Fear God

October 24, 2010By Derick ParfanScripture: Luke 12:4-7

[vimeo http://vimeo.com/16298278]

Downloads: audiovideosermon notesdiscussion guide

Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan, huwag kayong matakot sa mga taong pumapatay ng katawan at wala nang kayang gawin maliban dito. Sasabihin ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan. Katakutan ninyo siya na pagkatapos pumatay ay may kapangyarihan ding magtapon sa impiyerno. Sinasabi ko sa inyo, ang Diyos ang dapat ninyong katakutan! Hindi ba’t ipinagbibili ang limang maya sa halaga lamang ng dalawang salaping tanso? Gayunman, kahit isa sa kanila’y hindi pinababayaan ng Diyos. Maging ang buhok ninyo’y bilang niyang lahat. Kaya’t huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa mga maya. (MBB 2005)

Introduction

Ang isang bagay, isang tao, o isang gawain na kinatatakutan natin ay nilalayuan o iniiwasan natin hangga’t maaari. Noong Grade 2 ako dapat sa pilot section na ako ililipat pero hindi ko alam parang takot ako kaya nagsisimula na yung klase umiiyak pa ko at nakadukdok sa desk. Kaya nagpalipat ako ulit sa dati kong section. Noon din namang bata ako ay natahi ang labi ko dahil nangudngod ako sa gate. Nang tatahiin na sa ospital ay sumisigaw ako kasi natatakot at nagdadahilan pang kailangan kong mag-CR para makaiwas lang. Ang iba sa inyo takot sa aso, hangga’t makakaiwas gagawin ninyo. Ang iba naman takot sa naniningil ng utang at kapag darating na sa bahay ninyo ay kumakabog ang dibdib ninyo at gusto nang magtago.

Natural sa atin ang may kinatatakutan tayo. It’s not a big deal kung doon lang sa mga nabanggit ko kanina. Ngunit kung ang pag-uusapan na natin ay pagsunod kay Jesus, big deal. Dahil ang mga bagay na kinatatakutan natin ay maaaring makahahadlang sa atin para sa lubos na pagsunod sa kanya. Noong nagtatrabaho na ako sa San Miguel, natatakot din akong ibahagi ang gospel sa mga kaopisina ko kahit alam kong iyon ang gusto ng Diyos na gawin ko. Dahil sa takot sa sasabihin ng tao o sa negatibong response ng tao, kaya iniiwasan ko. Sa pagreresign din sa trabaho, may takot din sa haharapin ko pagkatapos. Kaya hindi rin ganoon kadali. Noong college din, kahit alam kong nais ng Diyos na ako ang sumagot sa tanong sa class namin kung ano ang position namin sa sex transplant, naghesitate akong sumagot.

Sa inyo siguro, alam ninyong nais ng Diyos na tuluyan na kayong sumunod kay Jesus at magpabautismo bilang tanda ng pagsunod na iyan pero natatakot kayo sa mga magulang ninyo. Sa mga asawang babae alam ninyong nais ng Diyos ay magpasakop kayo sa inyong asawa kahit na kayo ang mas mature spiritually o kaya ay hindi Cristiano ang asawa ninyo. Pero maaaring naroon ang takot na baka naman abusuhin ang pagpapasakop ninyo. Ganoon din sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga kaibigan o sa nagtitinda sa palengke. Hindi ninyo magawa kasi natatakot kayong ma-reject o kung ano ang sabihin sa inyo.

Do Not Fear Men

Kung ang takot natin sa tao – sa sasabihin nila, sa magiging tugon nila, sa gagawin nila sa atin – ay nakakahadlang na sa pagsunod natin kay Cristo, then it is a real big deal. Hindi na ito maaaring maging excuse natin na hindi sumunod. Ganoon din sa panahon noon ng mga unang disciples ni Jesus. Sa pagsunod nila kay Jesus at sa pagiging tapat nila sa pangangaral ng ebanghelyo sa mga taong tinatalikuran ang mensahe ni Jesus, hindi magiging madali. Maaaring sapitin nila ang dinanas ng mga propeta sa Lumang Tipan na “pinatay ng [kanilang] mga ninuno” (11:47). At sa Bagong Tipan naman, ang mga apostol at mga propeta, “ang ilan ay papatayin nila at ang iba nama’y uusigin” (v. 49). Sino ba ang hindi matatakot sa ganitong pangyayari? At kung hindi nila mapagtatagumpayan ang takot na ito, makahahadlang ito sa kanilang pagsunod.

