Listen
[audio http://pastorderick.sermoncampus.info/20084936/controller/link/action/download/type/audio_thegreatinvitation/id/1834435.m4a]
***If the player is not working, click this.
Resources
Inviting Jesus?
We just love parties, celebrations, feasts – basta may kainan, kasiyahan, mga kaibigan, kodakan, kantahan. It’s just a part of our life. Kahit na ang celebration ay hindi talaga totally “Christian” tulad ng binyag at fiesta, pumupunta pa rin tayo dahil sa relasyon natin sa kanila at sa opportunity to speak about the gospel. Isang Sunday, may fiesta sa San Rafael, inimbita kami ng kamag-anak namin, pumunta kami. Bandang hapon iyon. Pagkatapos noon, may invitation din sa binyag naman sa 8Waves ang venue. Pumunta din kami. Bonggang handaan.
Tulad nito ang relasyon natin sa Panginoong Jesus. He was the one inviting us to his kingdom – may feast, may celebration. We come and respond to his invitation. Pero kadalasan maririnig natin sa marami na sinasabi na sila ang nag-anyaya kay Jesus, na pinapasok nila si Jesus sa puso nila, na tinanggap nila si Jesus. At ang ibang tao, ginagawa lang iyon para makatakas sa impiyerno o para magmukhang maganda sa harap ng mga tao. In truth, he is the one inviting us, commanding us, compelling us to follow him. He wants to be with us more than we want to be with him.
Makikita natin ‘yan ng malinaw sa kuwento sa Luke 14:1-24. Kung matatandaan n’yo, sa panahong ito, papunta si Jesus sa Jerusalem (9:51), at buo ang loob niya na tapusin ang misyong ibinigay sa kanya ng Diyos Ama, ang ialay ang kanyang buhay para tubusin tayo at palayain mula sa pagkaalipin natin sa kasalanan. sa ikatlong araw ay tatapusin ko ang aking gawain. “Ngunit dapat akong magpatuloy sa aking lakad ngayon, bukas, at sa makalawa, sapagkat hindi dapat mamatay sa labas ng Jerusalem ang isang propeta” (13:33).
Sa paglalakbay niya, may nag-imbita sa kanya. Sabado, Sabbath day. “Isang Araw ng Pamamahinga, si Jesus ay inanyayahang kumain sa bahay ng isang pinuno ng mga Pariseo, at binabantayan nilang mabuti ang kanyang mga kilos” (14:1). Katatapos lang siguro ng pagdalo nila sa pagsamba sa isang sinagoga, naaya siyang mananghalian. Pinaunlakan n’ya naman. Importanteng tao sa kanila ang nag-invite. Pinuno ng mga Pariseo, na ngayon ay kilala na nating karaniwang negatibo ang response kay Jesus. Sila ang mga relihiyoso, mga masugid sa pagsunod sa kautusan at sa tradisyon. Inanyayahan si Jesus, hindi dahil gusto siyang makasama, kundi para bantayan ang kilos niya, maghanap ng butas at maipipintas sa kanya. At tulad siyempre ng alam na natin, walang butas o kapintasang makikita sa kanya. Sa halip na tayo ang mag-imbita sa kanya, he was the one inviting us. We also watch him closely now, at tingnan hindi ang maipipintas dahil wala tayong makikitang ganoon sa kanya, kundi tingnan ang kanyang perfections, beauty, mercy. At tingnan din natin kung paano tayo tutugon kapag nakita natin ang mga ganyan sa kanya.
Jesus Inviting Us to be Honest about Ourselves (14:2-6)
Tingnan natin kung paano magpapakilala si Jesus dito. Actually kilala na ng mga Pariseo si Jesus, but they don’t like what they see about him. Habang nandoon sila sa bahay ng Pariseo, may lumapit kay Jesus na isang lalaking may manas (v. 2). Namamaga ang katawan kasi may problema ang mga body organs niya sa mga body liquids. Pero malamang hindi ito invited sa party, malamang “planted” ng mga Pariseo dahil gusto nilang magpagaling si Jesus sa Araw ng Sabbath, para may maipintas sila sa kanya. Ilang beses na rin nila itong ginagawa. Alam ni Jesus ang nasa isip nila, kaya bago pa man makapagsalita ang mga Pariseo at mga kasama nilang “experts of the law” – inunahan na sila ni Jesus. At mapapansin nating throughout this story, Jesus was dominating the conversation. They invited an extraordinary guest, one who invites them to respond.
