging ama ng napakarami. Paano na iyan? Pero nangako ang Diyos na ibabalik itong lahat ng Diyos kung sila’y magbabalik sa kanila at patuloy na magtitiwala. Magtataka pa nga sila kung paano magkaloob ang Diyos. Ang Diyos kailanman ay nagbibigay ng lahat ng kailangan natin. At magtataka tayo at mamamangha sa paraang ginagamit niya. At tatanungin din natin sa ating pagkamangha, “Saan galing ang mga ito?”

Lumipat kami ng bahay at medyo malaki ang upa, pero ang Diyos na ang nagprovide ng kalahati sa pamamagitan ng isang nagmamahal sa amin. Tapos may mga ginamit pa siya para makasuporta sa amin. Kaya kapag may mga surprises, sasabihin lang naming mag-asawa, “Galing ni Lord, ‘no?” Amazing. Kaya para sa inyo na maaaring nagrereklamo na sa Diyos dahil tingin ninyo ay kinakapos na kayo, huwag kayong magtaka isang araw ipakita sa inyo ng Diyos na siya’y kahanga-hanga kung magbigay. Huwag kalimutang may Diyos na hindi tayo lilimutin.

Diyos na Hindi Sumisira sa Pangako

Ang mga tatay kapag may ipinangako sa anak, maaaring makalimutan lalo na kapag maraming mga pinagkakaabalahan. Ang nanay mas maaalalahanin lalo na kapag may mga special occasions. Pero may mga nanay rin na nasisira sa kanilang pangako. Halimbawa, aattend sa graduation tapos inasahan mo, tapos pinamalita mo sa sa mga kaklase mo. “Aattend ang nanay ko, yehey!” Umasa ka. Araw ng graduation, naghintay ka. Walang dumating. Napahiya ka lang sa mga kaklase mo. Sabi nila, “Akala ko ba pupunta nanay mo, hindi naman pala. Wawa ka naman.” Pero ang Diyos?

Ang sagot ng Panginoong Yahweh sa kanyang bayan: “Huhudyatan ko ang mga bansa, at ang mga anak mo’y iuuwi nila sa iyo. 23Ang mga hari ay magiging parang iyong ama at ang mga reyna’y magsisilbing ina. Buong pagpapakababang yuyukod sila sa iyo bilang tanda ng kanilang paggalang; sa gayon ay malalaman mong ako nga si Yahweh. Hindi mapapahiya ang sinumang magtiwala sa akin.” (vv. 22-23)

“No one who hopes in me ever regrets it” (v. 23, The Message). Nangako siya di ba na siyang magkakaloob ng pangangailangan natin? Mapapahiya ba ako sa iba kung sabihin kong sa Diyos ako nagtitiwala? Mapapahiya ba ako sa inyo kapag hikayatin ko kayong manalangin at umasang sasagot siya sa panalangin? Hindi! Kasi mangyayari. Maaaring hindi sa paraang inaasahan natin. Pero sasagot siya. Halimbawa, nagka-mild stroke ang kapatid ng isa sa mga members natin, ngayon hindi makapagsalita at makalakad. Pero naging daan iyon na ginamit ng Diyos para makadalaw ako at maipanalangin. Tapos sa Martes ay mag-start na ng pag-aaral ng Following Jesus ang buong pamilya.

Hindi tayo mapapahiya sa Diyos. Kung may dalawang mangungutang sa iyo, ang isa may record na hindi nagbabayad at ang isa palaging nagbabayad, sino ang pauutangin mo? Pero ang Diyos hindi mangungutang, siya pa nga ang magbibigay sa iyo. Wala pa siyang sinirang pangako. Wala. Hindi ka mapapahiya kung sa kanya ka magtitiwala.

Marami man ang tutol sa pinagdedebatehang Reproductive Health Bill, kabilang ang PCEC (kung saan kabilang ang ABCCOP at ang church natin) sa sumusuporta dito. Kung makakatulong ito sa mga nanay at sa mga mahihirap na mas magkaroon ng quality life, bakit hindi natin susuportahan? Huwag lang maging daan para maencourage ang abortion. Ayon kay Bishop Tendero ang RH Bill ay nagpopromote ng responsible parenthood. Sabi niya, “The RH bill protects the life of both the mother and the baby in her womb. Supporting the bill is pro quality of life.”

Maganda nga ang panukalang ito para sa mga nanay at pamilya, lalo na sa mahihirap. Pero paano kung hindi naman maipatutupad? Ang Diyos napakaganda ng panukala at pangako para sa lahat sa atin. Wala pa siyang record na sumira sa usapan. Makakaasa tayo diyan. Maganda ang ibang mga programa ng gobyerno, pero lahat ng programa ng Diyos ang dapat nating asahan.

Diyos na Makapangyarihang Tagapagligtas

Sabi pa ng iba sa ating Kaagapay Night: “Nang inaway, kinagalitan ng nanay ko ang nang-away sa akin. Overwhelming.” “Mas inuuna niya ang kapakanan ko kesa sa sarili niya. Sacrifice.” “Nang pinalo ako ng nanay ko. Masakit, pero paalala sa akin.” Inililigtas tayo ng ating mga nanay sa mga panganib na maaari nating sapitin. Pero paano kung naging drug addict na ang anak at wala nang magawa ang nanay? May hangganan ang magagawa ng nanay para iligtas tayo sa panganib. Kung ang anak mo ay nakidnap ni Osama bin Laden, kaya mo bang bawiin? Pero ang Diyos?

