August 15, 2010 | By Derick Parfan | Scripture: Luke 7:36-50
Downloads: audio | sermon notes | discussion guide
“Whoever loves father or mother more than me is not worthy of me, and whoever loves son or daughter more than me is not worthy of me. And whoever does not take his cross and follow me is not worthy of me. And whoever does not take his cross and follow me is not worthy of me” (Matt. 10:37-38).
No Greater Relationship
Last Sunday ay nagkaroon ng Couples’ Night dito sa atin. Napakagandang tingnan ang mga mag-asawa na nag-uusap, nagpapalitan ng love notes, naglalaro, sumasamba sa Diyos, nag-aaral ng Salita ng Diyos, at nananalangin. Anuman ang lagay ng relasyon ninyong mag-asawa masasabi ninyo na ito ang pinakamahalagang relasyon sa pagitan ng dalawang tao. Kaya nga ang mga single ay nangangarap na balang araw ay magkaasawa rin. Ang discipleship o pagiging tagasunod ni Cristo ay tungkol din sa relasyon, relasyon kay Cristo. Hindi lang ito ordinaryong relasyon tulad ng isang bagong kaibigang ipinakilala sa iyo tapos kasama mo na sa barkada. Nang ikaw ay naging Cristiano, ito ay araw na parang ikinasal ka sa isang lalaki na siya na ang pinakamahalagang relasyon sa buhay mo, higit pa sa mga magulang at mga kapatid mo.
Pero ang nais ni Jesus na relasyon natin sa kanya ay higit pa sa isang asawa, “If anyone comes to me and does not hate his own father and mother and wife and children and brothers and sisters, yes, and even his own life, he cannot be my disciple” (Luke 14:26). Hindi naman ibig sabihing kailangang maging kaaway na natin ang mga mahal natin sa buhay (“Cristiano na ako. Ayoko na sa iyo!”). Ang nais ni Jesus na pag-ibig natin sa kanya ay nangingibabaw sa anumang relasyon na mayroon tayo sa ibang tao. Kung ayain man ako ng mga kalaro ko ng basketball, hindi na palaging puwede, hindi tulad noong binata pa ako. Sasabihin ko, “Hindi ako puwede ngayon kasi ipagluluto ko pa ang asawa ko.” Ang pag-ibig kay Cristo ay marka ng isang tunay na disciple. “Whoever loves father or mother more than me is not worthy of me, and whoever loves son or daughter more than me is not worthy of me” (Matt. 10:37-38). Wala siyang sinasabing utos dito na dapat sundin, ngunit para na rin niyang sinasabi, “Love me. Love me more than anyone or anything in your life.”
Kung Cristiano ka, masasabi mo kung tatanungin ka ni Cristo, “Do you love me?” tulad ni Pedro, “Yes, Lord, you know that I love you” (John 21:15). Pero katotohanan sa buhay Cristiano na araw-araw ay may umaagaw ng atensiyon natin at parang nagiging mas mahalaga sa atin. Tulad sa isang may asawa, maaaring may umaaligid na ibang babae na tumutukso sa iyo. Sa relasyon natin kay Cristo, maaaring umaaligid din ang atensiyon sa trabaho, o sa mga anak, o sa libangan, o sa ambisyon sa buhay, na tumutukso sa ating iwanan o gawing second priority ang relasyon natin kay Cristo. Kaya naman ano ang mga dapat nating alalahanin upang ang pag-ibig natin kay Jesus ay lumago, lumalim, uminit at masabi nating wala na tayong iibigin pa nang higit sa kanya? Tingnan natin ang sagot sa tanong na iyan sa Luke 7:36-50.
