[Ang study guide na ito ay translation ng 7-week study guide na Growing One Another: Discipleship in the Local Church na isinulat ni Bobby Jamieson. Ito ay isinalin sa Filipino ni Jodi Parfan.]
GETTING STARTED
Narinig mo na ba ang kasabihang “Some things are better caught than taught” (May mga bagay na mas madaling gayahin kaysa ituro)? Ipinapakita nito na may mga bagay na mas natututunan kung may halimbawang gagayahin kaysa sa pormal na paraan ng pagtuturo.
1. Ano ang mga bagay na mas natutunan mo dahil may ginaya ka kaysa sa pormal na pinag-aralan tungkol dito (tulad ng pakikinig sa lecture, pagbabasa, atbp.)?
Bilang mga Cristiano, marami talaga tayong natututunan sa pamamagitan ng mga pag-aaral – at pagtutuunan natin ito ng pansin sa susunod na paksa. Pero sa pag-aaral na ito, titingnan natin ang isang mahalaga pero madalas ay nababale-walang paraan ng paglago bilang Cristiano, at ito ay ang paggaya o pagtulad sa mga godly examples.
MAIN IDEA
Ang pagkatuto mula sa mga godly examples ay isang mahalagang aspeto ng pagsunod kay Cristo. Ibig sabihin nito, dapat tayong maghanap ng mga godly examples para tularan, at tayo rin mismo ay maging godly example sa iba.
DIGGING IN
Sa huling bahagi ng 1 Corinto 10, tinapos ni Pablo ang isang mahaba at masalimuot na pagtatalakay tungkol sa mga karneng inihandog sa mga diyus-diyosan at iba pang mga isyu na gumugulo sa mga Cristiano sa Corinto. Ang kanyang punto ay ito – sa lahat ng ating gagawin, dapat nating isipin ang ikabubuti ng iba. Ang ating pagtutuunan sa ating pag-aaral ngayon ay hindi ang isyu na tinalakay ni Pablo kundi ang mga prinsipyong ibinigay niya sa atin:
23 Mayroon namang magsasabi, “Malaya akong gumawa ng anuman,” ngunit hindi lahat ng ito ay nakakabuti. “Malaya akong gumawa ng anuman,” ngunit hindi rin lahat ng ito'y nakakatulong. 24 Huwag ang sariling kapakanan ang unahin ninyo, kundi ang sa iba. 25 Kumain kayo ng anumang nabibili sa tindahan ng karne at huwag nang magtanong pa upang hindi mabagabag ang inyong budhi. 26 Sapagkat sinasabi ng kasulatan, “Ang buong daigdig at lahat ng naroroon, ang Panginoon ang may-ari niyon!” 27 Kung anyayahan kayo ng isang hindi sumasampalataya at nais ninyong dumalo, kainin ninyo ang anumang ihain sa inyo at huwag na kayong magtanong pa kung iyon ay ikagugulo ng inyong budhi. 28 Ngunit kung may magsabi sa inyo, “Ito'y inialay sa mga diyus-diyosan,” huwag ninyong kainin iyon alang-alang sa nagsabi sa inyo, upang di mabagabag ang budhi. 29 Ang aking tinutukoy ay ang budhi ng inyong kapwa, at hindi ang budhi ninyo. Bakit hahadlangan ng budhi ng iba ang aking kalayaan? 30 Bakit ako susumbatan dahil sa pagkain ko ng mga bagay na ipinagpasalamat ko naman sa Diyos? 31 Kaya nga, kung kayo'y kumakain o umiinom, o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikararangal ng Diyos. 32 Huwag kayong maging sanhi ng pagkakasala ninuman, ng mga Judio, ng mga Hentil, o ng mga kaanib sa iglesya ng Diyos, 33 sa halip, tularan ninyo ang ginagawa ko. Sinisikap kong mabigyang kasiyahan ang lahat ng tao sa bawat ginagawa ko. Hindi ko inuuna ang sarili kong kapakanan kundi ang kapakanan ng marami, upang maligtas sila. 11:1Tularan ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo. (1 Cor. 10:23–11:1)
1. Ano ang nakitang mali ni Pablo sa kasabihang “Malaya akong gumawa ng anuman” (vv. 23–24)? Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa mga dapat unahin ng isang Cristiano?
2. Sa verses 28–29, sinabihan ni Pablo ang mga taga-Corinto na isaalang-alang ang budhi ng ibang tao para hindi sila mabagabag. Anong ugali ang ipinapakita nito?
