Want to be Like Christ? (Col. 3:10-14)

8-Heneral-Luna-Reactions-to-Modern-Day-Pinoy-Problems_p-3Sinabi ni Antonio Luna sa movie adaptation ng buhay niya na Heneral Luna: “Mga kapatid, mayroon tayong mas malaking kaaway kaysa mga Amerikano. Ang ating sarili.” Totoo din iyan sa ating magkakapatid kay Cristo. Ang totoong giyera natin wala sa labas, kundi nasa loob, nasa puso natin.

Lahat tayo na mga nakay Cristo lumalaban sa kasalanan. Kung nasa atin ang Holy Spirit, nararamdaman natin iyan. So we fight against sin. At iyan ang pinagusapan natin last week. Pero wag nating iisiping that’s the goal. Sabihin mo nang di ka na nagiistruggle sa porn or iba pang sexual sins, pero ang tanong, kumusta naman ang pagmamahal mo sa asawa mo, sa pamilya mo? Sabihin mo nang wala ka nang galit sa puso mo, pero nilapitan mo na ba ang taong nakasakit sa iyo at ipinakita ang pagmamahal ni Cristo sa kanya?

The goal of sanctification

Kaya nga pagkatapos sabihin ni Paul sa verses 5 at 8 na patayin at hubarin na ang mga natitira pang kasalanan sa puso natin, sinabi naman niya na dapat nating isuot ang bagong pagkatao natin, the new self. Simula verse 12 sabi niya, “Put on then…”, hanggang chapter 4, iisa-isahin ni Pablo ang magagandang katangian o bunga sa buhay ng isang taong nakay Cristo. Na ito ang bagong buhay natin, dahil naniniwala tayong si Cristo ang lahat-lahat (v. 11), wala nang kulang.

Ang prosesong ito sa buhay Cristiano ay tinatawag na sanctification. What’s the goal? Unti-unti tayong binabago ayon sa wangis ni Cristo, “being renewed in knowledge after the image of its creator” (v. 10). Oo, nilikha tayo sa larawan ng Dios (Gen. 1:26), at ang purpose natin sa buhay ay “to glorify him,” na ipakita ang image niya sa mga tao na beautiful and worthy of praise. Pero dahil sa kasalanan, “we fall short of the glory of God” (Rom. 3:23), ipinagpalit natin ang Dios na lumikha sa atin sa mga bagay na pareho din naman nating nilikha ng Dios (Rom. 1:23).

Dahil kay Cristo, “the image of the invisible God” (Col. 1:15), sa pamamagitan ng kanyang kamatayan at muling pagkabuhay, tayo ngayon ay “new creation” (2 Cor. 5:17). At unti-unting binabago para maging katulad ni Cristo (Col. 3:10; 2 Cor. 3:18). This is God’s goal for us, kaya nga niya tayo pinili (Rom. 8:29). Iyon ang ibig sabihin ng “all things work together for good” (v. 28), na sa anumang nangyayari sa buhay natin, mahubog tayo at maging tulad ni Cristo. At sa pagdating ni Cristo, kapag nakita natin siya nang mukhaan, we shall be like him as he is (1 John 3:2).

God’s goal in our sanctification is our Christ-like transformation. Ang tanong, yan din ba ang goal mo sa buhay? Yan ba ang pangarap mo? O mas maging tulad ng mga taong mayaman, sikat, makapangyarihan sa lipunan?

Dahil merong ganitong goal – to be like Christ – ibig sabihin dadaan tayo sa isang mahabang proseso. “Being renewed…” Continuous yan. Life-long process ang sanctification. Ayaw nating naririnig ang salitang proseso, kasi mahaba yan, masalimuot, maraming challenges na pagdadaanan. Gusto kasi natin instant solution. Gusto kasi natin, sa prayer nga natin, “Lord, sana mawala na lahat ng mga struggles ko ngayon din!” We need to be patient with ourselves. Dapat magpasensya din tayo sa iba, lalo na sa mga bago pa lang na Christians. Lahat po tayo nasa proseso.

