Introduction
Masama bang kumain ng dugo o dinuguan? Kung para sa ‘yo ay hindi, pero meron tayong member na para sa kanya ay masama, ano ang gagawin mo? Masama bang uminom ng beer or alcoholic beverages? Kung para sa ‘yo ay hindi, pero meron kang kasama sa church na para sa kanya ay masama, ano ang gagawin mo? Masama ba ang maghanda o makikain sa fiesta? Kung para sa ‘yo ay hindi, pero meron kang dinidisciple na galing sa Roman Catholic background at para sa kanya ay nakokonsensya na siya kung gagawin niya, ano ang gagawin mo? Okay lang bang mag-anak sa binyag o kasal sa simbahang Katoliko? Kung para sa ‘yo ay okay lang naman, pero meron kang kasama sa church na iba ang pananaw tungkol dito, ano ang gagawin mo? Tama ba sa mga Christians na magpunta sa sementeryo tuwing Undas?
These are issues na hindi lang basta about food, places or events, pero merong religious significance, may disagreements among Christians, yung iba sobrang big deal ito, yung iba naman it’s no big deal. Pero kung hindi tayo wise and careful kung paano magrespond sa mga ganitong issues, it may cause disunity sa church, it may discourage or harm our fellow believers, maaaring magkasala din tayo sa Panginoon, at maapektuhan ang witness natin sa mga unbelievers.
So, my goal in this sermon sa 1 Corinthians 8, pati sa mga susunod pa hanggang chapter 10, ay turuan kayo, through Paul’s instructions sa church sa Corinth, how to handle and respond well sa mga issues like these. I will not necessarily answer these questions for you. But you have to think carefully.
Ganito bungad niya sa shift ng new section ng letter niya, “Ngayon, ipaliliwanag ko naman sa inyo ang tungkol sa mga pagkaing inihandog sa mga diyus-diyosan…” (8:1 MBB). Sa chapters 1-4 mas prominent yung issue nila tungkol sa kampihan, pagkakahati-hati at spiritual pride. Sa chapters 5-6 naman ay tungkol sa relational conflicts, church discipline, at sexual sins. Sa chapter 7 ay tungkol sa singleness, marriage and other relational issues. Dito sa chapters 8-10 about “food offered to idols,” isang salita lang sa Greek (eidolothuton). Ang pinaka-isyu dito ay related sa pagkain ng mga ganitong pagkain (v. 4). Ito yung mga meat na natitira dun sa mga sacrifices nila sa temple nila na inihahandog sa kanilang mga Greek gods and goddesses. Yung iba dito ay kakainin sa kanilang mga religious feasts, at meron din namang ibang grupo ng mga “trade guilds, clubs, and private dinner parties” (ESV Study Bible) na ginagawa sa mga dining room ng temple. Ang iba namang matitira ay ibebenta sa palengke.
Itong section na ‘to ng 1 Corinthians ay nagbibigay ng malinaw na guidance kung paano ang gagawin sa mga pagkaing yun. Sinabihan sila ni Pablo na ‘wag kakain sa mga pagan temples (8:10), dahil baka yun pa ang ikapahamak ng kapatid nilang mas mahina o hindi ganoon kalawak ang pananaw tungkol dito (vv. 7-13). Sa chap. 9 naman, ginawa niyang halimbawa ang sarili niya kung paanong kahit sarili niyang karapatan ay di niya ginamit o ginawa para sa ikabubuti ng iba. Sa 10:1-22, sinabihan niya silang ‘wag kakain sa mga pagan temples dahil yun ay maituturing na idolatry. Sa 10:23-11:1 naman, sinabi niyang ang pagbili ng karne sa palengke (na maaaring galing sa isang pagan temple) ay hindi naman masama maliban na lang kung makahahandlang ito sa “advancement of the gospel” (ESV Study Bible).
Sinasabi niya sa section na ‘to, na anumang gagawin natin about this issue or any other issue na we may have disagreement, at kung hindi naman compromising sa gospel, gawin natin lahat “for the glory of God” (10:31), for mutual encouragement sa church (8:10), and for the sake of “the gospel of Christ” (9:12).
