November 7, 2010 | By Derick Parfan | Scripture: Luke 18:1-8
Downloads: audio | video | sermon notes | discussion guide
And he told them a parable to the effect that they ought always to pray and not lose heart. He said, “In a certain city there was a judge who neither feared God nor respected man. And there was a widow in that city who kept coming to him and saying, ‘Give me justice against my adversary.’ For a while he refused, but afterward he said to himself, ‘Though I neither fear God nor respect man, yet because this widow keeps bothering me, I will give her justice, so that she will not beat me down by her continual coming.’” And the Lord said, “Hear what the unrighteous judge says. And will not God give justice to his elect, who cry to him day and night? Will he delay long over them? I tell you, he will give justice to them speedily. Nevertheless, when the Son of Man comes, will he find faith on earth?”
Introduction
Kapag may isang bagay na ginagawa tayo na hindi natin nakikita ang inaasahan nating resulta o pagbabago, naiinip tayo, at nagsasawa na. Noong nasa Abu Dhabi ang parents ko, may ibinilin sila sa amin ng kapatid ko na sisingilin ng utang. Palagi naming pinupuntahan pero ayaw namang magbayad. Kaya nagsawa na rin kami at hinayaan na lang. Kapag gabi-gabi mong pinapagalitan ang anak mo dahil late na kung umuwi tapos wala namang ginagawang pagbabago, maaaring magsawa ka na at hayaan na siya o kaya naman ay ikulong na sa bahay. Kapag nanliligaw ka sa isang babae tapos tatlong taon na ganoon pa rin at ayaw ka pa ring sagutin, aayaw ka na rin at baka iba na lang ang ligawan mo. Kapag sampung taon na kayo ng boyfriend mo tapos ayaw ka pa ring pakasalan, baka umayaw ka na rin.
Ganoon din sa buhay panalangin natin. Alam nating kailangang gawin at mahalaga sa espirituwal na buhay natin. Kaya lang, madali tayong panghinaan ng loob kapag wala tayong nakikitang sagot sa panalangin natin at parang walang nagbabago sa mga ipinapanalangin natin. Kapag nananalangin ka sa anak mong rebelde o sa asawang mabisyo pero walang nangyayari. Ipinapanalangin mong tumanggap kay Cristo ang tatay mong matigas ang ulo pero hanggang ngayon parang walang pagbabago. Ipinapanalangin mo ang bansa natin na parang lalo pang lumalala. Nananalangin ka para sa isang trabaho para makapag-provide ka sa family mo, pero wala pang sagot hanggang ngayon.
Kung ganito ang nangyayari, maaaring maiinip na tayo, o madidismaya o panghihinaan ng loob. Sasabihin mo, “Wala namang nangyayari, ganoon pa rin. Ayoko na.” Tapos pagdududahan mo na ang bisa ng panalangin, “Sabi ni pastor dapat laging magpray pero parang wala namang koneksiyon ang prayer ko sa mangyayaring pagbabago sa family ko.” Tapos pagdududahan mo na ang kabutihan ng Diyos at lalayo ka na sa pagtitiwala sa kanya, “Siguro hindi naman siya talaga nakikinig, hindi niya iniintindi ang prayer ko. Akala ko pa naman mabuti ang Diyos.” Tapos maaaring wala ka nang pakialam, “Bahala na nga kung ano ang mangyari.” O kaya naman ay gawin mo na sa sariling diskarte, “Ayaw naman akong bigyan ng maayos na trabaho, ako na gagawa ng paraan.” Kaya kahit hindi kalooban ng Diyos ang klase ng trabaho, papasukin din. Kasi nga, madali tayong panghinaan ng loob.
The Necessity of Persistent Prayer (18:1)
Alam iyan ng Panginoong Jesus. Kaya nga, dito sa Lucas 18:1-8, may itinuro siya sa kanyang mga disciples tungkol sa prayer na dito lang sa Lucas makikita. Komento niya bago ang turo ni Jesus, “And he told them a parable to the effect that they ought always to pray and not lose heart” (v. 1). Ano naman ang maaaring ikapanghina ng loob nila gayong kasama naman nila si Jesus? Sa 11:2, itinuro niya sa kanila kung paano sila dapat manalangin, “Your kingdom come.” Ito ay panalangin para sa paghahari ng Diyos sa lahat ng aspeto ng buhay natin. In one sense, the kingdom is already here. Sinabi niya sa mga Pharisees na nagtanong tungkol sa kaharian ng Diyos na nakikita na nila ito, “Sapagkat masdan ninyo, ang kaharian ng Diyos ay nasa inyo” (17:21). But in another sense, it is not yet here. Hindi pa natin lubos na nakikita ang paghahari ng Diyos, hindi pa ganap. Ngunit ang ganap na pagdating ng kaharian ng Diyos ay “mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao (Jesus)” (17:30 MBB). Kaya kung ipapanalangin nila ang pagdating ng kaharian ng Diyos at muling pagbabalik ni Cristo, maaaring mainip silang makita iyon at panghinaan ng loob, “Bakit ang tagal naman? Bakit ganito pa rin ang nararanasan nating hirap sa pagsunod sa kalooban ng Diyos? Nasaan na ang pangako ng Diyos?”
