GENESIS 1: Ang Diyos na walang hanggan ang lumikha ng lahat-lahat sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang salita. Nilikha niya ang tao na lalaki at babae ayon sa kanyang larawan para sambahin siya at pamahalaan ang nilikha niya. Lahat ng ito ay napakabuti. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 5, 2022
GENESIS 2: Nais ng Diyos sa tao na sumunod sa kanya, magtrabaho at alagaan ang nilikha niya, at maranasan ang buhay at kapahingahan sa piling niya. Kamatayan ang dulot ng pagsuway sa kanya. Disenyo ng Diyos sa mag-asawa na maging salamin ng kanyang pagmamahal. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 5, 2022
GENESIS 3: Nagrebelde ang tao sa Diyos nang sila ay nahulog sa tukso ng Diyablo at sumuway sa utos ng Diyos. Kaya pumasok ang kasalanan, kahirapan at kamatayan. Kasabay ng paghatol ay ang pangakong Tagapagligtas na babaligtad sa sumpa at gagapi sa kay Satanas. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 5, 2022
GENESIS 4: Sa kabila ng mga kasalanan ng tao (tulad ng pagsisinungaling, inggit, galit, pagpatay), nananatili ang haba ng pasensiya ng Diyos para hikayatin ang tao na magbalik-loob. Sa halip na alagaan ang kasalanan, dapat tayong tumawag sa pangalan ng Diyos. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 6, 2022
GENESIS 5: Kung paanong ang tao ay nilikha sa larawan ng Diyos, ang mga taong sumunod kay Adan ay ipinanganak ayon sa kanyang larawan, makasalanan, at nasa ilalim ng hatol ng kamatayan. Ang makasama ang Diyos sa buhay at kamatayan ang dapat nating pakanaisin. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 6, 2022
GENESIS 6: Parehong kalungkutan at matinding galit ang dulot sa puso ng Diyos ng matinding kasalanan ng lahat ng tao. Dakila ang habag ng Diyos sa pagpili ng mga taong ililigtas niya sa tiyak at matinding paghatol dahil sa pagrerebelde ng tao laban sa Diyos. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 6, 2022
GENESIS 7: Ang banta ng Diyos sa pagpaparusa ay tiyak na daranasin ng mga taong hindi nagsisisi sa kanilang mga kasalanan. Tiyak din ang katuparan ng kanyang planong pagliligtas sa mga sumasampalataya sa kanya na nakikita ang bunga sa pagsunod sa kanyang utos. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 6, 2022
GENESIS 8: Mayaman ang awa ng Diyos. Hindi niya kaliligtaan ang mga taong kabilang sa kanya. Bagamat karapat-dapat tayong parusahan, nakipagtipan ang Diyos na ililigtas ang tao sa pamamagitan ng paghahandog na ginawa ni Cristo. Kaya marapat na siya'y sambahin. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 8, 2022
GENESIS 9: Sa kabila ng kasalanan ng tao, kahit ng mga taong nakaranas ng pagliligtas ng Diyos, hindi nababago ang hangarin ng Diyos na mapuno ng kanyang karangalan ang buong mundo sa pamamagitan ng mga tao. Buhay, at hindi kamatayan, ang nais ng Diyos sa tao. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 8, 2022
GENESIS 10: Makapangyarihan ang Diyos, at walang makakapigil sa kanya para matupad ang hangarin niyang dumami ang mga tao, na may iba't ibang lahi, sa lahat ng dako ng mundo. Siya ang Panginoon na nagtakda ng hangganan at panahon para sa bawat lahi sa mundo. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 8, 2022
GENESIS 11: Kapahamakan ang dulot ng pagsalungat sa layunin ng Diyos at pakikipagsabwatan sa iba na maitanyag ang sariling pangalan sa halip na bigyang-karangalan ang Diyos. Sa bandang huli, layunin at plano pa rin ng Diyos sa buong mundo ang magtatagumpay. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 11, 2022
GENESIS 12: Sa pamamagitan ng isang tao—ni Abraham—at ng lahing magmumula sa kanya, ipinangako ng Diyos na pagpapalain ang lahat ng lahi sa buong mundo. Walang makapipigil sa plano ng Diyos—takot man o maling diskarte—na iligtas ang lahat ng pinangakuan niya. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 11, 2022
GENESIS 13: Napakalaking kayamanan ang nakalaan para sa mga kabilang sa lahi ni Abraham sa pamamagitan ni Cristo—higit pa sa kayamanan sa mundong ito o anumang pag-aari na maaaring mapasaatin dito. Di na natin kailangang makipag-away dahil sa pagpapalang ito. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 15, 2022
