Caught in Conflict (14:1-12)
May mga significant events na sa una para sa atin ay hindi gaanong mahalaga kasi hindi naman tayo direktang naaapektuhan. Pero nagbabago ang pagtingin natin sa mga pangyayaring iyon kapag nadamay na tayo o yung isa sa mahal natin sa buhay. Halimbawa, meron ako nakausap na nagka-Covid. Sabi niya noong una daw ay hindi siya nagpapaniwala sa pandemic na ‘yan. Pero nagbago yun kasi siya mismo ay nagkasakit. And for many of us, yung maraming namamatay sa sakit na ‘to ay parang numero lang o statistics sa atin pero malaki ang nagbago nung si Nanay Iska ay namatay. Or yung war on drugs ng gobyerno. Nababalitaan lang natin yung mga natataniman ng droga, pero nung pati kasama natin sa church ay nadamay, mas nakita natin kung gaano kalaki yung injustice. O yung awayan ng gobyerno at mga rebelde. Hindi tayo masyadong concerned, maliban na lang kung madawit tayo sa crossfire.
Ganun din ang nangyari sa pagpapatuloy natin ng kwento ng buhay ni Abraham sa Genesis 14. Abram pa noon ang pangalan niya. Nagkaroon sila ng family conflict, nakita natin sa Genesis 13 last week. Dumami na kasi ang mga possessions nilang pareho, maraming mga tauhan, maraming mga alagang hayop. Kaya hindi na sila masusustenahan ng lupang tinitirhan nila. So nagkakaaway-away ang mga tauhan nila. Kaya nagkahiwalay sila. Itong si Lot, sa halip na pumiling tumira sa isang bahagi ng lupain sa Canaan, yung lupaing ipinangako ng Diyos kay Abram, mas pinili pa niya yung malapit sa Sodom and Gomorrah, sa eastern part. Akala niya maganda ang magiging kapalaran niya sa lugar na yun, akala niya mapapabuti siya. Pero kapag naririnig natin ang salitang Sodom at Gomorrah, tulad ng pag-alerto sa atin ng sumulat ng kuwento sa Genesis 13, merong nagbabadyang panganib.
At hindi nagtagal ganoon nga ang nangyari. Nabihag si Lot na pamangkin ni Abram (Gen 14:12). Paano nangyari yun?
Kung sa Genesis 13 ay awayan ng pamilya o ng mga tauhan ng magkamag-anak, domestic conflict, dito naman sa Genesis 14 ay mas malaki, awayan ng mga hari, international conflict. Meron kasi noon na alliance ng mga kings na may sakop ng kanya-kanyang teritoryo. Maaaring pinaka-superior ay si King Kedorlaomer ng Elam, at yung ibang mga hari ay nagbibigay ng tributes sa kanya. Ganoon ang setup nila for 12 years (v. 4). Pero yung ibang mga hari ay nagrebelde sa ika-13 taon. Tama na! Enough is enough! Nagkaroon ng bagong alliance itong mga eastern kings: King Bera ng Sodom, King Birsha ng Gomorrah, King Shinab ng Adma, King Shemeber ng Zeboyim, at King Zoar ng Bela (v. 2). Ito ang bumubuo ng mga opposition laban sa kampo ng administrasyon ni King Kedarlaomer, kasama ang iban pang mga Canaanite kings: King Amrafel ng Shinar (o Babylon), King Arioc ng Elasar, King Tidal ng Goyim (v. 1). Four Canaanite kings vs five eastern kings. Sino ang mas malakas?
Led by King Kedarlaomer, marami pa silang lugar na sinakop:
At nang ika-14 na taon, tinalo ni Kedorlaomer at ng mga kakampi niyang hari ang mga Refaimeo sa Ashterot Karnaim, ang mga Zuzita sa Ham, ang mga Emita sa kapatagan ng Kiriataim, at ang mga Horita sa bundok ng Seir hanggang sa El Paran na malapit sa disyerto. Mula roon, bumalik sila at nakarating sa En Mishpat na tinatawag ngayong Kadesh. At sinakop nila ang lahat ng lupain ng mga Amalekita at mga Amoreo na nakatira sa Hazazon Tamar (vv. 5-7 ASD).
