Ang gospel ay ang mabuting balita tungkol sa kung ano ang ginawa ni Jesu-Cristo para maibalik ang mga makasalanan sa mabuting relasyon sa Diyos. Heto ang buong kuwento niyan:
- Ang nag-iisang Diyos na banal ang lumikha sa atin ayon sa kanyang larawan para makilala siya (Gen. 1:26-28).
- Pero nagkasala tayo at nahiwalay ang relasyon natin sa Diyos (Gen. 3; Rom. 3:23).
- Sa laki ng kanyang pag-ibig, ipinadala niya ang kanyang Anak na si Jesus para ipakita ang kanyang pagiging hari at iligtas ang kanyang bayan mula sa kanilang mga kaaway – lalo na sa kanilang sariling kasalanan (Ps. 2; Luke 1:67-79).
- Na-establish ang kaharian ni Jesus sa pamamagitan ng ginawa niya bilang isang priestly mediator (tagapamagitan) at priestly sacrifice (handog na inialay) – perfect life ang ipinamuhay niya at namatay siya sa krus. Sa ganung paraan ay siya mismo ang tumupad sa kautusan at umako ng parusang nararapat para sa marami (Mark 10:45; John 1:14; Heb. 7:26; Rom. 3:21-26; 5:12-21); pagkatapos ay muli siyang nabuhay mula sa mga patay, patunay na tinanggap ng Diyos ang sacrifice niya at ang matinding galit ng Diyos laban sa atin ay naglaho na (Acts 2:24; Rom. 4:25).
- Ngayon ay nananawagan siya sa atin na pagsisihan (repent) ang mga kasalanan natin at magtiwala (trust) kay Cristo lamang para mapatawad tayo (Acts 17:30; John 1:12). Kung nagsisisi tayo sa mga kasalanan natin at nagtitiwala kay Cristo, nasa atin na ang bagong buhay (born again into a new life), isang buhay na walang hanggan kasama ang Diyos (John 3:16).
Talaga namang good news ‘yan.
Isa pang magandang paraan para i-summarize ang good news na ‘to ay para tingnan ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa Diyos, sa Tao, kay Cristo, at sa Pagtugon na dapat nating gawin.
#1 – Diyos.
Ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay (Gen. 1:1). Siya ay perpekto sa kabanalan, karapat-dapat sa lahat ng pagsamba, at siyang magpaparusa sa kasalanan (1 John 1:5; Rev. 4:11; Rom. 2:5-8).
#2 – Tao.
Lahat ng tao, bagamat nilikhang mabuti, ay naging likas na makasalanan (Gen. 1:26-28; Ps. 51:5; Rom. 3:23). Mula pa nang ipanganak, lahat ng tao ay malayo na ang relasyon sa Diyos, lumalaban sa Diyos, at nasa ilalim ng matinding galit ng Diyos (Eph. 2:1-3).
#3 – Cristo.
Si Jesu-Cristo, tunay na Diyos at tunay na tao, ay namuhay nang isang buhay na walang kasalanan, namatay sa krus para akuin ang matinding galit ng Diyos kapalit ng lahat ng sasampalataya sa kanya, at bumangon mula sa mga patay para bigyan sila ng buhay na walang hanggan.
#4 – Pagtugon.
Nananawagan ang Diyos sa lahat ng tao sa lahat ng lugar para magsisi sa kanilang mga kasalanan at magtiwala kay Cristo para sila’y maligtas (Mark 1:15; Acts 20:21; Rom. 10:9-10).
(Ang ilan sa mga ito ay galing sa The Gospel and Personal Evangelism na isinulat ni Mark Dever, p. 43.)
Translated from “What is the gospel?,” Essentials: 9Marks Journal Special Edition 2018, p. 22. You can also find that article here.