Ang Puso sa Pagboto

Slide2Dahil palapit na nang palapit ang National Elections (May 9), painit din nang painit ang usapin sa pulitika. Hindi lang mga kandidato ang mga nagbabakbakan, pati na rin ang mga taga-suporta nila. Bilang mga tagasunod ni Cristo, di naman nararapat na makipagsalpukan tayo sa ganitong usapin. Pero hindi rin angkop na dumistansya tayo at sabihin nating wala na tayong pakialam at hindi na boboto. Ang pakikibahagi natin sa sistema ng demokrasya sa bansa natin sa pamamagitan ng pagboto ay isang responsibilidad, hindi lang karapatan. Hindi lang ng isang mamamayang Filipino, kundi ng isang Cristiano.

Utos ng Dios sa atin, “Magpasakop kayong lahat sa mga namumuno sa pamahalaan. Sapagkat ang lahat ng pamahalaan ay nagmula sa Dios, at siya ang naglagay sa mga namumuno sa kanilang pwesto” (Rom 13:1 ASD). Kung hawak ng Dios hindi lang ang iglesia kundi maging sinuman sa pulitika, dapat may pakikibahagi tayo diyan. Kaya ngayon at sa susunod na linggo, pag-uusapan natin kung ano responsibility nating mga Cristiano sa papalapit na botohan (Part 1 – Ang Puso sa Pagboto) at pagkatapos nito (Part 2 – Ano na Pagkatapos?). Kahit wala ka pang disiotso, mahalaga din ito para sa iyo kasi darating ang araw na boboto ka, at kahit di ka naman botante tiyak na apektado ka ng mga usapin ngayon sa pulitika. At siyempre, para malaman mo rin kung paano ipapanalangin ang bansa natin, at kami na mga botante.

Tayo namang mga boboto, ang madalas na tanong natin ay, “Sino kaya ang iboboto ko?” “Pastor, sino bang iboboto mo?” Hindi ako magsasabi sa inyo ng pangalan. Pero, sa tingin ko, magandang basehan ang ganitong pamantayan para sa ibobotong kandidato:

  • Conviction – Ang mga pinaniniwalaan at pinahahalagahan ba niya ay sang-ayon sa itinuturo ng Salita ng Dios tungkol sa buhay, sa pamilya, at sa bayan?
  • Competence – May sapat ba siyang kakayahan at karanasan para gampanan ang tungkulin ng isang lingkod-bayan, ayon sa posisyong kanyang tinatakbuhan, sa paggawa man ng batas o sa pagpapatupad nito?
  • Character – Hindi lang husay, galing, talino, at tapang ang kailangan. Sang-ayon ba sa karakter na nais ng Dios ang kalagayan ng puso niya, ng pananalita niya, at pakikitungo niya sa lahat ng klase ng tao?

Kung Cristiano ang isang kandidato, medyo lamang na sa boto natin. Pero hindi tayo obligadong iboto ang isang Cristianong kandidato. Mahalaga pa rin ang karanasan at kakahayan. Stewardship din kasi ang involvement sa politics.

Sa tingin ko, bukod sa pag-usapan natin kung sino ang iboboto, may mas mahalagang tanong na akma sa atin. Paano ako boboto? O, ano ang kalagayan ng puso ko sa pagboto o pagpili ng iboboto? Kung tutuusin kasi, di naman natin hawak ang puso at buhay ng mga kandidatong iyan. And we are not responsible for their actions. Pero ang may pananagutan tayo ay sa sarili nating puso, sarili nating karakter. Sa panahon bang ito ng eleksiyon, nakikita sa atin ang tunay na katangian ng isang tagasunod ni Cristo? O katulad din tayo ng karaniwang mga Filipino?

Sa pagboto, anu-anong katangian o kalagayan ng puso ang dapat na makita sa atin?