Masalimuot. Mahirap. Pero ang good news, hindi ito nakadepende sa sarili nating gawa. Sanctification is God’s work in us, through the Holy Spirit in us. “…being renewed…” Binabago tayo ng Dios. Hindi tayo ang bumabago sa sarili natin. Hindi rin natin kayang baguhin ang puso ng ibang tao. Sariling puso nga natin di natin mabago, ibang tao pa kaya! Kaya nga ang mga karakter na binanggit ni Paul sabi niya na ito ay “bunga ng Espiritu” (Gal. 5:22-23). At sa transformation natin sabi ni Paul, “this comes from the Lord who is the Spirit” (2 Cor. 3:18). Gawa ng Dios, oo, pero hindi ibig sabihin na wala na tayong role or responsibility. Oo, hindi sariling gawa natin, kundi ang pagtitiwala sa ginawa na ng Dios at gagawin ng Dios para sa atin.

Gospel identity

At isang mahalagang strategy na dapat nating gawin ay ang tinawag ni Jerry Bridges na “preaching the gospel to ourselves everyday.” Last week, binigyang diin na natin na sa laban natin para patayin ang kasalanan, dapat na ipreach natin sa sarili natin ang gospel identity natin, o kung sino na tayo ngayon dahil kay Cristo na nasa atin. Meron na tayong bagong buhay dahil kay Cristo, bagong relasyon sa Dios dahil kay Cristo, pinatawad na tayo sa lahat ng kasalanan natin, tiyak na ang tagumpay natin, patay na tayo sa dati nating pagkatao na alipin ng kasalanan, ang buhay natin nakatago na kay Cristo sa langit, si Cristo na ang buhay natin at lahat-lahat para sa atin. Yan ang bago nating pagkatao. Di na mababago iyan, di na mababawasan. Garantisado na iyan.

Ang panawagan ngayon ni Pablo ay mamuhay tayo ayon sa bago nating identity. Sabi niya sa verse 14, “Put on then…” Sa MBB at ASD, pautos lang ang dating dito, di makikita ang image na ginamit ni Paul. Pero sa version ng Ang Biblia, malinaw, “Magbihis kayo…” Naghubad ka nga ng maruming damit – at iyan ang image sa kasalanan at paglaban sa kasalanan. Pero ano naman ang ipapalit mo? Di naman pwedeng nakahubad ka lang. Ang idadamit mo ay damit na hindi lang malinis, kundi presentable, fit for the occasion. Pupunta ka sa Baguio, tapos ang suot mo pang-beach? Pupunta ka sa kasalan, tapos naka-shorts ka lang? Aattend ka ng Sunday service, tapos nakapantulog ka?

Hindi lang fit for the occasion, kundi sakto din kung sino ka na ngayon. Dati pulubi ka, ang damit mo pang-pulubi. Pero inampon ka na ng Hari. Mayaman ka na. Anak ka na ng Hari. Sa palasyo ka na nakatira. Dress up like a prince or a princess. Meron ka nang bagong identity. Ipamuhay mo kung sino ka. Si Cristo na ang lahat-lahat sa iyo, mamuhay ka na tulad ni Cristo.

Napakahalaga kay Pablo nitong “gospel identity” bilang motivation sa pamumuhay Cristiano, that our life is shaped by the gospel and our gospel identity. Kaya nga bago niya sabihin kung anu-anong katangian ang dapat na makita sa atin, ipinaalala na naman niya kung sino na tayo dahil kay Cristo. Verse 12, Put on then, as God’s chosen ones, holy and beloved…

Tatlong realidad ang binanggit niya dito. Una, tayo ay pinili ng Dios, chosen. Pinili ka ng Dios na maging kanya. Hindi ikaw ang pumili sa kanya. Anong meron ka na wala ang iba? Wala. Wala naman sa iyo ang kundisyon kung bakit ka pinili ng Dios. Hindi dahil mas magaling ka o mas mabuti ka o mas karapat-dapat ka o mas malaki ang potensyal mo. Pinili ka nga niya bago pa man likhain ang mundo. Noon pa man, nasa isip ka na ng Dios. Wala kang maipagmamalaki sa buhay mo. Wala kang iniambag sa kabutihan niya sa iyo. He chose to save you unconditionally. It is all of his grace. Kung ganito ba naman ang laki ng ginawa para sa iyo ng Dios, paano ang magiging tingin mo sa sarili mo? O sa ibang tao?

