Kung tayo ay nakay Cristo, pinatawad na ang lahat ng ating mga kasalanan. Pero alam din natin, sa karanasan natin, araw-araw pa rin tayong nakakagawa ng kasalanan. Pero ang kaibahan sa mga wala pa kay Cristo, lumalaban tayo sa kasalanan sa pamamagitan ni Cristo na nasa atin.
Merong mga maling paraan ng paglaban sa kasalanan. Akala natin makukuha sa dami ng sermon o pangaral ang laban sa kasalanan. Di ba’t ganyan ang alam nating approach sa mga anak natin? Kapag palaging nagkakamali o sumusuway, sangkatutak na sermon din ang ibabato natin. Pero hangga’t di nababago ang puso ng isang bata, di talaga iyan matututong sumunod.
Akala din natin makukuha sa pananakot. Sasabihin natin, “Hala ka…” O kaya naman bibigatan ang parusa, lalakasan ang palo. Pagdating sa paglutas sa mga krimen ganoon din. Tataasan ang sintensya o multa. Pero kahit gaano kagandang mga batas ang gawin sa Pilipinas, kahit ieducate pa ang lahat, kahit sangkatutak na paalala, di pa rin natin malalabanan ang kasalanan.
Akala din natin makukuha sa pagpapakita ng magandang halimbawang dapat tularan. Oo nga’t may mga problema tayo sa relationships, sa love life, sa sexual purity, ang solusyon diyan ay wala sa panonood ng KalyeSerye ni Alden at Yaya Dub. Magandang values nga naman ang mapapanood, tungkol sa panliligaw, tungkol sa paggalang sa matanda, at kung anu-ano pa. Pero hanggang doon lang iyon. Walang kapangyarihan ang fictional entertainment na bumago sa atin. Kailangan natin ang realidad, ang katotohanan, ang gospel o Magandang Balita ni Cristo.
At iyan ang focus natin sa first two chapters ng Colossians. At last week, dahil transitional ang Colossians 3:1-4, ipinaalala sa atin ang tungkol sa kadakilaan ni Cristo, kasapatan ni Cristo, at kung sino na tayo ngayon sa pakikipag-isa sa kanya. Siya ang ating buhay. Siya ang lahat-lahat sa atin. Kumpleto na tayo dahil kay Cristo. Since last week, nagsimula na tayong pag-usapan kung ano ang klase ng buhay ng isang taong nakakabit kay Cristo. In light of who Christ is and who we are in Christ, how should we then live? Ano ang bungang makikita sa buhay ng isang taong nakaugat ang buhay kay Cristo?
Our Identity in Christ (3:5, 11)
Kaugnay ng tanong na ito ang tanong na, Paano natin lalabanan ang mga natitira pang kasalanan sa buhay natin? Merong tatlong imperatives or exhortations si Pablo sa Colossians 3:5-11. Put to death…Put away…Do not lie. Pareparehong tumutukoy sa laban natin sa kasalanan. Parepareho ding nakaugat sa kung sino na tayo ngayon kay Cristo. Hindi dami ng pangaral o sermon ang kailangan natin, hindi pananakot, hindi rin magandang halimbawa. Ang kailangan natin sa labang ito ay alalahanin kung sino si Cristo at kung sino tayo in relation to him.
Mahalaga ang laban sa kasalanan at ang pagsunod sa utos ng Diyos. Pero wag nating kalimutan na hindi sa atin nakasalalay ang pagtanggap o approval o pagtingin ng Dios sa atin. Kundi sa ginawa na ni Cristo para sa atin at sa identity natin sa pakikipag-isa sa kanya. Kung iisipin nating nakadepende ang relasyon natin sa Dios sa gawa natin, legalism ang tawag diyan. It is anti-gospel.