3. Anong dahilan ang ibinigay ni Pablo kung bakit sinisikap niyang bigyang kasiyahan ang lahat ng tao sa bawat ginagawa niya (v. 33)?
4. Ano ang sinasabi ni Pablo na gawin natin sa 11:1?
5. Para sa iyo, mayabang o self-centered ba ang dating ng isang Cristiano kung sasabihin niyang “Tularan mo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo”? Bakit o bakit hindi?
6. Sa palagay mo, bakit sinabi ni Pablo sa mga taga-Corinto na gayahin ang kanyang pamumuhay kasama ang iba pang itinuro niya sa kanyang sulat? Bakit mahalagang aspeto ng discipleship ang pagtulad sa mga godly examples?
Ang isa pang halimbawa ng discipleship by imitation ay makikita natin sa 2 Timoteo 3. Nagbigay ng babala si Pablo kay Timoteo tungkol sa mga taong hindi maka-diyos sa bahaging ito (vv. 1-9). Sa verse 10 naman ay sinabi niya kay Timoteo kung paano siya dapat mamuhay sa kabila ng oposisyong ito:
7. Ano ang “sinunod” ni Timoteo (vv. 10-11)? Paano ito nakakatulong sa kanyang labanan ang mga impluwensyang hindi maka-diyos?
8. Ano ang sinabi ni Pablo na mangyayari sa:
- Lahat ng nagnanais mamuhay ng matuwid bilang tagasunod ni Cristo Jesus (v. 12)?
- Masasama at manlilinlang (v. 13)?
9. Ano ang sinabi ni Pablo na dapat gawin ni Timoteo dahil dito (vv. 14–15)? Bakit mahalagang alalahanin ni Timoteo ang taong nagturo sa kanya ng mga aral na kanyang pinaniniwalaan?
Nakita natin sa mga talatang ito na mahalaga sa discipleship ang pagsunod sa godly examples. Tinuruan ni Pablo ang mga taga-Corinto na tularan siya gaya ng pagtulad niya kay Cristo. Nangangahulugan ito na dapat nilang isipin ang makabubuti para sa iba sa lahat ng kanilang gagawin – para ang mga hindi pa Cristiano ay sumampalataya rin kay Cristo at ang mga mananampalataya na ay mas lumago pa. Kaya nga para sa mga taga-Corinto – at para sa atin – ang pagsunod sa halimbawa ni Pablo ay paglalaan ng buhay para matulungan ang iba na makilala si Cristo at lumago sa pananampalataya sa kanya.
Sa 2 Timoteo, pinaalala kay Timoteo ang klase ng pamumuhay ni Pablo: ang kanyang turo, ugali, layunin sa buhay, pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig at katapatan, at mga pag-uusig na kanyang tiniis at naranasan ang pagliligtas ng Diyos. Sa kanyang pagharap sa oposisyon ng mga taong hindi maka-diyos, pinaalala ni Pablo kay Timoteo ang lahat ng ito at hinikayat na tularan siya.
Ang pagsunod sa mga godly examples ay mahalaga sa discipleship, at ang lahat ng Cristiano ay tinawag para lumago bilang disciples at tumulong din sa paglago ng ibang disciples. Kaya nga, ang lahat ng Cristiano ay dapat humanap ng godly examples na kanilang tutularan at magsilbing godly examples din naman sa iba.
10. Nakita natin sa pag-aaral na ito na mahalaga para sa mga Cristiano ang matuto sa pamamagitan ng paggaya sa iba bukod pa sa pormal na pag-aaral. Ano ang maaaring mangyari kung tayo ay natututo lamang sa pamamagitan ng pag-aaral at hindi nagkakaroon ng malapit na relasyon sa mga taong maka-diyos?
11. Kung ang learning by imitation ay malaking bahagi ng discipleship, bakit mahalaga sa isang Cristiano ang pakikibahagi sa isang healthy church?
12. Ano ang mga praktikal na hakbang na kailangan mong gawin para matularan ang mga godly examples sa inyong local church?
13. Bilang Cristiano, ikaw ay may responsibilidad – at joyful opportunity – na maging godly example sa iba. Paano makakaapekto ito sa paraan ng pamumuhay mo araw-araw?