Tanong niya sa kanila (v. 3), “Naaayon ba sa Kautusan ang magpagaling sa Araw ng Pamamahinga o hindi?” Para sa mga Pariseo, labag iyon sa kautusan, pero ayon iyon sa tradisyon nila, dagdag na lang nila iyon. Kasi nga metikuloso ang mga ito, dinadagdagan nila ang boundaries ng kautusan para makatiyak silang makasunod. They were the law-keepers. Akala kasi nila sila ang matuwid. Itong taong maysakit, iyan ang makasalanan, marumi, pinaparusahan ng Diyos dahil sa kanyang sexual immorality siguro.
Pero gustong ipakita ni Jesus law-keepers man sila o law-breakers, pareho silang guilty before God. Wala namang nakaabot sa kabanalan ng Diyos, maging ang pagsunod nila ay panlabas lang. Hindi sila makaimik, tameme lang (v. 4). Jesus knew the law of God better than their experts. Walang pinagbabawal na ganoon ang Diyos. God commands us to love him and our neighbors. That’s the law. At iyan ang ginagawa at gagawin ni Jesus. Naparito siya para makakita ang mga bulag, para palayain ang mga inaapi (4:18), para pagalingin ang mga maysakit, mga umaaming makasalanan sila (5:31-32), hindi ang mga taong nagyayabang at nagtitiwala sa sarili nilang kabutihan, tulad ng mga Pariseo. “Kaya’t hinawakan ni Jesus ang maysakit, pinagaling ito at saka pinauwi” (14:4).
Walang makakapigil kay Jesus – gagawin niya lahat sa kapangyarihan niya at sa kahabagan niya – para iligtas tayo. We cannot find satisfaction by breaking the law. We cannot attain salvation by keeping the law. Dumating si Jesus para sundin ang kautusan – perfectly – para sa atin na sumuway dito at nagpupumilit na sundin pero di natin magawa. Siya ang kailangan natin. Verse 5, “Kung ang inyong anak o ang inyong baka ang mahulog sa balon, hindi ba’t iaahon ninyo ito kaagad kahit Araw ng Pamamahinga?” Yan ang ginawa ni Jesus sa lalaking maysakit. Sa kanya ang taong iyan, mahalaga para sa kanya, pag-aari niya, hindi niya hahayaang mapahamak.
Anong paanyaya ni Jesus sa kanila? Sa atin? That we be honest about ourselves. Ang problema sa mga Pariseo, in denial sila. Tahimik lang, di makakibo (v. 6). Alam nila ang sagot, but they don’t want to face the reality about ourselves. May sakit din sila, spiritually speaking. Matigas ang puso nila. Nagtitiwala sila sa sarili nila. Sila rin ang nasa ilalim ng balon na kinakailangang iligtas. They value the Sabbath, pero hindi nila nararanasan ang tunay na kapahingahan dahil sa patuloy nilang pagtatrabaho para makuha ang approval ng Diyos. Let’s be honest about ourselves. Na kahit sa best efforts natin, may sakit pa rin tayo, broken pa rin tayo, nasa ilalim pa rin tayo ng balon. We need someone who will obey the law perfectly for us. We need a rescuer. We need Jesus.
Jesus Inviting Us to be Humble before God (14:7-11)
At kapag hindi mo iyan inamin sa sarili mo, mananatiling mataas ang tingin mo sa sarili mo, o kung mababa man, pipilitin mong itaas ang sarili mo. Napansin iyan ni Jesus sa ilang mga naimbitahan din sa party, na pinipili ang “upuang pandangal” (v. 7). Kapag kasi gusto mo feeling VIP ka, nauupo sa tabi o malapit sa host. Tulad sa kasalan, may presidential table, nandoon ang mga pinagpipitagang mga ninong at ninang. Natural sa ating mga tao na ayaw natin ang napapahiya o nasa mababang kalagayan. Gusto natin maganda ang pangalan natin, maganda at maraming likes ang profile pic sa Facebook, na high honors ang anak natin. Dahil sa kasalanan, nandoon hindi lang ang guilt, kundi pati ang shame. Hirap tayong humarap sa ibang tao, maliban na lang kung maganda ang performance natin. Feeling ng ibang nanay, mababa sila kapag hindi mataas ang attainment nila sa career nila. We want the honor from other people. Tulad nina Adan at Eba, we are covering our shame with fig leaves. But our relationship with God doesn’t work that way.