Kaya simula ni Paul sa verse 5, “Put to death therefore…” Pag-usapan muna natin ang halaga ng salitang “therefore” o “kaya.” Ang mga sasabihin niyang dapat nating gawin ay nakaugat sa ginawa na ni Jesus para sa atin. Ang sandata natin sa laban sa kasalanan ay si Cristo na siyang nasa atin. Ang buhay Cristiano dapat nakasentro kay Cristo. Ang bunga ng pamumuhay natin ay nakaugat sa gawa ni Cristo para sa atin. Our sancification is grounded on our justification. We don’t move away from the gospel, we go deeper into the gospel. Totoo ito sa laban natin sa kasalanan. Totoo din ito sa kung paano natin bibihisan ang sarili natin ng katangiang tulad ni Cristo (3:12-14), makikipagrelate sa isa’t isa sa church (3:15-17), sa asawa at mga anak sa bahay (3:18-19), sa trabaho, at sa buong mundo. Ang buhay Cristiano ay nakadepende sa pakikipag-isa natin kay Cristo. The gospel changes everything in our life.
Our heart is so slow to believe our real identity in Christ. Kaya sa verse 11, ipinaalala na naman ito ni Pablo: “Sa bagong buhay na ito, wala nang ipinagkaiba ang Judio sa hindi Judio, ang tuli sa hindi tuli, ang sibilisado sa hindi sibilisado, at ang alipin sa malaya, dahil si Cristo na ang lahat-lahat, at siya’y nasa ating lahat.” Ipinapaalala dito ni Pablo na sa ating mga Cristiano o sa buhay ng isang Cristiano, ito na ang totoong katayuan o kalagayan natin.
Wala na sa lahi ang identity natin – Judio man o hindi. Hindi tayo mas superior o inferior sa iba dahil sa pagka-Pilipino natin. Mataas ang posisyon natin dahil tayo ay nakay Cristong nakaupo sa kanang kamay ng Dios (Col. 3:1).
Wala na sa performance natin ang identity natin. Kung tuli, para sa mga Judio, insider ka sa covenant community. Kung hindi, outsider ka. Distinction ito kung sino ang malinis at marumi, kung sino ang tanggap at pinagpapala ng Dios at kung sino ang hindi. Dahil Cristo, hindi na religious performance natin ang basehan ng pagtanggap ng Dios sa atin kundi ang pagsunod ni Jesus sa Dios sa buong buhay niya hanggang kamatayan.
Sibilisado o di-sibilisado, sa literal ito ay “barbarian, Scythian.” Ang barbarian mga di sibilisado, mga walang pinag-aralan, kung umasal parang di mga tao, asal hayop. Ang Scythian itinuturing nilang pinakamasahol sa lahat ng mga barbarians. Oo nga’t aminin nating makasalanan tayo, pero we feel good kapag may mga nagkakamali, masama ugali o garapal na makapal na mukhang politiko. Ang katayuan natin ay di na nakadepende sa pangkumpara natin sa iba o sa pagtingin ng iba kundi sa pakikipag-isa natin kay Cristo at sa pagtingin sa atin ng Dios ng tulad lay Cristo.
Ang mga alipin ay naglilingkod at nakadepende sa mga amo nilang malaya at mayaman. Ang primary identity natin ay di na nakakabit sa estado natin sa lipunan, o kakayahan nating pinansiyal, kundi sa kalayaan, kayamanan at kapangyarihang nasa atin na dahil kay Cristo.
“…but Christ is all, and in all.” Si Cristo ang lahat-lahat, siya ang pinakadakila sa lahat. Lahat ng nakay Cristo ang may pinakamataas na antas ng kalagayan. Wala na tayong ibang posisyon na dapat ambisyunin pa. Si Cristo ay sapat para sa lahat. Lahat ng kailangan natin nasa atin na. Wala nang kulang sa buhay natin. Wala na tayong ibang dapat hanapin pa. Ang mga ads sa TV paulit-ulit, para kulitin ka at kumbinsihin kang ito ang kailangan mong bilhin. Si Pablo paulit-ulit din para kumbinsihin tayong ito ang dapat nating paniwalaan. At kung ito ang pinaniniwalaan mo, ito ang ipanlalaban mo sa mga kasalanang natitira pa sa iyo.