Kaya naman, kahit na libu-libong tao ang dumumog kay Jesus noong araw na iyon, una niyang tinuruan ang kanyang mga alagad (12:1). “Sinasabi ko sa inyo, mga kaibigan…” (12:4). “Kaibigan” ang tawag niya sa mga taong nakikinig at sumusunod sa kanya. Sila ang mga taong aalayan niya ng kanyang buhay para maranasan din nila ang tunay na buhay (John 15:13-14). Ang mga susunod niyang sasabihin ay babala sa kanila upang mahikayat silang magpatuloy sa pagsunod at huwag manaig ang takot sa mga haharapin nila.

Oo, darating ang araw na sila’y dadalhin “sa sinagoga, o sa harap ng mga tagapamapahala at ng mga may kapangyarihan upang litisin” (12:11). Upang ihanda sila sa araw na ito sabi ni Jesus, “Huwag kayong matakot sa mga taong pumapatay ng katawan at wala nang kayang gawin maliban dito” (v. 4). Ang salitang “takot” ay galing sa phobeomai kung saan hango ang salitang phobia. Hawig ito sa salitang ang ibig sabihin ay “tumakas.” Ang isang bagay o taong kinatatakutan natin ay tatakasan o lalayuan natin. Kung takot sa aso, siyempre lalayuan mo o tatakbo ka. Kung takot sa sasabihin ng ibang tao, iiwasan mong sabihin ang isang bagay na maaaring maka-offend sa kanila kahit alam mong ito ang tama.

Ang ginamit nang halimbawa dito ni Jesus ay ang maaaring pinakamalaking takot natin – ang kamatayan at ang taong maaaring pumatay sa atin. Hangga’t maaari iiwasan natin ito. Mahalaga sa atin ang buhay natin. Kaya nga noong nagtanong ako noong birthday ko sa mga bumati sa akin ng kanilang prayer requests, nangunguna palagi sa listahan ang good health, safety, at guidance. May takot tayo na magkasakit at mamatay. Ang sinasabi ni Jesus dito ay, “Huwag kayong matakot o mangamba sa kamatayan, sa paghihirap, sa pag-alipusta, sa pagkapahiya, kung pagtawanan man kayo o sa kutyain o itakwil ng inyong mga mahal sa buhay. Kapag naharap kayo sa ganitong mga sitwasyon huwag ninyong layuan kung ang pagtakas diyan ay makahahadlang sa pagsunod ninyo sa akin.”

Bakit hindi dapat matakot sa tao? Katawan lang natin ang kaya nilang patayin. Hanggang doon lang ang kaya nilang gawin. Idinagdag sa Matthew, “ngunit hindi naman nakakapatay ng kaluluwa” (10:28). Hindi nila kayang saktan ang ating kaluluwa na nakatago na sa Diyos para sa araw na makapiling natin siya sa langit. Mas mahalaga ang “walang hanggan” kaysa sa “ngayon.” Nakakatakot ang kamatayan, oo, pero hindi ito katapusan ng lahat. Ito pa nga ang pasimula ng bagong buhay na nasa piling na ng Diyos. Sa lahat ng nabubuhay para kay Cristo, hindi katatakutan ang kamatayan. “To live is Christ, and to die is gain” (Phil. 1:21). Hindi natin dapat katakutan ang tao dahil wala silang kapangyarihan sa buhay natin. Hindi sila ang may hawak nito. Hindi nila kayang alisin ang pag-asa at kagalakang nasa atin na. Wala silang magagawa para mahiwalay tayo sa pag-ibig ng Diyos na nakay Cristo Jesus (Rom. 8:28-29).

Maaaring walang “death threat” sa atin ngayon. Pero ano iyong isang bagay na kinatatakutan mo na nakahahadlang sa pagsunod mo kay Jesus? Asawa mo? Mga magulang mo? Na mawalan ka ng trabaho? Na mabawasan ang ipon mo? Na pagtawanan ka ng mga kaibigan mo? Maaaring sabihin mo, “Oo, pastor, takot ako na mawalan ng trabaho kung susundin ko si Jesus, anong gagawin ko?” Pakinggan natin ang sabi ni Jesus sa verse 5 na siyang solusyon upang mapagtagumpayan natin ang mga bagay na kinatatakutan natin.

