Walang Pa Ring Tatalo (Col. 2:16-23)

wall_of_warning_tape_1600_clr_8536Ilang beses naming sinasabihan si Stephen noon na huwag hahawak sa electric fan. Di siya nakinig. Nahiwa tuloy ang daliri niya. Dumugo. Umiyak. Pati si Daniel umiyak din nang makitang nasaktan ang kapatid niya. Pero ngayon natuto na sila. Dahil sa paulit-ulit na warning na binibigay sa kanila.

Ang mga warnings ay bahagi na ng araw-araw na buhay natin. Tayong mga parents, palagi iyan sa mga anak natin – warning tungkol sa mga delikado, paglaki naman warning tungkol sa pagbabarkado o pakikipagrelasyon. Kapag driver ka, alam mong mahalaga ang mga warnings kung saan di dapat pumasok o mga ruta na dapat iwasan. Ang mga warnings ay para din sa ikabubuti natin. Kung di mo papakinggan ang mga warnings na binibigay sa iyo, delikado.

Ganoon din sa buhay Cristiano. Tulad nga ng nasabi ko na last week, kung ang buhay natin o katuruang pinaniniwalaan natin ay hindi nakasentro kay Cristo, delikado iyan. Kasi lahat ng kailangan natin, lahat ng hinahanap natin, nakay Cristo na. Pero hirap pa rin tayong paniwalaan iyan sa araw-araw. Sabi nga ni Warren Wiersbe, “Sad to say, there are many Christians who actually believe that some person, religious system, or discipline can add something to their spiritual experience. But they already have everything they will ever need in the person and work of Jesus Christ.” Kay Jesus, wala nang kulang.

Pero sa panahon ni Pablo, sa kanyang sulat dito sa Colosas – at sa panahon din natin ngayon – maraming mga maling katuruan, maraming mga tagapagturo na nagtuturo ng mali, o salungat, o di sang-ayon sa kung sino si Cristo at sa kung ano ang ginawa niya para sa atin (gospel). Kaya nga sabi niya sa kanila na magpatuloy sila sa pananampalataya – matatag at di matitinag (1:23). Kaya nga ang ministry niya sa kanila ay ito: “to make the word of God fully known” (1:25). At si Cristo ang nasa sentro ng pangangaral at pagtuturo niya, pati ang mga warnings na binibitawan niya (1:28). Ang purpose ng letter niya ay para hindi sila magoyo ng mga magagandang pananalita at pangangatwiran ng mga false teachers (2:4). Sinabi pa niya, “See to it that no one takes you captive…” (2:8).

Paulit-ulit ang warning na binibigay niya para manatili sila kay Cristo at hindi bumaling sa mga maling katuruan. At dito sa text natin sa 2:16-23, tatlong beses ang binitiwan niyang warning. Sa verse 16, “Let no one pass judgment on you…” – may kinalaman ito sa legalism. Sa verse 18 naman, “Let no one disqualify you…” – may kinalaman naman ito sa mysticism. Sa verse 20 naman, “…why…do you submit to regulations…?” na parang sinasabi niya, “Make sure you don’t submit or become enslaved” – at may kinalaman naman ito sa asceticism. Halu-halong katuruan na ‘to. Na para bang may nakita sila sa isang grupo tapos nasabi nilang maganda ‘to, sa iba naman ganun din, pinaghalu-halo na.

Malalaman mo kung ano ang tama sa mali, hindi kung ano ang magandang pakinggan o nakagawian. Kundi kung nakaayon o nakasentro ba ito kay Cristo. Any teaching that is contrary to or inconsistent with or undermining the person and work of Christ and our identity in him is a false teaching, no matter how plausible it sounds. Kaya nga sa bawat false teaching na babanggitin niya ihaharap niya, ipapaalala niya kung sino si Cristo, ano ang ginawa niya para sa atin at kung sino na tayo in relation to Christ (identity in Christ – na siyang naging focus natin last week).

Christ vs Legalism (2:16-17)

Unahin natin ang legalism. Verse 16, “Kaya nga, huwag na kayong padadala sa mga taong nagsasabi sa inyo kung ano ang hindi dapat kainin o inumin, o kung ano ang dapat gawin tuwing kapistahan, pagsisimula ng buwan, o Araw ng Pamamahinga.” Ang mga tinukoy na halimbawa ni Pablo dito ay may kinalaman sa mga utos na bigay ng Dios sa Israel sa panahon ni Moises (Mosaic Law). So obviously, ang mga false teachers na kumakalat sa Colosas ay may influence ng Jewish religion.