Our Identity and Fighting Sexual Sins (3:5-6)
“Put to death therefore what is earthly in you.” Heto ang unang utos. Kung ang identity natin ay nakay Cristo, kung siya ang ating buhay, anong dapat gawin? Patayin ang anumang natitirang kasalanan. Ginamit niyang larawan ang “what is earthly” para contrast ito sa “heavenly” sa nakaraang bahagi. Kung ang hangad natin ay si Cristo na nasa langit, patayin na natin ang anumang hangaring makamundo. Hindi dahil ang mundong ito ay masama, kundi kung aakalain nating ang buhay natin ay dito magkakaroon ng kasiyahan o kabuluhan, nagkakamali tayo.
Ang image na ginamit dito ni Paul ay violent and ugly. Patayan ang labang ito. Hindi ito laro. Hindi ito pa-easy-easy lang. This is war. Hangga’t di pa nagiging nabubulok, naaagnas, at umaalingasaw sa baho na bangkay ang hangarin nating makasalanan, di pa tapos ang laban. Ang tunay na Cristiano nakikipagpatayan sa kasalanan hanggang kamatayan.
Anong kasalanan ang una niyang binanggit? “…sexual immorality, impurity, passion, evil desire, and covetousness.” Limang kasalanan ang tinukoy niya dito. In general, pwede nating ilagay ang mga ito sa kategorya ng mga sexual sins. Pero ang mga salitang ginamit ni Paul dito ay sumasakop sa iba pang sins of desire, iyon bang hinahangad natin ang mga bagay na di naman sa atin sa pag-aakalang ang mga iyon ang makapagbibigay sa atin ng kasiyahan o kabuluhan sa buhay. At dahil inuna niya dito ang mga sexual sins, ibig sabihin major issue ito sa Colosas. Ganun din sa Pilipinas. Dapat pag-usapan natin at wag mahiya at matakot na pagusapan kasi kailangan.
- Sexual immorality. Galing sa porneia kung saan nanggaling ang salitang porn o pornography. Tumutukoy ito sa anumang paglabag sa disenyo ng Dios sa sex na sapat ay intimate relationship para lang sa mag-asawa – tulad ng adultery, pre-marital sex, masturbation.
- Impurity. Anumang gawa o isipang marumi at di kaaya-aya sa Dios. Di ka nga nakipagtalik sa di mo asawa, kung ginawa mo naman ito sa isip mo, ganun din iyon. Kasama dito ang pornography at sexual fantasies o lustful thoughts.
- Passion. Ito ang kahalayan. Nararamdaman mong parang di mo makontrol. You want to be satisfied sexually. Pipilitin mong makuha kahit walang consent ng partner mo o kung may consent man di mo naman asawa, tawagin mo man iyon na making love kasalanan pa rin iyon. At para sa maraming walang opportunity for sex, magsasariling sikap na lang.
- Evil desire. Di naman masama ang sexual desires. Nilikha naman kasi tayo ng Dios na mga sexual beings. Pero kung sarili mo lang ang iniisip mo at di naman hangad ang interes o ikabubuti ng iba, that’s evil.
- Covetousness. O greed o kasakiman. Madalas iniisip natin ito tungkol sa materyal na bagay o sa pera. Kasama rin iyon. Ganoon din sa sexual sins. Kasi hinahangad natin ang di naman para sa atin. Sinasabi nating di tayo kuntento sa buhay natin at kailangan natin ang mas maraming pera o ang halik at yakap ng isang tao para makumpleto ang fulfillment natin sa buhay. Paglabag ito sa ika-10 utos.
At ito ang sabi ni Pablo tungkol dito, “…which is idolatry.” Seryosong usapan ‘to. Heto ang ugat ng kasakiman, ugat din ng limang ito at lahat ng sexual sins, at ugat din naman ng lahat ng kasalanan. Ang paglabag sa utos na “you shall not covet” at “you shall not commit adultery” ay paglabag sa unang utos – “you shall have no other gods before me.” Sabi nga ni JD Greear, kung gusto mong mawala ang maitim na usok sa isang siga, di mo papatayin ang usok kundi ang apoy na pinanggagalingan nito. Ang mga sexual sins o anumang evil desires ay idolatry dahil ang isang tao o isang bagay ay pinagtitiwalaan nating makapagbibigay sa atin ng pleasure and satisfaction na Dios lang ang makapagbibigay.
