January 13, 2013 | Derick Parfan | 1 Corinthians 3:5-9
What then is Apollos? What is Paul? Servants through whom you believed, as the Lord assigned to each. I planted, Apollos watered, but God gave the growth. So neither he who plants nor he who waters is anything, but only God who gives the growth. He who plants and he who waters are one, and each will receive his wages according to his labor. For we are God’s fellow workers. You are God’s field, God’s building. (1 Corinthians 3:5-9)
Meron po tayong ilang mga kapatid na babautismuhan sa tubig mamaya. Ang isa ay si Cyril. Nakatira siya sa Australia kasama ang pamilya niya doon. Nagbakasyon siya nitong December sa bahay ng lolo’t lola niya. Tamang-tama namang nakasama siya sa Story of God sa pangunguna nina Jona at Andrea. Nakita niya kung ano ang hinahanap-hanap niyang kulang sa buhay niya. Walang iba kundi ang Panginoong Jesus. Bukod kina Jona, ang lolo niya ang palaging kumakausap sa kanya at tinutulungan siyang makilala si Jesus. Katatapos lang nating bautismuhan ang lolo niya last December. Ngayon naman kasama ko siyang magbabautismo kay Cyril dahil malaking bahagi siya sa buhay ng kanyang apo. Aksidente ba ang pagkapunta dito ni Cyril? Hindi! Ang lolo niya, tayo ba ang nagdala sa kanya dito? Hindi ba’t ang Dios ang nagdala sa kanya? May bahagi tayong ginampanan para ikuwento ang Story of God sa kanila pero alam nating ang nangyaring pagbabago sa buhay nila ay nakasalalay sa ginawa at ginagawa ng Dios.
Isa lang ito sa maraming kuwento ng mga ginagawa ng Dios sa church natin. Ang gagawin ko ngayon ay ikuwento ang mga ito sa inyo at bigyan din kayo ng ideya kung anu-anong pa ang aabangan nating gagawin ng Dios ngayong bagong taon. Hindi lang ito pastoral report, kundi sermon din. Ang iuulat ko sa inyo ngayon ay hindi nakafocus sa mga bagay na ginawa ng inyong pastor o anumang mga bagay na ginawa natin. Kasama iyon, pero ang focus ay sa mga gawa ng Dios. Kaya karamihan ng sasabihin ko ay iyong mga magagandang bagay na ginawa niya at aabangan nating gagawin pa. Hindi dahil perpekto ang church natin at mga leaders natin. Hindi! Saka natin pag-uusapan ang mga problema at mga kakulangan. Pero hindi iyon ang highlight ngayon. Wala namang ginagawang hindi maganda ang Dios, di ba?
Ang layunin ko ngayon ay bigyan kayo ng tamang pananaw sa mga nangyari at mga mangyayari pa. I pray that we will all have a God-centered perspective in this church. Kasi kung walang ganoong pananaw, at ang tingin natin ay sa pastor o sa kanino mang tao, sino ang ipagmamalaki natin? Hindi ang Dios kundi ang tao, kaya sabi ni Pablo, “Huwag ninyong ipagmalaki ang sinuman” (1 Corinto 3:21 ASD). Pero kung tama ang pananaw natin, ang gawa lang ng Dios ang ipagmamalaki natin. Mag-uumapaw ang pagpupuri natin sa Dios. “Ang gustong magmalaki, ipagmalaki lamang ang ginawa ng Dios” (1:31).
Kung sa tao ang tingin natin, sa tao din tayo magtitiwala. Ito ang naging problema sa iglesia sa Corinto. Kaya sumulat si Pablo sa kanila kasi nababaling ang tiwala ng mga tao sa liders nila. Ang iba sabi, “Kay Pablo ako”; ang iba, “Kay Apolos ako”; ang iba, “Kay Pedro ako”; ang iba, “Kay Cristo ako” (1:12). Iba-iba kasi ang pananaw, iba-iba tuloy ang pinagtitiwalaan. Sa halip na ang iglesia ay sa Dios nakasandal, nagiging sa tao na. Ito ang ayaw na mangyari ni Pablo. Kaya sabi niya tungkol sa layunin ng kanyang pangangaral, “…nang sa ganoon, hindi nakasalalay sa karunungan ng tao ang inyong pananampalataya kundi sa kapangyarihan ng Dios” (2:5).