Dahil mahina tayo lalo na sa mga panahon ng kabigatan, madalas nating mababasa ang utos na hindi tayo dapat magsawa sa paggawa ng mabuti, katulad ng panalangin para sa kalooban ng Diyos sa ating sarili at sa ibang tao. “Huwag kayong manlupaypay (MBB, “magsasawa”) sa paggawa ng mabuti” (2 Thess. 3:13). “Huwag kayong manlupaypay (MBB, “panghinaan ng loob”) sa mga pagdurusa ko dahil sa inyo” (Eph. 3:13). “Huwag tayong manghinawa (MBB, “magsawa”) sa paggawa ng mabuti, sapagkat sa takdang panahon ay mag-aani tayo, kung hindi tayo manlulupaypay (MBB, “magsasawa”)” (Gal. 6:9). Ganoon din sa panalangin, hindi dapat magsawa, panghinaan ng loob, mawalan ng pag-asa, mainip, o madismaya.
Sa halip na huminto sa panalangin, dapat magpatuloy kahit pa parang wala tayong nakikitang resulta. Paulit-ulit din natin itong makikita sa Salita ng Diyos. “Kaya’t maging handa kayo sa lahat ng oras. Lagi ninyong idalangin…” (Luke 21:36 MBB). “Humingi kayo at kayo’y bibigyan; humanap kayo, at kayo’y makakakita; tumuktok kayo at kayo’y pagbubuksan” (Luke 11:9). Tayo ay dapat maging “matiyaga sa pananalangin” (Rom. 12:12). “Manalangin kayo sa lahat ng pagkakataon” (Eph. 6:18 MBB). “Magpatuloy kayo sa pananalangin” (Col. 4:2). “Manalangin kayong walang patid” (1 Thess. 5:17).
Maliwanag dito na ang nagpapatuloy na panalangin ay kailangan. Walang mapapakinabang na mabuti ang isang taong ipinagwawalang-bahala ang panalangin. “Dapat laging manalangin.” We should feel a “holy discontent”[1] in our prayer life. Pagdating sa prayer, “we are all beginners.”[2] Kapag luma na ang cellphone gusto nating papalitan. Kapag nagasgasan ang kotse ninyo gusto ninyong ipapaayos. Kapag medyo hindi na maganda ang buhok ninyo gusto ninyong magparebond. Sana ganoon din ang attitude natin sa prayer life natin. Kapag may nakikita tayong panlalamig o kawalan ng gana sa prayer life, may gagawin tayo para ayusin, para baguhin. Mas mahalaga ba ang cellphone o kotse o buhok kaysa sa panalangin?
The Parable of the Judge and the Widow (18:2-5)
Alam nating kaugnay sa pagsunod natin sa kalooban ng Diyos bilang mga “followers of Christ” ay ang pag-develop ng ating prayer life. Kung panghihinaan tayo ng loob at hindi magpatuloy sa panalangin, hindi ito makapagbibigay karangalan sa Diyos, at hindi rin ito makabubuti sa kalagayang espirituwal natin. Alam ito ni Jesus kaya nga sinabi niya ang talinghagang tungkol sa isang hukom at isang biyuda.
The Judge’s Character (18:2)
“In a certain city there was a judge who neither feared God nor respected man” (v. 2). Kakaiba ang hukom na ito na ginawang karakter ni Jesus sa kanyang kuwento. Sa Lumang Tipan, isang requirement sa isang judge ay siyang dapat may takot sa Diyos at sa kanyang mga utos upang maipagtanggol niya ang mga inaapi sa lipunan. Marami sa panahon nila ang may mabibigat na parusa sa mga judge na hindi matuwid o makatarungan.[3] Tulad nitong judge sa kuwento ni Jesus. Walang takot sa Diyos. Kaya ang standard niya sa paghatol ay sa sarili niya at hindi ayon sa katarungan ng Diyos. Wala din siyang paggalang sa tao. Ibig sabihin, wala siyang pakialam sa sasabihin ng tao. Sariling interes ang umiiral sa kanya. Akala niya wala siyang pananagutan sa Diyos. Wala rin siyang pakialam sa kapakanan ng mga naaapi na humihingi ng hustisya sa kanya, tulad ng isang biyuda.