Dito sa chapter 8, ipapaalala niya sa kanila na in dealing with this issue, anumang nalalaman mo (knowledge) ay dapat makatulong sa ‘yo na magmahal sa Diyos at sa kapatid kay Cristo (vv. 1-3). Doctrine fuels devotion. The goal of knowledge is not moral or spiritual superiority, but loving others. Kung mas malalim ang pagkakaunawa natin, mas malalim din dapat tayong magmahal. Yung about “knowledge” na ‘yan, mas ipapaliwanag pa niya sa vv. 4-8, yung about “loving others” sa vv. 9-13 naman.
The goal of knowledge is love (8:1-3)
Ganito ang sabi niya sa vv. 1-3, “…Alam nating ‘may kaalaman tayong lahat,’ gaya ng sabi ng iba. Ang kaalamang ito ay nagtutulak sa tao na maging mapagmataas, subalit ang pag-ibig ay nakakapagpatatag. Ang nag-aakalang may nalalaman siya ay hindi pa nakakaalam ng dapat niyang malaman. Ngunit ang umiibig sa Diyos ay kilala ng Diyos.” Ipinapaalala niya dito na ang goal ng kaalaman o knowledge ay pagmamahal. Kung lumalawak ang kaalaman natin, dapat mas umiinit din ang pagmamahal natin sa Diyos at sa mga kapatid natin kay Cristo.
Sinabi niya sa v. 1 na “may kaalaman tayong lahat,” probably referring to another Corinthian slogan para i-justify yung prideful at unloving actions nila. In a way, tama naman yung slogan na ‘yan, kaya Paul affirmed na dahil sa biyaya ng Diyos “kayo ay naging masagana sa lahat ng bagay, maging sa pananalita at sa kaalaman” (1:5). At meron naman talaga sa kanilang spiritually-gifted sa “knowledge” (12:8). Kaso, they were not applying this knowledge appropriately, kaya paulit-ulit niyang babanggitin itong “knowledge” na key word sa chapter na ‘to (8:7, 10, 11). At dito sa v. 1, he reminds them na ang nagiging resulta nitong “kaalaman” sa kanila ay kayabangan, naging “mapagmataas” sila. “Knowledge puffs up…” (ESV), parang lobo na pinupuno ng hangin, lumalaki ang ulo, nagiging mahangin. Heto na naman, mula pa sa chapter 1, pride na ang tinutumbok ni Paul. Hindi dapat arogante ang dating nila, hindi dapat yung feeling of superiority sa iba na iba ang level ng kaalaman kumpara sa kanila.
So, knowledge is not the end goal. Love is. “…subalit ang pag-ibig ay nakakapagpatatag.” “…but love builds up.” Kumbaga sa isang bahay na you’re building (from Gk. oikodomeo), inaayos mo, pinatitibay. Hindi sinisira. He will talk more about that later. So the reason why I studied theology, at nag-aaral mabuti ng Bibliya bago magpreach at magturo sa inyo, the reason why our leaders study sa Doulos School of Ministry, ang dahilan bakit kayo umaattend sa mga equipping classes, ay hindi para lumaki ang ulo, kundi para lumaki ang puso sa pagmamahal sa church at sa mga kapatid nating kabilang dito. That is the goal. “…kung nasa akin man ang lahat ng kaalaman…ngunit wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan…lilipas ang kaalaman, ngunit ang pag-ibig ay walang katapusan” (13:2, 8).
Walang kabuluhan ang kaalamang wala namang bungang pagmamahal. Kaya sabi niya sa v. 2, “Ang nag-aakalang (ESV “imagines”) may nalalaman siya ay hindi pa nakakaalam ng dapat niyang malaman.” It’s all in your head, imagination mo lang na maalam ka, pero ang totoo, di ka pa talaga natututo kahit marami ka nang alam na tamang katuruan sa Bibliya kung di ka naman natututong magmahal nang iba at isipin ang kapakanan ng iba nang higit sa sarili mo (Phil. 2:4).