Fear God

“Sasabihin ko sa inyo kung sino ang dapat ninyong katakutan. Katakutan ninyo siya na pagkatapos pumatay ay may kapangyarihan ding magtapon sa impiyerno. Sinasabi ko sa inyo, ang Diyos ang dapat ninyong katakutan” (Luke 12:5)! “Fear God,” utos ng Panginoon sa atin. Mapagtatagumpayan natin ang takot natin sa ibang bagay kung magkakaroon tayo ng tunay at banal na takot sa Diyos. Sabi ni William Gurnall, “We fear men so much because we fear God so little.” Ang takot natin sa iba ay dapat ibaling natin o ilipat sa takot sa Diyos.

Ano’ng ibig sabihin ng “katakutan” ang Diyos? Ang takot sa Diyos ay iba sa takot sa tao. Ang pagkakaiba ay dahil iba ang Diyos sa tao. Ang pagharap sa Diyos ay iba sa pagharap sa tao dahil iba ang Diyos. Magkakaroon tayo ng tunay na takot sa kanya kung kilala natin kung sino talaga siya at ano ang kaibahan niya sa ating mga tao. Naroon ang paggalang, pagkamangha, panginginig ng tuhod, pagkabog ng dibdib, hindi dahil para siyang halimaw kundi dahil siya ay banal at dakila sa lahat. Hindi parang isang kriminal na takot na mahuli ng pulis, hindi parang isang babae na nanginginig sa harapan ng isang lalaking tatangkain siyang halayin, hindi parang isang batang takot na bugbugin ng kanyang stepfather. Ang takot natin sa Diyos ay takot ng isang bata sa kanyang ama na nagmamahal sa kanya. Naroon ang paggalang at pagkilala sa authority ng kanyang tatay. Sa Diyos bilang Ama natin ay naroon ang pagkilala natin sa kapangyarihang nasa kanyang kamay. Kung hindi tayo natatakot sa kanya ay binabalewala natin ang pagiging Diyos ng Diyos.

Ganoon na lang kahalaga ang utos na ito ni Cristo kaya inulit pa niya para bigyang diin, “Sinasabi ko sa inyo, ang Diyos ang dapat ninyong katakutan!” Bakit dapat katakutan ang Diyos? “Katakutan ninyo siya na pagkatapos pumatay ay may kapangyarihan ding magtapon sa impiyerno.” Siya ang may kapangyarihan, in authority sa buhay natin. Dahil siya ang may bigay nito sa atin, siya rin ang may karapatang bumawi nito at ibigay sa atin ang nararapat sa atin kung tayo ay mamatay na. Hindi ang tao ang may kapangyarihan dito, kundi ang Diyos. Ang “impiyerno” dito ay galing sa salitang Gehenna na tumutukoy sa lugar para sa mga namatay na walang takot sa Diyos at hindi sumampalataya kay Cristo. Dito ay paparusahan sila ng bagsik ng galit ng Diyos magpakailanman. Ang Gehenna ay ipinangalan sa isang lugar sa Valley of the Sons of Hinnom, isang bangin sa timog at kanluran ng Jerusalem na siyang tambakan ng basura kung saan pati mga patay na kriminal ay itinatapon at sinusunog (Bock, Luke, 2:1136).

Bakit niya ito sinasabi sa mga disciples niya? Isa itong babala sa mga tao na dahil sa takot sa tao ay wala palang tunay na takot sa Diyos. Babala ito sa bigat ng sasapitin nila. Mainam pang patayin ng tao kaysa parusahan ng Diyos. Mas higit na mabagsik ang galit ng Diyos kaysa sa galit ng tao. Ang apoy ng posporo na galit ng tao ay wala kung ikukumpara sa nagliliyab na parusa ng Diyos sa impiyerno. Hindi bale nang sampalin ng tao kaysa naman matikman ang bigat ng kamay ng Diyos. Para ito sa mga walang takot sa kanya. Babala ito sa mga katulad ni Judas na akala mo may takot sa Diyos, wala pala. Narinig niya ito, ngunit hindi niya pinakinggan. Nakakatakot na sapitin din natin ang sinapit niya matapos makasama si Jesus araw at gabi sa loob ng tatlong taon.

