[Sermon] “Whom Shall I Send?”: Helping Others See God (Isa. 6:8-13)

Introduction

Ito ang ika-lima at huling bahagi ng sermon series natin sa Isaiah 6 entitled “Seeing God.” Ang mga naunang apat na sermons sa series na ‘to ay kasali sa paghahanda sa atin ng Diyos para dito. One of the main reasons kasi kaya meron tayong ganitong series ay para marealize natin at mamotivate tayo na kung “seeing God” ang pag-uusapan, this is not just about us seeing God. Pero siyempre bahagi yun ng prayer ko, na gamitin ng Diyos yung mga previous sermons to open the eyes of some of you na not yet converted at makita n’yo si Cristo bilang inyong Tagapagligtas. And for all of us, to see Christ more and more at gamitin yun ng Panginoon for our Christian growth, for us to help sa pakikipaglaban sa kasalanan, that we will be like Christ more and more. Ayaw naman natin na ang pagiging Cristiano ay sa pangalan lang, o nominalism. Ayaw din naman natin na yung spirituality natin ay stagnant lang, o kung nagsusumikap man sa buhay Cristiano ay nagiging driven by self-effort.

So, in a way, this sermon series is for us to see God. And more than that, also for our part, or sa misyon natin to help others see God. Itong encounter ni Isaiah sa Diyos ay hindi lang for the sake of spiritual experience. Nakapaloob dito yung pagkakatawag sa kanya to be a prophet, to speak God’s words sa ibang tao, particularly sa nation of Judah at sa ibang bansa na nakapaligid sa kanila.

This was not Isaiah’s mission. It was God’s mission.

Alam ko ang kanilang ginagawa at iniisip. Kaya darating ako at titipunin ko ang lahat ng mamamayan ng lahat ng bansa, at makikita nila ang aking kapangyarihan (ESV, they shall come and see my glory). Magpapakita ako ng himala sa kanila. At ang mga natitira sa kanila ay susuguin ko sa mga bansang Tarshish, Pul, Lud…Tubal, Grecia, at sa iba pang malalayong lugar na hindi nakabalita tungkol sa aking kadakilaan at hindi nakakita ng aking kapangyarihan (ESV, seen my glory). Ipapahayag nila ang aking kapangyarihan (ESV, my glory) sa mga bansa (Isa. 66:18-19 ASD).

Ipinakita ng Diyos ang vision of his glory kay Isaiah kasi yun din ang gusto niya na ipakita sa iba. Similar diyan yung sinabi ni Jesus sa ating mga disciples niya, yung tinatawag nating Great Commission:

“Ibinigay sa akin ang lahat ng kapangyarihan sa langit at sa lupa. Kaya puntahan ninyo ang lahat ng mga lahi at gawin silang mga tagasunod ko. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Banal na Espiritu. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. At tandaan ninyo: lagi ninyo akong kasama hanggang sa katapusan ng mundo” (Matt. 28:18-20 ASD).

Ang evangelism o pagbabahagi ng magandang balita ng ginawa ni Cristo para iligtas tayong mga makasalanan ay gawain ng lahat ng Cristiano—lahat ng naniniwala kay Cristo bilang Tagapagligtas. Lahat ay tinawag ng Panginoon for this task. Hindi mo pwedeng sabihing wala kang “calling” sa pag-eevangelize. Ganun din sa discipling o pagtulong sa iba na sumunod kay Cristo. Ito ay responsibilidad ng lahat ng tagasunod ni Cristo, na akayin din at tulungan ang ibang kapatid kay Cristo. Ito ay calling ng buong iglesya, hindi lang ng mga elders o mas “gifted” sa ministry.

At natutuwa ako, nagpapasalamat sa Diyos na makita at mabalitaan na ang ilan sa inyo—kahit may pandemic—pinupuntahan ang ibang tao (o nagmi-meet online) to share the gospel at tulungan ang iba sa discipleship. Pero marami rin ang ginagawa na lang na excuse ang pandemic. Pero kahit wala namang pandemic, o kahit matapos na ang pandemic, meron na namang ibang mga excuses. Hindi pandemic ang problema. Motivation ng puso natin ang problema kaya hindi nakikibahagi sa Great Commission ang maraming Cristiano.