If love of self is not decreasing, if you are not growing in loving others, yun ay dahil itong “kaalaman” mo ay hindi nakaapekto sa relasyon mo sa Diyos. Theology, a true biblical theology, leads to doxology. Kaya sabi ni Paul sa v. 3, “Ngunit ang umiibig sa Diyos ay kilala ng Diyos.” Merong mga bagay o mga issues na kung tutuusin ay di naman ganoon kalaki o kaimportante kung ikukumpara sa gospel. Pero we elevate them to a place of importance na siyang nakahahadlang na ngayon sa relasyon natin sa iba at sa relasyon natin sa Diyos. Because we forget the most important thing. Ang makilala at mahalin ng Diyos ang pinakamahalaga sa lahat. “Bahagya lamang ang nalalaman ko ngayon, ngunit darating ang araw na malulubos ang kaalamang ito, tulad ng lubos na pagkakilala niya sa akin” (13:12). We love (God and others) because he first loved us. Kaya para labanan ang pride at self-centeredness sa heart natin in dealing with different issues we need God-centered perspective, we need gospel motivations. Yung theology, yung gospel na ‘yan kailangang isaksak natin hindi lang sa isip natin, kundi ibaon nang malalim sa puso natin.
Knowledge: Not all know what you know (8:4-8)
So after laying down yung big picture, balik siya sa specific issue. “Kaya nga, tungkol sa [pagkain ng mga] pagkaing inihandog sa diyus-diyosan, alam nating ang mga diyus-diyosan ay larawan ng mga bagay na di-totoo, at alam nating iisa lamang ang Diyos” (v. 4). Kung meron tayong tama at biblikal na pagkakakilala sa Diyos, malaki ang maitutulong nito sa kung paano tayo magrerespond sa mga issues na binanggit ko kanina sa simula. Yung “alam natin” ang dapat makaapekto sa dapat nating gawin.
Dito kasi sa Corinth, merong mga nao-offend o nai-stumble kapag nalaman nilang meron silang kasama na bumili at kumain ng mga karneng galing sa sacrifice sa mga idols. Kaya sabi dito ni Paul, na kung tutuusin naman, alam naman nating lahat na itong mga “idols” hindi talaga “gods” at walang real existence. Although sa 10:19-20, sasabihin niyang not necessarily walang significance itong mga idols kasi merong “demonic” involvement ‘to. Pero dito, he’s clarifying na ito’y hindi parang meron kang ranking sa basketball ng best teams o sa boxing ng best boxers, at kung sino ang number 1. Ang Diyos natin hindi siya number one among the gods and godesses ng mga Greeks. He is the only one, kasi wala namang ibang Diyos talaga. Siya lang.
“…si Yahweh ay Diyos, at wala ng iba liban sa kanya…tandaan ninyo at huwag kalilimutan na sa langit at sa lupa’y walang ibang Diyos liban kay Yahweh” (Deut. 4:35, 39). “The Lord (Yahweh) our God, the Lord (Yahweh) is one” (6:4). Itong religion sa Corinth, tulad ng mga Hindus sa India, marami silang tinatawag na “gods” – but it doesn’t make them real. Alam naman nila na may Diyos, kahit mga atheists alam din ‘yan. But they suppressed the truth about God, kasinungalingan ang pinaniniwalaan nila. Sa halip na Diyos na Lumikha ang sambahin nila, yung nilikha niya ang sinasamba nila (Rom. 1:23, 25).
Sabi ni Paul, “Kahit na may tinatawag na ‘mga diyos’ sa langit at sa lupa, at ang mga tinatawag na ‘mga diyos’ at ‘mga panginoon’ ay marami, subalit para sa atin (true Christians) ay iisa lamang ang Diyos, ang Ama na lumikha ng lahat ng bagay, at tayo’y nabubuhay para sa kanya. Iisa ang Panginoon, si Jesu-Cristo, at sa pamamagitan niya’y nilikha ang lahat ng bagay, at sa pamamagitan din niya’y nabubuhay tayo” (1 Cor. 8:5-6).