TEACHER’S NOTES
DIGGING IN
- Ang nakikitang mali ni Pablo sa kasabihang “Malaya akong gumawa ng anuman” (vv. 23-24) ay ito: hindi lahat ng bagay ay makakatulong at makakabuti sa iba. Kaya sa halip na isipin ang pansariling kalayaan, dapat nating isaalang-alang ang makakabuti sa ating kapwa at kung ano ang makakatulong sa kanya. Ipinapakita nito na bilang isang Cristiano, pangunahing pinahahalagahan ni Pablo ay kung ano ang makakapagpatatag sa kanyang kapwa.
- Sinabihan ni Pablo ang mga taga-Corinto na iwasan nilang gawin kung ano ang makakagulo sa budhi ng iba para hindi sila maging sanhi ng pagkakasala (v. 29). Ito ay nagpapakita ng ugali na handang magsakripisyo para sa ikabubuti ng iba dahil itinuturing nitong mas mahalaga ang kapwa.
- Ayon kay Pablo, sinisikap niyang mabigyang kasiyahan ang lahat ng tao para maligtas sila (v. 33).
- Sa 1 Corinto 11:1, sinabi ni Pablo na tularan natin siya gaya ng pagtulad niya kay Cristo.
- Maaaring iba-iba ang sagot. Para sa iba, mayabang ang isang Cristiano na magsasabing gayahin siya. Kung iyon ang maging sagot, pwedeng sabihin na ang utos ni Pablo ay tularan siya sa pagsunod lamang niya kay Cristo. Hindi tayo dapat gumaya sa isang Cristiano sa lahat ng aspeto, dahil lahat tayo ay natitisod (Santiago 3:2). Si Jesus ang ating ultimate standard, model, at example, at lahat tayo ay gagaya sa ibang Cristiano sa kanilang pagsunod lamang kay Cristo. Pangalawa, ang pagpapakita ng godly example ay hindi kayabangan dahil bilang mga Cristiano, kinikilala natin na anumang mabuting nasa atin ay galing sa Diyos at hindi sa ating sarili (1 Cor. 4:7). Panghuli, malinaw sa talatang ito na ang nais ni Pablo ay hindi pansariling hangarin. Sa halip, ang nais niya ay gawin kung ano ang makabubuti sa iba para maging matatag sila kay Cristo.
- Ang halimbawa ng isang tao ay may special impact sa atin kaya bukod sa sulat niya na nagbibigay ng katuruan, sinabi rin ni Pablo na gayahin ang kanyang pamumuhay. Totoo ito maging mabuti o masamang halimbawa man (1 Cor. 15:33)! Kahit na iniisip natin ang ating mga magulang, ang isang guro, pastor, kaibigan o mentor, alam natin na ang halimbawa ng ibang tao ay may malalim na tatak sa ating mga puso at isip. Kapag nakita mo ang isang taong ipinapamuhay ang katotohanan, nahahamon at napapalakas kang gawin din iyon. Bukod pa rito, kapag nakita mo ang isang tao na ipinapamuhay ang katotohanan ng gospel sa lahat ng aspeto ng buhay, nagkakaroon ka ng karunungan kung paano mamuhay bilang isang Cristiano.
- Sinunod ni Timoteo ang pamumuhay ni Pablo kasama na ang kanyang turo, ugali, layunin sa buhay, pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig at katapatan, at mga pag-uusig na kanyang tiniis at naranasan ang pagliligtas ng Diyos (vv. 10-11). Makakatulong ito sa kanyang labanan ang mga halimbawang hindi maka-diyos dahil malinaw niyang nakikita ang godly character ni Pablo. Dahil personal niyang nakita at nalaman ang paraan ng pamumuhay ni Pablo, mas madali niyang matutularan si Pablo.
- Sinabi ni Pablo na
- Ang lahat ng nagnanais mamuhay ng matuwid bilang tagasunod ni Cristo Jesus ay daranas ng mga pag-uusig (v. 12).
- Ang masasama at manlilinlang ay lalong magpapakasama, patuloy na manlilinlang at sila man ay malilinlang din (v. 13).
- Dahil dito, sinabi ni Pablo kay Timoteo na magpatuloy sa kanyang natutunan at pinaniniwalaan dahil alam niya kung sino ang nagturo nito sa kanya, at dahil alam niya ang Banal na Kasulatan (vv. 14-15). Mahalagang alalahanin ni Timoteo ang taong nagturo sa kanya ng matibay niyang pinaniniwalaan dahil ang halimbawa ng katapatan ni Pablo sa kabila ng mga pag-uusig ay makakatulong sa kanyang maging matapat din.
- to 13. Maaaring magkakaiba ang sagot.