Mababawi pa ba ang nasamsam ng isang kawal? Maililigtas pa ba ang bihag ng isang taong malupit? 25Ang sagot ni Yahweh: “Ganyan ang mangyayari. Itatakas ng mga kawal ang kanilang bihag, at babawiin ang sinamsam ng malupit. Ako ang haharap sa sinumang lalaban sa iyo, at ililigtas ko ang iyong mga anak. 26Hihimukin kong magpatayan ang mga umaapi sa inyo. Mag-aalab ang kanilang poot, at mahuhumaling sa pagpatay. Sa gayon makikilala ng sangkatauhan na akong si Yahweh ang Makapangyarihang Diyos, ang nagligtas sa Israel.” (vv. 24-26)

Oo, katulad ng pagmamahal ng ina ang pag-ibig ng Diyos sa atin pero higit pa dun. “Ako ang haharap sa sinumang lalaban sa iyo, at ililigtas ko ang iyong mga anak.” May mga panahon ngang hindi na natin kayang iligtas ang ating mga anak. Maaaring lugmok na sa bisyo o nahumaling na sa kamunduhan. Kahit anong sermon ang gawin ng nanay o tatay, wala pa rin. Pero ang Diyos? Kaya niyang iligtas ang ating mga anak sa kapahamakan at kamunduhan! Walang makapananaig sa kanya. He is mighty to save. If God is for us, who can be against us (Rom. 8:31)?

May pinsan akong nakulong sa Saudi ng ilang buwan. Pero ngayon nakalaya na, pero hanggang ngayon nakakulong pa rin dahil sa kanyang mga kasalanan at hindi pa pinapalaya ni Cristo. Sabi ng tito ko, ang tatay niya, na kausapin ko daw baka makinig sa akin at magbago. Kasi alam niya na kahit siya ang magulang wala na siyang magawa. Paano kung ipanalangin ko at kumilos ang Panginoon at tuluyan siyang makalaya? “Sa gayon makikilala ng sangkatauhan na akong si Yahweh ang Makapangyarihang Diyos, ang nagligtas sa Israel.”

Mga nanay, hindi kayo ang tagapagligtas. Hindi kayo Diyos. Salamin kayo ng Diyos, pero hindi ninyo puwedeng palitan ang Diyos. Mga nanay, may iba pang nanay na kailangan din ng kaligtasan. Mamayang hapon ay magpapamigay tayo ng invitation para sa DVBS. Puwede kayong sumama para makilala ninyo ang nanay ng mga bata at masimulang ipanalangin at maibahagi din sa kanilang ang mensahe ng kaligtasan.

Para sa mga may Nanay, Para sa Lahat

Lahat tayo may nanay. Honor God by honoring your mothers. Thank God for them. The issue is not if they deserve it. God deserves it. May nagtext sa akin kagabi:

Gusto ko lang po sanang ishare yung one of the secret of my life. Alam niyo po ba before kapag sumasapit ang Mother’s Day malungkot ako. Matagal na kaming mag-asawa pero hindi pa rin kami nireregaluhan ni Lord ng baby. Minsan nga dumating na kami sa point na parang maghihiwalay. Pero napakabuti sa akin ni Lord hindi niya pinahintulutan na mangyari.

Until one day may isang babae na lumapit sa akin, buntis siya nung time na yun at sinabi niya sa akin na ibibigay daw niyang yung anak niya sa akin pero kung ayaw ko daw ipapalaglag na lang daw niya. Nabigla ako at umiyak kasi naisip ko that time bakit ganon ang buhay? Kasi ako matagal naghihintay at nagdarasal na pagkalooban ng baby pero di ako binibigyan samantalang sila parang bagay lang sa kanilan yun na puwedeng itapon at ipamigay.

Kinausap ko [ang aking asawa]. After namin mag-usap nung babae nung umpisa parang ayaw pero pumayag din siya. Pero may kundisyo siya (asawa ko). Baby girl daw ang gusto niya. Nalungkot ako nung sinabi niya yun kasi naisip ko paano kung baby boy sya e di ipapalaglag na siya ng nanay niya. Nagpray ako at umiyak kay Lord. Sabi ko kung talagang kalooban mo sana babae yung baby kasi ayokong ipagkait sa isang bata na maranasan ang mabuhay dito sa mundo at gusto kong maranasan niya ang biyaya at pagmamahal ng Diyos sa atin.

At kinabukasan naisip kong ipaultrasound yung babae at praise God babae [ang anak]. Napakasaya ko nung araw na iyon. Sa sobrang saya ko after namin sa clinic, namili na agad ako ng mga gamit para sa magiging baby ko. Sobrang excited talaga ako. Hanggang isang umaga kumakatok yung babae at sinabi niyang manganganak na daw siya. Hindi na ako pumasok sa trabaho nung time na yun.

At ngayon Mother’s Day napakasaya ko kasi hindi man galing sa akin yung baby na yun, para sa akin at dito sa puso ko anak ko siya at ako lang ang mama niya.

“Dito sa puso ko anak ko siya at ako lang ang mama niya.” Dalawang larawan ng nanay. Ang isa hindi maganda, ang isa sumasalamin sa pag-ibig ng Diyos sa atin. If you have mostly negative experiences with your mother, look to God and hope in him alone. “For my father and my mother have forsaken me, but the Lord will take me in” (Psa. 27:10). Anumang sitwasyon o sirkumstansya mo ngayon sa buhay at sa iyong pamilya, tandaan mong palagi na may Diyos na nangakong, “Hindi kita malilimutan.” Dahil sa ating mga kasalanan, hindi tayo karapat-dapat tawaging mga anak ng Diyos. Pero itinuring na niya tayong mga anak dahil kay Cristo at nangakong iibigin tayo habang siya’y nabubuhay.

2 Comments

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.