From Slavery to Sonship

Download mp3 | Download pdf

Celebrating the Cross of Christ: An Exposition of Galatians

By Derick Parfan | February 21, 2010

Galatians 3:25 – 4:7 (ESV)

But now that faith has come, we are no longer under a guardian, for in Christ Jesus you are all sons of God, through faith. For as many of you as were baptized into Christ have put on Christ. There is neither Jew nor Greek, there is neither slave nor free, there is neither male nor female, for you are all one in Christ Jesus. And if you are Christ’s, then you are Abraham’s offspring, heirs according to promise. I mean that the heir, as long as he is a child, is no different from a slave, though he is the owner of everything, but he is under guardians and managers until the date set by his father. In the same way we also, when we were children, were enslaved to the elementary principles of the world. But when the fullness of time had come, God sent forth his Son, born of woman, born under the law, to redeem those who were under the law, so that we might receive adoption as sons. And because you are sons, God has sent the Spirit of his Son into our hearts, crying, “Abba! Father!” So you are no longer a slave, but a son, and if a son, then an heir through God.

Ang Kahangalan ng Pagbalik sa Nakaraan

Kung naaalala ninyo ang kuwento ko last sermon two weeks ago, sinabi kong itutuloy ko iyon dahil hindi pa tapos. Balikan natin at isipin mong ikaw ang karakter sa kuwento. Nahuli kang lumabag sa batas kaya ikaw ay nakulong. Habang tumatagal ka nang nakakulong mas ninais mong makalaya. Pinilit mong gawin ang lahat upang makatakas, ngunit wala kang magawa. Isang araw, habang ikaw ay iyak nang iyak nakita mo sa labas ang Presidente at may hawak na katibayan ng pardon para makalaya ka. Tinanggap mo at malaya ka na.

Ngunit hindi doon nagtatapos ang kuwento. Paglabas mo ng kulungan bigla kang napaisip. Patay na nga pala ang tatay at nanay mo. Wala ka ring pamilya na uuwian. Wala kang bahay na tutuluyan. Wala ka namang trabaho at pera para magsimula ulit. Tumingin ka sa Presidente at nakita mo siyang nakangiti na nagsabi, “Huwag kang mag-alala. Ako ang bahala sa iyo.” Inilabas niya ang isa pang papel, adoption paper, at sinasabing isasama ka na niya sa bahay, ituturing na isa sa kanyang mga anak, at balang araw ay magmamana ng lahat ng kanyang kayamanan.

Wow! Ganito na ngayon ang kalagayan natin nang tayo ay sumampalataya kay Cristo: “Kay Cristo Jesus, kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya” (3:25); “Hindi ka na alipin kundi anak; at kung anak, ay tagapagmana” (4:7). Hindi ka lamang pinalaya mula sa kasalanan kundi itinuring ka pang isa sa kanyang mga anak at sa gayon ay tagapagmana.

Paano kung minsan ay naisipan mong bumalik sa kulungan? Ang ganda-ganda na ng kalagayan mo, ng bahay na tinitirhan mo, ng pagkaing kinakain mo tapos babalik ka sa kulungan? Ipagpapalit mo ba ang kalayaan at karangyaan mayroon ka sa muling pagkakulong at kahirapan sa kulungan? Siyempre hindi. Pero ganyan ang ginagawa natin sa tuwing ang pagtitiwala natin ay inilalagay natin sa sarili natin sa halip na kay Cristo, sa tuwing itinuturing nating ang katapatan natin sa mga sistema at ritwal ng relihiyon ang basehan ng ating kaligtasan, sa tuwing inaakala nating tinanggap tayo ng Diyos dahil sa mga ginawa natin. Iyan ang pagkakaaliping binabalikan natin.

Ganyan ang nais ng mga Judaizers sa mga iglesia sa Galacia, upang maibalik sila sa pagkakaalipin sa kautusan. Itinuring sila ni Pablo na “mga huwad na kapatid na lihim na ipinasok, na pumasok upang tiktikan (“manmanan” sa MBB) ang kalayaan na taglay namin kay Cristo Jesus, upang kami’y alipinin” (2:4). Ayaw ni Pablong mangyari ito kaya nais niyang paalalahanan ang mga taga-Galacia kung sino na sila ngayon, at ano ang pinanggalingan nilang kahangalan kung babalikan pa nila. Kung ikaw ay isa nang anak at tagapagmana ng Diyos dahil kay Cristo, huwag ka nang babalik sa pagkaalipin sa ilalim ng kautusan.

