Listen
[audio http://srp.alldigital.net/B5B1FC01/13035301/audio/20109392_64kbs__20140615.mp3]
***If the player is not working, click this.
[youtube https://www.youtube.com/watch?v=VtQbzRmmMfk]
Resources
“Lovers of Money”
Ito ay espesyal na araw para sa ating mga tatay. This is the day that we honor the high calling of a father. Napakaimportante po ng tatay sa isang tahanan. Kaya naman kapag ang isang tatay ay merong minithi o pinagsikapang abutin na taliwas sa kalooban ng Diyos, malaki ang epekto nito sa pamilya, sa iglesya at sa lipunan natin. Halimbawa na lang ang tungkol sa pagtatrabaho para kumita ng pera. Ang mga tatay ang primary providers sa pamilya. Pero naroon ang tukso (at marami sa atin ang bumabagsak dito) na magtrabaho para yumaman dahil sa tingin ay doon makukuha ang significance niya at ang kasiyahan ng kanyang pamilya. Kaya merong mga tatay na kapag wala nang mapagkakakitaan walang kuwenta na ang turing sa kanya. O akala natin kapag konti lang ang pera natin di magiging masaya ang pamilya natin.
Ang isyu para sa mga tatay sa pagtatrabaho ay ang devotion at faithfulness sa Panginoon, hindi sa pera. Ito ang itinuro ng Panginoon sa napag-aralan natin last week sa Luke 16:1-18 lalo na sa verse 13, “You cannot serve God and money.” Hindi ba’t ibang klaseng pagtingin at parangal ang ibinibigay n’yo sa mga tatay na piniling maglingkod at magmahal sa Diyos at hindi sa pera o sa materyal na bagay sa mundong ito. Di tulad ng napakaraming tatay sa buong mundo na naging “lovers of money” tulad ng mga Pariseo, na ang reaksyon sa mga turo ng Panginoon ay pagkukutya at panlalait (verse 14). Sa mga taong kagaya nila ang warning na makikita sa ikinuwento niya sa verses 19-31 na mas kilala sa tawag na “The Parable of the Rich Man and Lazarus.”
Ang Lazarus na karakter sa kuwentong ito ay hindi ang Lazarus na kapatid nina Mary at Martha na siyang muling binuhay ni Jesus (John 11). Ito ay isang kuwento, fictional, although may mga details sa kuwento na realistic, di natin dapat halukaying maigi ang mga detalye at doon ibase ang mga katuruan tungkol sa mga mangyayari sa huling araw (eschatology).
Oo, may matutunan tayo tungkol sa kamatayan, buhay pagkatapos nito, sa langit at sa impiyerno. Pero dapat aware tayo sa purpose ng kuwentong ito. Para sa mga tulad ng Pariseo, lovers of money, nagpapanggap na “lovers of God”, ang relihiyon ay pakitang-tao lang, nagsisikap sa pagsunod sa kautusan para maging tanggap sa Diyos – may warning ang Diyos na tulad ng nangyari sa lalaking mayaman at sa limang kapatid niya. Isang babala na dapat nating seryosohin.Tulad ng sabi ni Pablo, “But those who desire to be rich fall into temptation, into a snare, into many senseless and harmful desires that plunge people into ruin and destruction” (1 Tim. 6:9 ESV).
Para naman sa mga tagasunod ni Jesus, nagtitiwala sa kanya at hindi sa sariling kabutihan, sa kabila ng mga paghihirap sa mundong ito nagpapatuloy na umasa sa Diyos tulad ng pulubing si Lazarus – ang kuwentong ito ay isang kuwentong magbibigay ng pag-asa sa atin at ng paalala sa tungkulin nating paalalahanan ang mga taong papunta sa impiyerno.
Life, Death and Eternity
May dalawang pangunahing karakter sa kuwentong ito – isang lalaking mayaman at isang pulubing ang pangalan ay Lazarus – magkaibang-magkaiba ang kapalaran sa buhay, verses 19-21, May isang mayamang laging nakasuot ng mamahaling damit at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. May isa namang pulubing nagngangalang Lazaro na tadtad ng sugat sa katawan at nakahiga sa may pintuan ng mayaman sa hangad na matapunan man lamang ng mga mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo’y nilalapitan siya ng mga aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat.