Kung ang pananaw natin ay sa tao, natural na magkakaroon ng pagkakabaha-bahagi at kampihan sa church. Ito ang nakarating na balita kay Pablo, “May nagbalita sa akin mula sa tahanan ni Cloe na may mga alitan sa inyo” (1:11). Kung tama ang pananaw natin at sa Dios lang, madali nating masusunod ang pakiusap ni Pablo, “sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo (sa kanyang karangalan lang!), na magkaisa kayong lahat, na walang hidwaang namamagitan sa inyo. Magkaisa kayo sa isip at layunin” (1:10).
Kung ang pananaw natin sa church na ito ay sa Dios lang, ang pagmamalaki o pagmamapuri natin ay ang Dios lang, ang pagtitiwala natin ay sa Dios lang, at ang pagkakaisa natin ay alang-alang lang sa karangalan ng Dios. Ngayon, anu-ano dapat ang pananaw natin sa church na ito upang ang maging pananaw natin ay talagang sa Dios lang? Maraming sinabi si Pablo tungkol diyan sa chapters 1-4, pero magfocus tayo sa 3:5-9:
Sino ba si Apolos at sino si Pablo? Kami‘y mga lingkod lamang ng Diyos na kinasangkapan niya upang akayin kayo sa pananampalataya kay Cristo. Ginawa lamang ng bawat isa sa amin ang tungkuling ibinigay ng Panginoon. Ako ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, subalit ang Diyos ang nagpatubo at nagpalago. Hindi ang nagtatanim o nagdidilig ang mahalaga kundi ang Diyos, sapagkat siya ang nagpapatubo at nagpapalago. Ang nagtatanim at ang nagdidilig ay parehong manggagawa lamang, at bawat isa’y tatanggap ng gantimpala ayon sa kanyang pagsisikap. Kami’y kapwa manggagawa ng Diyos at kayo ang kanyang bukirin. (MBB)
Una, ang iglesiang ito ay iglesiang pag-aari ng Dios.
Dalawang larawan ang ginamit ni Pablo sa verse 9 tungkol sa church. “You are God’s field, God’s building” (ESV). Ang isa ay ang gusali na siya niyang pinagtuunan ng pansin sa mga sumunod na verses. Ang isa naman ay ang bukirin na siyang larawang ginamit niya mula sa verse 6. Ang focus ng larawang ito ay hindi sa bukirin kundi sa nagmamay-ari ng bukirin – walang iba kundi ang Dios. Hindi pastor ang may-ari ng church na ito, hindi rin ang Council of Elders, hindi rin ang congregation, hindi rin ang mga mayayamang malaking magbigay. Ang Dios lang. Kung siya ang may-ari siya ang masusunod kung ano ang gusto niyang mangyari dito.
April 2009 noon, bago pa lang akong pastor noon (mag-aapat na taon na ngayon), nagkaroon ng retreat ang mga leaders ng church para pakinggan ang sasabihin ng Dios at makita ang vision na ipapakita ng Dios para sa atin. Last December 28-29, nagkaroon ulit ng planning and retreat ang mga leaders at mga future leaders ng church. Maraming bago ang idinagdag ng Dios sa church natin na kahit bago pa lang sila ay gusto na nilang maging bahagi ng napakalaking vision ng Dios para sa church natin. Nilinaw ulit ng Dios sa atin na ang nais niya dito sa ating iglesia ay maging…
- Story-Formed. Isang pamilya na binubuo ng maraming pamilyang sama-samang namumuhay at binabago ng Story of God at sabik na ikuwento din ito sa iba.
- Family. Isang pamilyang binubuo ng mga tagasunod ni Jesus na sama-samang nagtutulungan at nagpapalakasan para pag-ibayuhin pa ang paglaban sa kasalanan at pagsunod kay Jesus.
- Worshippers. Isang pamilyang mainit na mainit at naglalagablab ang puso sa pagsamba sa Dios.
- Servants. Isang pamilya ng mga naglilingkod sa Panginoon ayon sa kanya-kanyang gampanin at pagkatawag.