Yung iba wala talagang motivation sa mission, “Ang dami ko na ngang iniintindi sa buhay bakit dadagdagan ko pa at tutulong sa problema o pangangailangan ng ibang tao.”

Pero wag n’yong isipin na ang hangad ko lang ay makatulong namin kayo sa evangelism at discipleship. Siyempre, mas marami tayong involve mas maganda. Obedience is certainly better than disobedience. But you can also obey for the wrong reasons. Merong sari-saring wrong motivations for involvement sa mission. Yung iba out of guilt, para makabawi naman daw kay Lord sa malaking pagkukulang niya. O yung iba ginagawa for God to bless them more, baka matanggap sa trabaho o mas maging successful sa business kapag nag-involve sa ministry. Yung iba naman sasali to gain people’s affirmation and approval.

Yung simula ng text natin ngayon sa Isaiah 6:8-13, yung verse 8, ay malamang na narinig na ninyo sa isang youth camp, o missions event, o sa isang kanta, o nakitang nakasulat sa isang poster o wallpaper.

And I heard the voice of the Lord saying, “Whom shall I send, and who will go for us?” Then I said, “Here I am! Send me.”

Sa salin ng Ang Biblia (2001): At narinig ko ang tinig ng Panginoon, na nagsasabi, “Sinong susuguin ko, at sinong hahayo para sa atin?” Nang magkagayo’y sinabi ko, “Narito ako; suguin mo ako!”

Tapos na-challenge kayo sa preacher, “Sino ang tutugon sa panawagan ng Panginoon?” Tapos may magandang background music pa, nakakaantig ng puso. Nagtaas ka ng kamay, tumayo ka, o lumapit sa harap, “Ako! Ako! Isusuko ko ang buhay ko sa Diyos! Magpapagamit ako sa misyon niya!” Umiiyak ka. Pero emotional ka lang. Wala ring nangyaring pang-matagalang aksyon as a result of that.

Missions and Seeing God

What’s the problem? Motivation of the heart. Yung verse 8 disconnected sa vv. 1-7. Yung decision mo at that time disconnected sa kabuuan ng plano ng Diyos (his redemptive Story), at sa personal encounter mo sa Diyos at sa kanyang malaking awa para sa ‘yo (and your part in that Story). So anong koneksyon ng pakikibahagi natin sa misyon sa mga naunang pinag-aralan natin?

Sa unang bahagi, pinag-aralan natin yung biblical theology of seeing God. “I saw the Lord,” ni-narrate ni Isaiah yung experience niya sa Isaiah 6:1. Tiningnan natin ang temang ito ayon sa buong storyline ng Scripture. Na ang purpose ng Diyos ay ang ipakita ang kadakilaan, kabanalan at ang nagniningning niyang kagandahan sa buong mundo sa pamamagitan ng mabuting balita ni Cristo. So yung involvement mo sa evangelism/discipleship ay nakapaloob sa Story na yun, maliban na lang kung merong kang ibang kuwento na isinusulat para sa sarili mo.

Sa part 2 naman, tiningnan natin kung ano ang nakita ni Isaiah sa vv. 1-4 tungkol sa Diyos. Kung hindi ang Diyos, ang salita at gawa niya, ang ibinibida mo sa iba, malamang yun ay dahil hindi mo pa nakita kung gaano kaganda, kung gaano kabanal, kung gaano kadakila ang Diyos. Pero kung nakita mo yun, hindi ka na pipilitan pa, ikaw na mismo ang kusang magsasabi sa iba na, “Tingnan mo ang Diyos namin! Behold our God!”

Sa part 3 naman tiningnan natin ang response ni Isaiah dun sa vision niya of God’s glory, sa v. 5, “Woe is me!” Kasi nakita niyang marumi siya, makasalanan siya, karapat-dapat siyang parusahan ng Diyos at hindi siya karapat-dapat na maging spokesperson for God. At pwede natin ‘tong gawing excuse for not telling the good news sa iba. Pero kung alam mo na hindi lang ikaw ang merong ganyang kaawa-awang kalagayan apart from the mercy of God, gagawin mo ang lahat ng magagawa mo to bring that gospel—the power of God for salvation—sa mga tao na nananatili sa kadiliman.