Iba tayo sa mga unbelievers kasi kilala natin ang tunay na Diyos. So dapat wala na yung pride saka self-centeredness sa relationship natin sa ibang tao, kahit yung mga in disagreement with us. Isa ang Diyos natin, ang Diyos Ama. Isa ang Panginoon natin, si Jesu-Cristo. Hindi ibig sabihing hindi Diyos si Cristo, tulad ng sasabihin ng mga ministro ng grupong Iglesia ni Cristo. Iba ang Ama sa Anak, pero pareho silang Diyos. Ang Ama ay Diyos, ang Anak ay Diyos, ang Espiritu ay Diyos, pero iisa ang Diyos, tatlong persona, that’s the biblical doctrine of the Trinity. Pansinin n’yo ang close parallel tungkol sa Ama at sa Anak. Tungkol sa Ama – “lumikha ng lahat ng bagay, at tayo’y nabubuhay para sa kanya.” Siya ang pinanggalingan at patutunguhan ng lahat. Beginning and End, Alpha and Omega. Tungkol sa Anak – “sa pamamagitan niya’y nilikha ang lahat ng bagay, at sa pamamagitan din niya’y nabubuhay tayo.” Co-Creator siya, agent of Creation (Col. 1:15-17), siya ang nagpapanatili/sustainer ng buong Creation (Heb. 1:3), at siya ring Tagapamagitan natin sa Diyos (1 Tim. 2:5; Col 1:20).
Ano ang kahalagahan ng doktrinang ito sa mga isyu na pinag-uusapan natin? Sa isyu tungkol sa pagkain ng mga offered to idols sa Corinth? Anumang gagawin natin, tiyakin natin na nabibigyang-karangalan ang Diyos, nakapagpapatotoo na iisa lang ang Diyos na sinasamba natin. Don’t ever ever give unbelievers the impression na pareho lang ang pananampalataya natin sa kanila. Kung sinasabi nila “pare-pareho lang ‘yan,” ipakita nating napakalaki ng pagkakaiba ng pananampalataya natin – isang Diyos, isang Tagapagligtas, isang ebanghelyo, wala nang iba.
At kung maniwala man sila sa gospel, magpabaptized, at maging member ng church natin, well and good. Pero ‘wag nating i-expect agad na yung level of doctrinal maturity nila regarding sa iba-ibang issues ay katulad na rin ng sa kanila. It might take some time, and we need to be patient with them. That’s how we love them. Kaya sabi ni Paul, “Subalit hindi lahat ay nakakaalam nito. May mga taong nasanay na sa pagsamba sa mga diyus-diyosan noong una, kaya’t hanggang ngayon, kapag kumakain sila ng ganoong pagkain, inaakala pa rin nila na iyon ay handog sa diyus-diyosan. Dahil mahina ang kanilang budhi, ang akala nila’y nagkakasala sila kapag kumain sila niyon” (v. 7). So kung para sa atin ay wala namang masama sa pagkain ng dugo, pag-inom ng alcoholic beverages (wag lang maglalasing), pagkain sa mga fiesta, pero baka sa iba nating kapatid sa Panginoon nababagabag sila ng konsensya nila kapag ginagawa nila yun, they feel guilty, at kung makita nila yung iba na gumagawa nun natitisod sila lalo na kung mas “mature” yung tingin nila sa iba na dapat ay tularan nila.
Maaaring hindi pa ganoon kalalim at kalawak ang pagkaunawa nila sa gospel. Maaaring hindi pa nila nauunawaan na “ang pagkain ay walang kinalaman sa katayuan natin sa harap ng Diyos. Walang mawawala sa atin kung hindi tayo kumain ng ganoong pagkain, at wala ring kabutihang maidudulot sa atin kung kumain man tayo niyan” (v. 8). The gospel is primary, everything else is secondary. Tulad ng pagkain. Hindi ‘yan makakabawas o makakadagdag sa spiritual standing natin with God. Dahil sa ginawa ni Jesus, we are totally accepted, totally forgiven, completely loved by God. Knowing God, knowing the gospel gives us a proper perspective on food and other issues. The kingdom of God is not about eating or drinking (Rom 14:17). At anumang conviction natin regarding these doesn’t make us inferior or superior morally or spiritually.