The Widow’s Persistence (18:3)
“And there was a widow in that city who kept coming to him and saying, ‘Give me justice against my adversary” (v. 3). Ang isang biyuda ay mahirap lang at walang ibang makapagtatanggol sa kanya dahil patay na ang asawa. Dito sa salaysay ni Jesus, may nang-aapi sa biyudang ito. Siguro isa sa kamag-anak niya na ang kaunting natitirang lupa sa kanya inaagaw pa. Pero hindi sinabi ni Jesus. Walang ibang magtatanggol sa babae kaya tama lang na lumapit siya sa judge kasi iyon naman ang trabaho ng mga judge. Lumapit siya sa judge at humingi ng tulong, “Tulungan mo ako.” Hindi siya pinansin. Kinabukasan bumalik na naman siya at tinanong, “Ano na ang nangyari sa kaso ko?” Sagot sa kanya, “Anong kaso?” Isang araw bumalik na naman siya at tinanong ang secretary ng judge, “Nandiyan po ba si judge?” Sagot ng secretary na pasungit pa, “Sabi niya wala daw siya!” Nakasalubong niya sa palengke ang judge, “Judge, kumusta po?” Sagot sa kanya, “Sino ka nga ba?” Walang sawa ang babae. Hanggat hindi niya nakukuha ang katarungan hindi siya titigil.
Justice Granted (18:4-5)
Kung ganito ang judge na nilalapitan ng babaeng ito, sa tingin n’yo ba ay may pag-asa siyang makuha ang hinihiling niyang katarungan? Malamang wala. Sa ilang panahon, maaaring sandali pa lang pero mas malamang na matagal na, tinatanggihan niya ‘yung babae. Ayaw niyang pakinggan ang kaso. Wala siyang pakialam. Kasi nga inamin din niya na wala talaga siyang takot sa Diyos at wala siyang pakialam sa tao. Likas sa kanyang ganito ang maging ugali niya sa babae. Ilang ulit na ganito ang eksena. Hanggang napuno na ang judge at nakulitan na. “For a while he refused, but afterward he said to himself, ‘Though I neither fear God nor respect man, yet because this widow keeps bothering me, I will give her justice, so that she will not beat me down by her continual coming’” (vv. 4-5). Makasarili pa rin ang gusto niya kaya niya pinagbigyan ang babae. Nakukulitan na. Ayaw na niyang may umiistorbo sa kanya. Naiinis na at nasabing, “Sige na, sige na, dahil ang kulit mo. Sige ibibigay ko na ang hinihiling mo! Basta ‘wag mo na ulit akong guguluhin.” Dahil sa pangungulit ng babae, nakuha niya ang hinihingi niya.
The Significance of the Parable (18:6-8a)
Ano ngayon ang ibig sabihin ng talinghagang ito? Ano ang sinasabi nito tungkol sa Diyos at ang klase ng paglapit natin sa kanya?