- Missionaries. Isang pamilyang dahil sa sobra-sobrang pagpapalang tinanggap ay nag-uumapaw para mapagpala din ang ibang tao at mailapit sa Dios hindi lang dito sa Bulacan at Pampanga, kundi sa Luzon, Visayas, Mindanao, at hanggang sa dulo ng mundo.
Ito ang gusto niyang mangyari para sa bawat isa sa atin, hindi lang para sa iilan sa atin. Tayo ang bukirin ng Dios. Gusto niyang mataniman, madiligan, tumubo, lumago, maging malusog, mamunga, at maani ang bunga at makarating sa iba’t ibang palengke at iba’t ibang bahay kahit sa malalayong lugar. Ito ang gusto ng Dios. Siya ang masusunod. Siya ang may-ari ng buhay mo. Hindi ikaw. Hindi ikaw ang masususod.
Ikalawa, ang mga nangyayari sa iglesiang ito ay dahil sa gawa ng Dios.
May nangyari noong nakaraang taon para unti-unti nating marealize ang vision ng Dios sa church natin. May ginawa tayo. Pero tandaan natin, habang pinapakinggan n’yo ang mga ikukuwento ko mamaya, na hindi ang gawa natin ang pinakamahalaga kundi ang gawa ng Dios. Sabi ni Pablo, “Ako ang nagtanim, at si Apolos ang nagdilig. Ngunit ang Dios ang siyang nagpatubo. Hindi mahalaga ang nagtanim at ang nagdilig, kundi ang Dios na siyang nagpatubo nito” (3:6-7 ASD).
Last year, ipinakita ng Panginoon ang kanyang kapangyarihan sa atin sa pamamagitan ng kanyang pagkilos sa ating iglesia at sa katagumpayang ibinigay niya sa atin mula sa kanyang biyaya at pagpapala. Oo nga’t pinangunahan ko ang church natin last year sa buong taong pag-aaral ng Story of God. Nakinig tayo ng sermon, nagbasa tayo ng Bibliya. Pero hindi ba’t ang Dios ang narinig nating nagsasalita, siya ang nagpapakilala sa atin, ang Espiritu niya ang kumikilos sa buhay natin kaya may mga pagbabagong nangyayari. Marami na sa inyo ang naexperience ang 12-Week Story of God, basic discipleship set natin para sa mga small groups para matutunan din nating ibahagi ito sa iba. Ang ilang sa inyo ay nakakilala sa Panginoon dahil doon. Mahigit 30 na ang nakapagtraining na para maikuwento din ito sa iba. May isang pamilya na sama-samang nagtraining para sila naman ang magkukuwento sa iba. Itong nakaraan lang may sinimulan tayong training para iyong katatapos pa lang ng Story of God sila naman magkuwento sa iba. Patuloy pa rin po nating ipanalangin ang mga ongoing Story of God sessions dito sa church natin. Ang ibang K-Groups ginagawa iyon. Meron din tayo sa Barangca, merong mga kabataan sa Pulilan, hopefully magpabaptize din at maitrain nating sila naman ang magkuwento sa pamilya nila, at eventually, makapagsimula ng sarili nilang church doon. Nagkaroon din tayo ng mga Story of God sa mga bata sa iba’t ibang lugar, nakita natin kung paanong ang mga anak ninyo ang ginamit din ng Dios para ikuwento ito sa ibang bata.
Exciting ito kasi alam nating may ginagawa ang Dios at may gagawin pa. Marami na sa inyo ang nagpapakita ng interest na magkaroon din ng Story of God sa inyong lugar. Sobrang strategic ang composition ng church natin kasi layu-layo ang mga members. Ibig sabihin, sinadya ng Dios na ganyan para makapagsimula tayo ng iba’t ibang iglesia sa Candaba, Pulilan, San Ildefonso, San Rafael, Bustos, Arayat, San Miguel, Plaridel, at kung saan-saan pa. Hindi lang doon, may isang pastor na nagtatayo ng church sa Novaliches ang gusto ring masanay kung paano gawin ang ginagawa natin. Sa April, pupunta ang team natin sa Candelaria, Quezon para sanayin ang mga leaders ng church doon sa Story of God. Ipanalangin rin po natin na sana ito po ang maging simula ng ating church sa local discipleship trainings sa iba’t-ibang churches sa buong bansa.
