Siyempre kapag New Year, usong-uso ang mga resolutions. Meron tungkol sa diet (babawasan na ang katakawan), sa health (mag-eexercise na), sa social media (bawas Facebook), sa pera (magtitipid na), sa mag-asawa (regular nang magdedate). Wala namang masama kung mag-resolution ka. Mainam nga rin iyan. Ang kaibahan lang nating mga tagasunod ni Cristo, dapat ievaluate natin kung ano ba ang goal natin sa mga resolutions natin, self-focused ba? Di ba dapat nakafocus kay Cristo?
Na anumang resolution iyan, dapat ang goal ay ang katulad ng sinasabi ni Pablo sa Filipos 3:8, “makamtan ko lamang si Cristo.” I pray na ang nangingibabaw na priority sa mga resolutions natin ay to be more Christ-centered sa buhay natin – na palagi nating maalala na ang lahat-lahat sa buhay natin ay dahil kay Cristo na nagbigay ng lahat-lahat para sa atin, na ang hangad na natin ay mas makilala siya, ang mas lumalim ang pag-ibig sa kanya, ang mas magtiwala sa kanya, ang mas sumunod sa kanya, ang mas maging katulad niya. To know him more. To love him more. To trust in him more. To follow him more. To be like him more and more.
Kung iyan ang goal natin for this year (and for all of life), hindi pwedeng mawala sa resolution natin ang mas regular, mas mahabang oras, mas intentional, mas malalim na pagbabasa ng mga salita ni Cristo. Mas magtitiwala tayo sa kanya, mas maiin-love tayo sa kanya, mas makakasunod tayo sa kanya kung mas lalo nating babasahin at pag-aaralan ang kanyang mga salita. Kung sinasabi mong gusto mong mas mainlove sa kanya, tapos wala ka namang plano tungkol sa personal Bible reading, e paano mangyayari iyon? Alam n’yo naman iyan kung may karelasyon kayo o asawa. Na habang mas naglalaan kayo ng oras kasama ang kapartner n’yo, nakikipagkuwentuhan, nakikinig sa kanya, just enjoying your time together, mas naiinlove ka sa kanya. Ganoon din sa relasyon natin kay Cristo.
Loved to Love
Kaya tama lang na simulan natin ang taong ito sa mensahe tungkol sa kung bakit natin kailangang basahin at paano natin dapat basahin ang Bibliya, ang Salita ng Diyos. Actually, simula ito ng apat na buwang sermon series natin na ang title ay “Loved to Love” na hahatiin natin sa apat na mini-series bawat buwan. Based ito sa Great Commandment, yung summary ng kabuuan ng utos ng Diyos: “You shall love the Lord your God with all your heart and with all your soul and with all your strength and with all your mind, and your neighbor as yourself” (Lk 10:27). Aminin natin, wala ni isa man sa atin ang pumasa sa pamantayang iyan ng Diyos. Lahat tayo bagsak na bagsak na bagsak.
Pero ang magandang balita, the good news, the gospel is this: Ang Diyos mismo ang tumupad nang di natin natupad, sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Jesus na nagmahal sa Diyos nang perfect at sa kapwa-tao nang perfect din. At kahit wala siyang kasalanan, namatay siya sa krus para akuin ang parusa na nararapat sa ating mga makasalanan. At kung sino man ang sasampalataya sa kanya, ipagkakaloob ang Espiritung siyang bumabago sa puso natin para maging posibleng mahalin natin nang tunay ang Diyos at ang ibang tao. We are loved (by God through Christ) to love God and other people. Ito ang gospel-driven love. Ito ang sinasabi ni Pablo sa Efeso 5:2, “Mamuhay kayong puno ng pag-ibig tulad ni Cristo; dahil sa kanyang pag-ibig sa atin, inialay niya ang kanyang buhay bilang mabangong alay at handog sa Diyos,” at ni Juan sa 1 Juan 4:11, 19, “Mga minamahal, dahil ganoon kadakila ang pag-ibig ng Diyos sa atin, dapat din tayong magmahalan…Tayo’y umiibig sapagkat ang Diyos ang unang umibig sa atin.”