Kapag sinabing legalism, ito ang paniniwala na ang pagsunod sa mga utos ng Dios ang paraan para maligtas o matanggap ng Dios. Malinaw na taliwas ito sa turo ng Bibliya na ang kaligtasan ay hindi sa pamamagitan ng gawa ng tao o pagsunod sa kautusan, kundi sa biyaya ng Dios sa pamamagitan ni Cristo kung tayo’y magtitiwala sa kanya (Eph. 2:8-9; Rom. 3:21-24; Gal. 3:10-12).

At kahit na tayo’y Christians na, we believe salvation is by grace, tulad ng mga Colossians (error din ng Galatians) we are prone to believe in legalism. Na iyon bang pinaniniwalaan natin na para malubos ang kaligtasan, para mas maging spiritual, kailangang pagtrabahuhan ang pagsunod sa kautusan. Legalism din iyon. And by nature, we are all legalists. Gusto kasi natin may contribution tayo, na ang credit sa atin, na ang Christian life natin nakadepende sa performance natin o self-effort natin. That’s legalism.

Anu-anong halimbawa ang tinukoy dito ni Pablo? “Kung ano ang hindi dapat kainin o inumin…” Nakasulat sa Lev. 11:2ff kung anu-ano ang pagkain na marumi na di dapat kainin – tulad ng baboy, hipon, lobster, alimango. Hindi lang ito for health reasons. Kundi spiritual din, para turuan sila na mamuhay nang may kabanalan – set apart for God.

“…o kung ano ang dapat gawin tuwing kapistahan, pagsisimula ng buwan, o Araw ng Pamamahinga.” Mga religious feasts naman ito – time of rest and worship para sa Panginoon. Nakasulat ito sa Lev. 23:2ff at Num. 28:11ff – kung anu-ano ang mga feasts, anu-ano ang offerings, anu-ano ang araw ng Sabbath o pamamahinga.

May mabuting function o purpose ang law sa buhay ng isang Cristiano. Hindi ibig sabihin na kapag sinabing mali ang legalism, sasabihin na nating okay nang magkasala nang magkasala, tutal under grace naman tayo ay hindi under law (Rom. 6:1, 14-15). Pero dapat nating marealize na ang tulad ng mga kautusang binanggit ni Pablo ay nagkaroon na ng katuparan kay Cristo. Ang legalism ay no-match kung ihaharap kay Cristo. Bakit? Sabi ni Pablo sa verse 17, “Anino lang ang mga ito ng inaasahan noon na darating, at si Cristo ang katuparan (Gk. soma, ESV “substance”) nito.”

Shadow lang. Anino. Ibig sabihin kapag nakakita ka ng anino, merong katawan. Kung anino ng asawa mo, alam mo ang korte ng balakang, alam mong nandyan ang asawa mo. Pero you don’t love the shadow, you don’t embrace it, you don’t say it’s beautiful. Si Jesus ang katawan, siya ang substance o reality. Bawat seremonya, bawat utos, bawat sacrifice, bawat kuwento sa Lumang Tipan nakaturo kay Cristo. Siya ang “mystery” na tinutukoy sa Col. 2:2. He is the focus of the Christian life, hindi ang anumang religious ceremonies.

Meron pa ring ibang mga churches (tulad ng Sabadista) na inoobserve ang nakasulat sa Mosaic Law. Tayo hindi na. Dahil nga kay Cristo. Pero huwag nating iisipin na ang mga ginagawa natin, ang mga religious activities natin ang batayan ng spirituality natin o pagtanggap ng Dios sa atin o spiritual maturity natin. Kaya sabi ni Paul sa verse 16, “Let no one pass judgment on you…” Huwag mong isiping mas spiritual ka kasi mas religious ka, mas dumadalo ka sa prayer meeting, mas malaki ang offerings mo. Kapag may nakita kang Christian tapos nagyoyosi, o umiinom ng beer, o nagstruggle pa sa bisyo o sa isang kasalanan, huwag mong isiping mas masahol siya kaysa sa iyo at sabihing, “Ano ba iyan? Ang tagal-tagal nang Christian ganyan pa rin.”

Tandaan mong lahat naman tayo ay lawbreakers. Di tayo nakaabot sa standard ng Dios. Pero si Cristo, inialay niya ang buhay niya, he is the law-keeper, para matanggap tayo ng Dios. Si Cristo ang nag-iisang batayan ng pagtanggap sa atin ng Dios.