Kitang-kita ang laki ng pagkakaiba ng dalawang karakter sa kuwento. At kung tayo ang pamimiliin kung kaninong karakter ang gusto natin para sa sarili natin, sino ang pipiliin natin? Isang lalaki na tulad ni Henry Sy, bilyonaryo, maraming negosyo, may mansion sa Pilipinas at sa ibang bansa, ang damit ay mga tatak Armani, ang kotse ay Ferrari, ang almusal ay sa Shangrila Hotel. O isang pulubing walang trabaho, may sakit pa na nakakadiri at di maipagamot, naghihintay na lang ng mga pagkaing itatapon, wala nang pamilya at mga kaibigan kundi mga aso na lang ang humahalik sa kanya.
Natural sa atin na mas gugustuhin natin ang buhay na kumportable, sagana at tinitingala ng tao kesa sa mahirap, masakit at nilalait. Akala natin pera at mas maraming pera ang solusyon sa problema natin, sa kahirapan natin, sa kalungkutan natin. Akala natin kapag mas maginhawa ang buhay, senyales ng pagpapala ng Diyos. Kapag naghihikahos, akala natin pinaparusahan ng Diyos. We have a wrong, unbiblical, ungodly view of money and posesssions, kaya ganoon.
Akala din natin ang buhay natin ay 60 o 80 taon lang, kaya naman sobrang pursigi nating magtrabaho o kumita ng pera para masulit ang ilalagi natin dito sa mundo. Akala natin ang buhay ay para lang magpakayaman, magpakasaya, magpakasikat sa mga tao. Nakakalimutan natin na darating din ang oras ng kamatayan. At sa oras na iyon, patas na ang kalagayan ng mayaman at mahirap, pareho na silang nakahiga, nasa ilalim ng lupa, at kakainin ng mga uod ang katawan. Ang kamatayan ang katapusan ng kayamanan. Ito rin ang katapusan ng kahirapan.
Tulad ng sasapitin ng lahat ng tao, ganyan din ang dinanas ng dalawang karakter sa kuwento, verses 22-23, Namatay ang pulubi at siya’y dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin ang mayaman at inilibing. Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa daigdig ng mga patay, natanaw ng mayaman si Lazaro sa piling ni Abraham. Parehong namatay. Ang mayaman, inilibing. Si Lazarus, ni walang nagpalibing, ni walang St. Peter plan, baka inihagis lang sa ilog.
Pero pagkatapos nun, nagkaroon ng great reversal. Si Lazarus, di na nag-iisa, di na naghihirap, di na namamalimos, wala nang sugat sa katawan, hindi na homeless. Wala nga siyang funeral possession na dinaluhan ng mga kilalang tao, pero ang kanyang kaluluwa naman ay “dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham.” Si Abraham ang kinikilalang ama ng mga Judio, na siyang sagisag ng pagpapala ng Diyos (Gen. 12:3). Sa isang salita, kasama niya si Abraham na nasa langit, sa piling ng Diyos. There is no greater joy, no higher honor, no greater treasure than spending eternity in the presence of a loving and merciful God. Ang ibig sabihin ng pangalang Lazarus, galing sa Hebrew name na Eleazar ay “whom God has helped.” Walang tumutulong sa kanya, hindi siya tinulungan ng mayaman, pero ngayon naranasan niya ang tulong ng pinakamayaman sa lahat.
Ang lalaking mayaman? Di nakatanggap ng tulong at awa ng Diyos. Naranasan niya ang “pagdurusa sa daigdig ng mga patay.” Sa literal na Greek ito ay Hades. Sa Hebrew Old Testament, Sheol ang ginagamit. Dito sa kuwentong ito, tumutukoy sa impiyerno. Di na niya nadala ang milyun-milyon niyang pera doon. At kung nadala man niya, wala nang silbi iyon at di na makakabili ng kaunting kaginhawahan man lamang, maibsan man lang ang kanyang pagdurusa. Bakit siya nandoon? Dahil ba mayaman siya at si Lazarus ay mahirap lang? Hindi! Nandoon siya dahil sa pera siya nagtitiwala. Nandoon siya dahil ang pera ang sinasamba niya. Ni hindi nga siya magpakita ng awa kay Lazarus na araw-araw ay nasa tarangkahan ng kanyang bahay. Ni hindi nga niya inaamin na kailangan niya ang awa ng Diyos. Para sa kanya, everything is well and fine. Doon siya nagkamali.