This January, Loved to Love God. Sa February, Loved to Love One Another. Sa March, Loved to Love Others. Sa April, Loved to Love as Yourself.
Like Digging for Diamonds
Ngayon, ang paanyaya ng Diyos ay “Makinig Kang Mabuti!” (hindi lang sa sermon ngayon, kundi sa bawat araw na bubuksan mo ang Bibliya, ang Salita ng Diyos para sa iyo. Paano mo nga naman maaalala at mas makikita nang mas malalim pa ang taas, ang lawak, ang lalim, ang luwang ng pag-ibig niya sa iyo kung di mo babasahin ang “love letter” niya para sa iyo o ang “love story” ng Diyos at ng tao na nakasulat sa Bibliya? At paanong mas lalalim ang pag-ibig mo sa Diyos kung di mo siya makikilala nang mas malalim? Ang Salita ng Diyos ang nagsisilbing gaas para sindihan ang puso natin para magliyab at patuloy na mag-init sa pagmamahal natin sa Diyos.
Meron akong seminar tungkol sa personal Bible reading (January 9 and 16) na ang title ay Digging for Diamonds. Based ito sa quote ni John Piper about Bible reading. Ikinumpara niya ito sa digging o paghuhukay. Hard work iyan, kailangang paglaanan ng oras at pagpaguran. Ang Bible reading hindi naman basta makapagbasa ka lang. Kailangang may disiplina ka, nakafocus ka, nag-iisip, nagmemeditate at nagrereflect. Kailangang paglaanan din ng panahon, di pwedeng makaraos lang. Kaya naman maraming Christians, kahit na may resolution na magsisimula na ng daily Bible reading at may sinusunod pang reading plan, pagdating ng February or March, umaayaw na.
Oo nga’t may panahong mag-iistruggle ka sa Bible reading. Lalo na sa mga parts na di mo maintindihan agad o di mo makita ang relevance sa buhay mo. But I believe that the primary issue is motivation. Sabi nga ni John Piper, “Raking is easy, but all you get is leaves. Digging is hard, but you might find diamonds.” Bakit ka hihinto, bakit ka aayaw, kung sobrang rewarding pala ang Bible reading? Sabi sa Kawikaan 2:3-5, “Pagsikapan mong hanapin ang tunay na kaalaman, pang-unawa’y pilitin mong makita at masumpungan (hard work!). Kung ito ay parang pilak na iyong hahanapin, at tulad ng ginto, na iyong miminahin (rewarding!), malalaman mo kung ano ang kahulugan ng paggalang at pagsunod kay Yahweh, at matatamo ang kaalaman tungkol sa Diyos.”
Anong reward? Hindi lang basta dadami ang alam mo, kundi mas makikilala mo ang Diyos. At sino ba ang tinutukoy na kaalaman at karunungan ng Diyos? Walang iba kundi si Cristo. Sabi ni Pablo sa 1 Corinto 1:24, 30, “…sa mga tinawag ng Diyos, maging Judio o maging Griyego, si Cristo ang kapangyarihan at karunungan ng Diyos…Sa kanya nagmula ang buhay na taglay ninyo dahil sa pakikipag-isa ninyo kay Cristo Jesus na siyang ginawang karunungan natin.” At sa Colosas 2:3, “Sa pamamagitan [ni Jesus] nahahayag ang lahat ng kayamanan ng karunungan at kaalaman ng Diyos.”