Hindi lang sa Pilipinas, kundi kahit saang bansa man tayo dalhin ng Dios. Last October, may 20 miyembro natin ang nagtapos ng Kairos Course – isang pag-aaral kung paano tayo magiging bahagi ng global purposes ng Dios. Kahapon ay nagsimula ng training ang apat na members natin para maging facilitators na sila ng course na ito para ngayong taon ay marami pa sa atin ang mabuksan ang puso sa pagmimisyon. At makatulong na rin tayo sa mga churches dito sa Bulacan na ma-mobilize sa missions. May isang team tayo na pupunta sa Cambodia ngayong May para sa isang missions exposure. Hopefully, gamitin po ito ng Dios para mas lumawak pa ang pakikibahagi ng church natin sa Great Commission. At sa pamamagitan din nito, madagdagan pa ang mga misyonero natin bukod kina ate Malou sa mga Muslim sa Iligan, kuya Jorge at ate Jane sa mga Muslim sa Taguig, Ptr. Reuel at ate Emy sa mga taga-Cagayan, Ptr. Rudy at Jona sa Candelaria.
Mangyayari po ang mga ito kung patuloy nating sasanayin lalo na ang mga leaders natin. Kaya tuluy-tuloy po ang pag-aaral sa Doulos School of Ministry ng mga leaders natin. Nasa New Testament Survey na kami ngayon at pagkatapos ay tuturuan na sila ng Preaching and Pastoral Ministry. Ito ay para ihanda rin sila na manguna sa mga susunod na magiging mga church planting natin. At isa rin sa pangitain natin na gamitin ng Dios ang School na ito para maging ang mga pastors at leaders sa Baliwag na walang ganitong training ay makapag-aral. Ngayong taon din pong ito magtatapos ng kanyang pag-aaral sa IGSL si ate Judith, kung saan din ako nagtapos at ngayon ay nagtuturo ng New Testament Narratives. Si Rosalie naman ay nag-aaral sa Word of Life sa Laguna. Naging malaking bahagi din si Ptr. Christian ng Febias sa pagsasanay sa mga kabataan sa Barangca. Graduate na rin siya ngayong March.
Hindi tayo masasanay, hindi tayo aabot sa iba kung sa atin mismo ay hindi natin nahahasa ang relasyon natin sa isa’t isa. Kaya naging regular na ang ating Couples Fellowship last year. At ang goal natin ngayong taon ay magkaroon ng mga K-Groups lahat ng mag-asawa. Hindi lang sila, pati lahat ng kabataan, lahat ng members ng church natin ay maging bahagi nito para maramdaman nila kung ano ang pamilya sa church. Lord willing, makapagsimula rin tayo ng mga seminars para sa mga mag-asawang hindi pa mananampalataya tungkol sa marriage, parenting at iba’t-iba pang family issues. Lord willing, makapag-organize rin po tayo ng ministry para sa mga OFW families.
Malaki ang ginawa ng Dios para aming mag-asawa nang makaattend kami 25-Week Healing and Discipleship Program ng Living Waters na sinundan ng Leadership Training sa Tagaytay last November. Malaking tulong para mas maging malapit kami sa Dios, malabanan anumang hadlang sa relasyon sa kanya, relasyon naming mag-asawa at sa ibang tao rin. Ngayong March, pangungunahan namin ang pilot program nito sa church natin sa loob ng 8 weeks. Magsisimula muna kami sa ilang key leaders at Lord willing, bago magtapos ang taon ay ibubukas namin sa lahat para makatulong sa bawat isa sa paghilom ng mga natitira pang sugat sa puso natin na dulot ng kasalanang ginawa ng iba laban sa atin at mga kasalanan ding ginawa natin.