Ngayon, sinong karakter sa kuwento ang nais mong maging kakahinatnan ng buhay mo? I would rather be poor for 80 years and rich later for 80 million years, than rich now for 80 years and poor later for 80 million years. Pero kung hanggang ngayon ang sagot mo pa rin ay gusto mo pa ring tulad ng lalaking mayaman sa kuwento, you don’t know what you’re talking about. Sa panahon ngayon, kung gamitin natin ang salitang “impiyerno” ganun-ganun na lang. Sasabihin ng iba, “Go to hell!” O pag may problema sa bahay, “Parang impiyerno ang bahay na ‘to!” O kaya sa sobrang kampante ng mga tao ngayon, kahit mga Christians, we live our lives as if hell is not real.
Hell
Pero malinaw na malinaw sa kuwento ni Jesus na totoo na may literal na lugar na impiyerno.
A Place of Terrible Suffering. Ang impierno ay lugar ng pagdurusa (v. 23), ibang-iba sa piling ng Diyos sa langit. Kaya nga tumanaw sa malayo ang lalaking mayaman at nakita si Lazarus. Di naman ibig sabihin na ang mga taong nasa impiyerno ay makikita ang mga taong nasa langit. Pero posible rin, and it is an obvious form of torture, for you to be able to see what you are missing. “Iiyak kayo at magngangalit ang mga ngipin kapag nakita ninyong nasa kaharian ng Diyos sina Abraham, Isaac at Jacob, at ang lahat ng propeta, habang kayo nama’y ipinagtatabuyan” (13:28). Hell is a place of destruction, torture, pain, misery, darkness – you don’t want to go there. Kaya nga ang lalaking mayaman, nagmamakaawa, verse 24, sumigaw siya, ‘Amang Abraham, maawa po kayo sa akin. Utusan po ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at basain ang aking dila, dahil ako’y naghihirap sa apoy na ito.’
The End of God’s Mercy. Hindi niya matatanggap ang awang hinahanap niya. Si Lazarus pa ang pinapautusan niyang tumulong sa kanya, ni hindi nga siya naawa sa pulubi noong buhay pa siya. Hell is the end of the mercy of God for unrepentant sinners. Sa impiyerno mapapatunayan ng mga tao ang kasabihang “nasa huli ang pagsisisi.” But it is too late. No more chance for salvation. No more hope of God’s mercy. The door of God’s mercy is closed. Unfair ba ang Diyos? No!
The Expression of God’s Justice. Tawagin man niyang “Ama” si Abraham, sa physical lineage lang iyon. He must have Abraham as his spiritual father, ibig sabihin, tulad ni Abraham, siya din dapat ay magtiwala sa pangako ng Diyos. “Maliwanag na ang mga nananalig sa Diyos ang mga tunay na anak ni Abraham” (Gal. 3:7). Pero sa pera naman ang tiwala niya. Makatarungan ang Diyos. Nararapat lang ang sinapit niya dahil ang nilabag niya ay ang Diyos na banal at karapat-dapat sambahin. Verse 25, Ngunit sumagot si Abraham, ‘Anak, alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay noong ikaw ay nasa lupa, at si Lazaro naman ay nagtiis ng kahirapan. Subalit ngayon ay inaaliw siya rito samantalang ikaw nama’y nagdurusa riyan. Tama lang ang ginawa ng Diyos. Makatarungan siya.
Everlasting and Irreversible. Sabi pa ni Abraham, verse 26, Bukod dito, may malaking bangin sa pagitan natin, kaya’t ang mga naririto ay hindi makakapunta diyan at ang mga naririyan ay hindi makakapunta rito.’ Malinaw na malinaw na ang verdict ng Diyos, ang paghatol niya ay di na mababago kapag namatay na ang isang tao. Wala nang Court of Appeals. Malinaw ang ebidensiya laban sa kanya. Hell is not just temporary, it is everlasting punishment. “They will suffer the punishment of eternal destruction, away from the presence of the Lord and from the glory of his might” (2 Thess. 1:9 ESV). “Doo’y hindi namamatay ang mga uod na kumakain sa kanila, at ang apoy ay hindi napapatay” (Mark 9:48).