Ang tanging paraan para patayin ang anumang apoy na dulot ay sexual sin ay buhayin o pag-alabin ang apoy ng damdamin natin para sa Dios. Bawat kasalanan ay failure of worship. Kaya kung mainit ang pagsamba natin sa Dios at naniniwala tayong siya lang ang kasiyahan natin at sa kanya lang natin mararanasan ang intimacy na hinahanap natin, unti-unting mamamatay ang apoy ng damdamin nating makasalanan hanggang tuluyan na itong maglaho.
May warning si Paul sa verse 6, “On account of these the wrath of God is coming.” Pero hindi ibig sabihing tinatakot tayo. Oo nga’t God hates idolatry. Ayaw ng Dios na may kapalit at karibal. Dahil sa kasalanan natin, nararapat lang na parusahan tayo ng Dios. Ipinagpalit natin siya na lumikha sa atin sa mga bagay na nilikha din niya. Poot ng Dios ang nag-aabang sa atin, pahiwatig din ni Pablo sa Rom. 1:18-25. Ito ang nag-aabang sa mga taong nagpapakasasa sa kahalayan at nahuhumaling sa mundong ito.
Pero salamat kay Cristo, inako niya ang poot ng Dios para di na tayo mahahatulan ng Dios (Rom. 8:1). Wala na tayong makikita pang pag-ibig na tunay at magpawalanghanggan na tulad nito. Bakit mo nga hahanapin sa ibang lalaki o babae ang pagmamahal na sa Dios mo lang matatagpuan? Oo nga’t nahuhulog pa rin tayo sa mga ganitong kasalanan, pero ang kaibahan nating mga nakay Cristo sa iba, lumalaban tayo sa biyaya ng Dios na patayin ang mga natitira pang kasalanan sa atin.
Our Identity and Fighting Relational Sins (3:7-8)
Hindi lang sexual sins ang pinag-uusapan dito, kundi lahat ng klase ng relational sins. At sa anumang laban, lagi niyang pinapaalala kung sino na tayo ngayon, na di na katulad ng dati. Verse 7, “In these you too once walked, when you were living in them.” Lumalaban tayo nang patayan dahil di na ang mga ito ang buhay natin. Dati oo, pero ngayon hindi na. Dati akala natin doon natin makukuha ang hinahanap natin. Pero ngayon, ibang landas na ang nilalakaran natin. Kaya simula niya sa verse 8, “But now..” Dati namumuhay tayo sa kasalanan pero iba na ngayon. Lumalaban na tayo sa kasalanan. Dati yumayakap tayo sa mahalay nating pagnanasa, pero ngayon tumatalikod na tayo dito.
Heto ang dapat nating gawin, “…you must put them all away.” Heto ang pangalawang utos ni Pablo sa vv. 5-11. Sa una, patayin. Dito ganoon din naman. Ibang imahe lang ang ginamit niya. To renounce or cast away. Parang isang kayamanan, pero ngayon basura na. Parang isang lover na kinakapitan, pero ngayon kinamumuhian na.
Anong tatalikuran na natin at papatayin din sa labang ito? “…anger, wrath, malice, slander, and obscene talk from your mouth.” Lima ulit ito. Kung ang naunang set ay more on sexual sins, ito naman relational sins. Lahat tayo may problema sa relasyon sa iba. Kaya nga sa mga susunod na bahagi ng sulat niya tatalakayin niya ang relasyon natin sa church, sa pamilya, sa trabaho, sa ibang tao, sa mundo. Baka naman kasi isipin ng iba na hindi naman sila nagiistruggle na sexually. Oo nga, pero hindi ibig sabihing mas mabuti ka kesa sa iba. Na wala ka nang masyadong kasalanang nilalabanan. Hangga’t may natitira pang kahit isang kasalanan, di pa tapos ang laban. Pansinin ang “whatever” sa v. 5 at dito sa v. 8 ay “all”.
- Anger. Ito ang damdamin natin na may galit dahil sa ginawang masama ng isang tao sa atin o hindi ginawa na inaasahan nating gawin nila. Meron namang tamang galit, kung ang intensyon natin ay ang karangalan ng Dios at ang kapakanan ng ibang tao. Pero karamihan ng galit natin ay makasalanan. Ang Dios lang ang may karapatang magalit, magparusa at humatol. Hindi tayo Dios.