Ilan lang ito sa mga magagandang bagay na nangyari, marami pang magandang bagay ang mangyayari. Saan o kanino nakasalalay ang tagumpay ng mga ito? Dahil ba sa mga trainers o mga leaders o mga taong nainvolve? May mahalaga silang ginampanan. Pero tandaan natin ulit ang saloobin ni Pablo, “Ako ang nagtanim, at si Apolos ang nagdilig. Ngunit ang Dios ang siyang nagpatubo. Hindi mahalaga ang nagtanim at ang nagdilig, kundi ang Dios na siyang nagpatubo nito” (3:6-7 ASD). Ang Dios ang pahalagahan natin, hindi ang tao. Dahil…
Ikatlo, ang mga manggagawa sa iglesiang ito ay mga manggagawang itinalaga ng Dios.
Sino po ba ang pinakamahalagang tao sa church natin? Maraming magsasabi, “Si Pastor siyempre.” Well, malaki ang role na ibinigay sa akin ng Dios. Ang focus ng statement ko na iyon ay hindi doon sa “malaking role” kundi doon sa “ibinigay sa akin ng Dios.” Ang Dios ang nagbigay ng tungkuling iyon. Ang Dios ang nagsabi na gawin ko iyon. Sino lang ba ako? Kaya naman akong palitan ng Dios kung loloobin niya. Huwag po ninyong pahalagahan ang inyong pastor nang higit sa nararapat. Di ba’t sabi ni Pablo, “Bakit, sino ba si Apolos? At sino nga ba naman akong si Pablo? Kami ay mga alagad (o lingkod) lamang ng Dios na ginamit niya upang sumampalataya kayo. At ang bawat isa sa amin ay gumagawa laman ng gawaing ibinigay sa amin ng Panginoon” (3:5 ASD). Verse 9, “Kami ni Apolos ay nagtutulungan bilang mga manggagawa ng Dios…” (ASD). Si Pablo ang unang nagdala (nagtanim) ng mabuting balita ni Cristo sa bukirin ng mga taga-Corinto. Si Apolos ang nagdilig doon para patuloy silang lumago kay Cristo. Sino ang mas mahalaga sa kanilang dalawa? Wrong question! We do not ask those kind of questions. Kasi hindi naman makakatulong. Kasi imbes na sa Dios ang focus natin, nalilipat sa tao. Tandaan natin, ang Dios ang pangunahing gumagawa. At siya ang nagtatalaga sa bawat manggagawa. Kaninong desisyon ba kung bakit ako ang pastor ninyo? Dahil ba sa sariling pasya ko? O desisyon ng Elders? O dahil pinagbotohan ng congregation? No! It’s God’s decision.
Ganoon din sa bawat isa sa inyo. Bawat isa sa atin ay may mahalagang bahagi ayon sa pagkakatawag ng Dios. Siya ang naglagay ng mga pastor dito para mangalaga sa inyo. Siya ang tumawag para si Marvin ang maging Caretaker natin. Siya ang tumawag para si Ptr. Marlon ang manguna sa ating Council of Elders. Siya ang tumawag para si Toby at Andrea ang magcoordinate ng mga Story of God groups natin. Siya ang tumawag para si Kuya Boyet ang manguna sa ating team ng Finance. Siya ang tumawag para sina Marvin at Jona ang manguna sa pag-welcome sa mga bisita at mga members para maramdaman nila ang pamilya dito sa church. Siya ang tumawag para si Mina ang manguna sa ating mga young adults, si Judith ang manguna para sa mga youth, si kuya Vener ang manguna para sa mga couples. Marami pang ibang hindi ko nabanggit.
Ngayong taon, isang pong katugunan sa ating panalangin ang pagkakaroon ng maraming members ng burden at involvement sa iba’t-ibang ministries ng church. Nawa po sa darating na taon mas maging organized ang bawat ministries na nasimulan para mas maging efficient at effective itong paraan ng pagbabahagi at pag-aaral ng salita ng Diyos. Sa susunod rin na po taon ay magdadagdagan tayo ng dawalang full time church workers (Judith at Rosalie) na malaking tulong para paglago ng gawain ng Panginoon. Ipanalangin po natin na magkaroon tayo ng isa or dalawang full time associate pastor. Kung saan ang isa ay magiging katuwang ko sa church administration as well as pastoral care, gaya ng visitation, counseling, child dedication, etc. Ang isa naman po ay mag aassist sa akin sa evangelism at church planting. Sa gayon mas magiging focused ako sa leadership, mentoring other leaders, preaching, teaching, training at paghanda sa mga members para sa mga ministry opportunities sa ating iglesia. Tulong-tulong po tayo sa pagsasakatuparan ng vision ng Panginoon na makakilala sa kanya ang lahat ng bansa. Sama-sama po nating ipanalangin na ang bawat isa ay maging committed na tagasunod ng Panginoon, sa paghayo at pagbahagi ng salita ng Diyos saan man niya tayo dalhin. Lahat po tayo, hindi lang mga leaders, ay manggagawa ng Dios. Hindi puwedeng member ka, pero wala kang ginagawa.