Christ vs Mysticism (2:18-19)

Ang ikalawa namang false teaching ay mysticism. Verse 18, “Huwag kayong padaya sa mga taong humihikayat na kailangan ninyong pagkaitan ang sarili n’yo at sambahin ang mga anghel. Pinaninindigan nila ang mga ito dahil sa mga pangitain nila na pagyayabang lang at walang kabuluhan, gawa-gawa lang ng makamundo nilang pag-iisip.” Nabanggit niya na rin ang “asceticism” (ESV) dito, pero mas dedetalyehin ni Paul iyan sa susunod na bahagi. Magfocus muna tayo sa mysticism.

Ito ang maling paniniwala na kung mas connected ka sa spirit world mas spiritual ka. Kaya pati angels sa kanila ginagawang way para makalapit sa Dios, to the point na idolatry na ang nangyayari. Ang angels nga nilikha ng Dios para pagsilbihan tayo, hindi para sambahin natin (Heb. 1:14). Sa panahon natin katumbas nito ang tumatawag at nagdadasal sa kung anu-anong espiritu, kay Mama Mary, at kung sinu-sinong mga santo at santa. Pati na rin ang mga kumukonsulta sa mga espiritista, mangkukulam, albularyo, at horoscope. Kasama rin dito ang mga pamahiin o superstitions na resulta ng takot sa mga mangyayari daw – merong tungkol sa patay, sa baby, sa pagwawalis kapag gabi, at kung anu-ano pang di mo malaman kung saan dinampot ng mga Pilipino.

Akala nitong mga ito, ayon kay Pablo, komo marami silang nakikitang visions o revelations o dreams, mas spiritual na sila kesa sa iba. Nagiging mayabang tuloy. Ang totoong spirituality, ang dulot ay humility. Kapag pride, it is from the devil.

Ano ang warning ni Paul dito? “Let no one disqualify you…” Na maging maingat sila sa pandaraya ng mga false teachers. Sinasabi kasi na kapag naniwala ka sa sinasabi nila, qualified ka na makapasok sa exclusive group nila na mga super-Christians kumbaga, para lang sa mga highly spiritual people. Sabi nila na kapag di ka maniwala sa sasabihin nila, disqualified ka, outsider ka, baka di mo makuha ang mga heavenly rewards. Warning naman ni Paul na kung maniwala ka sa false teaching at tuluyan nang bumitiw kay Cristo dahil sinasabi mo namang kulang-kulang siya, diyan ka madidisqualify. Kung di ka nagtitiwala kay Cristo at kung kani-kanino ka naniniwala, ikaw ang magiging outsider sa kingdom of God. Kumbaga sa isang karera, kala mo naiwan mo na lahat, ikaw na ang nauna akala mo, pero iba palang kalsada ang tinatakbuhan at nilikuan mo.

Ang mysticism ay no-match kung ihaharap kay Cristo. Bakit? Sabi ni Pablo, verse 19, “Wala silang kaugnayan kay Cristo na siyang ulo natin. Siya ang nag-uugnay-ugnay at nag-aalaga sa atin na kanyang katawan sa pamamagitan ng mga magkakaugnay na bahagi nito. Sa ganoon, lumalago tayong naayon sa Dios.”

“…holding fast to the Head.” Ang totoong spirituality hindi nakukuha kung mas disconnected tayo sa material world o mas connected sa spiritual world. It is only through our connection with Jesus – the Creator of all creation, the Lord over all rule and authority in the spirit world. Siya mismo ay Dios, nagkatawang tao, nagkarpintero din, namuhay sa mundong ito, namatay sa krus, para tubusin hindi lang ang kaluluwa natin, kundi pati ang katawan natin. Ang tanong, nakakabit ka ba sa kanya? Kapag di nakakabit sa ulo, patay. Kung di nakakabit ang sanga sa puno, matutuyot. He is our life, our nourishment, our everything.

Ang tunay na spiritual growth di nakukuha sa effort o discipline natin, yes mahalaga iyon, pero ang paglago ay galing sa Dios. Nangyayari kung nakakabit tayo kay Cristo. Kung ang buhay natin sa kanya natin kinukuha. Kung ang lakas at kasiyahan natin sa kanya natin hinuhugot. Hindi sa pagtingin mo sa sarili mong gawa kundi sa pagtingin mo sa ginawa na ni Jesus para sa iyo.