Jesus, Simon the Pharisee, and the Sinful Woman
Dahil sa ipinapakitang pagiging bukas ni Jesus sa mga taong itinuturing na mababa at “makasalanan” naakusahan siyang “kaibigan ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan” (v. 34). Tulad nang paunlakan niya ang paanyaya ni Levi o Mateo na isang maniningil ng buwis na isa sa kanyang 12 alagad (5:29-30). Sa mga susunod na talata ay ipapakita ni Jesus na ang resulta ng kanyang mga ginagawa ay magpapatunay na siya ay galing sa Diyos (v. 35). Sa verse 36 ay makikita nating pinaunlakan din niya ang paanyaya ng isang Fariseo na ang pangalan ay Simon (v. 40) sa isang salu-salo sa kanyang bahay. Hindi natin alam kung ano ang tunay niyang dahilan. Kung titingnan natin karamihan sa mga kasama niyang Fariseo ay palaging kumokontra kay Cristo. Marahil dito ay tinitingnan niya kung bakit siya ganoon kasikat sa mga tao. Isa siya ngayong panauhing pandangal sa isang handaan kasama ang ilan pang mga Fariseo.
Naparito si Jesus para tawaging magsisi ang mga makasalanan (5:32), pati ang mga taong nag-aakalang mabuti sila tulad ng mga Fariseo. Bukas ang paanyaya ni Jesus sa lahat ng klase ng tao – relihiyoso man o imoral – na magkaroon ng love relationship sa kanya. Lumaki man sa simbahan o ginugol ang kalahati ng buhay sa bilangguan. Jesus is calling every kind of people to a love relationship with him.
Sa paanyaya niyang lumapit sa kanya ang lahat ng nabibigatan sa kanilang pasanin (Matt. 10:28), isang babaeng “makasalanan” ang nakarinig. Pinanghawakan niya ang pangako ni Cristo, at nagsisi at nagtiwala sa kanya. Ang babaeng ito na tinatawag na makasalanan ay maaaring isang prostitute o adulterer, pero hindi tiyak. Napatigil ang kuwentuhan at tawanan sa bahay ni Simon at natulala ang lahat sa nakita nila. Para bang isang handaan sa isang church anniversary, tapos may pumasok na pulubing ang bahu-baho. Ang babaeng ito ay pumasok sa bahay at lumapit sa may paanan ni Jesus. Ang pagkakaupo nila noon ay hindi tulad ngayon, kundi nakapalabas ang paa habang nakaharap sa kainan. May dala siyang “isang sisidlang alabastro na may pabango” (v. 37). Mamahalin ito at hindi ordinaryo. Nakatingin sa kanya si Jesus. Hindi niya napigiling umiyak, umiyak hindi lamang dahil sa pagsisisi kundi dahil sa kagalakang naranasan na niya ang bagong buhay sa pamamagitan ni Jesus. Lahat ng mga tao, ang sama-sama ng mga sinasabi sa kanya. Pero itong si Jesus tinanggap siya na para bang wala siyang kasalanang nagawa laban sa Diyos, gayong napakarami nga. Nababasa ng kanyang luha na parang ulang walang tigil ang mga paa ni Jesus. Paulit-ulit niya itong pinunasan ng kanyang nakalugay na mahabang buhok, simbolo ng kanyang estado bilang maruming babae. Paulit-ulit din niyang hinalikan ang mga paa ni Jesus at binuhusan ng pabango.
Hindi natin naiintindihan sa panahon natin ngayon kung ano ang ibig sabihin noon. Pero mamaya makikita natin na sinabi mismo ni Jesus na ito ay pagpapakita ng laki ng kanyang pag-ibig sa kanya. Walang tayong narinig na salita mula sa babae. Action speaks louder than words! Hindi na kailangang sabihing “I love you, Jesus.” Kitang-kita na. Ang tunay na pag-ibig kay Jesus, ipinapakita. Hindi itinatago. Kahit anong sabihin ng ibang tao. Kahit gaano kamahal ang pabangong ibinuhos, ayos lang basta nakapagbibigay karangalan kay Cristo. Ganito ang lalim ng pag-ibig ng isang taong nakakakilala talaga kung sino si Cristo at kung ano ang ginawa ni Jesus para sa kanya.