#1 – WISDOM

Ang pagboto kailangan ng karunungang galing sa Dios. Di naman pwedeng iboboto mo lang dahil sikat, kilala o artista. This is not a popularity contest. Hindi rin pwedeng suntok sa buwan o bahala na, na kung kelan ka lang maupo sa voting precinct saka ka magdedesisyon. Kailangang kilalanin mo ang mga kandidato. Oo, medyo matrabaho kasi ang daming kumakandidato. Pero may responsibility tayo na kilalanin sila. Hindi komo lumabas sa balita o nakita sa social media, kahit naging viral pa, ay totoo na. Alaming mabuti kung ano ang totoo.

Pero kung tutuusin, wala din naman sa kanila ang perpekto o talagang sasapat sa pamantayan ng Dios sa “conviction, character, competence” na qualifications.  Kahit Christian pa iyan. Lahat naman tayo bagsak naman talaga sa standard ng Dios. Tapos, di rin naman talaga natin alam ang lahat-lahat sa buhay ng isang kandidato. Kahit ang best candidates sa paningin natin, pwede namang magbago “for worse” sa tatlo o anim na taong panunungkulan niyan. We only know so much.

Limitado ang alam at dunong natin, pero ang Dios “ang dunong ay walang hangganan” (Job 37:16). Marami tayong hindi alam, pero ang Dios “nalalaman niya ang lahat ng bagay” (1 Jn 3:20). Pero hindi naman ang Dios ang boboto para sa atin. At sa karunungan ng Dios, iniluluklok niya sa puwesto kahit ang mga taong di naman karapat-dapat na mamuno.

Pero ang responsibility natin ay humingi ng karunungan sa Dios at bumoto ayon sa pamantayan niya at sa dinidikta ng ating konsensiya. Bago ka bumoto, manalangin ka munang mabuti. Hindi komo kung sino lang ang type mo o nirekomenda sa iyo yun na iboboto mo. Angkinin mo ang pangako ng Dios, “Kung mayroon mang nagkukulang sa inyo sa karunungan, humingi siya sa Dios at ibibigay ito sa kanya nang walang pagmamaramot at panunumbat” (Santiago 1:5). Totoo iyan patungkol sa pagsubok at paghihirap na dinaranas natin, totoo din sa hirap ng pagdedesisyon sa pagboto.

#2 – HUMILITY

Ang pagboto natin dapat may pusong mapagpakumbaba. Oo nagresearch ka, nanalangin ka. Pero hindi ibig sabihing ang listahan mo ng iboboto ay iyon na ang tama at dapat ding iboto ng iba. Kung sasabihin mong, “Ang iboboto ko ay si ganito, at siya naman talaga ang dapat iboto ng lahat ng Filipino. Kung iboboto mo si ganire, napakalaking pagkakamali,” arogante ang dating. Kung marinig mo ang friend mo na iboboto ang kandidatong ayaw mo, tapos sasabihin mo o di mo man sabihin pero sa isip mo, “Ano ka ba naman? Di ka ba nag-iisip? Wake up!” you are actually insulting or offending him.

Tapos kapag mataas ang rating sa survey ng kandidatong ayaw mo, iisipin mo, “Ano ba naman ang mga Filipino. Hindi kasi edukado. Wala kasing moral values.” Pwedeng may realidad dun, pero sa puso mo you’re becoming self-righteous, na para bang ikaw na ang magaling, ikaw na ang nag-iisip, ikaw na ang may paki sa Pilipinas.

Tandaan po natin, sa pagtingin natin sa ibang tao, kahit na sa tingin natin ay nagkakamali sila, dapat ang asal natin ay tulad ng kay Cristo, may mababang puso. “Huwag kayong gumawa ng anumang bagay dahil sa makasariling hangarin o sa paghahangad na maitaas ang sarili. Sa halip, magpakumbaba kayo sa isaʼt isa at ituring na mas mabuti ang iba kaysa sa inyo. Huwag lang ang sarili ninyong kapakanan ang isipin nʼyo kundi ang kapakanan din ng iba. Dapat maging katulad ng kay Cristo Jesus ang pananaw nʼyo” (Fil. 2:3-5).