Ang diamonds or treasure na reward ng Bible reading ay hindi successful life, hindi guidance for living, hindi becoming a better person, hindi rin mga leadership principles, hindi rin para masabing you are a good Christian. The reward is none other than Christ. Yun ang motivation. That I may gain Christ! That’s the goal of Bible reading. Ang mas makilala mo si Cristo, ang mas mainlove ka sa kanya, ang mas magtiwala ka sa kanya, ang mas sumunod ka sa kanya, ang mas maging katulad ka niya. Kung hindi iyan ang goal mo sa pagbabasa ng Bible, no wonder you find it boring, no wonder di ka palaging nagbabasa. Kung hanggang ngayon boring pa rin sa iyo ang Bible mo, evaluate your heart. Maybe you are not yet born again, maybe you don’t yet have a new heart for Jesus. Ang approach mo sa Bible reading ay magpapakita ng kundisyon ng puso mo.
Centrality of the Gospel in Reading the Bible
Kung si Jesus ang goal ng ating Bible reading, dapat lang na basahin mo ang Bibliya na si Jesus ang nasa sentro (gospel-centered Bible reading). Si Jesus ang nasa sentro, kung sino siya hindi kung sino tayo; kung ano ang ginawa na niya sa buong buhay niya, sa kamatayan niya, sa muling pagkabuhay niya, hindi kung ano ang dapat nating gawin. This is the gospel. This is good news, not good advice.
Bakit dapat gospel-centered? Gospel-centered dapat dahil si Jesus ang nasa sentro ng Bibliya. At ayon kay Pablo this gospel is “of first importance” (1 Cor. 15:3). Ito ang dapat nasa sentro, at lahat ng iba pang katuruan o bahagi ng Bibliya ay konektado dito. The story of Jesus is at the heart of the story of God in Scripture. Bawat kuwento ay konektado sa kuwentong ito ng ginawa ni Jesus. Siya mismo ang nagsabi sa mga Bible scholars na mga Judio, “Sinasaliksik ninyo ang mga Kasulatan sa paniwalang doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Ang mga Kasulatang iyan ang nagpapatotoo tungkol sa akin” (Juan 5:39)! Hindi mo lubos na mauunawaan ang saysay ng nakasulat sa Bibliya hangga’t di mo makikita kung paanong ito ay tungkol kay Jesus o nagtuturo tungkol sa kanya (pointer to Jesus). Kaya nang ipaliwanag niya ang Kasulatan sa mga alagad niya pagkatapos niyang mabuhay na muli, “At patuloy na ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng sinasabi sa Kasulatan tungkol sa kanyang sarili, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta” (Lucas 24:27, also v. 44). The Old Testament and the New Testament, the whole Bible is about Jesus!
Gospel-centered dapat dahil ito ang kailangan natin hindi lang sa simula kundi sa buong buhay natin bilang Cristiano. Kaya kailangang sa pagbabasa natin ng Bible hindi first question natin ay “Ano kaya ang kailangan kong gawin?” kundi “Ano na ang ginawa ng Diyos para sa akin sa pamamagitan ni Jesus?” Kasi lagi natin ‘tong nakakalimutan, kaya itong si Pablo ipinapaalala sa mga Corinthians ang gospel na ‘to (1 Cor. 15:1-2). Ito ang tinatayuan nila, ito ang patuloy na nagliligtas sa kanila (sanctification/transformation). Ito ang dapat nilang palaging panghawakan.
Gospel-centered dapat ang Bible reading dahil nagsasalita at nagpapakilala ang Diyos sa pamamagitan ni Cristo. Hebreo 1:1-2, “Noong una, nangusap ang Diyos sa ating mga ninuno sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta. Ngunit nitong mga huling araw, siya’y nagsalita sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak.” Isa ito sa dahilan kung bakit ang Anak ay tinawag na Salita (Juan 1:1-2). Si Jesus mismo ang nagsabi, “Kung ako’y kilala ninyo, kilala na rin ninyo ang aking Ama” (Juan 14:7).