Kaya may illustration na ginamit si Jesus sa verses 8-10, “Kapag inanyayahan ka sa isang kasalan, huwag kang uupo agad sa upuang pandangal [presidential table]. Baka may inanyayahang mas kilala kaysa sa iyo [ninang pala si mayora, late lang dumating]. Baka lapitan ka ng nag-anyaya sa inyong dalawa at sabihin sa iyo, ‘Maaari bang ibigay mo ang upuang iyan sa taong ito?’ Sa gayon, mapapahiya ka at doon ka uupo sa pinakaabang upuan. Mabuti pa, kapag naanyayahan ka, doon ka muna maupo sa pinakaabang upuan. Kapag lumapit sa iyo ang nag-anyaya at kanyang sinabi, ‘Kaibigan, dito ka sa kabisera,’ mapaparangalan ka sa harap ng lahat ng mga panauhin.”
What’s the point? Hindi tayo ang magbubuhat ng sarili nating bangko, hindi tayo magtataas sa sarili natin. We are not the ones to cover our shame. Yan ang ginawa ng Diyos kina Adan at Eba nang magpatay ng hayop, gawin ang balat nito na damit at ibigay sa kanila. Alam ng Diyos ang kalagayan natin. Alam niya ang pag-aalipusta sa atin ng mga tao, alam niya ang sakit sa damdamin mo kapag lagi mong naririnig sa tatay at nanay mo na wala kang kuwenta, alam niya kung paano ka laitin ng iba. Wala kang dapat gawin para patunayan ang sarili mo sa iba o sa Diyos. Ang Diyos mismo, sa pamamagitan ni Jesus, sabi sa Filipos 2:5-11, ibinaba ang kanyang sarili, namuhay na parang isang alipin, ipinahiya sa kanyang kamatayan sa krus na para bang siya’y isang pusakal na kriminal bagamat wala siyang kasalanan. Dahil doon, itinaas siya ng Diyos, at binigyan ng karangalan. Ginawa niya iyon para rin sa atin, para iligtas tayo sa kahihiyan at bigyan tayo ng karangalan. Siya ang nagbibigay niyan, hindi ang ibang tao, hindi ang magulang mo, hindi ang trabaho mo, hindi ang status mo.
Jesus is inviting us to humble ourselves before God. Bakit? Sabi niya sa verse 11, “Sapagkat ang nagmamataas (tulad ng mga Pariseo) ay ibababa (ng Diyos sa huling araw), at ang nagpapakumbaba (tulad ni Jesus) ay itataas (ng Diyos sa huling araw).” Sa chapter 18 uulitin ulit ito ni Jesus. Sinabi din ito ni Pedro, “Humble yourselves, therefore, under the mighty hand of God so that at the proper time he may exalt you” (1 Pet. 5:6). Dahil kay Jesus, wala ka nang dapat patunayan sa sarili mo, sa magulang mo, sa asawa mo, sa boss mo, lalo na sa Diyos. Dahil nasa iyo na ang karangalan ng isang anak ng Diyos dahil kay Cristo. Di man ito kilalanin ng mga tao ngayon, sa pagdating ni Jesus, makikita nilang malinaw na malinaw iyan.
Jesus Inviting Us to be Hospitable to the Needy (14:12-24)
Kung nasayo na ang honor at acceptance na kailangan mo, ibig sabihin, malaya ka na ngayong magbigay sa ibang tao na wala nang hinihintay na kapalit. Because Jesus is everything for you, you are now free to give to others what they need. The gospel now overflows into your life and it touches all your relationships. Hindi na tulad ng maraming tao (na wala kay Cristo) na gumagawa nga ng mabuti, pero kailangan nilang gawin iyon para may patunayan sa sarili nila o may makuhang kapalit.
Ganito ang motibo ng maraming mga Pariseo sa paggawa ng mabuti at maaaring ito ang intensyon ng nag-anyaya kay Jesus. Kaya sabi niya sa kanya, verse 12, “Kapag naghahanda ka ng isang salu-salo, huwag ang iyong mga kaibigan, mga kapatid, mga kamag-anak o mayayamang kapitbahay ang aanyayahan mo, dahil aanyayahan ka rin nila at sa gayon ay susuklian ang iyong ginawa.” Hindi naman dahil sa masama iyon, kasi lagi naman nating ginagawa iyon. And that’s only natural for us. Christian man o hindi. Lalo na tayong mga Pilipino. Kapag may bisita, kahit konti lang ang pagkain, “Tara kain ka.” Pipilitin pa natin. Kapag may fiesta o special occasions, nagtatampo tayo kapag di sila nakakarating. Natural ang hospitality sa atin, pero sa piling tao lang.