Wala nang chance na magsisi pagkatapos ng kamatayan, tulad ng itinuturo ng iba. Ito ngang lalaking mayaman, di naman din repentant. Wala ring purgatoryo. Langit at impiyerno lang. Wala na sa gitna. Sa kamatayan, dalawa lang ang pamimilian, kung dadalin mo ang mga kasalanan mo sa impiyerno o pupunta ka sa langit na walang dalang kasalanan dahil dinala nang lahat ni Jesus sa krus. There is also no point of praying for the dead. Balewala na iyon, fixed na ang destination nila, walang kahit anong panalangin o indulhensiya ang makapagliligtas sa kanila, tulad ng indulgences na inaalok ng Pope sa mga dadalo sa 300th anniversary ng simbahan sa Malabon. Kapag nasa impierno ka na, wala nang takasan iyon, walang fire exit, no way out.
Pastor, tinatakot n’yo naman kami. E ano nga bang gagawin ko? Sasabihin ko bang relax-relax lang kayo, text-text na lang kapag nandoon ka na? Ganoon? Itinuturo ni Jesus ang tungkol sa impierno para balaan tayo, para siyempre takutin tayo. Pero hindi naman sapat ang pagkatakot sa impierno para maligtas tayo, kung di naman tayo lalapit sa nag-iisang makapagliligtasa sa atin. Our hope of rescue rests only on one Person.
Rescue
Akala ng mayamang to na puwedeng daanin sa pananakot, kababalaghan at pagbibigay ng babala ang mga kapatid niya. Verses 27-28, “Ngunit sinabi ng mayaman, ‘Kung gayon po, Amang Abraham, ipinapakiusap kong papuntahin na lamang ninyo si Lazaro sa bahay ng aking ama, sa aking limang kapatid na lalaki. Suguin po ninyo siya upang sila’y bigyang-babala at nang hindi sila humantong sa dakong ito ng pagdurusa.’
Di ko alam kung bakit biglang naisip niya ang mga kapatid niya. Bigla na lang ba siyang nagkaroon ng awa? O maaaring ipinapakita nito na parang gumagawa pa siya ng excuse sa sarili niya na kung nabigyan lang sana siya ng warning o may ipinadalang tao, lalo na kung iyong nakakita na ng langit at impiyerno, baka maniwala pa siya at magsisi sa kanyang mga kasalanan. Alam na naman nating we are in desperate need of rescue. Pero matigas ang puso natin. Wala tayong maidadahilan. Di naman nagkulong ng warning sa kanya, sa mga Pariseo, at sa mga taong di pa rin kumikilala at sumusunod kay Jesus.
Verse 29, Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Nasa kanila ang mga kasulatan ni Moises at ng mga propeta; iyon ang kanilang pakinggan.’ Ito ang problema ng mayaman, ng mga Pariseo, hindi lang sila hindi nakikinig kay Jesus, maging sa Kasulatang pinagpipitaganan nilang hawakan, di rin nila pinapakinggan. Pilit nilang sinusunod ang mga kautusan ni Moises, di nila marealize na di sila nakasunod, sila din ay sumuway at nararapat lang na nasa ilalim ng parusa ng Diyos. Ang mga sulat ng propeta, naglalaman ng mga pangako ng Diyos, ng Mesias at Tagapagligtas na darating, di nila pinakinggan. Dumating na si Jesus, ayaw nilang maniwala.
There is no hope for them who do not see their need for rescue and who do not look to Jesus as their only Rescuer. Tulad ng paliwanag ni Jesus, later on, sa dalawa sa kanyang mga disciples pagkatapos siyang mabuhay na muli, “Ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng sinasabi sa Kasulatan tungkol sa kanya, simula sa mga aklat ni Moises hanggang sa mga sinulat ng mga propeta” (24:27). Ang Lumang Tipan, hindi lang ang Bago, ay nagtuturo sa atin na kailangan natin si Jesus.
We cannot make excuses. Tulad ng mayamang ito, humirit pa sa verses 30-31, Sumagot ang mayaman, ‘Hindi po sapat ang mga iyon. Ngunit kung magpapakita sa kanila ang isang patay na muling nabuhay, magsisisi sila’t tatalikuran ang kanilang mga kasalanan.’ Sinabi naman sa kanya ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang pakinggan ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay na muling nabuhay.’