Sa part 4 naman tiningnan natin ang ginawa ng Diyos para linisin si Isaiah sa kanyang karumihan at kasalanan. At kung naranasan mo rin ang ganyang pagliligtas sa ‘yo ng Diyos, kung naaalala mo palagi ang ginawa ni Cristo para sa ‘yo, sasabihin mo rin sa iba yung magandang balita na ‘yan. Good news sa ‘yo, pero paano magiging good news sa iba kung hindi nila maririnig? At kung wala ka man lang desire to share that good news sa iba, it’s possible that the gospel has not yet gripped your heart.

Mission of the Trinitarian God

Pero kung bumaon ang gospel sa puso mo, kung nakita mo talaga kung sino ang Diyos, kung nakita mo talaga ang lala ng kasalanan ng tao, kung nakita mo talaga ang pagliligtas na ginawa ni Cristo, tulad din ni Isaiah ang magiging response mo.

Sabi niya sa verse 8, “I heard the voice of the Lord.” Yung “Lord” dito ay same sa v. 1, “I saw the Lord.” Adonai. The Sovereign One. Nakita siya ni Isaiah. Narinig ang boses niya. Naramdaman ang kapangyarihan nito (v. 4). Ngayon mas klaro kung ano ang sinasabi ng Diyos. Ito ang ibig sabihin ng seeing God. Hindi yung “knowing” God lang na parang intellectual knowledge lang, but experiential, merong personal encounter with God. Kapag narinig mo ang boses ng Diyos, hindi lang ito palaman sa isip mo, manginginig ang buong pagkatao mo. Kung yung pundasyon ng templo nga nanginig sa boses ng Diyos (v. 4), paano pa itong si Isaiah?

“Ngunit ito ang taong aking titingnan, siya na mapagpakumbaba at may nagsisising diwa, at nanginginig sa aking salita…Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon, kayo na nanginginig sa kanyang salita” (66:2, 5 Ang Biblia).

If, like Isaiah, you are trembling at God’s word, alam mo na yung sinabi ng Diyos na tanong—“Whom shall I send, and who will go for us?”—hindi ‘yan naghahanap ng volunteers sa misyon ng Diyos. Merong commanding authority ‘yan! So kahit hindi siya utusan ng Diyos, alam niya tinatawag siya ng Diyos para sa kanyang misyon.

Kaninong misyon? Misyon ng Diyos! Malinaw ‘yan, “I send…” Ang Diyos ang magpapadala sa kanya. “Go for us.” Representative o ambassador ng Diyos. Sa NET, “on our behalf.” Pero bakit “for us”/ “para sa atin”—in plural form? Sabi ng iba, kausap ng Diyos yung mga heavenly beings, sabi ng iba, plural of majesty, pero I believe indication ito ng Trinity. Tutal sinabi ni John as explanation kung bakit hindi naniniwala kay Jesus yung ibang tao, after citing Isaiah 6:10 sa John 12:40, sinabi niya sa John 12:41, “Isaiah said these things because he saw his (the Son’s) glory…” Tapos si apostol Pablo, sa Acts 28:26-27, binanggit niya sa mga taong ayaw maniwala sa gospel yung Isaiah 6:9-10, at sinabi niyang ang mga salitang ito ay galing sa Holy Spirit.

So, Isaiah’s mission, our mission is a trinitarian mission. We go (we are sent) with the authority of the Father, the Son (sent by the Father) and the Spirit (sent by the Father and the Son). Kaya nga binabautismuhan natin ang mga tao sa pangalan (isang pangalan!) ng Ama, Anak at Espiritu (Matt. 28:19). Hindi sa mga anghel ibinigay ang misyong ito. Ni hindi naman nila naranasan ang pagliligtas ng Diyos. They don’t know the gospel experientially. We—God’s redeemed people—ang isinusugo ng Diyos bilang kanyang ambassador sa mundong ito.