Ganyan kalakas itong kaharap ng mga hari ng Sodom at Gomorrah pati ng mga kaalyansa nila. So, nagtipon sila sa Valley of Siddim (na tinatawag na Dead Sea o Salt Sea). Nakalagay ‘yan sa v. 2, at inulit pa sa vv. 8-9. Binanggit na naman ang pangalan nitong five eastern kings vs four Canaanite kings. Panalo yung apat, talo yung lima. “Natalo ang limang hari, at nang sila’y tumakas sa labanan, ang hari ng Sodoma at ang hari ng Gomorra ay nahulog sa balon ng alkitran (ESV, bitumen pits; ASD, hukay na pinagkukuhanan ng aspalto) na marami sa dakong iyon. Ang iba’y nakatakas papunta sa kabundukan” (v. 10 MBB). Aksidente bang nahulog sila, o inihulog ng kalaban, o nagpatihulog, we don’t know. Pero malinaw na ang invisible hand ng Diyos, his divine providence, ay kumikilos para mapahamak itong Sodom at Gomorrah, na ang description sa Gen 13:13 ay “wicked, great sinners against the Lord.”
Pati forces of nature, o ibang tao na kalaban nila ang gagamitin ng Diyos laban sa kanila. “Kaya’t sinamsam ng apat na hari ang lahat ng ari-ariang natagpuan sa Sodoma at Gomorra, pati ang pagkain doon” (14:11 MBB). This was an international conflict na maaaring walang kamalay-malay si Abram na noon ay nakatira sa may Hebron, maliban na lang kung meron siyang Facebook at makita niya ang mga balita sa kanyang timeline. Or posible rin namang may nakakarating sa kanyang balita. At maalala rin niya siguro yung promise ni God sa Gen 12:2-3, na hindi lang siya ang pagpapalain kundi lahat ng lahi sa mundo ay pagpapalain din sa pamamagitan niya. And how could this happen gayong ganito ang nangyayari sa mundo, magulo, puro awayan, puro patayan, puro sariling agenda ang pinaiiral.
Ang this international conflict ay mas naging personal sa kanya nang si Lot ay madamay: “Binihag din nila ang pamangkin ni Abram na si Lot na nakatira sa Sodoma, at kinuha ang lahat ng ari-arian nito” (13:12 MBB). Sasabihin ng iba, minalas. Sasabihin ng iba, ayan, nakarma. Pero mas malamang na ito ay dulot o consequences ng kanyang foolish decision ng piliin niya na lumabas ng Canaan, at lumayo kay Abram. Bakit mo nga naman pipiliin yun kung alam mo na itong uncle mo ang pinangakuan ng Diyos na, “I will bless you…I will bless those who bless you” (12:2-3). Yes, maaaring hindi niya alam na ganun ang sasapitin niya sa Sodom. Pero itong si Lot, he’s making a conscious deliberate decision na doon tumira. Makikita natin hanggang sa mga susunod na kuwento kung paanong nagkakaroon ng decline o mas nagiging foolish yung mga decisions niya. Noong maghiwalay sila ni Abram, una siyang nanirahan sa lugar na malapit sa Sodom (13:12). Ngayon naman, doon na siya mismo sa Sodom nakatira (14:12), and later on, sa kabila ng nangyari sa kanya, mananatili pa siya sa Sodom at maaaring naging isang respectable citizen na sa lugar na yun (19:1).
Hindi malayo na mapahamak din tayo dahil naninirahan tayo sa mundo ng mga makasalanan. Tama nga na we are in the world, pero tandaan natin na we are not of the world. Hindi tayo taga-rito, hindi tayo dapat maging at home and at peace with this world, kung ayaw nating mapahamak din na tulad ng sasapitin ng mundong ito na naghihimagsik laban sa Diyos.
Marami na tayong foolish decisions na nagagawa, lalo na sa pagyakap at pakikipagkaibigan sa mundong ito na nagrerebelde sa Diyos, pero nararanasan pa rin natin ang laki ng awa ng Diyos sa atin. Tulad ng nangyari kay Lot.