You are holy. Nakapangingilabot pakinggan. Parang di makapaniwala ang asawa mo. Pero kung nakay Cristo ka, yan ang totoo. Oo marami ka pang kasalanang nilalabanan at sa totoo lang ay hindi ka pa banal. Pero positionally, sa pagtingin ng Dios sa iyo, matuwid ka, banal ka. Dahil si Cristo, The Righteous One, ay nasa iyo. Ibig sabihin ng holy ay set apart, ibinukod o ihiniwalay sa kasalanan at sa sistema ng mundong ito. Ang takbo ng buhay natin, ang lifestyle natin, ang inaasahan natin wala na sa mundong ito. Ang goal natin sa buhay ay hindi makiuso sa takbo ng mundong ito kundi maging tulad ni Cristo. Kung yan ang identity mo, maiinggit ka ba sa ibang tao kapag sila merong ganito samantalang ikaw ay wala? Ano na ang magiging attitude mo sa kasalanan lalo na iyong may kinalaman sa sexuality kung ang mga tao sa paligid mo okay lang ang mga iyon? Tandaan mong nakabukod ka na. Iba ang buhay mo. Hindi sila ang pamamarisan mo.

 

You are beloved. Hindi ikaw ang unang nagmahal sa Dios. Kaaway nga ang turing mo sa kanya dati. Pero sa kabila noon, minahal ka ng Dios. Hindi lang sa pagsustento sa pangangailangan mo araw-araw. Kundi nang ibinigay niya ang Anak niyang si Jesus para sa iyo, napakalaking pagmamahal ang pinadama sa iyo. Di ka naman karapat-dapat. Grabe ang pag-ibig niya. Walang katulad. Di mo na pwedeng sa sabihing,  “Wala namang nagmamahal sa akin.” Tapos kung ang asawa mo o anak mo o kung sino man ang malaki ang pagkukulang sa iyo at di matumbasan ang pagmamahal mo, di ka hahanap ng iba, di ka magagalit, di ka magtatanim ng sama ng loob o maghihiganti dahil alam mong kahit kailan di nagkulang ang pagmamahal ng Dios sa iyo.

This is grace. Anumang effort natin sa pagsunod sa Dios dapat driven o motivated ng biyaya ng Dios sa atin. Gagawin natin ang lahat ng ito hindi para mahalin tayo ng Dios, o maging katanggap-tanggap sa kanya. Gagawin natin ito dahil pinili na tayo, tinanggap na tayo, minahal na tayo.

Gospel transformation

Dahil diyan, dahil meron na tayong bagong pagkatao, magkakaroon ng pagbabago sa puso natin. Hindi man agad-agad, pero at least unti-unti, araw-araw. Binanggit ni Pablo sa verses 12-14 ang walong katangian ng isang Cristianong binabago ni Cristo, para maging katulad ni Cristo. Lahat ng katangiang ito may kinalaman sa relasyon. Kasi nga naman we are all relationally broken. Broken ang relasyon natin sa Dios, pero naayos na dahil kay Cristo. At itong vertical relationship natin with God dumadaloy sa horizontal relationships natin with other people.

Hangga’t inaalala natin kung sino na tayo ngayon dahil kay Cristo, mas nagiging intentional tayong i-work-out anumang relasyon na meron tayo. At pansinin n’yong lahat ng ito ay hindi lang para sa mga taong gusto natin, kundi lalo na sa mga taong ayaw natin, di natin type ang ugali, hirap tayong pakisamahan, may atraso sa atin. Ito ang katangiang dapat meron tayo sa mga taong makasalanan, mga taong katulad din naman natin na makasalanan din.

Heto ang walong katangian ni Cristo na dapat ibihis din nating mga Cristiano.

Compassionate hearts. Nakikita mo at nararamdaman ang pangangailangan ng mga taong nangangailangan – maaaring pinansyal, sa health nila, o emotional o spiritual. Nararamdaman kaya nga puso ang larawang ginagamit natin. Pero sa Greek, bowels ang gamit, o iyon bang mga bituka at kaloob-loobang bahagi ng katawan. Nararamdaman mo ba ang pangangailangan ng ibang tao? O puro pangangailangan mo lang ang idinadaing mo?

Kindness. Ang nararamdaman mo, ineexpress mo, pinapadama mo sa iba. Meron kang tulong na iniaabot – materyal, pahanon, lakas, presence, listening ears. Kung ang compassion, nasasaloob mo, ito naman may kongkretong aksyon na pinapakita. Puro ka lang ba, “Nakakaawa naman siya/sila,” at wala ka man lang hakbang na ginagawa samantalang may magagawa ka naman?