Jesus is reacting here with our common mindset that if you do good to others, expect others to do good to you. Kaya maririnig natin minsan tayo rin nagsasalita ng ganito, “Sila na nga ang tinulungan mo o ginawan ng mabuti, sila pa ang salbahe sa iyo. Walang utang na loob!” Yan ang problema nating mga Pilipino, akala natin magandang value ang “utang na loob.” Ito ang utang na napakahirap bayaran, di mo alam kung nakabayad ka na.
Dapat ang paggawa natin ng mabuti ay hindi naghahanap ng kapalit. Masaya, nag-uumapaw dahil lahat ng kailangan natin, nasa atin na dahil kay Cristo. Para sa ating mga Cristiano, maipapakita natin ang “gospel of grace” kung gagawa tayo ng mabuti sa mga taong hindi natin hihingan o aasahan ng kapalit. Sabi ni Jesus sa verses 13-14, “Subalit kapag ikaw ay maghahanda, anyayahan mo ang mga mahihirap, mga lumpo, mga pilay, at mga bulag. Kapag ganito ang ginawa mo, pagpapalain ka, dahil hindi man nila masuklian ang ginawa mo, ang Diyos ang magbibigay sa iyo ng gantimpala sa muling pagkabuhay ng mga matuwid.” Hindi tayo sa ibang tao umaasa kundi sa Diyos na nagbibigay ng gantimpala – gantimpalang garantisado sa pagbabalik ng Panginoong Jesus. Hind parang sweldo sa atin, kundi pagpapakita na we have a generous God, na ibinigay at ibibigay sa atin ang lahat ng kailangan natin even when we don’t deserve it.
Ang salita ng Panginoon dito ay challenge sa atin. At dapat nating seryosohin. Kapag binabasa natin ito, we don’t take Jesus at his word. Oo nga’t may culture of eating and celebration tayo dito sa church. We enjoy each other. But we must also eat with others missionally. Meron tayong 21 meals a week. Reserve one meal to eat with a non-believer. Gawin natin this week and for the next few weeks hanggang maging lifestyle natin. Tapos ibalita n’yo next week kung anong nangyari. Sa mga bagong binyag/bautismo, bakit di natin imbitahin ang mga kamag-anak natin na wala pa kay Cristo o mga street children, o mga pulubi o mga tricycle drivers – anyone who needs Jesus! At ikuwento natin ang bagong buhay na meron na tayo, anyayahan natin silang matanggap ang pagpapalang nasa atin na.
Sa ganitong paraan naibabahagi natin sa iba ang pagpapalang tinanggap natin at inaanyayahan natin sila sa higit na pagpapalang mapabilang sa fiesta sa kaharian ng Diyos. Buti naman at naintindihan ito ng isa sa mga kasalo ni Jesus kaya nasabi sa kanya, verse 15, “Pinagpala ang makakasalo sa hapag sa kaharian ng Diyos!” Pagkatapos noon, may ikinuwento si Jesus para ipakita kung anong pagpapala iyon, at sinong makakatanggap noon. Verses 16-17, “Isang lalaki (ang Diyos!) ang naghanda ng isang malaking salu-salo (life in his kingdom), at marami siyang inanyayahan. Nang dumating ang oras ng handaan, inutusan niya ang kanyang alipin (si Jesus na kanyang pinadala) at ipinasabi sa mga inanyayahan, ‘Halina kayo, handa na ang lahat!’ Ito si Jesus na sinasabi sa mga tao – Israelita man o hindi – “Dumating na ang kaharian ng Diyos. Magsisi na kayo, magbalik loob sa Diyos, maniwala sa mabuting balita. Ako ang tinapay ng buhay. Naparito ako para bigyan kayo ng buhay na sagana.”
Pero paano nagrespond ang maraming tao noon, at hanggang ngayon (such were some of you!)? Tuloy ng kuwento, verses 18-20, “Ngunit nagdahilan silang lahat. Ang sabi ng una, ‘Nakabili ako ng bukid at kailangan ko itong puntahan. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.’ Sinabi naman ng isa, ‘Nakabili ako ng limang magkapares na baka at kailangang masubukan ko sa bukid ang mga iyon. Kayo na sana ang bahalang magpaumanhin sa akin.’ Sinabi naman ng isa, ‘Ako’y bagong kasal, kaya’t hindi ako makakadalo.’ Ito ang mga taong pinahahalagahan ang kayamanan, trabaho, at pamilya (na mabuti naman at di masama) nang higit kay Jesus at sa kaharian ng Diyos (nagiging masama dahil ito ang mga diyos-diyosang di maiwanan.