GENESIS 14: Tayong mga makasalanan ay bihag ng kasamaan ng mundong ito. Heto ang mabuting balita: meron tayong Haring Mandirigma at Paring Tagapamagitan sa Diyos para palayain tayo mula sa pagkaalipin at maibalik sa mabuting ugnayan sa Diyos. Siya ay si Jesus. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 15, 2022
GENESIS 15: Ang Diyos ang ating tagapagtanggol at gantimpala. Ang pangako niyang pagliligtas ay nakasalalay sa katapatan at kapangyarihan niya. Karangalan niya ang nakataya dito. Kaya sa halip na mag-alala, magtiwala ka kay Cristo. Siya ang iyong katuwiran. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 15, 2022
GENESIS 16: May panahong itinakda ang Diyos para sa katuparan ng pangako niya. Kung maiinip tayo at gagawa ng sariling diskarte, kasalanan at kapighatian ang magiging resulta—sa atin at sa ibang tao. Sa kabila nito, nakatingin at nakikinig siya sa ating daing. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 16, 2022
GENESIS 17: Makapangyarihan ang Diyos. Sa kanyang habag, nakipagtipan siya sa mga taong ituturing niyang sa kanya. Pagtutuli ang marka ng tipang ito para sa lahi ni Abraham. Bautismo sa tubig ang siya namang marka ng sinumang kabilang kay Cristo at sa Iglesya. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 16, 2022
GENESIS 18: Tapat ang Diyos na tuparin ang pangako niya. Makapangyarihan siya, kaya’t magagawa niya ang imposible sa tao. Dahil sa kakulangan ng tiwala natin, kaya ito paulit-ulit na sinasabi sa atin. Makatarungan din siya sa paghatol na parusahan ang masama. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 16, 2022
GENESIS 19: May hangganan ang kasamaan ng tao. Matinding parusa ang sasapitin ng mga taong hindi kumikilala sa Diyos at nagpapatuloy sa kasalanan. Mabagsik ang galit ng Diyos, ngunit mayaman ang awa niya sa mga taong nananalig kay Cristo para sila’y maligtas. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 16, 2022
GENESIS 20: Kahit di tayo nagiging tapat, ngunit dahil sa pangako ng Diyos na nakay Cristo, ibinubuhos niya ang kanyang pagpapala sa atin, ginagamit tayong instrumento para mapagpala rin ang iba, at bininigyan ng katiyakan na tutuparin niya ang pangako niya. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 17, 2022
GENESIS 21: Tutuparin ng Diyos ang pangako niya sa panahong itinakda niya, gaano man ito kaimposible sa tao. Magdudulot ito ng kagalakan, pagpupuri at pagsunod sa kanyang mga anak. Siya ang walang hanggang Diyos. Dakila ang kanyang katapatan at kapangyarihan. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 19, 2022
GENESIS 22: Sumumpa ang Diyos sa sarili niyang pangalan na tiyak na pagpapalain niya ang sinumang nakay Cristo. Dahil hindi ipinagkait ng Diyos ang kanyang minamahal na Anak, at siyang ibinigay sa atin, tiyak na ibibigay niya rin ang lahat ng kailangan natin. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 19, 2022
GENESIS 23: Hindi man ipagkaloob ng Diyos ang kasaganaan na inaasahan natin sa mundong ito, bawiin man ng Diyos ang minamahal natin, bawiin man ng Diyos ang hiram nating buhay, hinding-hindi niya babawiin ang pangakong bigay niya sa atin—ang kanyang sarili. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 21, 2022
GENESIS 24: Bawat yugto sa kasaysayan gumagawa ang Diyos para magpatuloy ang lahi ni Abraham, ang bansang Israel, ang lahing pinanggalingan ng Tagapagligtas. Kaya bitawan mo ang pagkakapit mo sa buhay mo at ipagkatiwala mo sa Diyos at sa gagawin niyang paraan. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 21, 2022
GENESIS 25: Si Cristo ang katuparan ng pangako ng Diyos kay Abraham. Dahil namuhay siya at naghirap sa mundong ito, namatay, at muling nabuhay, tayo na sumasampalataya kay Cristo ay tiyak na magiging tagapagmana ng lahat ng pangako niya. Magtiwala ka sa kanya. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 21, 2022