Kung napili mo man ang best candidate para sa iyo, in humility, sasabihin mo, “Siya ang iboboto ko, sa tingin ko siya ang best. Pero maaaring magkamali ako. Maaaring kapag siya ang manalo magkamali din siya at pumalpak sa pagtupad ng kanyang responsibilidad.” That’s being humble. Oo nga’t Christians tayo, nasa atin ang Holy Spirit, at binabago niya ang paraan ng pag-iisip natin. But in humility, we are willing to admit na nagkakamali pa rin tayo. We can be foolish and ignorant at times.

#3 – LOVE

Mainit ang usapin sa pulitika. Kahit mga Christians, nag-aaway. Kahit nga mga pastor. Kasi if we are not humble, and we become passionate for a certain candidate, ang tendency ikampanya siya at atakehin naman ang iba. E meron kang mga kaibigan, meron kang mga kapatid sa Panginoon na may ibang pananaw. Hindi mo pwedeng sabihing, “Christian ka ba? Bakit siya ang iboboto mo? Kapag siya ang binoto mo, tapos nagkagulo sa Pilipinas, mananagot ka sa Dios!” Oo, may pamantayan tayo sa pagpili ng iboboto. But I don’t believe that there is such a thing as “a Christian vote”. Malaya po tayong iboto ang sinuman ayon sa resulta ng panalangin natin at dikta ng konsensiya natin.

Ok lang na magkaiba-iba tayo ng iboboto. Yan nga ang ibig sabihin ng demokrasya. At kung magkakaiba man ang iboto natin, hindi yan dapat maging sanhi ng pag-aaway o makahadlang sa relasyon natin bilang magkakaibigan at magkakapatid sa Panginoon. Ang mga kandidato ang naglalaban sa mataas na posisyon, sa pagka-Presidente man o gobernador. Tayong mga Cristiano, wala tayong dapat paglabanang posisyon. We are already secured in our relationship with Christ. Ang identity natin ay hindi nakakabit sa kandidatong sinusuportahan natin, kundi kay Jesus na siyang Panginoon natin at mananatiling Panginoon at Hari sinuman ang maluklok sa puwesto.

At dahil iisa ang Panginoon natin, at tayo’y magkakapatid, iisang pamilya, mahalin natin ang isa’t isa kapag pulitika ang pinag-uusapan. Nakatingin ang mga tao, nakikinig sa atin, binabantayan tayo kung paano natin ihahandle ang mga tensions at disagreements natin. Sabi ng Panginoong Jesus, “By this all people will know that you are my disciples, if you have love for one another” (John 13:35 ESV). Mas mahalaga pa rin ang patotoo natin kaysa sa ating pagboto. Magkakaiba man ang ating iboto, mananatili tayong pare-parehong mga tagasunod ni Cristo.

#4 – FAITH

Sa ating pagboto, maipapakita natin kung nasaan ang tiwala natin. In a way, ang pagboto sa isang kandidato ay “a vote of trust.” Nagtitiwala ka ba sa kandidatong iyan na magagampanan niya ang tungkuling susumpaan niya? Pero kung naghahanap ka ng isang taong makapag-aalis ng lahat ng katiwalian at kapalpakan sa gobyerno, you are looking for a messiah. And that’s idolatry, because only God is powerful enough to eradicate all evils in our society. At gagawin niya iyan…sa tamang panahon. Tamang nandun ang tiwala mo sa kandidato mo, but don’t put your faith in him.

Ang iba naman, natatakot: “Naku, ano na lang ang mangyayari kapag siya ang naging president?” Fear and anxiety are also expressions of lack of faith in God. Marunong ang Dios, mas marunong kaysa sa presidente. Makapangyarihan ang Dios, more powerful than the most powerful in our land. He is always in control, kahit pa maging out of control ang manalong pangulo.