Sa isang banda, sinabi din ito ni Jesus para makita sa positibong paraan ang kapangyarihan ng Diyos sa sinumang magtitiwala sa kanya. Ang panawagan na matakot sa Diyos ay panawagan din na magtiwala sa kanya. May koneksiyon ang takot at tiwala. Dahil sa takot, lalayo ka sa galit ng Diyos at gagawin kung ano ang nakalulugod sa kanya, ang magtiwala sa kanya sa pamamagitan ni Cristo. Ang isang takot sa panganib ay hahanap ng masisilungan o proteksiyon. Kapag hinahabol ka ng aso, tatakbo ka at papasok sa bahay. Kapag may kriminal na humahabol sa iyo, susugod ka sa police station. Kapag may sunog o lindol o bagyo, pupunta ka sa lugar kung saan safe ka. Tatakas tayo at lalayo sa galit ng Diyos sa mga makasalanan at lalapit tayo sa kanya rin mismo na siyang mapagkakatiwalaan nating may hawak ng buhay natin. Hindi mapaghihiwalay ang takot at tiwala sa Diyos. It is both a warning and an invitation. God can be your most fearsome enemy or he can be your closest friend. God can be the most terrible person you could ever meet or he can be the most caring Father you could ever have. Depende kung may takot at tiwala tayo sa kanya.

Fear Not

Kaya naman, wala nang dapat ikatakot pa ang sinumang may banal na takot at ganap na pagtitiwala sa kanya. (There is no need to fear anything for those who have reverent fear of God and unwavering trust in him.) Na wala na tayong dapat ikatakot pa ay maliwanag sa verse 7 kung saan sinabi ni Jesus, “Huwag kayong matakot.” Huwag matakot kaninuman o sa anuman maliban sa Diyos. At ang takot na ito sa Diyos ay nakakabit sa pagtitiwala sa kanya. Bakit siya mapagkakatiwalaan? Dahil siya ang kasama natin at nag-iingat sa atin, higit sa mga takot at pangambang maaari nating harapin.

Nagbigay si Jesus ng ilustrasyon para ipakita kung bakit ang takot at tiwala natin ay sa Diyos lang. “Hindi ba’t ipinagbibili ang limang maya sa halaga lamang ng dalawang salaping tanso” (v. 6a)? Ang maya ay isang ibon na napakamura lang sa palengke nila. Para sa kanila, pagkaing mahirap. Ang isang salaping tanso ay katumbas ng 1/16 ng isang denaryo. Ang isang denaryo ay isang araw na suweldo. Kaya ang dalawang salaping tanso ay isang oras na suweldo. Limang ibon, 50 pesos. Sa Mateo 10:29, “isang salaping tanso ang dalawang maya.” May dalawang salapi ka, may libre pang isang maya! Napakamura. Wala gaanong halaga! “Gayunman, kahit isa sa kanila’y hindi pinababayaan ng Diyos” (v. 6b). Hindi nakakalimutan, inaalagaan ng Diyos. Hindi namamatay nang wala sa kamay ng Diyos.

Bakit ginawa itong ilustrasyon ni Jesus? Ang argumento niya dito ay argument from lesser to greater. Kung totoong ganito ang Diyos sa mga mumurahing ibon, gaano pa kaya katotoong inaalagaan tayo at ang buhay natin ay nasa kamay ng Diyos gayong mas mahalaga tayo kaysa ibon? Hindi ka cheap, pang-discounted sale, o pang-ukay-ukay! You are precious in the eyes of God. Ganito ang sabi ni Jesus sa verse 7, “Maging ang buhok ninyo’y bilang niyang lahat” (12:7). Ang tantsa ng mga medical scientists, ang mga taong may itim na buhok ay may 120,000 na hibla ng buhok. Siyempre iba-iba iyan sa bawat tao. Depende din sa edad. Pero alam ng Diyos kung ilang buhok ang simula natin, ilang buhok meron tayo ngayon, ilang buhok meron tayo kapag namatay na tayo. Bilang ng Diyos bawat buhok na nalalagas sa ating ulo araw-araw. Kilalang-kilala tayo ng Diyos. Alam niya lahat ng detalye sa buhay natin. Ganyan tayo kaimportante sa kanya (Hughes, Luke, 40).