Warrior-King (14:13-16)
Nagkataon lang ba na nakarating ang balita kay Abram? Or this is a clear indication of divine providence at work. “Ngayon, may isang nakatakas at nagbalita kay Abram na Hebreo (first time ginamit ang “Hebrew” dito, maaaring tumutukoy sa pinanggalingan lahi ni Abram na si Eber, 11:15) tungkol sa nangyari. Si Abram ay nakatira malapit sa malalaking puno ni Mamre na Amoreo. Si Mamre at ang mga kapatid niyang sina Eshcol at Aner ang mga kakampi ni Abram” (14:13 ASD).
Anong gagawin mo kung ang isa sa mga mahal mo sa buhay ay nasa panganib at nangangailangan ng tulong? Pwede mo sigurong sabihin, “Buti nga sa ‘yo. ‘Yan ang napala mo. Hindi ka kasi marunong magdesisyon. Dapat lang sa kanya yun.” O maawa ka nga, at ipagpray siya, pero you will make excuses, “Ang dami ko nang problema dito sa bahay, iintindihin ko pa siya. Saka hindi naman siya deserving ng tulong. Saka ano ba naman magagawa ko, matanda na ako, saka delikado, paano na ang pamilya ko kapag namatay ako, saka may pangako ang Diyos sa akin!, baka meron namang ibang pwedeng tumulong.”
Kapag sinabi mong faith, you believe in God, hindi ‘yan passive response sa mga kaguluhang nangyayari sa paligid. By faith, we take risks para gawin kung ano ang kailangang gawin. Kapag sinabing love, hindi lang yan feeling or emotion, merong kasamang aksyon at sakripisyo para sa minamahal. “Faith working though love,” sabi nga ni Paul sa Galatians.
Yan ang makikita natin sa response ni Abram. He’s growing in faith and love, hindi tulad ng kawalan niya ng tiwala sa Diyos nung nagpunta siya sa Egypt during famine, at halos ipamigay ang kanya asawa, failing to love Sarai as he ought (Gen 12:12-20). Yan din ang intensiyon ng Diyos para sa bawat isa sa atin, for us to grow stronger in faith in God’s promises, and deeper in love for others.
Paano ‘yan nakita sa response ni Abram?
Nang marinig ni Abram na binihag ang kamag-anak nila, tinipon niya agad ang 318 niyang tauhan na talagang maaasahan (ESV, trained servants; MBB, tauhan…mandirigma), at hinabol nila ang apat na hari hanggang sa Dan. (v. 14 ASD)
Merong military training ang mga tauhan niya. Good, prepared sila na lumaban. Aware din kasi si Abram na taking possession of the land ay hindi madali, merong pakikipaglaban. Faith in God is not passive, and does not negate need for planning, preparation and the wise use of resources. Binanggit pa kung ilan lahat—318! Parang yung 300 nung panahon ni Gideon sa book of Judges. Parang yung 300 Spartans na pinangunahan ni King Leonidas laban sa pag-advance ng mga Persians noong 480 BC, nakipaglaban hanggang kamatayan. Itong tropang dala ni Abram, 318 versus resources nitong powerful kings. Anong laban niya? Hindi nila ‘yan kakayanin sa lakas, kasi outnumbered sila malamang. Kelangan ng wais na strategy, at yung may element of surprise.
Kinagabihan, hinati ni Abram ang mga tauhan niya at nilusob nila ang mga kalaban, at natalo nila ito. Ang ibang nakatakas ay hinabol nila hanggang sa Hoba, sa hilaga ng Damascus. Binawi nila ang lahat ng ari-arian na inagaw ng mga kalaban. Binawi rin nila si Lot at ang mga ari-arian nito pati ang mga babae at ang iba pang mga tao. (vv. 15-16 ASD)
Ibang larawan ang makikita natin kay Abraham dito. Medyo domesticated old man kasi ang picture natin sa kanya. Totoo namang para siyang maamong tupa, lamb-like sa kanyang pakikitungo kay Lot sa previous chapter in dealing with their conflict. Pero dito, nung si Lot na ang naagrabyado, he’s a warrior-king! Well, hindi naman siya talaga binigyan ng titulo ng pagiging hari, pero sa konteksto ng kwento na 24 times binanggit ang salitang king/hari (Heb. melek), lumulutang ang karakter ni Abram na para bang siya ang true king of the land promised by God. Higit pa sa leading king sa story na si King Kedarlaomer. At sa kasaysayan naman talaga ng Israel, manggagaling sa lahi ni Abraham ang mga dakilang hari (Gen 17:6, 16). So, hindi nila kailangang matakot sa mga hari ng kalabang bansa nila, ni hindi nila dapat ambisyunin na magkaroon ng hari na katulad ng ibang bansa. Ang kailangan nila ay yung God-given king to rescue them. Na ultimately ay ibinigay niya nang ipadala niya si Jesus, the son of (king?) Abraham, the son of king David, our true Warrior-King na siyang nakipaglaban on our behalf para iligtas tayo sa pagkakabihag na dulot ng sarili nating kasalanan at kahangalan.