Magtiwala tayo na meron tayong Dios na siyang makapangyarihan, makapangyayari at may hawak ng lahat ng nangyayari at mangyayari sa bansa natin. God is sovereign over our nation (and all nations!). Ang pasya niya ang masusunod. Si Daniel, na isang lingkod-bayan sa Babylonia, ang tiwala ay sa Panginoon, “Purihin ang Dios magpakailanman. Siya ay matalino at makapangyarihan. Siya ang nagbabago ng panahon. Siya ang nagpapasya kung sino ang maghahari at siya rin ang nag-aalis sa kanila sa trono” (Daniel 2:20-21 ASD). Binigyan niya ng warning si Haring Nebuchadnezzar na ibababa siya ng Dios dahil sa kanyang pagmamataas, at pagkatapos gawin ng Dios iyon, “kikilalanin nʼyo ang Kataas-taasang Dios na siyang may kapangyarihan sa mga kaharian ng mga tao at maaari niyang ipasakop ang mga ito kahit kanino niya gustuhin” (4:25).

Anuman ang maging resulta ng eleksiyong ito, wala tayong dapat ikatakot. Gaano man kasama at kakurakot at kabagsik ang maging presidente natin, tandaan nating ang puso niya ay hawak-hawak ng Dios at kaya niyang ibaling saanman para matupad ang mabuti niyang layunin para sa buhay natin. “The king’s heart is a stream of water in the hand of the Lord; he turns it wherever he will” (Proverbs 21:1 ESV). Sa panahon ni Moises, pinatigas ng Dios ang puso ng hari ng Egipto, para matupad ang kanyang layunin, at tuluyang mapalaya ang kanyang bayang bihag ng 400 taon. Nang sila naman ay mabihag ng 70 taon sa Babylon, pinalambot naman niya ang puso ng Haring Cyrus ng Persia: “Noong unang taon ng paghahari ni Cyrus sa Persia, tinupad ng Panginoon ang sinabi niya sa pamamagitan ni Jeremias. Hinipo niya ang puso ni Cyrus para gumawa ng isang pahayag. Isinulat ito at ipinadala sa kanyang buong kaharian” (2 Chr. 36:22; Ezra 1:1 ASD). Nakasaad sa sulat na ito ang pasyang sila’y makakabalik na sa kanilang lupain.

Sinuman ang maging presidente, hindi sa kanya ang tiwala natin, hindi rin siya ang katatakutan natin. Meron tayong Diyos na mas makapangyarihan, mas marunong at mas mabuti sa lahat. We put our faith in him.

#5 – HOPE

Maraming Filipino, kung mag-isip tungkol sa kinabukasan ng Pilipinas, puro “nega”. May basehan naman kung titingnan ang mga problema ng bansa. Pero ito yung mga tao na puro negatibo na lang ang iniisip, pessimists. Sasabihin nila, “Naku, wala nang pag-asa ang Pilipinas. Kahit sino pa ang maupong Presidente dyan, pare-pareho lang iyan. Wala naman ding qualified na kandidato, bakit pa ako boboto?”

Pero marami pa rin ang may positive outlook, mga umaasa na maganda ang mga mangyayari sa hinaharap. Kaya sa pagpili ng presidente o iba pang posisyon, inaasahang sila ang makapagdadala sa bansa natin sa isang “glorious future.” Hindi naman masamang maghangad ng maganda para sa bansa natin. Ang problema, kung tayo’y Cristiano, hindi natin pwedeng ipalagay na ang pag-asa natin ay nasa mundong ito, nasa buhay na ito.

Ang pag-asa natin para sa magandang kinabukasan – sa buhay natin ngayon at sa darating pa – ay nakay Cristo lang. Anuman ang mangyari pagkatapos ng eleksiyong ito, wag tayong mabahala o mawalan ng pag-asa. Bakit?

The gospel of Jesus is advancing. Kapag dumarami ang paghihirap, mga problema, kasalanan, mga kapalpakan, mas lalong makikita ang laki ng pangangailangan natin kay Cristo. Kapag puro masasamang balita ang mga naririnig natin, mas lalong nag-iincrease yung longing na marinig ang Magandang Balita ni Cristo. At ito ang number one priority ng Dios, ang maipakilala ang kanyang Anak na si Jesus bilang nag-iisang Tagapagligtas. Pagkatapos ng passage na nagsasabing ipanalangin natin ang mga government officials natin para makapamuhay tayo nang payapa, heto ang kasunod, “This is good, and it is pleasing in the sight of God our Savior, who desires all people to be saved and to come to the knowledge of the truth. For there is one God, and there is one mediator between God and men, the man Christ Jesus” (1 Timothy 2:3-5 ESV).