“Kaya’t huwag kayong matakot; higit kayong mahalaga kaysa mga maya.” Tayo lamang ang nilikha ayon sa larawan ng Diyos. Oo, nagkasala tayo at nagrebelde sa kanya. Pero hindi tayo pinabayaan ng Diyos na magdusa sa impiyerno dahil ipinadala niya ang kanyang Anak na si Jesus para sa atin. Marumi tayo pero pinahalagahan tayo ng Diyos dahil sa pag-ibig niya, dahil sa biyaya niya. Kung ang impiyerno hindi na natin kakatakutan dahil sa ginawa ni Jesus para sa atin, paano pa kaya ang lakas ng loob na ibibigay niya sa iyo sa pagbabahagi ng ebanghelyo? Walang anuman sa buhay natin – anong kailangan natin, anong pinagdadaanan natin, anong mga struggles natin, anong kinatatakutan natin, anong nais ng puso natin – ang lingid sa kaalaman ng Diyos. God cares for us. So we don’t need to fear anything.

Sa susunod na pangungunahan ka ng takot kasi nag-aalala kang baka wala kang ipanggastos bukas o kung ano ang sasabihin ng tao sa iyo, lumabas ka ng bahay at tingnan mo ang mga ibon at alalahanin mo ang sinabi ni Jesus. Sa pamamagitan ng mga ibon, itinuturo sa atin ng Diyos kung sino siya para sa ating kanyang mga anak.

Ang takot sa Diyos at tiwala sa kanya ay hindi natin mapaghihiwalay. Ang tunay na may takot sa kanya ay siyang ganap na nagtitiwala sa kanya. Kung nananaig ang takot natin sa iba, nagpapakita ito ng kakulangan ng pagtitiwala natin sa Diyos. Tandaan natin, wala nang dapat ikatakot pa ang sinumang may banal na takot at ganap na pagtitiwala sa Diyos.

Conclusion

Kung nananawagan sa iyo si Cristo at sinasabing sumunod ka sa kanya, huwag kang matakot na itakwil ka ng mga magulang mo. Minsang nag-interview kami para sa mga babautismuhan noong nagdaang taon, sabi ng isa, “Kahit itakwil pa ako ng pamilya ko, susunod ako kay Cristo.” Walang dapat ikatakot kung ang sinusunod natin ay si Cristo. Minsang bumagsak si Pedro dahil natakot siya sa tao. Ipinagkaila niyang kilala niya si Jesus. Nakalimutan niya ang sinabi ni Jesus na huwag matakot, kundi magtiwala sa pangako ng Diyos. Pero nagbago iyon nang muling mabuhay ang Panginoon. Sa pamamagitan ng Espiritung nasa kanila nang mga alagad ni Jesus, buong tapang nilang ipinangaral si Cristo at patuloy na sumunod sa kanya. Katunayan, may sulat si Pedro sa mga Cristiano na maaaring dumaranas ng mga mabibigat na pagsubok na maaaring katakutan nila at makahadlang sa pagsunod nila nang lubusan kay Jesus.

Sinabi ni Pedro sa mga asawang babae na kagandahan nila ang pagpapasakop sa kanilang asawa. “Tulad ni Sara, sinunod niya at tinawag na panginoon ang asawa niyang si Abraham. Kayo rin ay mapapabilang sa kanyang mga anak kung matuwid ang inyong mga gawa, at kung wala kayong anumang kinatatakutan” (1 Pet. 3:6). Sinabi din niya sa mga may takot kung magiging tapat silang ipangaral si Cristo:

At sino naman ang gagawa sa inyo ng masama kung wala kayong hinahangad kundi pawang kabutihan? At sakali mang usigin kayo dahil sa paggawa ng mabuti, mapalad pa rin kayo! Huwag ninyong katakutan ang kanilang kinatatakutan at huwag kayong padadala sa kanila. Igalang ninyo si Cristo mula sa inyong puso at sambahin ninyo siya bilang Panginoon (3:13-15).

Sa tradisyon ng kasaysayan ng Iglesia, sinasabing si Pedro ay ipinakong pabaligtad noong kasagsagan ng pag-uusig sa mga Cristiano sa panahon ni Emperor Nero. Hanggang kamatayan hindi natakot si Pedro kundi nagtiwala sa Diyos. Ganoon din ang iba pang apostol na halos lahat sa kanila ay pinatay dahil sa pagsunod kay Jesus. Maaaring hindi natin danasin ang dinanas nila. Ngunit hindi natin alam kung ano ang maaari mong katakutan bukas. Maaari itong makahadlang sa pagsunod mo sa kanya. Kapag dumating ang panahong iyon, tulad ng mga apostol ni Jesus, alalahanin mo ang sinabi niya, “Huwag kayong matakot kaninuman o sa anuman. Sa Diyos kayo matakot at magtiwala.”

1 Comment

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.