At ito nga ang aming ibinabalita: Pinapanumbalik ng Dios ang mga tao sa kanya sa pamamagitan ni Cristo, at hindi na ibinibilang na laban sa kanila ang kanilang mga kasalanan. At kami ang kanyang pinagkatiwalaan na magpahayag ng mensaheng ito. Kaya nga, mga sugo kami ni Cristo, at sa pamamagitan namin, nakikiusap ang Dios sa inyo na manumbalik na kayo sa kanya. (2 Cor. 5:19-20 ASD).

Responding to God’s Call

Paano tayo tutugon sa panawagang ito ng Diyos? Tulad din ni Isaiah. Sabi niya, “Here I am! Send me” (Isa. 6:9). Ibang-iba ito sa kanina, sabi niya, “Woe is me!” Sinabi niya kanina, “Marumi ang dila ko.” Ngayon naman, “Narito ako, magsasalita para sa ‘yo.” Ibang-iba ito kay Moises. Nung tinawag siya ng Diyos, reluctant siya. Sabi niya, “Hindi ako magaling magsalita. Yung kapatid ko na lang.” Magaling tayong magdahilan, magaling tayong magturo ng iba. Ibang-iba din ito kay Jeremiah. Nung tinawag siya ng Diyos, sabi niya, “Bata pa ako.” Yan din ang sinasabi ng iba sa inyo. Yung iba naman, “Matanda na ako.” Nagkakamali ba ng pagtawag ang Diyos? Ibang-iba din ‘yan kay Jonah. Nung tinawag siya ng Diyos, tumakas siya. Oh, how many of us are running away from God’s call!

Bakit walang hesitation si Isaiah to sign up sa misyon ng Diyos? Bakit hindi muna siya naghintay na baka merong iba na magtaas ng kamay, para excuse muna ko. Bakit hindi siya nagtulug-tulugan o nagbusy-busyhan? Bakit hindi muna siya nagfollow-up question, “Pag-iisipan ko po muna. Depende po sa proposal n’yo. Can you give me more details?” Hindi pa nga niya alam kung saan siya pupunta, hindi pa nga niya alam kung ano ang sasabihin niya, at ano ang ieexpect niyang magiging outcome. Pero sinabi na niya, “Yes, Lord!” Ang dahilan—ang puso niya ay hinipo ng biyaya, awa at pagliligtas ng Diyos. He has tasted God’s rescuing grace, that is why he trusted the God who is calling him to go.

Ang misyon ng Diyos ay hindi volunteerism. Sino ang may gusto? Kung ayaw n’yo, sige okay lang. No. With the authority of Christ, sinasabi niya, “Go!” Pero hindi ka pipilitin. Kung piliin mong sumuway sa utos ng Diyos na nagligtas sa ‘yo, nasa’yo yun. Pero kung pipiliin mong sumunod, it is because your heart is overflowing with joy, gratitude and faith for what God has done for you. Hindi ka kailangang pilitin.

The Message We are Called to Proclaim

Ano ang kailangan nating sabihin sa mga tao? Yung gustong sabihin ng Diyos siyempre. Hindi tayo iimbento ng sarili nating mensahe. Kaya sabi ng Diyos, “Go, and say to this people…” (v. 9). Sabi ni Jason Meyer na definition ng preaching, at ganito rin sa ginagawa natin sa evangelism at discipleship: ““re-presenting the Word of God, representing God, that people may respond to God” (Preaching: A Biblical Theology). Dahil kinatawan tayo ng Diyos, siya ang nagsugo sa atin, ang ipe-present natin ay kung ano ang mensahe niya. Hindi natin iibahin, hindi natin babaguhin, at hindi natin babaluktutin. We must be faithful stewards of his Word.

At ano ang laman ng salitang yun? Yung Good News siyempre. Pero tingnan n’yo yung sabi ng Diyos na message na i-proclaim ni Isaiah, “Patuloy kayong makinig, ngunit huwag ninyong unawain; patuloy ninyong tingnan, ngunit huwag ninyong alamin” (v. 9). Good news ba yun? Merong sarcastic na tone yung mensaheng ito. Siyempre kaya nga ipaparinig at ipapakita ang mensahe ng Diyos ay para maunawaan. So this message is a message of judgment sa mga taong palagi namang nakakarinig ng mensahe ng Diyos sa mga propeta, at nakakakita ng mga palatandaan ng kapangyarihan ng Diyos, pero nananatiling matigas ang ulo at matigas ang puso.