Gospel-centered dapat dahil si Jesus lang – tunay na Diyos at tunay na Tao – ang tanging Tagapamagitan sa Diyos at sa Tao. Ang pagbabasa natin ay “redemptive” – ibig sabihin, patuloy na ipinapanumbalik ng Diyos ang nasira nating relasyon sa kanya, patuloy niya tayong hinuhubog ayon sa kanyang larawan, at patuloy na pinagtatagumpay laban sa kasalanan. Kaya dapat, kung magbasa tayo ng Bibliya, always through Jesus. Sabi ni Pablo sa 1 Timoteo 2:3-6, “…Diyos na ating Tagapagligtas. Ibig niyang ang lahat ng tao ay maligtas at makaalam ng katotohanang ito. Sapagkat iisa ang Diyos, at tanging si Jesu-Cristo lamang ang taong tagapamagitan sa atin at sa Diyos. Inihandog niya ang kanyang buhay upang tubusin ang lahat mula sa kasalanan.” Mauunawaan lang natin ang saysay ng salita ng Diyos sa atin sa pamamagitan ni Cristo na ating Mediator. Makalalapit lang tayo sa Diyos sa pamamagitan din niya.
I pray na kumbinsido na kayo na dapat na nasa sentro ng Bible reading is the gospel of Jesus. Ngayon naman, paano mo matitiyak na gospel-centered ang Bible reading mo? This is just an introduction, kung gusto niyang mas matutunan pa at mapractice, attend kayo ng Digging for Diamonds workshop. And hopefully, the way I preach the Word to you, naipapakita ko sa inyo kung paano maging gospel-centered sa pag-aaral ng Bibliya. Let me offer you four simple instructions.
#1: Kilalanin mo ang Diyos sa pagbabasa mo ng Bibliya.
Natural kasi sa atin na akalaing kapag babasahin natin ang Bible, iniisip agad nating ito ay tungkol sa atin. By default, self-centered tayong lahat. So babasahin ang Bible na hinahanap kung ano ang para sa atin, kung ano ang dapat nating gawin, kung ano ang pakinabang nito sa buhay natin. Kaya kung di mo agad nakita ang life relevance nito sa iyo, hihinto ka na lang, o lalaktawan ang ilang mga passages na mukhang irrelevant.
Well, the Bible is not about you. Let that sink in. It’s not about you. Oo, karaniwang mababasa nating stories ay mga human characters ang nasa eksena. Pero hindi sila ang bida. Ang Diyos ang Bida sa bawat pahina ng Bibliya. God is the Hero of every story. Isinulat ng Espiritu ng Diyos ang Salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga tao ng Diyos upang ipakilala kung sino ang Diyos, gaano siya kadakila, gaano siya kabuti, anu-ano ang paraan at plano at pangako niya. It’s about him! At kung si Jesus ay tunay na Diyos, ibig sabihin lahat ng nakikilala mo tungkol sa Diyos ay totoo din sa kanya.
Bawat talatang babasahin mo sa Bibliya, ito ang tanong na dapat pag-isipan mo, “Paano nagpapakilala ang Diyos sa tekstong ito? Paanong ito ay totoo din kay Jesus bilang tunay na Diyos?” Kung babasahin mo ang Genesis 1, tingnan mo kung gaano ka-powerful ang Diyos at kung gaano siya kabuti sa paglikha sa tao. At kahit sa simula pa lang, makikilala mo na rin ang Panginoong Jesus na siyang sa pasimula ay naroon na (Jn 1:1), at siya rin ang Diyos na Maylikha sa ating lahat (Jn 1:2; Col. 1:15-18).
#2: Sa pagbabasa mo ng Bibliya, hayaan mong ipakita sa iyo ng Diyos ang tunay na kalagayan ng puso mo.
Karaniwan kasi detached tayo pag nagbabasa ng Bible. Kaya naman nagiging boring at hindi exciting. Pero tandaan nating ang Salita ng Diyos ay salamin ng tunay na kundisyon ng puso natin. Hindi lang kasalanan ni Adan o ng Israel o ni David ang tinutukoy dito, kundi ang makasalanang estado rin ng puso natin. Ang mga ito, ayon kay Pablo sa 1 Corinto 10, ay “babala” sa atin, para tayo ay “maturuan” (v. 11). Anumang utos o kalooban ng Diyos na nakasulat ay hindi lang para sabihin kung ano ang dapat nating gawin, kundi kung paanong di natin nasunod ang Diyos. Roma 3:20, “…ang gawain ng Kautusan ay ang ipamukha sa tao na siya’y nagkasala.”