Ang mga Pariseo at mga taong nakakapit sa kanilang relihiyon, they rejected the invitation. But the mercy of God extends to those who are helpless and desperate – sa mga inaaming makasalanan sila at nagpapakumbaba sa kanyang harapan. Verse 21, “Bumalik ang alipin at ibinalita ito sa kanyang panginoon. Nagalit ang panginoon (insulto at criminal offense kapag tinanggihan mo ang paanyaya ng Hari ng buong nilikha!) at sinabi sa alipin, ‘Pumunta ka kaagad sa mga lansangan at sa makikipot na daan ng lungsod at isama mo rito ang mga mahihirap, mga lumpo, mga bulag, at mga pilay.’
Tayo iyon nang tayo ay wala pa kay Cristo. Mahihirap tayo, wala tayong maiaalay sa Diyos na kahit isang kabutihan. Mga lumpo tayo at di tayo makakalapit sa Diyos sa sarili nating paa. Mga bulag tayo at di natin nakikita ang kagandahan ng Panginoon. Pero inanyayahan pa rin niya tayo. Hindi lang iyon! Sinundo pa niya tayo makarating lang tayo sa handaan. Binuksan ang mata natin para makita natin kung gaano kaengrande ang hinanda niya para sa atin. Pinalakad tayo para makasunod tayo sa kanyang kalooban. At iyan ang dahilan kung bakit paglalaanan natin ng oras at ipaghahanda at aanyayahan ang mga taong tulad natin dati na mahihirap, pilay, bulag dahil wala pa sila kay Cristo! Tinanggap tayo ng Diyos at dahil doon, tatanggapin din natin sila – kahit di sila karapat-dapat.
At hindi tayo titigil na anyayahan ang lahat ng tao – lahat ng lahi sa buong mundo – kahit makulitan pa sila sa atin, kahit mainis pa sila sa atin, kahit di nila maintindihan ang kakulitan natin. Dahil ito ang nais din ng Panginoon. Verses 22-23, “Pagkatapos sinabi ng alipin, ‘Panginoon, nagawa ko na po ang iniutos ninyo, ngunit marami pang bakanteng upuan.’ Kaya’t sinabi ng panginoon sa alipin, ‘Pumunta ka sa mga lansangan at sa mga daan, at pilitin mong pumarito ang sinumang makita mo upang mapuno ang aking bahay.” Pilitin, hindi para puwersahin, kundi para ipakita na gustong-gusto ng Diyos mapuno ang kanyang bahay – dito sa Baliwag, sa buong Pilipinas, kasama pa ang iba’t ibang lahi sa buong mundo. Ganyan din ba ang gusto natin? O ang pangarap mo ay iba sa pangarap at plano ng Diyos?
Sige?
Jesus is inviting us. How do we respond? Nandoon na ba ang gospel-driven honesty sa atin? Na nasasabi natin, “Makasalanan ako. Di ako nakaabot sa standard ng Diyos. Kailangan ko si Jesus. I need the gospel.” Do we have gospel-driven humility? Sinasabi na ba natin, “Hindi ko kayang iangat ang sarili ko mula sa kahihiyang dulot ng kasalanan. Kailangan ko si Jesus. Jesus is the gospel.” Do we have gospel-driven hospitality? Na sinasabi natin, “Nag-uumapaw ang puso ko sa pagpapalang kaloob ng Diyos. Natikman ko si Jesus, siya ang lahat-lahat sa akin. Wala nang kulang. Aanyayahan ko din ang iba na matikman ito.”
Kapag nakatanggap tayo ng paanyaya, anong tugon natin? Yes? No? Hirap sa mga Pilipino di makasagot nang diretso, sinasabi, “Sige,” at di mo alam kung oo ba o hindi. Kapag tumugon tayo sa paanyaya, hindi lang masasarap na pagkain ang matitikman natin, hindi lang basta kasiyahan, kundi ang saya at sarap na makasama ang Diyos mula ngayon sa buhay an ito at magpasawalang-hanggan. Masasabi din natin, verse 15, “Pinagpala ang makakasalo sa hapag sa kaharian ng Diyos!” Pero kung sinabi mong hindi, o saka na lang, sige ka, tulad ng sabi ng Panginoon sa kuwento niya, verse 24, “Sinasabi ko sa inyo, isa man sa mga unang inanyayahan ay hindi makakatikim ng aking handa!” You won’t just miss the fun, you will suffer for all eternity in hell. Hindi ako nagkukulang ng paalala sa inyo. I love you. God loves you. May you extend the same loving invitation to the ones you love and even to the unlovable.
2 Comments