Humility. Ipinapalagay mo ang sarili mo na mas mababa kesa sa iba, di mo pinapangalandakan ang katayuan o kakayahan o accomplishments mo. Iniisip mo muna ang interes ng iba bago ang sarili. Meron ka bang tamang pagtingin sa sarili mo? Kanino mo ibinibigay ang credit sa mga magagandang nangyayari sa buhay mo? Madali ka bang umamin kung nagkamali ka o sinisisi mo ang iba?

Meekness. Kung ang humility ay kababaang-loob, ito namang meekness ay ang nakikitang kababaang-loob, sa mannerism, sa pag-asta, sa pagpaparaya. Maamo, mahinahong magsalita, hindi para bang laging pasugod o palaban. Gumagaan ba ang loob ng mga taong nakakalapit sa iyo? Madali ka bang lapitan? Hindi ba ilag ang mga tao sa iyo? Madali ka bang pakisamahan?

Patience. Pagtitiyaga sa isang taong nagkasala sa iyo, o di man nagkasala pero di mo gusto ang pagkilos, personality o pananalita. Sa mahabang panahon. Hindi minsanan lang. Kaya nga ang old English nito ay “longsuffering.” Pagtitiis ng hirap, ng sakit, ng kakulangan ng ibang tao. Hindi basta sumusuko at humihinto. Gusto mo na bang mamatay? O ang gusto mong mamatay ay ang mga tao sa paligid mo na feeling mo nagiging pabigat sa buhay ko?

Bearing with one another. Pagpapasensiya, o iyong nakikitang patience, sige na nga, pagbibigyan kita, pakikisamahan kita. Iyong di ka basta-basta umaalis sa church o sa bahay dahil lang ayaw mo ng ugali ng iba. Pinag-aaralan mo kung paano sila pakikisamahan at paano ka mag-aadjust. Gumagawa ka ng paraan, kahit mahirap, basta maging ayos ang relasyon n’yo. O mas gugustuhin mo na lang tumakas o palayasin kung sino man ang tao na ayaw mo ng ugali o nagkasala sa iyo?

If one has a complaint against another, forgiving each other; as the Lord has forgiven you, so you also must forgive. Magkakasala’t magkakasala ang ibang tao sa atin, pero hindi tayo dapat magtanim ng sama ng loob. Dapat sanay tayong magpatawad. Hindi natin sisingilin o gagantihan ang mga taong maysala sa atin. Kapag minor sin lang, pwede namang i-overlook. Kung major sin naman at nakakaapekto sa relasyon n’yong dalawa, kausapin mo, ipakita mo ang kasalanan niya, humingi ka rin ng tawad sa kasalanang nagawa mo at magpatawaran kayo sa isa’t isa. Pag-aralan n’yo ulit ang sermon series natin na The Peacemaker. At lagi nating binibigyan diin doon na tumingin tayo sa Krus ni Cristo. At iyan din ang paalala ni Pablo. “As the Lord has forgiven you.” Gusto mo patawarin ka ng Dios? Pero bakit ayaw mong magpatawad sa iba? Naranasan mo ba talaga ang pagpapatawad ng Dios? O baka hindi pa?

And above all these put on love, which binds everything together in perfect harmony. Maaaring ibig sabihing ang “love” ang nagbubuklod sa bawat isa sa atin sa church (tulad ng mga Tagalog versions), na totoo naman. O itong “pag-ibig” ang sumasakop sa lahat ng katangiang binanggit niya. Kaya nga sabi ni Paul na ito ang “greatest” (1 Cor. 13:13), at sa listahan ng bunga ng Espiritu, ito ang nasa unahan (Gal. 5:22).

Ang pag-ibig ay ang damdaming nagpapakita at nagbibigay kung ano ang “best” para sa isang tao. Yes, act of love kung nagbibigay ka ng oras sa asawa mo, kung nagbibigay ka ng respeto sa asawa mo, kung ibinibigay mo ang mga pisikal na pangangailangan ng anak mo. Pero kung kumbinsido kang si Jesus lang ang kailangan mo, he is everything you need, ibig sabihin ang tunay na pag-ibig ay ang tumutulong sa ibang tao – pamilya mo man o hindi – na makilala nila si Cristo at magkaroon ng magandang relasyon sa kanya. Maibigay mo man ang lahat ng kayamanan sa ibang tao, kung ipagkakait mo naman sa kanya si Cristo na nasa iyo, that’s not love. Anong binibigay mo sa asawa mo? Anong binibigay mo sa anak mo? Si Cristo ba?