Christ vs Asceticism (2:20-22)

Ang ikatlong kalaban naman ay asceticism. Verses 20-22, “Namatay kayong kasama ni Cristo, at pinalaya na kayo sa mga walang kabuluhang pamamaraan ng mundo. Kaya bakit namumuhay pa rin kayo na parang mga makamundo? Bakit sumusunod pa rin kayo sa mga tuntuning tulad ng, ”Huwag hahawak nito,” “Huwag titikim niyon,” “Huwag hihipo niyan”? Ang mga ito’y batay lang sa mga utos at turo ng mga tao tungkol sa mga bagay na nawawala pagkatapos kainin o inumin.”

Kung sa mysticism, pinaniniwalaang ang connection sa spirit world ay mas mainam. Dito naman sa asceticism, ang pisikal o materyal na bagay ay di mabuti at makasasama. Kaya kung ang materyal ay masama, dapat tanggalin natin ang anumang pisikal na bagay na makasasama sa atin. Ito yun bang parang mga ermitanyo o monghe na lalayo sa ordinaryong gawain sa mundo para ilaan ang buong buhay para sa Dios, eka nga. Para sa kanila, masama ang mag-asawa, o sex, o maging mayaman. Kung di man masama, para sa kanila, hangga’t nahihirapan ka, mas espirituwal at mas nalalapit ka sa Dios. False self-denial and humility ito. Oo nga’t merong self-denial alang-alang sa pagsunod kay Cristo. Pero ang kaibahan dito, iyon bang sinasabing mas espirituwal ang pagpapastor o misyonero kesa sa karpintero at tubero, ang nasa church activities kesa sa nasa loob ng opisina, ang dumalo sa prayer meeting kesa alagaan ang anak mo.

Itong asceticism, nagsasabi kung ano ang bawal hawakan, bawal kainin, bawal ganito, bawal ganoon. Di naman ibig sabihin dito na di na mahalaga kung ano ang kakainin natin at isusuot o papanoorin. Siyempre may mga pagkain at inumin na makasasama sa katawan natin, at kalooban din naman ng Dios na alagaan natin ang sarili natin. Mahalaga iyon, pero wag nating iisiping iyon na ang pinakamahalaga. Kaya patuloy na ipinapaalala dito ni Pablo na ang totoong spirituality ay hindi nakasalalay sa pag-iwas sa mga bawal-bawal. Parang kapag may bago sa church, tatanungin sa akin, “Ano po ba ang bawal dito?” Di ko sinasagot. Kasi we’re missing the point of Christianity. It’s not about dos and donts. It’s about Christ and what he has done for us.

Yes, may mga bagay na bibigyan ka ng conviction ng Panginoon na i-deny. Tulad namin sa family, pinili namin ni Jodi simula nang ikasal kami na walang TV sa bahay. Conviction namin iyon at di namin sinasabi na mas nakaaangat kami sa spirituality kaysa sa inyo na may TV sa bahay. O kung nagfafasting ka, wag mong isiping mas espirituwal ka kesa sa mahilig kumain. Kung tiniis mong maging mahirap, di pinangarap na maging mayaman, wag mong isiping mas spiritual ka kesa sa mga Christians na businessman. Poverty theology ito (kabaligtaran naman ng prosperity theology), false teaching din.

Ang Christianity ay hindi tungkol sa mga bawal-bawal, kundi sa relasyon kay Cristo. “If with Christ you died to the elemental spirits of the world…” Ipinapaalala dito ni Pablo ang identity natin, bago nating identity dahil kay Cristo. Dahil namatay si Cristo sa krus para sa atin, namatay na rin ang ating old self. Itong self na ito ay nakatali o alipin ng mundo at ng sistema nitong taliwas sa Dios. Tulad din ito ng sabi niya sa Gal. 6:14, “But far be it from me to boast except in the cross of our Lord Jesus Christ, by which the world has been crucified to me, and I to the world.” Tulad ng isang may asawa. Namatay na ang asawa mo. Ibig sabihin, dissolved na ang marriage n’yo. Wala na kayong relasyon. Sa pakikipag-isa natin kay Cristo, patay na ang relasyon natin sa mundo. Meron na tayong bagong asawa.