From Genesis 3:15 to the end, the Bible is the story of the Warrior King coming to the aid of his people in order to deliver them from the dominion of darkness and to establish his reign among, in, and through them. — Sinclair Ferguson, Some Pastors and Teachers, 674-5
Hindi kailangan ni Jesus ng libu-libong sundalo, o kahit 300 lang. God can save by a few. God did save us by one man! Nakipaglaban si Jesus kay Satanas, sa kasalanan, at sa kamatayan, at nagtagumpay. Sa pamamagitan ng kanyang buhay na perfectly righteous, sa kanyang kamatayan sa krus, sa kanyang muling pagkabuhay.
Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan sa krus, nilupig niya ang mga pinuno at kapangyarihan ng sanlibutan. Ang mga ito’y parang mga bihag na kanyang ipinarada sa madla bilang katunayan ng kanyang pagtatagumpay. (Col 2:15 MBB)
Because Jesus our Warrior-King is on our side, tinawag din tayo ng Diyos na makipaglaban sa mga spiritual forces na gustong ibagsak ang pananampalataya natin at tuksuhin tayo na sumuway sa utos ng Diyos, para mangibabaw yung mga excuses natin o love of comfort and convenience. We say no to that temptation! And we say yes sa mga pangako ng Diyos at tularan si Cristo na siyang nagbigay ng buhay para sa mga undeserving offenders and rebels like us. Dahil kay Jesus, malaya na tayo na magbigay generously and sacrificially sa ibang tao na nangangailangan, especially to our household of faith (Gal 6:10).
Salamat sa Diyos we have King Jesus on our side. But we need more than a king. We also need a priest.
Priestly-King (14:17-24)
Tapos na sana ang kuwento sa v. 16, nailigtas na si Lot, uwian na. Happy ending. Pero itong huling bahagi, sa vv. 17-24, ay makikita natin ang dalawang hari na na-meet ni Abram. Dalawang haring magkaibang-magkaiba ang trato kay Abram at magkaiba din ang responses ni Abram sa kanila. Yung isa ay yung hari ng Sodom na si Bera na nakipagtagpo kay Abram sa Valley of Shaveh o King’s Valley (v. 17). Mamaya tingnan natin kung ano ang sinabi niya, pero dito tahimik pa. Yung isa naman ay si Melchizedek, hari ng Salem (Jerusalem?), na parang out of nowhere ay lumabas sa kwento, napaka-mysterious ng karakter nito. Ang ibig sabihin ng pangalan niya “king of righteousness” (Heb 7:2). Ito namang king of Sodom, king of wickedness (Gen 13:13). Maganda ang pakikitungo ni Melchizedek kay Abram, binigyan siya ng “tinapay at alak” as a sign of peace (Salem, shalom), fellowship, and friendship. Bukod dun, siya rin ay “priest of God Most High” (v 18). Kung paano nangyaring siya ay hari at pari, we don’t know. At kung paanong nakilala din niya ang Diyos ni Abram, we don’t know. Ang mahalaga nagpapakilala ang Diyos dito na God Most High, El Elyon.
Sa dinami-dami ng haring binanggit dito sa kuwento, ang Diyos ang Bida sa lahat, ang Diyos ang pinakamataas sa lahat. At itong sinabi ni Melchizedek kay Abram ay affirmation ng blessing ng Diyos sa kanya.