Ang Kasalukuyan

Makikita natin sa verses 25-29 kung paano ipinapaalala sa kanila ni Pablo ang katayuan nila ngayong sila’y mga Cristiano na dahil sa pananampalataya at hindi sa kanilang sariling gawa. Sinabi niya na ngayon ay isa ka na sa mga anak ng Diyos. “Subalit ngayong dumating na ang pananampalataya, tayo ay wala na sa ilalim ng tagasupil (ang kautusan). Sapagkat kay Cristo Jesus, kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya” (3:25-26). Sa mga naunang talata ay ipinakita ni Pablo na ang Kautusan ay pansamantala lang at ang layunin ay upang ihanda tayo para kay Cristo. Dati tayo ay nasa ilalim ng Kautusan ngunit ngayon ay isa na sa mga anak ng Diyos. What a great change!

Huwag iisipin ninuman na dahil siya’y nilikha ng Diyos ay isa na siya sa mga anak ng Diyos. Hindi. Wala tayong karapatang tumawag sa Diyos na “Ama” maliban na lang kung tayo ay nananalig kay Cristo. “Subalit ang lahat ng tumanggap sa kanya na sumasampalataya sa kanyang pangalan ay kanyang pinagkalooban sila ng karapatan na maging mga anak ng Diyos” (John 1:12). If you believe in Jesus you have now a new relationship with God. Dati ikaw ay anak ng diyablo dahil ang kalooban ng Kaaway ang sinusunod mo. Dati ikaw ay kaaway ng Diyos, ngunit ikaw na ngayon ay anak. Bakit nga ba ako maiinggit sa mga kaklase ko noong bata ako dahil ang tatay nila ay mas mayaman kaysa sa Daddy ko? Kung ako ngayon ay anak na ng Diyos, mayroon pa bang ibang tatay ang mas mayaman sa Ama natin sa langit?

Magalak ka dahil ikaw na ngayon ay anak ng Diyos. Ngunit hindi lang ikaw kundi binigyang diin ni Pablo, “Kayong lahat…” Kaya gayon din ang emphasis niya sa verse 28, “Kayong lahat ay iisa kay Cristo.” Dahil ikaw ay anak ng Diyos, isipin mong ikaw ay kaisa at kapantay ng lahat ng mga nakay Cristo. Dahil bago na ang relasyon natin sa Diyos, bago na rin ang relasyon natin sa ibang Cristiano. Tulad ng mag-asawa na bagamat dalawa ay pinag-isa ay gayundin tayo sa iglesia na bagamat marami ay isa. Pinag-isa tayong lahat dahil pare-pareho tayong mga anak ng Diyos. We are brothers and sisters in Christ.

Ano ngayon kung iba-iba tayo ng background o katayuan sa buhay? Sabi nga ni Pablo, “Walang Judio o Griyego…” Wala nang racial distinction. Pilipino ka man o Amerikano, ang mahalaga ay anak ka ng Diyos “…walang alipin o malaya…” Wala nang social distinction. Walang mayaman, walang mahirap. Wala nang gender distinction, “walang lalaki o babae,” pantay-pantay tayo bagamat iba-iba ang tungkuling ibinigay ng Diyos. “…sapagkat kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus” (3:28). Hindi dahil nawawala na ang identity natin, kundi dahil may mas mahalaga tayong identity. And God is pleased if we will treat each other in this church like real brothers and sisters. Walang inggitan, walang tampuhan. May pagkakaisa at pagmamahalan.