“…why, as if you were still alive in the world, do you submit to regulations…?” Ang warning dito ni Paul, in the form of a rhetorical question, na ineexpect niyang ang sagot ay, “Siyempre, hindi dapat.” Na wag na silang pailalim sa sistema ng mundo. Patay na nga, hindi na kalakaran ng mundo ang sinusunod natin, kundi kung ano ang salita ni Cristo. He is our new husband, we submit to him and to his voice. Iba na ang apelyidong dala ng pangalan natin. Hindi na ako si Derick na tagasundo ng mundo, ako ay tagasunod na ni Cristo. Nagpapailalim tayo sa kung sino ang higit sa atin, kung sino ang ipinagmamalaki natin. Walang iba kundi si Cristo, dapat lang. Ang asceticism ay self-denial for self-denial’s sake. Para sa sarili lang. Pero ang calling sa atin ng Panginoon, yes we deny ourselves, but for the sake of following him.

Verdict (2:23)

Legalism. Mysticism. Asceticism. Attractive iyan sa mga Colossians. Attractive din sa panahon natin ngayon. Pero kung ikukumpara kay Cristo, no contest. Verse 23, “Sa unang tingin, parang may karunungan ang mga ganitong katuruan tungkol sa gusto nilang pagsamba, pagpapakumbaba, at pagpapahirap sa sariling katawan. Pero ang totoo, wala namang naitutulong ng mga ito sa pagpipigil sa masamang hilig ng laman.” May “appearance of wisdom,” akala mo iyan ang kailangan mo sa buhay, akala mo okay, akala mo makakatulong sa iyo. Pero panlabas lang, palamuti lang. Parang musoleo sa sementeryo, kay ganda-ganda sa labas, pero ang nasa loob, nabubulok na bangkay. O parang commercial ads sa TV. Ang ganda-ganda ng presentation, pampaganda ng buhok, pampaganda ng kutis, pero di naman totoo.

Sabi pa ni Paul, “no value in stopping the indulgence of the flesh.” No value, parang fake money. Marami ka ngang pera, fake naman, di mo rin maipambibili, makukulong ka pa.

Ano ang kailangan ba natin? “Stopping the indulgence of the flesh.” Yun ang problema, ang puso natin na makasalanan, at ang desire natin to satisfy our sinful nature. True spirituality is fighting sin, putting to death, putting off and putting on true Christ-like righteousness (Rom. 8:13. Col. 3:5-13). Ang problema sa mga false teachings na ‘to, puro external behavior lang ang mababago. Pero ano kung di ka nga nagcommit ng adultery, pero may kahalayan pa rin sa puso mo? Ano kung wala ka ngang bisyo, pero ang taas naman ng tingin mo sa sarili mo? Ano kung di ka na nagmumura, pero may galit ka pa sa puso mo at di nakapagpapatawad?

True Christian life is about transformation from the inside out. At wala nang ibang power na makakadurog ng kamandag ng kasalanan sa puso natin maliban kay Cristo. Sabi ni Alexander McLaren, “There is only one thing that will put the collar on the neck of the animal within us, and that is the power of the indwelling Christ.” Sabi ni Paul, mababago ang puso natin kung tititigan natin ang kadakilaan at kagandahan ni Cristo (2 Cor. 3:18). Jesus is our wisdom, righteousness, power, treasure and joy. To defeat sin there must a transformation in our affections. The more we love Christ, the more we hate sin. The more Christ tastes sweeter, the more sin tastes bitter. The more we find Christ attractive, the more we find sin repulsive.

Kung ihaharap natin kay Cristo ang mga maling paniniwalang ito – legalism, mysticism, ascetism – alam mo na kung sino ang panalo at kung sino ang talo. One-sided ang laban. Kung tataya ka sa sabong (wag n’yong gagawin!), nakita mo nang iika-ika ang isang manok, tatayaan mo pa? Ano ka? Kung mag-iinvest ka sa isang negosyo, ang isa 100% ROI in one year, ang isa negative, susugal ka pa ba? Sapat na ang warning na bigay ng salita ng Dios sa atin ngayon. Ano pa ang paniniwala mo na baluktot at di sang-ayon kay Cristo? Bakit hindi mo ilatag iyan ngayon sa paanan ng Panginoong Jesus at aminin kung paano ka inalipin ng mga maling katuruan? At sabihin mo, paniwalaan mo, ipamuhay mo, panghawakan mo ang katotohanang dahil kay Jesus, wala nang kulang. Mula noon, hanggang ngayon, wala pa ring tatalo kay Cristo.

Share your thoughts about this post...

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.