- Wrath. Ang galit, maitatago pa. Pero ang poot ay galit na di na makontrol. Nakikita sa mata, lumalabas sa bibig, nararamdaman sa bigat ng kamay. Narito na ang intensyon nating gawin ang lahat ng magagawa natin para maghiganti. Again, Dios lang ang may karapatan nito. Hindi ka Dios.
- Malice. Ill-will. Di mo man magawa o maisakatuparan, pero sa loob-loob mo gusto mo siyang saktan. Di man ikaw ang manakit, pero wish mo lang mapahamak siya o magkaloko-loko ang buhay niya o mawala na siya sa mundo.
- Slander. Paninirang puri. Galing sa salitang katumbas din ng blasphemy. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pananalita o pagsulat o pagpaparinig sa Facebook para ibagsak ang isang tao o masira o bumaba ang tingin sa kanya ng iba. Kasama din dito ang tsismis tungkol sa kapalpakan o pagkakamali ng iba. Pati na rin ang sobrang pagbabatikos sa isang pulitiko o opisyal na wala nang galang, wala namang sapat na basehan at ipinapalagay na ang pagkakamali niya ay siya nang buo n’yang pagkatao. Tandaan nating ang tao kahit sino pa iyan ay nilikha sa larawan ng Dios.
- Obscene talk. Anumang masamang pananalita. Di man laban sa ibang tao pero salitang di naman nakakatulong. Kasama rin dito ang pagmumura, pagsasalita ng kabastusan, at walang paggalang.
Kung ang sexual sins ay nagsasabing “kailangan kita, gusto kitang makuha para maging masaya ako,” ito naman ay, “Binigo mong gawin ang gusto ko, di mo naibigay ang kailangan ko, ayoko na sa iyo.” Parehong pagka-makasarili ito. Ang nais ng Dios ay mahalin ang kapwa tao, hindi gamitin para sa sarili nating kapakanan.
Ano ang kinalaman nito sa identity natin kay Cristo? Kung di man natin nakuha sa iba ang gusto natin, aalalahanin nating ang lahat ng kailangan natin ay nakay Cristo. Kung sinaktan man tayo ng iba, alam nating may nagmamahal sa atin kay Cristo. Kung masama man ang tingin sa atin ng iba at pinagsalitaan tayo ng masasakit, panatag tayo sa pagtingin ni Cristo at sa kanyang pagtanggap sa atin.
Our Identity and Fighting Falsehood (3:9-10)
Verse 9, “Do not lie to one another.” Heto ang ikatlong utos sa section na to sa vv. 5-11. Kung bakit ihiniwalay ito sa nakaraang listahan ay nagpapakita ng kahalagahan ng pagsasalita ng katotohanan. Paglabag ito sa isa sa sampung utos. Ang Dios ay Dios ng katotohanan. Jesus is the truth. Kung nakay Cristo tayo, ang mga salita natin ay dapat na totoo. Kung nagsisinungaling ka, ginagaya mo si Satanas, the father of lies.
Kasama sa pagsisinungaling ang pandaraya sa presyo ng paninda, o kung tamang presyo man, pero exaggerated ang presentation ng product para lang makabenta. Pati na rin ang pandaraya sa income tax. Pati na rin ang paglilihim sa asawa o sa magulang ng mga dapat nilang malaman. O paglilihim sa church ng mga secrets ninyo para akalain ng iba na OK kayo, pero hindi naman.
Bakit tayo nagsisinungaling? Para proteksyon ang sarili nating reputasyon o kapakanan. We love ourselves too much. Kung sa sexual sins, sinasabi natin, “Gusto kitang makuha,” sa relational sins naman, “Ayoko sa iyo,” sa pagsisinungaling ay, “Gustung-gusto ko ang sarili ko. Gagawin ko ang lahat para maproteksyunan ang reputasyon at kapakanan ko.” Again, it is an identity problem.