And he blessed him and said, “Blessed be Abram by God Most High, Possessor of heaven and earth; and blessed be God Most High, who has delivered your enemies into your hand!” And Abram gave him a tenth of everything. (Genesis 14:19–20 ESV)
Isa itong berakah (blessed be or praise be), papuri at parangal sa pambihirang accomplishment ni Abram. But this is not meant to point sa sarili niya o sa resources na meron siya, o sa training na meron ang mga tauhan niya, o sa strategic leadership niya. Ginagamit yun lahat ng Diyos to accomplish his redemptive purposes, sure, pero ultimately all credit belongs to God. Ang pagpapala ni Abram ay galing sa Diyos, “God Most High.” At siya ang dapat purihin, “Blessed be God Most High.” Yan ang pangalan niya. Sino siya? “Possessor of heaven and earth,” siya ang maylikha, siya ang may-ari, siya ang mayhawak, siya ang namamahala, siya ang pinakamataas na awtoridad, siya ang pinakamakapangyarihan sa lahat. Siya ang totoong King of kings. Anong laban nitong mga haring ito kay Abram kung Diyos ang kakampi niya? “Who has delivered your enemies into your hand.”
Anong ikakatakot ng Israel laban sa kanilang mga kaaway? If God Most High, Creator of heaven and earth, ay nasa panig nila at nakikipaglaban para sa kanila? Hindi ba’t ‘yan ang nakita nila sa tagumpay sa Exodus: “He has triumphed gloriously…The Lord is a man of war; the Lord is his name” (Exod 15:2-3). Ito ang kasaysayan ng Israel, paulit-ulit silang inililigtas ng Diyos, at binibigyan niya ng assurance, “I will fight for you.” To give them confidence na makipaglaban sa labanang itinalaga ng Diyos para sa kanila. Tulad ng sabi ni Jonathan sa assistant niya, “It may be that the Lord will work for us, for nothing can hinder God from saving by many or by few” (1 Sam. 14:6).
This story an encouragement. But more than just an encouragement, this story also anticipates kung sino ang ipapadala ng Diyos na eventually ay dudurog sa ulo ng ahas and will accomplish victory for God’s people. In response sa blessing ni Melchizedek, “Abram gave him a tenth of everything” (Gen 14:20). Ikapu, maybe may kinalaman sa tithing sa Old Testament law, pero hindi prescription na ganun din ngayon, though giving a tithe is a good practice. But that’s not the point here. Ang ginawa ni Abram ay pagkilala na si Melchizedek ay nakahihigit kay Abram. At tunay nga na ang Bibliya nagtuturo na si Melchizedek ay larawan o type of someone greater who is to come, na siyang kailangan ng lahi ni Abraham. Not just a king, but a priestly-king.
Ito ang inaanticipate ni King David sa Psalm 110: “Sinabi ni Yahweh, sa aking Panginoon (referring to the messianic king), ‘Maupo ka sa kanan ko, hanggang lubusan kong mapasuko sa iyo ang mga kaaway mo’” (v. 1). Then, “Si Yahweh ay may pangako (sinumpaang pangako) at ang kanyang sinabi, hinding-hindi magbabago: ‘Ikaw ay pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec’” (v. 4 MBB). Hindi lang hari ang Messiah na darating, but a priestly-king. Sino yun? Itong Psa. 110:4 quoted in Heb 5:6; 7:17, 21 to refer to none other than Jesus! Siya ay “naging Pinakapunong Pari magpakailanman, ayon sa pagkapari ni Melquisedec” (6:20 MBB).
Mataas ang pagtingin nila kay Abraham. Pero dapat silang ituro kay Jesus na higit na dakila kay Abraham (John 8:53). Sabi niya, “Before Abraham was, I am” (v. 58). Tulad ng pangalan ni Melchizedek, Jesus is king of righteousness. Siya ang hari ng Salem, meaning peace (shalom), Jesus is king of peace and righteousness (Heb 7:2). Kailangan natin ng hari at pari para mamagitan sa atin sa Diyos. Kailangan natin ng Tagapagligtas dahil tayo ay mga nagrebelde sa Diyos. And Jesus is able to save us to the uttermost. “Dahil dito, lubusan niyang maililigtas ang lahat ng lumalapit sa Diyos sa pamamagitan niya, sapagkat siya’y nabubuhay magpakailanman upang mamagitan para sa kanila” (v. 25 MBB).
Lubusan, lahatan ang kaligtasang nasa atin na dahil kay Cristo.