Nagkakaroon ng inggitan at awayan sa magkakapatid kapag nalamang ang isa ay tatanggap lamang ng kapirasong lupa bilang mana at ang isa ay mamanahin ang lahat ng negosyo ng ama. Ngunit sa pamilya ng Diyos dapat mong isipin na ikaw ay isa nang tagapagmana ayon sa pangako ng Diyos. “At kung kayo’y kay Cristo, kayo nga’y mga binhi ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa pangako” (3:29). Si Cristo ang Binhi na galing kay Abraham at katuparan ng pangako ng Diyos. Tayo ang mga binhi ni Abraham dahil sa koneksiyon natin kay Cristo bagamat hindi tayo mga Judio. “Ang mga Hentil ay mga kapwa tagapagmana, at mga bahagi ng iisang katawan, at mga kabahagi sa pangako kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng ebanghelyo” (Eph. 3:6). Tayong lahat ay “mga tagapagmana ng Diyos, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo” (Rom. 8:17). Bakit tayo ngayon maiinggit sa iba sa gayong nasa atin na ang lahat dahil nasa atin ang Diyos, at kung nasa atin ang Diyos, nasa atin na ang lahat-lahat (1 Cor 3:21-23). Nais ng Diyos na mamuhay tayo sa araw-araw na naroon ang pag-asang balang-araw ay garantisadong tatanggapin natin ang pinakamalaking mana sa kasaysayan – ang makapiling ang Diyos sa walang-hanggan.

Mga kapatid, ganito na ang kalagayan nating lahat kung tayo ay sumasampalataya kay Cristo. Huwag iisipin ninuman na ito ay dahil sa anumang kanyang ginawa. Ang lahat ng pagpapalang ito ay dahil sa iyong pakikipag-isa kay Cristo. “Kay Cristo Jesus…iisa kay Cristo Jesus…kay Cristo” (3:26, 28-29). “Sapagkat ang lahat na sa inyo na binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo” (3:27). Napasainyo si Cristo hindi dahil sa seremonya ng bautismo kundi ang bautismo ay nagpapakita ng pagbabagong naganap na sa iyo. Ipinapakita sa bautismo ang ating pakikipag-isa kay Cristo sa ating paglubog sa tubig at pag-ahon muli (Rom. 6:3). Kaya nga ginamit din ni Pablo ang imahe ng pagsusuot ng damit. Mayroon na tayong bagong damit. Kung dati kulay itim ang damit natin, ngayon ay iba na ang kulay dahil kay Cristo. Para tayong damit na inilubog sa dye na kapag iniahon mo ay kakulay na. Kaya kung tumitingin sa atin ang Diyos si Cristo ang nakikita niya. Anumang nakaraan natin ay binura ng Diyos at pinalitan ng buhay ni Cristo. We cannot come to God with our own dirty clothes, but only with the pure and righteous clothing that only Jesus can provide through faith. This is who we are because of Christ – sons and heirs.

Ang Nakaraan

Kung maiisip mo lang kung gaano kataas ang kalagayan mong ngayong nakay Cristo ka na. Magtataka ka at tatanunging, “Paano nangyari ang lahat ng ito?” Ito ang nais ding ipaalala sa kanila ni Pablo sa 4:1-7, na huwag nilang kalimutan hindi lamang kung sino na sila ngayon kundi balikan ang nakaraan kung sino sila dati at ano ang ginawa ng Diyos para sa kanila.

Alalahanin mong ikaw ay dating alipin. Bago ko basahin ang verses 1-3 dapat malaman muna natin ang background nito, para mas maintindihan natin. Sa mga Judio may seremonya sila sa 12th birthday ng lalaki upang pormal na ipahayag na siya na ay “son of the law” or son of the covenant. Sa mga Griyego, ang edad ay 18 bago pumasok sa full responsibility as adult. Sa mga Romano, hindi fixed ang edad, depende sa gusto ng tatay. May festival sila na ang tawag ay Liberalia na ginagawa tuwing March 17. Sa araw na ito pormal na sinasabi ng tatay ang pagiging tunay na anak at tagapagmana ng kanyang anak. Tatanggapin niya ang isang toga at papalitan ang suot niya upang senyales ng kanyang bagong katayuan. Bago ang araw na ito, para din siyang alipin dahil wala pa siyang kalayaan at “full responsibility”  (Boice, 471). Sabi ni Pablo:

“Ganito ang ibig kong sabihin: ang tagapagmana, habang bata pa ay hindi nakahihigit sa mga alipin bagama’t siya ang may-ari ng lahat, subalit siya ay nasa ilalim ng mga tagapangalaga at mga katiwala hanggang sa panahong itinakda ng ama. Gayundin tayo, nang tayo’y mga bata pa, tayo’y naalipin sa mga panimulang aral ng sanlibutan (“mga tuntuning umiiral sa sanlibutang ito,” MBB)” (4:1-3).