GENESIS 26: Bagamat nagkasala tayo, tulad din ng mga magulang natin, tinitiyak ng Diyos na tatanggapin natin ang pangakong saganang pagpapala niya hindi dahil sa kabutihan natin kundi dahil sa perpektong pagsunod ni Cristo sa lahat ng kalooban ng Diyos. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 24, 2022
GENESIS 27: Sa kabila ng mga maaaring makahadlang sa plano ng Diyos, tulad ng pag-aaway sa pamilya, pagkamakasarili, pagsisinungaling, at pandaraya, makapangyarihan ang pagkilos niya para matiyak na ang plano niya ang magaganap at mapagpala ang pinili niya. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 24, 2022
GENESIS 28: Sa pamamagitan ni Cristo, nanaog ang Diyos para ipakilala ang sarili niya at tayong mga nakay Cristo ay pinangakuan na pagpapalain, sasamahan at iingatan niya. Hindi siya titigil sa paggawa hangga’t hindi natutupad ang lahat ng mga ipinangako niya. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 24, 2022
GENESIS 29: Minamahal ng Diyos ang mga taong hindi kaibig-ibig. Nakikinig ang Diyos sa kanilang daing, tinitingnan ang kanilang abang kalagayan, at tinutulungan. Sa kapuri-puring biyaya niya ay nagiging instrumento pa sila para sa ikaliligtas ng maraming tao. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 25, 2022
GENESIS 30: Sa panahong inaagrabyado tayo ng ibang tao, gumagawa ang Diyos ng paraan para ipaghiganti ang kanyang mga anak. Ginagamit niya maging ang masamang gawa ng ibang tao para pagpalain tayo. Hindi natin maipagmamalaki na ito ay dahil sa diskarte natin. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 25, 2022
GENESIS 31: Ang Diyos ang sumasama at nag-iingat sa kanyang mga anak. Anumang kasaganaan na nararanasan natin ay dahil sa biyaya ng Diyos, hindi dahil sa sarili nating galing. Makapangyarihan ang Diyos na gumagawa para magkaroon ng pagkakasundo ang magkaaway. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 27, 2022
GENESIS 32: Anumang takot natin na harapin ang mga mangyayari, lahat ng ito ay mapapawi kung makakaharap natin ang Diyos, kikilalanin siya, at panghahawakan ang pagpapalang ipinangako niya sa pamamagitan ni Cristo. Ang mga pangakong ito ang ipanalangin natin. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 27, 2022
GENESIS 33: Makapangyarihan ang Diyos na bumabago sa puso natin at ng kaaway natin upang magkaroon ng pagkakasundong imposible sa mga taong makasarili at mapaghiganti. Ang pagkakasundong ito ay bunga ng kapayapaang naranasan natin sa Diyos dahil kay Cristo. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 27, 2022
GENESIS 34: Ang tipan ng Diyos at ang markang kaakibat nito ay isang sagradong bagay at hindi dapat gamitin sa pansariling paraan tulad ng paghihiganti at karahasan. Gayunpaman, nagpapaalala ito ng laki ng grasya ng Diyos sa mga hindi nararapat tumanggap nito. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 31, 2022
GENESIS 35: Ang Makapangyarihang Diyos ay nagpapakilala ng kanyang sarili sa atin at sa pamamagitan natin. Tinutupad niya ang pangako niya hanggang sa mga sumusunod na salinlahi. Wala nang ibang diyos na dapat sambahin ng ating buong pamilya maliban sa kanya. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) January 31, 2022
GENESIS 36: Ang pagkakaroon ng buhay, pamilya, tirahan at maraming mga anak ay palatandaan pa rin ng biyaya at kagandahang-loob ng Diyos maging sa mga taong itinakwil ang Diyos, sumuway sa kanyang mga utos, at hindi tagapagmana ng mga pangako ng kanyang tipan. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) February 2, 2022
GENESIS 37: Lingid sa kaalaman natin, may mabuting plano ang Diyos na siyang kahihinatnan ng hindi pantay na pagtrato ng magulang sa kanyang mga anak, inggitan ng magkakapatid, pagsisinungaling, pagmamaltrato, pang-aabuso, karahasan at mga masasamang balakin. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) February 2, 2022
GENESIS 38: Makapangyarihan ang biyaya ng Diyos. Ang kasalanang sekswal ni Judah sa kanyang manugang na si Tamar, na nagbunga ng mga anak, ay ginamit ng Diyos na instrumento para maging lahing pagmumulan ng mga hari ng Israel at ng Tagapagligtas na si Jesus. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) February 2, 2022