A wrong picture of God
Kung babasahin mo ang kuwento maaaring maging mali ang interpretasyon mo dito at isipin mong, “Kailangan pala sa Diyos kulitan. Siguro kapag kinukulit ko siya palagi at ibigay na niya ang hinihingi ko.” Sa isang banda kailangan tayong maging katulad ng biyuda na hindi nagsawa sa paglapit sa judge hangga’t hindi nakukuha ang hinihiling. Pero hindi itinuturo ni Jesus ang basta ulit-ulitin lang ang panalangin tulad ng ginagawa ng mga debotong Katoliko sa pagrorosaryo o ng ilang mga Cristiano na akala nila ay madadaan sa maraming salita ang Diyos. Sa tuwing mananalangin tayo at uulitin sa Diyos ang mga requests natin, kailangang tingnan natin ang puso natin baka ginagawa natin ito dahil mali ang pagkakilala natin sa Diyos at hindi tama ang puso natin sa kanya. Inuulit ba natin ang panalangin natin dahil akala nating ang kalidad ng panalangin ay nakadepende sa dami ng salita o dami ng ulit? O akala nating kailangang mas malaman ng Diyos ang kailangan natin, o kung alam man niya baka iniisip nating wala siyang pakialam at dapat pa nating kulitin? O kasi tingin natin matigas ang puso ng Diyos sa atin at kailangan nating palambutin? O sa tingin natin kailangang makita muna ng Diyos na espirituwal tayo at tapat na naglilingkod sa kanya?[4]
The God who answers the prayer of his people
Para mas maintindihan natin ito, huwag nating ihalintulad ang Diyos doon sa judge sa kuwento. Huwag din nating ihalintulad ang sarili natin doon sa babae. Tingnan ninyo kung ano ang punto ni Jesus bakit niya kinuwento iyon, “Hear what the unrighteous judge says. And will not God give justice to his elect, who cry to him day and night? Will he delay long over them? I tell you, he will give justice to them speedily” (vv. 6-8a). What’s the point? Kung ang judge na walang takot sa Diyos at walang pakialam sa tao ay pinagbigyan ang babae, paano pa kaya ang Diyos na hindi sagutin ang ating panalangin? Ang Diyos na ating totoong Judge ay makatarungan, banal, at mabuti. Kung ang babae na wala namang relasyon sa judge ay napagbigyan ang kahilingan, paano pa kaya tayo na kilalang-kilala ng Diyos. We are God’s elect, chosen people. Pababayaan ba tayo ng Diyos? Magbibingi-bingihan ba siya sa panalangin natin? Ipinapakita dito ni Cristo kung anong klaseng Diyos ang nakikinig sa dalangin natin. At kung ganito ang Diyos natin, paano tayo dapat mananalangin? Hindi ba’t dapat hindi tayo magsasawa sa paghiling sa kanya araw at gabi – hindi dahil kinukulit natin ang Diyos – kundi dahil nagtitiwala tayo sa kanya na tapat siyang tuparin lahat ng pangako niya sa atin.
How about delayed or no answers?
Sinabi ni Jesus, “Will he delay long over them? I tell you, he will give justice to them speedily?” Agad ba niyang ibibigay? Medyo mahihirapan tayong intindihin ang ibig sabihin nito kasi tinatanong natin, “Bakit ganoon? Araw at gabi, palagi ko namang ipinapanalangin sa Diyos na palambutin niya ng puso ni tatay para makasama na rin namin siya sa church pero bakit wala pa rin?” Kapag dumarating sa atin ang ganito, mas magandang magreflect tayo sa ilang maaaring dahilan kung bakit parang late sumagot ang Diyos o parang ang tahimik niya at nagbibingi-bingihan. Ilan sa maaaring dahilan ay:
- Dahil baka may kasalanang humahadlang sa panalangin natin. “Kung iningatan ko ang kasamaan sa aking puso, ang Panginoon ay hindi makikinig” (Psa. 66:18).
- Dahil baka ang hinihiling natin ay hindi ayon sa kalooban ng Diyos. Hindi ibibigay ng Diyos ang isang bagay na makapagpapasama ng reputasyon niya o makasasama sa atin.
- Dahil gusto pang mas ipakilala ng Diyos ang kanyang sarili sa atin. Tulad ni Job na humihingi ng kasagutan sa nangyaring trahedya sa kanya pero parang walang sagot na dumarating. Sa bandang huli ay ipinakita ng Diyos na nais ng Diyos na mas makilala pa ni Job ang kadakilaan at kapangyarihan niya.
- Dahil siguro may mas maganda siyang nakalaan para sa atin, higit sa hinihiling natin. Kaya nga panalangin ni Pablo kinilala niyang ang Diyos ay “makakagawa nang higit pa kaysa maaari nating hilingin at isipin” (Eph. 3:20).
- Dahil nais niyang mas patatagin pa ang pagtitiwala natin sa kanya. Na makitang siya at ang kanyang biyaya ay sapat sa lahat ng bagay. Tatlong beses hiniling ni Pablong tanggalin ang kanyang “thorn in the flesh” pero hindi ginawa ng Diyos ang hiling niya. Sa halip sabi sa kanya ni Cristo, “My grace is sufficient for you, for my power is made perfect in weakness” (2 Cor. 12:8).