Hindi ito naiintindihan ni Simon. Hindi pa niya talaga kilala si Cristo. Akala niya isang propeta lang, pero pati nga iyon ay pinagdudahan pa. Sabi niya sa loob-loob niya, “Yucks, propeta ba ito na galing sa Diyos? Bakit hinahayaan niyang lumapit sa kanya ang isang maruming babae? Kung ako nga iyon itataboy ko ang babae baka mahawa pa ako sa kasalanan niya!” (v. 39). Kilala ni Jesus ang babae, pati nga isip ni Simon nababasa niya. Sinong hindi propeta? Higit pa nga sa isang propeta! Kaya sabi niya, “Simon, mayroon akong sasabihin sa iyo” (v. 40). Ipapakita ngayon niya kung ano ang problema ni Simon. Ipapakita niya kung ano ang ibig sabihin ng ginawa ng babae. Ipapakita kung bakit talaga naparito si Cristo. Ipapakita niya na ang babaeng tinatawag niyang “makasalanan” ang siya pa ngang may tunay na pag-ibig kaysa sa kanyang “matuwid” na ang pagtrato kay Cristo ay parang isang ordinaryong bisita lang.
The Parable of the Two Debtors
Nakikinig na mabuti si Simon. Nagbigay si Jesus ng isang talinghaga, isang kuwentong magpapakita ng nais niyang ituro sa kanya:
May dalawang taong nanghiram sa isang taong nagpapautang. Ang isa’y umutang ng limang daang denario (katumbas ay 500 araw na suweldo) at ang isa’y limampu (50 araw na suweldo). Nang sila’y walang maibayad, pareho niyang pinatawad sila. Ngayon, alin sa kanila ang higit na magmamahal sa kanya (vv. 41-42)?
Alam ni Simon ang sagot, malinaw na malinaw, “Iyong pinatawad niya nang mas malaki.” Kaya sabi ni Jesus, “Tama ka!” Malinaw na makikita rito ni Simon ang kanyang sarili sa posisyon ng taong mas maliit ang utang dahil akala nila’y mas matuwid sila. Ang babae naman ang may mas higit na malaking utang, sa paningin ni Simon. Pero ang punto nito ay hindi kung sino ang mas malaki o mas marami ang mga kasalanan. Makasalanan ang babae, totoo ‘yan. Makasalanan din si Simon! Akala lang niya hindi.
Ang punto nito ay ang laki ng pagpapatawad ng Diyos! Wala ni isa man sa atin ang may kakayahang makabayad sa Diyos. Relihiyoso man o imoral ay patungo sa parusa ng Diyos sa impierno kung wala si Cristo! Pero dahil kay Cristo, “pinatawad niya ang ating mga kasalanan at pinawalang-bisa ang lahat ng naisulat na alituntunin laban sa atin, pati ang mga pananagutang kaugnay nito. Pinawi niya ang lahat ng ito nang ipako siya sa krus” (Col. 2:13-14 MBB). Kung hindi mo malinaw na nakikita ang laki ng iyong pangangailangan kay Cristo, tulad ni Simon, hindi magiging ganoon kalaki ang pag-ibig mo kay Cristo. Kung hindi mo malinaw na nakikita ang laki ng pag-ibig ng Diyos sa iyo, paano mo iibigin si Cristo nang higit sa lahat?
‘Wag ninyong isiping pagtanaw ng utang na loob ang binabanggit ko. Ang tanong ni Jesus kay Simon ay, “Alin sa kanila ang higit na magmamahal sa kanya?” at hindi “Alin sa kanila ang higit na tatanaw ng utang na loob sa kanya?” Ugali nating mga Filipino iyan. Kapag may gumawa nang mabuti para sa atin, tatanawin nating utang na loob, na balang-araw ay makagaganti rin tayo sa kabutihan nila. Akala natin minsan maganda ang ugaling iyan pero hindi. Lalo pa kung dadalhin natin sa relasyon natin sa Diyos. Ang laki ng ginawa ng Diyos para sa atin, huwag nating bayaran sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti. Bayad na lahat! Wala na tayong utang. Wala tayong utang na loob sa Diyos. Ang gusto niya ay maging totoo ang pag-ibig natin sa kanya, hindi pagtanaw lang ng utang na loob. Kung sa isang sunog ay sinagip ka ng lalaking nanliligaw sa iyo. Tapos sinagot mo at pinakasalan mo kasi nakita mo kung gaano ka niya kamahal. Kapag pinagluto mo ba siya ng masarap pagkagaling sa trabaho at tinanong sa iyo, “Bakit mo ginagawa iyan para sa akin?” Sasabihin mo ba, “Kasi naalala ko iyong ginawa mo sa akin noon, at tumatanaw lang ako ng utang na loob”? o “Kasi mahal kita.”