Sa pagbabasa mo ng Bibliya, hayaan mong tumagos ito hanggang buto. Hebreo 4:12-13, “Ang salita ng Diyos ay buhay at mabisa, mas matalas kaysa alinmang tabak na sa magkabila’y may talim. Ito’y tumatagos maging sa kaibuturan ng kaluluwa at espiritu, ng mga kasukasuan at buto, at nakakaalam ng mga iniisip at binabalak ng tao. Walang makakapagtago sa Diyos; ang lahat ay hayag at lantad sa kanyang paningin, at sa kanya tayo mananagot.”
Habang mas nakikilala mo ang perpektong kabanalan ng Diyos, mas lalo mong makikilala ang laki ng kasalanan mo sa kanya. Kaya ganito ang itanong mo sa babasahin mo, “Paano ipinapakita ng Diyos ang disenyo o layunin niya para sa tao bilang larawan ng Diyos? Paano nito ipinapakita ang kasalanan ng tao at ang klase ng buhay na dulot ng kasalanan? Paanong tinupad o sinunod ni Jesus ang lahat ng kalooban ng Diyos para sa tao?”
Kapag mabasa mo man ang mga magagandang halimbawa ng mga karakter sa Bibliya, tingnan mo kung ano ang kalooban ng Diyos para sa iyo, at kung paanong perpektong nakikita ito kay Cristo. Kung nakita mo ang kasalanan ni Adan at Eba, ni David kay Uriah at Batsheba, ng Israel sa pagsamba sa mga dios-diosan, ng mga hari sa di pagsunod sa Diyos, tingnan mo kung paanong nagkasala ka rin tulad nila, at kung paanong si Jesus ang perpektong Adan, perpektong Anak ni David, ang tunay na Israel, at ang Hari ng mga hari.
#3: Sa pagbabasa mo ng Bibliya, alalahanin mo si Jesus at ang Magandang Balita ng ginawa niya para sa iyo.
Heto ang tanong na dapat mong sagutin, “Paano nito ipinapaalala sa atin ang ginawa ni Jesus sa krus para sa atin?” Kasi naman kitang-kita mo na ang laki ng agwat natin sa Diyos, ang laki ng pagkakasala natin sa kanya, ang laki ng pangangailangan natin sa awa at pagliligtas niya. Walang ibang Mediator at Savior maliban kay Jesus. Alalahin mong kahit na siya’y walang kasalanan, itinuring siyang makasalanan para ikaw ay maituring na matuwid sa harap ng Diyos (2 Cor. 5:21). Ang pananagutan mo sa Diyos, siya ang nagbayad. Ang nilabag mong tipan sa Diyos, siya ang tumupad. Ang mga rituwal, paghahandog, mga hayop na sinusunog, siya ang katuparan. Lahat ng kautusan ng Diyos siya ang tumupad. Siya ang Propeta, Pari, at Haring dumating para mamagitan sa Diyos at sa tao. This is the gospel. This is our hope. Yan ang alalahanin natin araw-araw sa pagbabasa ng Bibliya.
At dahil sa ginawa ni Cristo, nagkaroon ng malaking pagbabago sa pagkatao mo at sa relasyon mo sa Diyos. Tanungin mo rin, “Dahil kay Cristo, sino na ako ngayon?” 2 Corinto 5:17, “Kaya’t kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito’y napalitan na ng bago.” Tanungin mo rin, “Anu-anong mga pangako ng Diyos (para sa buhay kong ito at sa pagbabalik ni Cristo) ang panghahawakan kong tutuparin niya dahil kay Cristo?” 2 Cor. 1:20, “Sapagkat kay Cristo, ang lahat ng pangako ng Diyos ay palaging ‘Oo’.”