Dahil, ika-apat, anumang gantimpalang tatanggapin natin ay gantimpalang galing sa Dios.
Ito ay iglesiang pag-aari ng Dios. Anumang nangyayaring paglago nito ay dahil sa gawa ng Dios. May ginagawa tayo pero tandaan nating tayo’y mga ka-manggagawang itinalaga ayon sa pasya ng Dios. At dahil tayo’y mga manggagawa, bawat isa’y tatanggap ng gantimpala. “Ang nagtanim at ang nagdilig ay parehong mga isinugo lamang. Ang bawat isa sa kanila’y tatanggap ng gantimpala ayon sa kanilang ginawa” (3:8 ASD). Hindi po ang regalo ng kaligtasan ang tinutukoy dito. Kundi ang iba’t ibang gantimpalang nakalaan sa mga tapat na lingkod ng Dios. Hindi po ito pare-pareho. Hindi ko rin alam kung anu-ano ito specifically. Pero ito ang ilan sa dapat nating abangan sa pagbabalik ng Panginoong Jesus.
Saan ito nakadepende? Siyempre sa biyaya ng Dios. Pero ang laki at dami ng gantimpalang ito ay depende saan? Sa dami ba ng ginawa natin? Sa taas ba ng posisyong pinanghahawakan natin? Hindi! Kundi sa katapatan natin sa paggawa sa mga gawaing ipinapagawa ng Dios. Tayong lahat, tulad ni Pablo, ay mga katiwala ng Dios. Dahil doon, “Ang katiwala’y dapat maging tapat” (4:2 ASD). God called us to be faithful, not successful. Siya na bahala sa pagiging successful ng mga ministeryo natin. Ang calling natin ay maging faithful. Dahil doon, posible palang mas malaking gantimpala ang tanggapin ng caretaker ng church o ng isang prayer warrior kaysa sa pastor. Maging tapat po tayong lahat sa nais ng Dios na maging bahagi natin sa church. “Magpakasipag kayo sa gawaing ibinigay sa inyo ng Panginoon, dahil alam ninyo na hindi masasayang (dahil malaki ang gantimpala!) ang mga paghihirap ninyo para sa kanya” (15:58 ASD).
Hindi pa tapos ang Dios. Marami pa siyang gagawin. Ibig sabihin, marami pa rin tayong gagawin. We need more workers. We need all to work according to how God assigned you. We are all servants of the Lord. Oo nga’t marami tayong gagawin. Pero nakasalalay ito sa gawa ng Dios. Kaya wag tayong magsasawang manalangin. Isulat mo ngayon sa isang papel ang nais mong hilingin sa Dios na gawin niya sa church natin sa pamamagitan mo (may gagawin ka din, tandaan mo!) ngayong 2013. Kokolektahin natin iyan at ipapanalangin buong taon. At buwan-buwan, hanggang sa katapusan ng taon, titingnan natin kung totoo ngang, “God gives the growth.” At mamamangha tayo na totoo nga. Totoo ngang ang Dios ang gumagawa at gagawa sa church natin, habang tayo rin naman ay sumusunod sa lahat ng nais niyang ipagawa sa atin. Kaya manalangin tayo, dahil tayo ang bukirin ng Dios, at dahil may mga bahagi pa ng bukiring ito na parang tuyo pa at di lumalago, at kahit ang mga bahaging namumunga na ay kailangan pa rin ng ulan at tamang sikat ng araw. Tulad ni Elijah, “At nang nanalangin siya para umulan, bumuhos ang ulan, at namunga ang mga pananim” (Santiago 5:18). Iyan ang inaabangan nating mangyayari ngayong 2013.