GENESIS 39: Sa pamamagitan ng presensiya ng Diyos at pagmamahal niya sa natin, mararanasan natin ang tagumpay at pagpapala sa mga ginagawa natin. Ito rin ang nagbibigay ng lakas na kailangan natin para labanan ang kasalanan at pagtiisan ang pasubok sa buhay. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) February 2, 2022
GENESIS 40: Ang Diyos ang nagbibigay sa atin ng kakayahan para makagawa ng mabuti sa ibang tao sa kabila ng mga suliranin natin. Maaaring makalimutan ng ibang tao ang kabutihang nagawa natin, o matagal pa tayong magtiis, pero hindi tayo kinakalimutan ng Diyos. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) February 2, 2022
GENESIS 41: Makapangyarihan ang Diyos na gumagawa sa buhay ng mga nagtitiwala sa kanya. Maging sa panahon ng matinding kahirapan, siya ang nagbibigay ng karunungan, karangalan, at kasaganaan sa atin—maging ng pagkakataong maging pagpapala sa maraming tao. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) February 2, 2022
GENESIS 42: Ginagamit ng Diyos ang matinding kahirapan upang unti-unting matupad ang mga itinakda niyang mangyari—ang iligtas at gawan ng mabuti ang mga kabilang sa kanyang pangako at ipaalala ang mga kasalanan nila na kailangan nilang aminin at pagsisihan. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) February 2, 2022
GENESIS 43: Napakasagana ng pagpapatawad ng Diyos. Tayo na dati niyang mga kaaway ay inaanyayahan na makasama siya at tumanggap ng nag-uumapaw na biyayang galing sa kanya. Ganito ang pagpapatawad na nais din ng Diyos na iparanas natin sa mga nagkasala sa atin. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) February 2, 2022
GENESIS 44: Makapangyarihan ang Diyos na baguhin ang isang tao mula sa pagka-makasarili tungo sa pagiging tulad ni Cristo sa kanyang matapang na pangunguna at mapagmahal na pagsasakripisyo ng sarili para mailigtas ang ibang tao at mabigyang-kaluguran ang Ama. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) February 2, 2022
GENESIS 45: Ang pagpapatawad ay udyok ng pagkilala sa probidensiya ng Diyos—na maging ang kasalanan ng tao, ayon sa karunungan ng Diyos, ay ginagamit niya para sa ikaliligtas ng marami, tulad ng nangyari kay Jesus sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) February 2, 2022
GENESIS 46: Tinutupad ng Diyos ang mga pangako niya sa kanyang mga anak sa paraan, sa lugar, sa panahon at sa pamamagitan ng mga taong hindi natin inakala o inaasahan. Ipinangako rin niya na sasamahan niya tayo sa pagharap sa sitwasyong kinatatakutan natin. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) February 7, 2022
GENESIS 47: Pinagpapala at ipinagkakaloob ng Diyos ang pangangailangan ng kanyang mga anak maging sa pamamagitan ng mga taong hindi kumikilala sa Diyos. Ang Diyos ang patuloy nating dapat asahan at hindi dapat ituring na ang mundong ito ang ating tahanan. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) February 7, 2022
GENESIS 48: Ang Diyos ang nangangalaga at nagliligtas sa kanyang mga anak mula sa masama. Siya ang dapat pagtiwalaan at sundin. Ang karangalan ng kanyang pangalan, ang katuparan ng kanyang pangako at ang kanyang pagsama ay magpapatuloy sa susunod na salinlahi. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) February 7, 2022
GENESIS 49: Sa pamamagitan ng lahi ni Judah magmumula ang maghahari sa Israel, magpapatuloy ang pangakong Tagapagligtas ng Diyos, at matutupad ang pangako ng Diyos kay Abraham na pagpapalain ang lahat ng lahi sa buong mundo. Si Jesus ang naging katuparan nito. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) February 7, 2022
GENESIS 50: Ang pagpapatawad sa nagkasala sa atin ay nanggagaling sa pagkilala sa awtoridad ng Diyos at sa kanyang kapangyarihang gumagawa sa lahat ng bagay—maging sa masamang gawa ng ibang tao sa atin—para sa ikabubuti at ikaliligtas ng mga umiibig sa kanya. #DiyosSaBawatPahina
— Treasuring Christ PH (@derickparfan) February 7, 2022
Photo by Aaron Burden on Unsplash