Kaya sabi pa ng Diyos kay Isaiah tungkol sa misyon na ipapagawa sa kanya:

“Patabain (ASD, patigasin) mo ang puso ng bayang ito, at iyong pabigatin ang kanilang mga pandinig, at iyong ipikit ang kanilang mga mata; baka sila’y makakita ng kanilang mga mata, at makarinig ng kanilang mga tainga, at makaunawa ng kanilang puso, at magbalik-loob, at magsigaling.” (v. 10)

Sa unang dinig, para bang ang misyon pa ni Isaiah ay hadlangan ang mga taong ito para hindi sila maligtas. No, hindi mo pwedeng sabihin na ang Diyos pa ang dahilan kung bakit sila hindi maliligtas. Dumating ang mga tao sa punto na sa kabulagan nila, ayaw na nilang makita ang gustong ipakita ng Diyos; sa kabingihan nila, ayaw na nilang makinig; sa katigasan ng puso nila, ayaw na nilang tanggapin ang mga salita ng Diyos. Hatol ito ng Diyos sa katigasan ng puso ng tao: “foolish and senseless people” (Jer. 5:21), may mata, pero hindi nakakakita; may tenga, pero hindi nakakarinig; meron silang “stubborn and rebellious heart” (v. 23). They appear to be religious people, but “their hearts are far from me,” sabi ng Panginoon (Isa. 29:13).

Sabi ni Spurgeon tungkol sa ministry ni Isaiah: “This was no ministry of gospel proclamation. It was a ministry of condemnation. The people of Israel had rejected the prophets and their God, and in the fullness of time, they would reject God’s own dear Son. When Isaiah in the vision looked forward to all this, he saw he was not sent to soften but to harden; his word was to be a savor of death to death and not of life to life.”

Sinabi niya na itong ministry ni Isaiah sa panahon niya ay salamin din ng magiging response ng mga tao sa pagdating ni Cristo. Katunayan, nagturo si Jesus nung parable of the sower at yung apat na klase ng lupa na kumakatawan sa iba’t ibang klase ng puso ng mga taong nakikinig sa mga salita niya—merong tumatanggap, meron namang hindi. At sinabi niya sa mga disciples na isa sa dahilan kaya nagtuturo siya ng mga parables ay dahil dito: “Dahil tumitingin sila pero hindi nakakakita, at nakikinig pero hindi naman nakakaunawa” (Matt. 13:13 ASD). Pagkatapos nun ay sinabi ni Matthew na ito ay katuparan ng prophecy ni Isaiah dito sa Isaiah 6:9-10:

Makinig man kayo nang makinig, hindi kayo makakaunawa. Tumingin man kayo nang tumingin, hindi kayo makakakita. Dahil matigas ang puso ng mga taong ito. Tinakpan nila ang kanilang mga tainga, at ipinikit ang kanilang mga mata, dahil baka makakita sila at makarinig, at maunawaan nila kung ano ang tama, at magbalik-loob sila sa akin, at pagalingin ko sila. (Matt. 13:14-15 ASD)

So itong passage na ‘to ay significant when we look at several instances sa New Testament na binabanggit ito. Heto pa, sa kabila ng maraming mga himala na ginagawa ni Jesus, marami pa rin ang ayaw maniwala sa kanya (John 12:37).

Sinabi pa ni Isaias na kaya ayaw nilang sumampalataya ay dahil: “Binulag ng Dios ang kanilang mga mata upang hindi sila makakita, at isinara niya ang kanilang mga isip upang hindi sila makaunawa, dahil baka manumbalik pa sila sa kanya, at pagalingin niya sila.” (John 12:39-40 ASD)

Ito rin ang sinabi ni Paul sa preaching niya sa mga taong kahit anong paliwanag na ginagawa niya para patunayang si Jesus ang Tagapagligtas ay ayaw pa ring maniwala (Acts 28:24).