Walang pagkukulang ang Diyos, sa lalaking mayaman, o sa kanyang mga kapatid, o sa mga Pariseong nakikinig kay Jesus, o sa mga tao ngayon na di pa rin sumusunod kay Jesus. Those who are in hell are there because they chose to be there. Lack of repentance is not due to lack of evidence. But due to the hardness of our hearts. We don’t need more miracles. Di na natin kailangan ang mga kuwento ng mga taong nagsasabi na nakita nila ang langit o ang impiyerno tulad ng bata sa “Heaven is for Real” na movie. We don’t need more miracles. What we need is a miracle of a changed heart.
Ang mga Pariseo, naniwala ba sila kay Jesus nang mabalitaan nilang si Jesus ay muling nabuhay mula sa mga patay? Hindi! Pero sa mga tagasunod niya, “Binuksan niya ang kanilang pag-iisip upang maunawaan nila ang mga Kasulatan” (24:45). Nakita nila si Jesus! Nabuhay na muli para sa kanila! Nakita nilang siya ang kailangan nila, wala nang iba! By the grace of God, and the work of the Spirit in our hearts, we see that Jesus is our only means of rescue from the everlasting torments of hell to the everlasting joy in the presence of God.
Ito ang sinasabi ni Jesus na “good news for the poor” (4:18). Kaya sabi niya sa atin na mga disciples niya, “Blessed are you who are poor, for yours is the kingdom of God. Blessed are you who are hungry now, for you shall be satisfied. Blessed are you who weep now, for you shall laugh” (6:20-21). We are blessed forever and ever. Tulad ni Lazarus, na siyang kumakatawan sa lahat ng mga tagasunod ni Jesus na iniwan ang lahat para kay Jesus, na nagtitiis ng hirap para sa kanyang pangalan, na si Jesus ang itinuturing na kayamanang higit sa lahat ng kayamanan sa mundo.
We need to tell people the bad news and the Good News
Mga tatay, ang ilan sa inyo ay patungo sa impiyerno. Nandito ka nga ngayon sa loob ng simbahan at nakikinig ng Salita ng Diyos, pero ang puso mo naman ay malayo sa kanya. Nananawagan si Jesus sa inyo, lumapit kayo sa kanya. At tayong mga tatay na nakay Cristo na, ang mga anak natin patungo rin sa impierno maliban na lang kung ikukuwento natin si Jesus sa kanila at kanilang pagtitiwalaan. Trabaho tayo nang trabaho para sa ikabubuhay ng anak natin, nakalimutan na ba natin ang salita ng Panginoon, “What do you benefit if you gain the whole world but lose your own soul” (Mark 8:36 NLT)?
At para sa lahat sa atin, sinasabi nating sangkaterba ang problema natin sa buhay, nakakalimutan na natin ang bilyung-bilyong tao sa buong mundo na naghihirap ngayon at maghihirap pa sa impiyerno dahil ni wala silang pagkakataong marinig ang tungkol kay Jesus. Ayon sa www.joshuaproject.net, 42% ng 16,600 people groups sa buong mundo, katumbas ng 2.99 bilyong katao, ang hanggang ngayon ay “unreached” – hindi dahil mahirap silang abutin, kundi dahil mahirap para sa maraming Christians at churches ang umalis sa kumportable nilang kalagayan. Sa Vietnam, 8.5M out of 93M ang di pa naaabot ng mabuting balita ng Panginoon, sa Cambodia, 15.3M out of 15.6M, sa Thailand, 66M out of 67M. Ibig sabihin, yan ang dami ng taong wala man lang pagkakataong marinig ang tungkol kay Jesus at patungo sa impiyerno, bukod pa sa mga nakarinig na pero di naman sumunod sa kanya.
How is it possible that millions of those who say they are Jesus-followers live a life of ease, comfort and affluence when billions of people from thousands of unreached people groups are suffering now and on their way to eternity in hell – without Jesus, without joy, and without hope? Hangga’t may panahon pa, may magagawa tayo, sa prayer meetings natin, sa pagbibigay natin, sa pagpunta natin sa kanila. Anong magbabago sa buhay mo kung naniniwala ka sa lagim ng impiyerno at sa kasiyahan ng langit at sa Panginoong Jesus na siyang tanging Tagapagligtas natin?
[youtube https://www.youtube.com/watch?v=VtQbzRmmMfk]Previous sermons
4 Comments