Tandaan nating ang pinakaproblema ng bansang ito ay hindi ekonomiya, hindi krimen, hindi trapik, hindi droga, hindi kahirapan, kundi hiwalay na relasyon sa Dios. Hangarin natin una hindi ang kaunlaran ng bansa, kundi ang kaligtasan ng mga makasalanan, kasama na ang mga nasa pamahalaan at mga ordinaryong mamamayan.

Dahil patuloy na naipapakilala si Jesus, the kingdom of Jesus is coming. Totoong dumating na ang kaharian niya (already) sa puso ng mga taong sumusunod sa kanya. Pero ito ay darating pa (to come), malulubos ang paghahari niya sa kanyang pagbabalik. The kingdom of Jesus is already here, but not yet fully here. Anuman ang kahinatnan ng halalang ito, this is not the end for us. Hindi dito ang pag-asa natin. Ang pag-asa natin, our ultimate hope, ay ang muling pagbabalik ng Panginoong Jesus. He is the King of kings and Lord of lords. He is coming soon.

“Darating ang katapusan. Lulupigin niya ang lahat ng kaharian, pamahalaan at kapangyarihan, at ibibigay ang paghahari sa Dios Ama” (1 Corinto 15:24 ASD). Sa araw na ito, “…ang lahat ng nasa langit at lupa, at nasa ilalim ng lupa ay luluhod sa pagsamba sa kanya. At kikilalanin ng lahat na si Jesu-Cristo ang Panginoon, sa ikapupuri ng Dios Ama” (Filipos 2:10-11 ASD). “Kaya mamuhay tayo sa mundong ito nang maayos, matuwid at makadios habang hinihintay natin ang napakagandang pag-asa, na walang iba kundi ang maluwalhating pagbabalik ng ating dakilang Dios at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo” (Tito 2:12-13 ASD).

Abangan natin, hindi ang pagbabagong mangyayari, hindi ang gagawin ng bagong pangulo, hindi ang kinabukasan ng ating bansa. Abangan natin ang pagbabalik ng Panginoong Jesus. Siya ang tanging pag-asa ng bawat Filipino.

Opportunity for the Gospel

Ang panahon ng eleksiyon ay isang pagkakataon para maisulong natin ang Magandang Balita ni Cristo. Utos ng Dios, “Maging matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi mananampalataya, at samantalahin nʼyo ang lahat ng pagkakataon na maibahagi ang pananampalataya nʼyo” (Colosas 4:5 ASD). Meron tayong pagkakataon ngayon. Wag nating sayangin. Bantayan natin ang mga sasabihin natin, ang pakikitungo natin sa iba, ang puso at ugali natin.

Mainit ang usapin ngayon sa pulitika. Marami ang passionate sa mga issues, sa mga kandidatong sinusuportahan at binabatikos. Mainam naman kung nagpapakita ng pagmamahal natin sa ating bayan. Pero tandaan mo, hindi ka botante unang-una, o Pilipino unang-una, ikaw ay Cristiano, tagasunod ni Cristo. That is your primary identity. Ang misyon mo ay hindi ang ikampanya ang kandidatong kunsunada mo o tiyaking di mananalo ang kandidatong ayaw mo. Ang misyon mo ay ipakilala si Cristo. Samantalahin mo ang panahong ito para ipakilala si Cristo – sa personal na pakikipag-usap mo sa iba o kahit sa mga ipinopost mo sa FB mo.

At kahit nalilito ka pa sa mga usapin at mga issues ngayon at di mo na malaman ang totoo at kung sino ang papaniwalaan mo, ito ang itatak mo sa isip mo: Si Cristo lang naman talaga ang pag-asa ng lahat ng Pilipino at ng buong mundo.

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.