Ganito ka dati: naaalipin “sa mga tuntuning umiiral sa sanlibutang ito” (v. 3). Ano itong “mga tuntuning umiiral”? Base sa katulad na gamit niya ng salitang ito (stoicheia) sa vv. 8-10 malamang na ito ay tumutukoy sa gawa ng kaaway na alipinin ang mga tao sa mga gawi ng sanlibutan, sa mga tradisyong hindi sang-ayon sa Diyos gaano man ito karelihiyoso. Bago ka nakakilala kay Cristo, ikaw ay nakatali sa gawa ng kaaway. Bago mo tinanggap ang kalayaan mula kay Cristo, ikaw ay nakagapos sa kalooban ni Satanas.

Kung ikaw na dating pulubi at ngayon ay inampon ng pinakamayamang tao sa bayan, mahalagang alalahanin mo kung ano ang iyong pinanggalingan. Ngunit mas mahalaga na malaman mo kung ano ang ginawa sa iyo ng Diyos upang mabago ang kalagayan mo. Ito ang “panahong itinakda ng ama” (v. 2). Ganito din ang simula ng verse 4, “Subalit nang dumating ang ganap na kapanahunan…” Ito ang panahong ayon sa plano ng Diyos. Hindi late, hindi maaga, tamang panahon ayon sa karunungan ng Diyos. Nang panahong iyon na ang mga Romano ang namamahala sa Israel, isinugo ng Diyos si Cristo upang ikaw ay maibilang na isa sa kanyang mga anak. “…isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, na ipinanganak ng isang babae, at ipinanganak sa ilalim ng kautusan, upang tubusin ang mga nasa ilalim ng kautusan, upang matanggap natin ang pagkupkop bilang mga anak (“adoption as sons,” ESV)” (4:4-5)

Si Cristo ay isinugo (exapostello). May misyon siya kung bakit naparito. Ano iyon?  Una ay “upang tubusin ang mga nasa ilalim ng kautusan.” Tayong mga alipin ng kasalanan dahil sa pagsuway natin sa mga utos ng Diyos ay nangangailangang tubusin. Ang salitang “redeem” ay ginagamit sa pagbabayad ng isang “ransom” para mabili at mapalaya ang isang alipin na nasa slave market. He came “to serve and give his life as a ransom for [you]” (Mark 10:45). Ikalawa ay “upang matanggap natin ang pagkupkop bilang mga anak.” Hindi lamang tayo pinalaya mula sa slave market, tinanggap pa niya tayo sa kanyang tahanan bilang isa sa kanyang mga anak. Hindi ka ipinanganak na isa sa mga anak ng Diyos, ikaw ay “kinupkop” (adopted). But he treats you like you are “really” his son or daughter.

Paano naging “qualified” si Cristo para tayo ay palayain at maging mga anak ng Diyos. Una dahil siya ay tunay na Diyos, siya ang tanging “Anak” ng Diyos, not adopted but real Son. He is God himself. He is the perfect sacrifice. Ikalawa siya ay naging tunay na tao (“ipinanganak ng isang babae”). Ikatlo siya ay namuhay at namatay para sa atin. Siya’y “ipinanganak sa ilalim ng kautusan.” In order to rescue us from the fire, he himself went inside the fire and experienced the pain of our sufferings.

Nakita ng Diyos na tayo’y nakakulong sa isang bahay na tinutupok ng apoy at para tayong mga sanggol na walang magawa para makalabas. Ngunit ipinadala ng Diyos ang kanyang sariling Anak upang magsakripisyo at iligtas ka mula sa apoy. At pagkatapos ay iuwi ka sa kanilang bahay at ituring na isa sa kanyang mga anak.

The Father and the Son work together in our salvation. Ngunit hindi lang silang dalawa. Pati ang Espiritu Santo, ang ikatlong miyembro ng Trinity (three persons in one God) ay kasali. Isinugo ng Diyos ang Espiritu Santo upang maranasan mo ang pagiging isa sa kanyang mga anak. “At sapagkat kayo’y mga anak, isinugo ng Diyos ang Espiritu ng kanyang Anak sa ating mga puso, na sumisigaw, ‘Abba, Ama!’” (4:6). Totoo ngang tayo na ay mga anak ng Diyos. Pero tulad ng isang anak, lalo pa kapag inampon, minsan ay hindi nararanasang siya’y tunay na anak. Hindi ba’t dumaraan din tayo sa mga pagkakataong parang nagtatanong ka kung ikaw nga ba ay anak ng Diyos at nagmamahal siya bilang iyong Ama? We don’t get the assurance that we are children on the basis of what we are doing for God. We get the assurance because of the Holy Spirit’s work, “For you did not receive the spirit of slavery to fall back into fear, but you have received the Spirit of adoption as sons, by whom we cry, “Abba! Father!” The Spirit himself bears witness with our spirit that we are children of God” (Rom. 8:15-16).