Tama ang sinabi ng Banal na Espiritu sa ating mga ninuno sa pamamagitan ni Propeta Isaias. Sapagkat sinabi niya, “Puntahan mo ang mga taong ito at sabihin mo sa kanila na kahit makinig sila, hindi sila makakaunawa, at kahit tumingin sila, hindi sila makakakita, dahil matigas ang puso ng mga taong ito. Tinakpan nila ang kanilang mga tainga at ipinikit nila ang kanilang mga mata. Dahil baka makakita sila at makarinig, at maunawaan nila kung ano ang tama, at magbalik-loob sila sa akin, at pagalingin ko sila” (Acts 28:25-27 ASD).

Ang preaching ng gospel ay totoo namang good news sa mga makasalanan, pero sa mga mananatili sa kanilang katigasan ng puso, bad news ito, dahil deklarasyon ito ng judgment ng Diyos sa kanila. Ang mga bulag ay mananatiling bulag, ang mga matigas ang puso ay mananatiling matigas, ang mga masasama ay mananatili sa masasamang pagnanasa nila, tulad din ng sabi ni Paul sa Romans 1:28.

Encouragement for a Difficult Mission

Para sa atin ngayon na nagsisikap at nagpapakapagod sa pagtitiyaga sa pag-abot sa mga unbelievers with the message of the gospel, encouraging ito. Tulad kay Isaiah, halos 60 years ang hirap niya sa ministry. Teka, baka discouraging yun? Discouraging in a way. Pero encouraging ito kasi yung pressure wala sa atin. Ayaw nilang maniwala hindi dahil mahina ang convincing powers natin, o dahil kulang pa tayo sa mga kaalaman sa pagpapaliwanag, o dahil hindi pa tayo ganun ka-confident sa sarili natin. Malala ang kasalanan ng tao, at matuwid lang ang Diyos sa paghatol sa kanila.

But, again, hindi ganun kadali sa atin na tanggapin ‘to. Kaya nga si Isaiah nagtaka rin, “Nang magkagayo’y sinabi ko, ‘O Panginoon, hanggang kailan’” (v. 11 Ang Biblia)? Kung tayo ‘to, medyo magkakamot pa tayo ng ulo, “Mahirap pala. Mukhang naging impulsive yata ako sa pag-sign up sa misyon.” Kay Isaiah, pwedeng hindi siya nagtatanong lang, kundi merong expression of lament, “How long, O Lord?” Sumagot naman ang Diyos sa kanya,

At siya’y sumagot: “Hanggang sa ang mga lunsod ay magiba na walang naninirahan, at ang mga bahay ay mawalan ng tao, at ang lupain ay maging lubos na mawasak, at ilayo ng Panginoon ang mga tao, at ang mga pinabayaang dako ay marami sa gitna ng lupain. At bagaman magkaroon ng ikasampung bahagi roon, muli itong susunugin, gaya ng isang roble o isang ensina, na ang tuod ay nananatiling nakatayo kapag ito ay pinuputol.” (vv. 11-13)

Sa unang dinig, parang total destruction ang mangyayari, “lubos na mawasak.” At mangyayari naman talaga ‘to sa destruction of Jerusalem after more than 200 years. Pero merong glimmer of hope. Na kahit ang isang kagubatan ay parang naputol na ang mga puno, kalbo na, merong mananatiling “tuod” o “stump.” Yung ilalim na bahagi ng puno, na may ugat pa, na paglipas ng panahon ay may tutubo ulit. Kaya sinabi sa dulo ng v. 13, “The holy seed is its stump.” Banal na binhi. Amazing grace na itong “holy” na tatlong beses na tumutukoy sa Diyos (v. 3), ay tumutukoy ngayon sa “holy seed.”

Merong matitira. Merong survivors. Yung binhi, o yung seed of the woman, na dudurog sa ulo ng ahas (Gen. 3:15), yung binhi na galing sa lahi ni Abraham, yung galing sa lahi ni David, magpapatuloy, dala-dala yun ng mga taong pinili ng Diyos na pagdadaluyan ng lahi na panggagalingan ng Panginoong Jesu-Cristo. Gaano man kalupit ang pagpaparusa ng Diyos dahil sa kasalanan ng Judah, hindi pa rin nito matatabunan ang malaking awa ng Diyos at sa kapangyarihan niyang isakatuparan ang plano niyang iligtas tayong mga nakay Cristo.