What then shall we say to these things? If God is for us, who can be against us? He who did not spare his own Son but gave him up for us all, how will he not also with him graciously give us all things? (Romans 8:31–32 ESV)
Kung ang lahat-lahat ay nasa atin na dahil kay Cristo, hindi tayo sa tao aasa (kahit gaano pa sila kayaman o ka-powerful) para ipagkaloob ang pangangailangan natin. Very tempting ang alok ng hari ng Sodom kay Abram. “Ngayon, sinabi ng hari ng Sodom kay Abram, ‘Sa iyo na lang ang lahat ng ari-arian ko na nabawi mo, pero isauli mo lang sa akin ang lahat ng tauhan ko’” (Gen. 14:21 ASD). Mukhang good deal naman. Mukhang hindi naman siya lugi. May karapatan si Abram to say yes or even to renegotiate. Pero hindi ito tungkol sa karapatan o reward para sa sarili niya. Tungkol ito sa pangako ng Diyos sa kanya. Tungkol ito sa reputasyon o pangalan ng Diyos. Ayon kay John Calvin, sa commentary niya dito, kung sinamsam niya kasi yung mga spoils of war, at hindi niya isinauli, pwedeng kumalat yung tsismis na ang motibo naman talaga ni Abram ay hindi yung iligtas ang pamangkin niya. Para bantayan ang puso at motibasyon ni Abram, proteksyon niya sa sarili niya ang paggamit ng pangalan ng Diyos. And besides, makikipag-alyansa pa siya sa kaaway ng Diyos.
E tayo? Sobrang tempting kapag may nag-offer sa atin—magandang trabaho, tulong ng pulitiko, o donasyon for a good cause. May karapatan naman tayong tanggapin yung mga yun. May karapatan tayo na bilin ang makakaya natin, na ibigay lang kung ano ang gusto natin o maluwag sa atin. May karapatan tayo na gamitin ang oras natin ayon sa kung ano ang kumportable sa atin. Pero ang buhay Kristiyano ay hindi tungkol sa sarili nating karapatan kundi tungkol sa karangalan ng Diyos. Kaya pakinggan n’yo ang reply ni Abram,
Ngunit sumagot si Abram, “Sumumpa ako sa harapan ni Yahweh, ang Kataas-taasang Diyos na lumikha ng langit at lupa. Nangako akong hindi kukuha ng anuman sa iyo, kahit kaputol na sinulid o tali ng sandalyas, para wala kang masabi na ikaw ang nagpayaman kay Abram. Wala akong kukuning anuman para sa sarili ko. Ang mga nagamit lamang ng aking mga tauhan ang aking tatanggapin, at ang bahaging nauukol sa aking mga kakampi. Hayaan ninyong kunin nina Aner, Escol at Mamre ang bahaging nauukol sa kanila.” (vv. 22-24 MBB)
Inulit niya yung El Elyon, Possessor of heaven and earth, affirming what Melchizedek said. His decision is about God. Wala sa panig ng Diyos itong Sodom, bakit siya makikipag-deal sa kanya? At hawak-hawak ni Abram ang pangako ng Diyos na siyang magpapala sa kanya, hindi sinumang hari. Ito ay pananampalataya sa Diyos. A firm commitment, merong sumpa, merong vow. Ibang-iba ito sa Abram sa Genesis 12 na yumaman dahil kay Pharaoh, at muntik nang ipamigay yung kanyang asawa. Ngayon, nakikita natin ang transformation sa kanya, he is growing in maturity in his faith in God. From self-centeredness to God-centeredness, from self-glory to God’s glory, from self-interest to sacrificing for the interest of others.
At kung tayo ay nakay Cristo, ganito rin ang mangyayari sa atin, lalalim sa pananampalataya sa Diyos at pag-ibig sa ibang tao. If we are in Christ, our Warrior-King who fights for us and our Priestly-King who gives everything we need, we can now respond to the needs of others, hindi na sarili ang iniisip. Hindi para makiuso o makigaya lang dahil sa nag-viral na community pantry. But for the sake of another. For the salvation of the lost. To reach the unreached. To disciple our brothers and sisters. To do everything, to risk everything for the glory of God, the good of the church, and the salvation of the nations.