Ang salitang “Abba” ay salitang Aramaic na isinulat nang diretso (transliterated) sa Griyego. Ito ang salitang katumbas ng “Daddy” na nagpapakita ng intimacy na nais ng Diyos na maranasan natin. Hindi kailanman direktang tinawag ng mga Judio ang Diyos bilang “Ama” ngunit ito ang karaniwang tawag ni Jesus sa Diyos at itinuro din niya sa ating panalangin (“Our Father…”). Karamihan sa atin marahil ay lumaki na hindi ganoon kaclose ang relasyon sa atin mga tatay. Nais ng Diyos na maranasan natin ang kanyang pagiging Ama sa atin. Iyan ang ginagawa ng Espiritu upang tayo’y makasigaw sa Diyos tulad ng isang batang nakitang dumating ang kanyang tatay sa airport pagkatapos ng maraming taon na pagkakahiwalay, “Daddy! Daddy!”, pagkatapos ay yayakapin ang kanyang ama. The Holy Spirit brings the reality of our being children of God in our daily lives.

Nasaan Ka Ngayon?

Gusto talagang ipaalala ni Pablo sa kanila kung sino na sila ngayon! “Ano pa’t hindi ka na alipin, kundi anak; at kung anak ay tagapagmana ka nga sa pamamagitan ng Dios” (Ang Biblia 1905). Ngunit hindi ito dahil sa ginawa nila kundi dahil sa ginawa ng Diyos, “sa pamamagitan ng Dios” o tulad ng salin sa MBB, “kayo ay ginawa rin ng Diyos bilang mga tagapagmana niya.” You don’t deserve it but God did it for you.

Ngunit gusto kong ipaalala sa inyo na ang pinatutukuyan ni Pablo ay iyon lamang mga nakay Cristo. “In Christ Jesus you are all sons of God” (3:26). Ang iba sa inyo ay maaaring hanggang ngayon ay nananatiling “alipin” ng kasalanan at ng sistema ng mundong ito. Nais ng Diyos na maranasan mo ang tunay na kalayaan kay Cristo at mapabilang sa kanyang mga anak. God wants you now to consider the great things you are missing if you will continue relying on yourself to be accepted by God instead of relying on Jesus. Nasaan ka na ngayon? Nakay Cristo ka na ba?

O baka ang iba sa inyo ay ilang taon ng nag-aakalang sila ay tatanggap ng mana ng Diyos ngunit ang totoo ay hindi dahil hindi pa totoo ang relasyon nila sa Diyos. Tulad ng isang tumaya sa lotto na akalang nanalo siya ng 100 million ngunit wala naman sa kanya ang winning number. Tulad ng kasali sa PBB na akalang siya ang Big Winner ngunit hindi naman nakuha ang boto ng mga tao. Tulad ng isang pulubing nangangarap na siya ay tatanggap ng mana mula kay Henry Sy ngunit hindi naman “Sy” ang kanyang apelyido. Ang mana galing sa Diyos ay hindi madadaan as “suwerte” o tsamba tulad ng lotto, hindi rin sa appeal sa boto ng mga tao, o sa biological connection, kundi sa biyaya lamang ng Diyos. Nasaan ka na ngayon? Nakay Cristo ka na ba?

At kung ikaw ay tunay na anak at tagapagmana dahil tinanggap mo ang biyaya ng Diyos, babalik ka pa ba sa dati mong kalagayan? Nakay Cristo ka na, pero bakit may mga panahong tila ninanais mong bumalik sa pagtitiwala sa sariling gawa at sa sistema ng mundong ito? Nasaan ka na ngayon? Do you live by faith in Jesus, the Son of God who loved us and gave himself for us so that we will also be sons of God and heirs of God?

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.