“She Loved Much”
At ito ang ipinapakita ng babae. Totoong pag-ibig kay Jesus. Hindi tulad ni Simon. Akala niya una siya ang bida, ngayon kontrabida pala. Pansinin ninyo ang pagkukumpara sa sinabi sa kanya ni Jesus:
Nakikita mo ba ang babaing ito? Pumasok ako sa iyong bahay, hindi mo ako binigyan ng tubig para sa aking mga paa, subalit binasa niya ang aking mga paa ng kanyang mga luha at pinunasan ang mga ito ng kanyang buhok. Hindi mo ako hinalikan, subalit buhat nang ako’y pumasok ay hindi pa siya humihinto ng paghalik sa aking mga paa. Hindi mo binuhusan ng langis ang aking ulo, subalit binuhusan niya ng pabango ang aking mga paa (vv. 44-46).
Para bang sinasabi ni Jesus, “Ikaw Simon, bakit ganyan ang pagtrato mo sa babae? Siya pa nga ang nagpakita ng tunay na pagmamahal sa akin. Ni hindi mo nga naisip na pahugasan ang aking paa tulad ng ginagawa mo sa iba mong nagiging bisita. Pero ang babaeng ito, buong pakumbaba na lumapit sa akin. Ni hindi mo nga ako binati tulad ng isang kaibigan. Pero itong babae, walang tigil na ipinakita ang kanyang pag-ibig sa akin. Ni hindi mo nga ibinigay ang karangalang nararapat para sa akin. Pero itong babae, kilala niya talaga kung sino ako, kung bakit ako naparito.” Ang laki ng kaibahan nila! Sana ang relasyon natin kay Cristo ay hindi na tulad ng kay Simon na parang “casual” lang o kakuwentuhan lang si Jesus. Sana tulad na ng babae, na hindi lang nagsasabi o kumakanta ng “Jesus, I love you so much,” kundi sa pamamagitan ng ministry sa church, sa trabaho, sa relasyon sa pamilya, sa relasyon sa hindi Cristiano, at sa lahat ng bahagi ng buhay, kitang-kitang sumisigaw ng “I love you, Jesus!”
Bakit ganito na lamang ang pag-ibig ng babaeng ito? Paano tayo magkakaroon ng ganoon ding klaseng relasyon kay Cristo, anuman ang background natin, relihiyoso man o dating lulong sa bisyo? Sabi ni Jesus sa verse 47, “Ang marami niyang kasalanan ay pinatawad na, sapagkat siya ay nagmahal ng malaki. Subalit ang pinatatawad ng kaunti ay nagmamahal nang kaunti.” She experienced true forgiveness. That is why she loved much. “Sapagkat siya ay nagmahal nang malaki.” Hindi ang kanyang pagmamahal ang dahilan kung bakit siya pinatawad. Ang pagpapatawad sa kanya ang dahilan kung bakit siya nagmamahal. Her love was proof of that she experienced forgiveness, not its cause. Tulad ng “Umulan kanina, dahil basa ang kalsada.” Hindi ang basang kalsada ang nagpaulan, kundi ito ang ebidensiya na umulan nga. Una ang pagpapatawad ng Diyos bago ang pagmamahal natin sa kanya. Pagkatapos na patawarin ang utang ng dalawa, kaya tinanong ni Jesus, “Sino ang higit na magmamahal sa kanya?” Una ang pag-ibig ng Diyos bago ang pag-ibig natin (1 John 4:19). Hindi ang pag-ibig natin sa Diyos ang nakapagligtas sa atin, kundi si Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya. Kaya sabi niya sa babae sa v. 50, “Your faith has saved you.” Not her love, not what she did.
Remember What Christ Has Done for You
Ito ngayon ang sagot sa tanong natin kanina, ano ang mga dapat nating alalahanin upang ang pag-ibig natin kay Jesus ay lumago, lumalim, uminit at masabi nating wala na tayong iibigin pa nang higit sa kanya? Dapat nating alalahanin palagi ang laki ng kasalanan natin sa Diyos. Hindi tayo karapat-dapat tumanggap ng kanyang patawad. Alalahanin din natin ang laki ng pag-ibig niya sa ginawa ni Cristo para mapatawad tayo sa ating mga kasalanan. Lumalalim ang pag-ibig natin kay Cristo kung palagi nating aalalahanin ang lalim ng pag-ibig ng Diyos sa atin, sa kabila ng lalim ng pagkakabaon natin sa kasalanan. Remembering God’s great love fuels more love for Jesus.