Sa tingin natin may mga delays pero sa pananaw ng Diyos wala talagang delay. Iba ang timeframe ng Diyos. “Ang isang araw sa Panginoon ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw. Hindi mabagal ang Panginoon tungkol sa kanyang pangako, na gaya ng kabagalang itinuturing ng iba” (2 Pet. 3:8-9). Ang tugon ng Diyos ay palaging napapanahon. Walang delay na tulad ng remittance ng asawa mong nasa abroad o ng isang taong hinihintay mo dahil late dumating. “Lumapit tayong may katapangan sa trono ng biyaya, upang tayo’y tumanggap ng awa, at makatagpo ng biyaya na makakatulong sa panahon ng pangangailangan (lit., “biyaya para sa napapanahong tulong” [5])” (Heb. 4:16).
A Call to Faith (18:8b)
Ang paglapit sa Diyos sa panalangin na hindi nagsasawa, hindi naiinip, hindi nagrereklamo, hindi nagdedemand, ay may kinalaman sa pagtitiwala o pananampalataya natin sa Diyos. This is an issue of persevering in faith. Kaya nga nagtapos si Jesus sa tanong na, “Nevertheless, when the Son of Man comes, will he find faith on earth” (v. 8b)? Hanggang lumalapit ang araw ng pagbabalik ng ating Panginoon, manlalamig din ang pananampalataya ng maraming tao. Ang iba ay tatalikod sa Diyos. Ang iba ay hindi na maniniwala sa kanya at sasabihing wala namang katuturan pang magpatuloy na sumama sa isang church at magsimba o manalangin. Sa pagbabalik niya, hahanapin niya ang mga taong patuloy na naniniwalang may Diyos na nakikinig at kumikilos sa panalangin.
Ito ang dahilan kung bakit tayo may Prayer Week mula ngayon hanggang sa susunod na Linggo. We will ask God to give us the faith that can move mountains through prayer (17:5-6). We want to experience it in our church. Ito ang naranasan ng isang kapatid natin dito na matiyagang nanalangin para sa kanyang tatay hanggang sa tamaan ng lung cancer. Buong buhay ng tatay niya ay matigas ang puso niya sa Diyos. Ngunit sa huling sandali ng kanyang buhay ay nasabing niyang, “Naniniwala na ako! Naniniwala na ako! Masaya ako!” Hindi mangyayari iyon kung nagsawa siya sa panalangin at pagtitiwala sa Diyos. Kaya naman…
- Sa halip na mainip, maging matiyaga sa paghihintay sa sagot ng Diyos.
- Sa halip na pagdudahan natin ang bisa ng panalangin, maniwala tayong ginagamit ito ng Diyos para matupad ang kanyang layunin sa buhay natin.
- Sa halip na magduda sa Diyos, maniwala tayong may Diyos na mabuti at kumakalinga sa atin at siyang nakikinig sa panalangin natin.
- Sa halip na gawin ang mga bagay-bagay sa sariling diskarte, ipaubaya natin sa Diyos na alam niya ang kanyang ginagawa, hindi siya humihinto sa pagkilos (“God is always at work”[6]) at tutugon siya sa panahong kailangan.
Kung magkagayon, magpapatuloy tayong lahat sa panalangin at hindi tayo magsasawa. Kahit sa mga panahong sa tingin natin ay walang nangyayaring pagbabago, naniniwala tayong mayroong Diyos – mabuti at dakila – na nakikinig sa atin at kumikilos bilang tugon sa panalangin natin. Sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo, makikita niyang nagpapatuloy tayo sa pagtitiwala sa kanya. Sa araw na iyon, makakamit natin ang sagot sa lahat ng ating panalangin at hangad ng ating puso. Basta maging matiyaga tayo sa panalangin.
[1] A phrase used by Bill Hybels in his book entitled Holy Discontent.
[2] Philip Yancey, Prayer: Does It Make Any Difference?
[3] Craig S. Keener, ed. The IVP Bible Background Commentary: New Testament (Downers Grove, IL: InterVarsity, 1993).
[4] C. Samuel Storms, Reaching God’s Ear (Wheaton, IL: Tyndale, 1988), 145. Cited by R. Kent Hughes, Luke: That You May Know the Truth, Preaching the Word Series (Wheaton, IL: Crossway, 1998), 187.
[5] “The Greek original behind the phrase ‘grace to help in time of need’ would be translated literally, ‘grace for a well-timed help.’” (John Piper, The Purifying Power of Living by Faith in Future Grace [Sisters, OR: Mulnomah; Leicester, UK: Inter-Varsity, 1995], 295.)
[6] Henry T. Blackaby and Claude V. King, Experiencing God.