#4: Sa pagbabasa mo ng Bibliya, pag-isipan at pagplanuhan mo kung ano ang dulot nitong pagbabago sa buhay mo.
Napakahalagang bago ang life application, mauna muna ang reflection sa gospel. Hindi natin pwedeng laktawan si Cristo at ang relasyon natin sa kanya. Our application of the Word must be gospel-driven. Kung hindi magiging legalists at moralists tayo, na ang primary concern ay kung ano ang dapat nating gawin sa halip na kung ano ang ginawa na ni Cristo para sa atin.
Kung kay Cristo ang pagtingin natin, mas nagiging katulad tayo ni Cristo (2 Cor. 3:18). Merong nangyayaring pagbabago sa puso natin na gawa ng Espiritung siyang nagbibigay-liwanag sa kanyang salita para sa atin (2 Cor. 3:18; 2 Pet. 1:20-21). Kaya ganito dapat ang itanong mo, “Ano ang nais ng Diyos na baguhin sa puso ko para mas lalo pang maging tulad ni Cristo?” Nais ba niyang madevelop sa iyo ang Christ-like humility? O Christ-like patience? O Christ-like compassion for the needy?
Pero tandaan nating ang Bible reading natin ay hindi natatapos lang doon. Even after our time with the Word, merong nais ang Diyos na hakbang na gawin natin in obedience to his Word. Gaya ng sabi sa James 1:22-24, “Mamuhay kayo ayon sa salita ng Diyos. Kung ito’y pinapakinggan lamang ninyo ngunit hindi isinasagawa, dinadaya ninyo ang inyong sarili. Sapagkat ang nakikinig ng salita ngunit hindi sumusunod dito ay katulad ng isang taong tumingin sa salamin, at pagkatapos tingnang mabuti ang sarili ay umalis at kinakalimutan ang kanyang hitsura.” We are not mere readers of the Word, but doers of the Word. Kaya tanungin mo ang sarili mo, “Ano ang sisimulan o ipagpapatuloy kong gawin bilang pagsunod sa kalooban ng Diyos?”
Plan to Read the Bible
Katulad ngayon. Narinig mo ang salita ng Diyos tungkol sa kahalagahan at sa paraan ng pagbabasa ng Salita ng Diyos na nakasentro kay Cristo. Anong gagawin mo ngayon? Ano ang plano mo sa personal Bible reading mo? May Bible reading plan ka ba? Tatapusin mo ba ito in one or two years? Ilang chapters ang babasahin mo araw-araw? Tuwing anong oras ka magbabasa? Gaano kahaba? Anong adjustments ang gagawin mo? Ano ang mga activities ang babawasan mo?
Sabi ni Don Whitney, kung ipagpapalit mo lang ang TV time (o FB time) mo sa Bible reading, wala pang isang buwan natapos mo na ang Bible from Genesis to Revelation. Para matapos nga ang buong Bible sa isang taon, 15-20 minutes lang ang kailangan mo araw-araw. So it’s doable. You don’t read the Bible not because you don’t have the time. It’s because you don’t believe in value of the Word of God. Or you are so foolish na mas gugustuhin mo ba ang tanso o bakal na kinakalawang kesa sa diyamanteng makukuha sa salita ng Diyos.
Pero kung naniniwala ka na ang oras na nilalaan mo sa kanyang Salita ay paraan upang mas mapalapit ka sa Diyos, mas uminit ang pag-ibig mo sa kanya dahil mas nararamdaman mo ang pag-ibig niya sa iyo (that you are loved to love him with all your heart), babasahin mo, pag-aaralan mo, nanamnamin mo ang Bibliya araw-araw. At sa pagbabasa mo ng Bibliya, mas masasabik ka pang kausapin siya sa panalangin. At ito naman ang pag-aaralan natin sa susunod – kung paano ang Salita ng Diyos ang magsisilbing gaas para sa prayer life natin at kung paano tayo mananalangin nang ayon sa Salita ng Diyos.