Maaaring narito ka ngayon at nakikita mo ang sarili mo dati sa babaeng makasalanan. May mga bagay na ginawa ka dati na hindi mo makalimutan, at minsan ay bumabalik at gumugulo sa iyo. You feel guilty kapag ganoon. You feel you cannot love Christ because of your past. Pero alam mo you love Jesus. Kaso parang may humahadlang. Pakinggan mo ang sinabi niya sa babae. Jesus gave her the assurance of forgiveness. Pinatawad na siya bago pa man siya pumunta sa bahay ni Simon. Pero tiniyak ni Jesus na ito na nga ang kalagayan niya ngayon, “Pinatawad na ang iyong mga kasalanan” (v. 48). Wala ka nang utang! Ligtas ka na! Claim that and let it fuel your love relationship with Jesus.
Para sa ilan sa inyo, maaaring hindi mo nararamdaman ang pag-ibig kay Cristo. Parang gusto mo lang sumama sa worship o fellowship ng mga youth. But you don’t feel you love Christ. Marahil hindi mo pa nararanasan ang pagpapatawad ni Cristo. Hindi pa kasi hindi ka pa lumapit sa kanya at humingi ng tawad. Pagkatapos niyang sabihing pinatawad na ang kasalanan ng babae, nagbulung-bulungan ang mga Fariseo, hindi makapaniwala sa narinig nila, “Sino ba ito, na nagpapatawad ng mga kasalanan?” Naharap si Simon sa isang sitwasyon na kailangan niyang magdesisyon, kung si Cristo ba ay may awtoridad na magpatawad ng kasalanan tulad ng Diyos at lalapit siya at magsisisi. O hindi alam ni Jesus ang sinasabi niya at hindi na niya muling iimbitahin si Jesus. Ikaw rin, nahaharap ngayon sa isang sitwasyon na kailangan mong magdesisyon, kung magpapatuloy ka sa kalagayan mo ngayon na walang tunay na relasyon kay Cristo, o ngayon din ay tulad ng babae na tatanggapin ang pagpapatawad ng Diyos.
Para sa marami sa ating mga Cristiano na, na maaaring dito na rin lumaki sa church, baka sabihin ninyong wala kayong maalalang naranasang pagpapatawad ng Diyos dahil hindi ninyo nakita ang sarili ninyo na makasalanan tulad ng iba. Tulad ko, 9 years old pa lang ako nang makilala ko si Cristo. Hindi ako tulad ng iba na nalulong muna sa bisyo, o nambababae, o talamak ang kasalanan bago naging Cristiano. Ano ngayon ang babalikan ko at aalalahanin para lalong lumalim ang pag-ibig ko kay Cristo? Aalalahanin ko na ako ngayon ay ligtas hindi dahil sa anumang ginawa ko para sa kanya, kundi dahil sa ginawa niya para sa akin. “Your faith has saved you; go in peace” (v. 50), sabi niya sa babae. At kahit ngayong ako ay Cristiano na, aaminin kong saka ko nakita na talaga palang makasalanan ako. Naiisip ko kung paano na kaya kung hindi ako iniligtas ni Cristo. Ano nang klase ng buhay ko ngayon? At sa tuwing magkasala ako, aalalahanin ko, “Your sins are forgiven” (v. 48). At kung palagi kong aalalahanin ang laki ng pag-ibig ng Diyos, masasabi ko: “I love Jesus. I love him more each day. I love him more than I love my wife, more than my parents, more than this church, more than my ministry, more than my job, more than my money, more than my dreams, more than anyone.”
[1] Unless otherwise indicated, Scripture quotations are from the English Standard Version (Wheaton, IL: Crossway, 2001) and Ang Biblia (Philippine Bible Society, 2001). Scripture quotations marked by MBB are from Magandang Balita Biblia (Philippine Bible Society, 2005).