So ang tanong mula pa sa simula, ano ang gagawin mo with this knowledge? At paano kung meron tayong kasama sa church na iba ang pagkakaunawa tungkol dito? Halimbawa sa pag-inom ng beer. Dati, may mga grupo ng kabataan sa church na uminom, di naman naglasing. Pero may ibang youth na iba yung conviction about this. Pipilitin mo ba silang gawin kung ano ang tingin mong okay at sa gayo’y labagin ang konsensya nila at magkasala sila (Rom. 14:23). Ipagpipilitan mo ba yung conviction mo at patuloy na gagawin ang tingin mong okay lang naman pero magiging dahilan naman para manghina ang pananampalataya ng kapatid mo? The overriding principle here is not knowledge, but love for others. Yun ang focus ng sumunod na section, vv. 9-13.
8:9-13 Love: Building up a brother
Sabi niya, “Ngunit mag-ingat kayo, baka ang paggamit ninyo ng kalayaang kumain ng anumang pagkain ay maging sanhi ng pagkakasala ng mahihina sa kanyang paniniwala. 10Kung ikaw na may sapat na kaalaman ay kumakain sa loob ng templo ng mga diyus-diyosan, at makita ka ng kapatid na mahina ang budhi, hindi kaya siya mabuyong kumain niyon kahit inihandog sa diyus-diyosan? 11Dahil sa inaakala mong “kaalaman” ay napapahamak ang iyong mahinang kapatid na tinubos din ng kamatayan ni Cristo. 12Sa ganoong paraan, nagkakasala kayo sa inyong mga kapatid kaya’t nagkakasala kayo kay Cristo dahil sinugatan ninyo ang kanilang budhi. 13Kaya nga, kung dahil sa pagkain ay itinutulak ko sa pagkakasala ang aking kapatid, hindi na ako kakain ng karne upang hindi siya magkasala.”
In a way lahat naman tayo may “karapatan” na kainin o inumin ang gusto natin. Wala naman tayong mga rules na ganyan sa church – kung ano ang bawal kainin, kung ano ang pwede. Sabi ni Paul, “Mag-ingat kayo…” It’s not about your right. Ngayon pa naman usung-uso ang usapan tungkol sa “rights” o karapatan. Pero bago mo gawin ang karapatan mo, pag-isipan mo muna. Pause and reflect, isipin mo muna kung ano ang epekto ng gagawin mo sa iba. Yung karapatan natin hindi boundless, may boundaries ‘yan. Bounded by love.
Minsan iniisip lang natin na wala namang masama sa gagawin natin. Pero iniisip rin ba natin kung paano ito makakabuti sa iba. In a way tama itong four way test ng Rotary Club:
- Is it the truth? [Pero siyempre hindi lang yun ang mahalaga…]
- Is it fair to all concerned?
- Will it build good will and better friendship?
- Is it beneficial to all concerned?
Maganda ‘yan. Pero mas maganda itong guidelines na binibigay ni Paul sa Salita ng Diyos. Ask yourself these two questions before you do anything na within your right to do. Oo, hindi naman masama, pero…
Will it make my brother stumble? Ginamit yung “stumbling block” sa v. 9, katitisuran, o “sanhi ng pagkakasala.” Sa v. 13, dalawang beses yung “stumble,” galing sa Greek na skandalizo kung saan galing yung word natin na scandal, o something offensive sa mga sensibilities natin. We are on a faith journey, merong destination ang Diyos for us, and we have a responsibility to one another para tulungan yung bawat isa. Kaya kung ang gagawin natin sa halip na tulungan sila, madadapa pa sila, masusugatan pa, mahihirapan pang bumangon, tayo pa ang tumitisod sa kanila.