Anong solusyon? E di alalahanin natin kung sino talaga tayo, our identity in Christ. Sabi ni Pablo, “seeing that you have put off the old self with its practices.” Ang image naman niya dito ay pagbibihis ng damit. Ang maruming damit natin, na nalublob sa babuyan at putikan ng kasalanan, ay hinubad na natin dahil kay Cristo. Hindi na ang sarili natin ang mahalaga, kundi si Cristo na na nasa atin. Our goal in life is no longer to project an image of ourselves na papogi lang, pacute lang, false image. Kaya ke-dami-daming mga selfie na ipinepresent natin sa madla para ipakita kung sino tayo. Pero ang identity natin ay wala sa itsura natin, sa korte ng katawan natin, sa korte ng ilong natin, sa dami ng accomplishments natin, sa sarili nating kabutihan. Those things belong to our old self. Hinubad na iyon. Wag nang isusuot pa. Itapon na.
Verse 10, “and have put on the new self, which is being renewed in knowledge after the image of its creator.” Meron nang bagong pagkatao, bagong baro na ang suot natin. Di mo na kailangang magsinungaling tungkol sa sarili mo dahil hindi na self-image ang pinakamahalaga sa iyo. Hindi na ang maging tulad ka ni ganito o ganoon, kundi maging tulad ni Cristo, “after the image of its creator.” Siya ang lumikha sa atin, siya ang nagligtas sa atin, siya ang buhay natin, siya ang sapat-sapat para sa atin, siya ang tutularan natin. Ito ang ginagawa ng Espiritu sa atin habang tumitingin tayo kay Cristo, sabi nga sa 2 Corinthians 3:18, nagiging tulad tayo ni Cristo. As we look to Christ more and more, we’ll be like Christ more and more. Iyan ang dahilan kung bakit tayo piniling mahalin ng Dios (Rom. 8:29). Iyan na rin ang dahilan kung bakit tayo nabubuhay. Di na para maging sing-yaman ni ganito, sing-ganda ni ganoon, sing-sikat ni ganire, kundi maging katulad ni Cristo. Bakit ka pa magsisinungaling, kung secured ka naman sa katotohanan ng pagkatao mo dahil kay Cristo?
Nasayo na ang Sandatang Kailangan Mo
Anumang bad news (kasalanan), good news ang katapat (gospel). Kaya naman dapat nating gugulin ang oras natin, paglaanan ng panahon, pag-isipan, alalahanin ang katotohanan ng Salita ng Dios tungkol kay Cristo, sa kanyang ginawa para sa atin at sa kung sino na tayo ngayon. Isipin n’yo na lang kung gaano katutok ang mga tao ngayon sa pagtitig, panonood, pagkakilig, pagsubabay sa KalyeSerye. Pati rin sa laban ng Gilas Pilipinas. Di naman masama iyon. Pero dapat matuto tayo kung saan ibabaling ang atensyon natin. Sabi nga ng sumulat sa Rappler.com ng “The Good, the Bad, and the Sad of the KalyeSerye”:
Hindi ito ang tunay na buhay natin. Ang Aldub ay produkto ng showbiz. Sa pagkunsumo natin ng produktong ito, dapat hinay-hinay lang. Dapat paglaanan natin ng panahon ang totoong buhay natin, totoong relasyon, totoong mundong ginagalawan, totoong pangarap, totoong mga challenges, gaano man kahirap ang mga ito (my translation).
Meron tayong totoong laban sa buhay, at ito ang dapat nating pagtutuunan ng panahon. Lahat tayo may nilalabanan pang kasalanan. Sa iyo, ano? At paano ka lalaban? Oo, patayan ang labang ito. Pero ano ang sandata mo sa labang ito? Wala akong steps na sasabihin sa inyo. Ang ipapaalala ko lang, tandaan mong nasa iyo na ang sandatang ito dahil nasa iyo si Cristo. Mapapatay mo lang ang kasalanang iyan – kahalayan, kasakiman, galit, hinanakit, kasinungalingan – kung paniniwalaan mong ang kayamanang hinahanap mo, pati kasiyahan at kabuluhan sa buhay, di mo makukuha sa ibang tao o sa sex o sa pera o sa popularity o sa approval ng ibang tao. Kay Cristo lang matatagpuan. Hangga’t di mo pinaniniwalaan nang lubos na kay Cristo lang ang buhay mo ay walang kulang, kumpleto na, mahihirapan ka sa laban sa kasalanan.