Put on Jesus

Mahihirapan kang ipractice ang mga ito kung titingnan mo ang mga pagkakamali at pagkukulang ng iba, at sasabihin mong di sila deserving. Tumingin ka nga sa salamin, at ipakita sa iyo ng Dios kung paanong ikaw din ay napakalaki ng pagkukulang.

Kanino ka ngayon titingin? Kay Jesus! Dahil nga ang pagbabago natin ay nangyayari “in knowledge” (v. 10), habang mas nakikilala natin si Cristo, habang pinagmamasdan natin siya (“beholding the glory of the Lord,” 2 Cor. 3:18). Kaya sinabi ni Pedro, “Grow in the grace and knowledge of our Lord and Savior Jesus Christ” (2 Pet. 3:18). Sabi pa ni Pablo, “Put on the Lord Jesus Christ” (Rom. 13:14). Mabibihisan lang natin ang sarili natin ng mga katangiang ito kung si Cristo ang isusuot nating damit.

Kung siya lang ang pagmamasdan mo. Bakit? Kasi naman, lahat ng karakter na pinag-usapan natin nakay Cristo. And he possesses all of them perfectly. Siya ang Perpekto, wala kahit anumang kulang sa kanyang pagka-Dios at pagka-Tao. He is the Chosen One, ang Mesias. He is the Holy One. He is the Beloved Son of God, with whom he is well-pleased. Siya ang perfect Image of God.

Dahil diyan, pagmasdan mo ang compassion niya, kung paanong kinahabagan niya ang mga mahihirap at maysakit, ang Samaritana na imoral hindi niya itinakwil kundi inalok ng Tubig na papawi ng kanyang uhaw. Look at his kindness. Pinakain niya ang nagugutom, pinagaling ang maysakit, nakikisalo siya sa mga mababang uri sa lipunan.

Look at his humility and meekness. Diyos siya. Pero nagpakababa siya at naging tao, at parang isang alipin. Hinugasan pa niya ang paa ng mga tagasunod niya para ipakita ito. Hinayaan niyang ipahiya siya sa krus para sa atin. Naparito siya di para paglingkuran kundi para maglingkod. Kahit na nilalait siya, para siyang tupang kinakatay na di umiimik. Sabi niya, “Learn from me. For I am meek and lowly in heart. ”

Look at his patience and forebearance. Nagpapatuloy siya sa pagtuturo at paggawa ng himala kahit maraming di naman naniniwala sa kanya. Ilang taon niyang kasama at tinuturuan ang mga disciples niya kahit na marami silang mga kapalpakan at hirap na hirap matutunan ang aral niya.

Look at his forgiveness. Siya na ang pinagkakautangan, siya pa ang nagpatawad. Siya na ang nagbayad ng utang natin. Maging sarili niyang buhay ipinambayad niya. Sinabi niya sa krus, “Ama, patawarin mo sila sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”

Look at his love. Ibinigay niya sa atin ang kailangan natin. Ang the best para sa atin. Hindi pera. Hindi tao. Hindi ambisyon. Ibinigay niya ang sarili niya. Because by giving himself, he gave us what we really need, everything we need. That’s the greatest love of all.

Mamili ka kung kanino ka titingin, kung sino ang panonoorin mo. Kung kay Yaya Dub ka mahuhumaling at siya ang lagi mong papanoorin, magiging katulad mo si Yaya Dub. Kung hangang-hanga ka sa tatay mo, at siya ang lagi mong papanoorin, o kahit nga galit ka sa kanya pero siya ang lagi mong nasa isip, kahit sabihin mo pang di mo siya tutularan, magiging katulad ka rin niya. Tandaan mo, nagiging tulad tayo ng taong pinanonood natin, at pinagtitiwalaan nating kung magiging tulad natin siya – mayaman, sikat, maganda, influential – malulubos ang buhay natin. Pero kung alam nating ang buhay natin ay malulubos lang sa pamamagitan ni Cristo, siya ang ating panonoorin. At habang pinapanood natin siya – sa kanyang mga salita, sa pagbubulay natin, sa pagsamba natin, at siyang pinag-uusapan natin – magiging katulad tayo ng Panginoong Jesus. Look to him more and more. And you will become like him more and more.

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.