Will it encourage/build up my brother? Maaaring walang masamang maging epekto yung ginagawa natin, but we need to ask the question, “Makakatulong ba ‘to sa iba?” Yun yung point niya sa v. 10, “will it encourage?” Same root ng ginamit niya sa v. 1, “love builds up.” Ang gusto ni Lord we build each other up, wala tayong dapat gawin na ikakasira o ikapapahamak ng kapatid natin.
Ano ang magiging epekto if we act in unloving ways to our brothers and sisters? Yung word na “ikapahamak” sa v. 11 in other contexts ay referring to eternal destruction in hell. Di naman ganito sa ganitong context, pero we need to take this seriously. Meron tayong mga members na wala na ngayon kasi baka di tayo naging maingat sa salita natin o gawa natin sa kanila.
Ano pa ang magiging epekto ng unloving actions natin? Sabi sa v. 12, sinusugatan n’yo yung kanilang budhi, wounded ang conscience nila kung pipilitin mo silang gumawa ng isang bagay na violating his conscience. At kung he is not acting in faith, nagkakasala siya. Wag natin silang sasaktan. We are supposed to be a healing community. We don’t hurt each other. At kung gawin natin yun, nagkakasala tayo sa kanila. We are to love one another. Yung isang neutral na gawain tulad ng pagkain o pagpunta sa isang lugar ay nagiging kasalanan kung di yun nagpapakita ng pagmamahal sa iba.
At kung nagkakasala tayo sa kapatid natin, nagkakasala din tayo kay Cristo (v. 12). Bakit? Kasi we are not acting in ways na consistent with the gospel. Bakit? We have a Savior na mula sa langit ay bumaba sa lupa, pwede naman niyang hindi gawin, pero ginawa niya. Naparito siya hindi para paglingkuran kundi para maglingkod and to give his life as a ransom for many (Mark 10:45). At kaya kung nangingibabaw sa atin yung “karapatan ko ‘to, gagawin ko kung ano ang gusto ko,” do we really believe the gospel? Bakit di natin gawin ang tulad ng sakripisyo ni Cristo alang-alang sa mga kapatid natin? Di naman natin ikamamatay yung mga little sacrifices na dapat nating gawin.
Halimbawa, hindi na ako iinom ng alcoholic beverages para di matisod ang iba. O hindi na kakain ng baboy kung meron tayong mga kasama na from Muslim background at bagong believer, para di siya matisod. Are we willing to sacrifice our appetite, our own interests for the sake of our brothers? Sana maging tulad tayo ni Cristo, tulad ni Pablo. Na hindi na natin sasabihin na, “Karapatan ko ‘to, ito ang gusto ko, intindihin n’yo ko, makitid kasi pang-unawa ng iba.” Tulad ng sabi ni Paul, resolution niya, “Hindi na ako kakain ng karne” (v. 13)! Hindi dahil for dietary reasons, but because this was an act of love. Ganito mga missionaries natin sa Muslims, they have committed never to eat pork to show love, for the sake of the gospel. Yun ang love, we are intentional in doing good to others. Hindi na sariling interes natin ang nangingibabaw, kundi we consider din yung interes ng iba (Phil. 2:4). That is the gospel.
So, instead of asking ourselves yung question na, “May masama ba dito,” dapat tanungin natin ang sarili natin, “Makakabuti ba ito sa iba?” Kasi sanay na tayo simula sa pagkabata na, “Me, me, me,” as if life is all about us. But we need to ask, makaka-stumble ba ito sa iba? Makaka-encourage ba? The gospel helps us move out of our self-centeredness. So, ano ang ginagawa mo ngayon na nakaka-stumble sa iba? Yung isang bagay na wala naman talagang masama. Kasi kung kasalanan, talagang matitisod ang iba. Pero baka sinasabi mo na, “Wala naman akong ginagawang makasasama sa iba,” pero baka yun nga ang problema, wala kang ginagawa. We are members of the church. We have a responsibility to help one another. Maybe it’s about your money, it’s about prayer, it’s about spending time with others. Yun kasi ang ibig sabihin ng pagiging member ng church. So, ano ang ginagawa mo? You better spend time in thinking about that, and answering that question.