In that way, si Isaiah ay hindi lang preacher of judgment, but also “herald of good news” (Isa. 40:9). At eventually, yung good news na yun ay ang pagdating ng Messiah. “Ang maharlikang angkan ni David ay parang punong pinutol. Pero kung papaanong ang tuod ay nagkakaroon ng usbong, darating din ang isang bagong hari mula sa angkan ni David” (11:1 ASD). Sino yun? Si Jesus. “Darating ang araw at isisilang ang bagong hari mula sa lahi ni David na magsisilbing hudyat sa mga bansa para magtipon sila” (11:10). Sino yun? Si Jesus. Binanggit ‘yan ni Pablo sa Romans 15:12 at Acts 13:23.

So, kung titingnan mo ang malaking plano ng Diyos, makikita mong ang disposition ng heart niya ay hindi manatiling bulag ang mga bulag, kundi para makakita; hindi para manatiling matigas ang puso ng mga makasalanan, kundi para buksan ang puso nila. Bakit? Para makita natin kung sino si Jesus, para yakapin ng puso natin na si Jesus ang yamang meron tayo na higit kaysa sa lahat ng kayamanan ng mundo. So, to paraphrase yung Isaiah 6:10, at gawing positibo, ang nais ng Diyos for us is for us to see with our eyes, to hear with our ears, and to understand with our hearts, that we may repent and be healed. Ito ang puso ng Diyos.

Responding to the Call of the Gospel

So, kung hanggang ngayon ay malayo ka sa Diyos, nais niyang magbalik-loob ka sa kanya. Pagsisihan mo ang mga kasalanan mo at yakapin mo si Cristo bilang Tagapagligtas. Marumi ka, lilinisin ka niya. Makasalanan ka, patatawarin ka niya. Malayo ka, ilalapit ka niya pabalik sa kanya. Pero kung mananatili kang nagmamatigas, the good news of the gospel will not benefit you; mararanasan mo ang mas matindi pang hatol ng Diyos kaysa sa mensahe ni Isaiah sa mga taga-Judah.

May good news, yes. Pero may bad news din. Ito ang dahilan why we keep preaching the Word sa ibang mga tao. At dahil meron tayong mga members na nagtiyaga na ibahagi ang salita ng Diyos sa iba kaya naitanim ang Grace Community Gospel Church sa Plaridel. So, kung nakita n’yo ang ganda at natikman ang linamnam ng mabuting balita ni Cristo, ipapakita at ipapatikim n’yo rin ‘yan sa ibang tao. Maaaring mahirap, maaaring matagal bago magkaroon ng bunga, maaaring maraming sakripisyo, maaaring negatibo ang maging reaksyon ng iba—pero magtitiyaga tayo, magtitiis, magpapatuloy because we believe na kahit anong tigas ng puso ng tao, God is sovereign over all, over our salvation.

And that is not an excuse para hindi na tayo sumunod sa kanya—para hindi na mag-evangelize o magdisciple. Motivation pa nga yun para magpatuloy. Para mas marami pang tao ang maabot ng ebanghelyo, para mas maraming pang churches ang maitanim at matulungang maisentro kay Cristo, para maabot ang lahat ng mga lahi sa buong mundo. At kapag nangyari yun, babalik ang Panginoong Jesus, makakasama natin ang lahat nga mga lahing naabot natin, kasama ang ilang mga taong nabahaginan natin ng ebanghelyo, at mga natulungan sa pagsunod kay Cristo. Pero higit sa lahat, makikita natin nang mukhaan—face to face—ang Panginoon (Rev. 22:4). At hindi na “woe is me!” ang magiging response natin, kundi “hallelujah”—purihin ang Diyos sa laki ng awa at habag niya sa pagliligtas sa ating mga makasalanan.


*Featured image from Faithlife/Logos Bible Software.

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.