
Now, why is this important? In Luke 11:27-36, Jesus tells us the three characteristics of a life set on wholeheartedly obeying the Lord. If you want to know what these three characteristics are, I invite you to read or listen to this sermon and share it to your friends.
Listen
If the player is not working, click this.
Resources
Need to Hear and Obey
I have a confession to make. Last Sunday, sobrang naging impatient ako. Nahalata siguro ng iba sa inyo. Ang asawa ko halatang-halata. May mga taong inaasahan ako na ganito ang gawin nila pero hindi nila ginawa. May mga naging technical problems, kahit habang nagpipreach ako. Hindi ito problema ng mga taong inaasahan ko. Ito ay problema na nasa puso ko. Sinabi ko pa naman sa intro ng sermon ko last week na nagkakasala tayo (tulad ng impatience, kasalanan iyon) kasi hindi tayo nagtitiwala sa Diyos o ang paniwala natin sa Diyos at sa sarili natin ay mali (tulad ng, “God is not in control. I should be in control”). Pero noong oras na iyon, hindi nakakarating sa puso ko ang itinuturo ko. Noong gabi na lang at kinabukasan, ipinamukha sa akin ng Diyos ang kalagayan ng puso ko.
Kahit ako, kailangan kong makinig sa sarili kong sermon. Na ang mga salita ng Diyos na ipinapangaral ko sa inyo ay ipangaral din sa puso ko. I need to preach the Word to myself everyday. At hindi lang basta pakinggan, madali lang naman makinig (kahit medyo inaantok-antok pa ang iba sa inyo). Pero ang nais ng Diyos na tayong lahat ay hinahanap-hanap at pinakananais sa buhay ang hindi lamang pakikinig sa mga salita ng Diyos kundi ang buong-pusong pagsunod sa mga ito.
Bakit mahalaga iyon? Ano ba ang ipinapakita sa buhay natin ng buong-pusong pagsunod sa mga salita ng Panginoon? Tingnan natin ang tatlong katangian ng buhay na ganito ayon sa pagpapatuloy ng pagtuturo ni Jesus sa mga tao tungkol sa totoong kahulugan ng discipleship o pagsunod sa kanya. Galing ito sa Luke 11:27-36 at bahagi ng teachings ng Panginoon habang siya at ang mga tagasunod niya ay naglalakbay patungong Jerusalem.
Blessed Life (11:27-28): Pinagpala
Kung tayo ay buong pusong sumusunod sa mga salita ng Panginoon, nagpapakita ito na ang buhay natin ay pinagpala o mapalad o masaya o fulfilled o satisfied o blessed. Lahat naman sa atin ay nagnanais ng isang pinagpalang buhay. Meron ba sa inyong ang pangarap ay magkaroon ng sira-sirang buhay? Na masayang ang buhay nila? Wala! Nag-aaral kayo, nagsisikap sa trabaho, itinataguyod ang pamilya, nag-iinvolve sa ministry, tumutulong sa kapwa, kasi ang nais natin maging kasiya-siya ang buhay natin. We all want to be happy. Walang exception. Kaso nga lang, ang marami nag-aakala na makakamit ito sa sarili natin. Tandaan natin na…
Ang pinagpalang buhay ay hindi nakasalalay sa katayuan natin sa buhay. Halimbawa si Maria, karaniwang tinatawag na “pinagpala sa babaeng lahat.” Biblikal naman iyon. Pero dapat nating maintindihan na hindi dapat siya ang focus. Hindi dapat sa kanya ang devotion. Habang nagtuturo si Jesus, may sumigaw nang malakas at sinabi sa kanya, “Pinagpala (sa ASD, “mapalad”) ang babaing nagbuntis at nag-alaga sa iyo” (v. 27 MBB). Si Maria ang tinutukoy na ina ni Jesus. Maganda nga naman ang kalagayan niya sa buhay kasi may anak siya na hinahangaan ng marami. Para bang sa panahon natin ngayon, proud ang mommy mo kapag maraming achievements ang mga anak. Totoo nga namang mapalad si Maria sa pagkakaroon ng pribelehiyong ganoon. Pero paano ang napakaraming taong wala namang ganoong kapalaran? Kaya bilang tugon, itinuro ni Jesus kung ano talaga ang isang buhay na pinapagpala…
Ang pinagpalang buhay ay masasalamin sa pagsunod sa mga napakinggan nating mga salita ng Diyos. “Higit na pinagpala (sa ASD, “mapalad”) ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!” (v. 28 MBB). Hindi basta nakikinig lang. Kundi iyong sumusunod. Paalala ito sa napakaraming taong nakikinig sa mga salita niya. Huwag n’yong isiping mapalad na kayo dahil kabilang kayo sa maraming taong ito. Huwag n’yong isiping mapalad na kayo dahil narito kayo’t nakikinig ng mga salita ng Diyos. Ang tanong, “Sumusunod ba kayo?”
Karaniwang maririnig natin sa mga tao kung marami tayong pera, “Buti ka pa. Mapalad ka. Pinagpala ka. Ang swerte-swerte mo.” Ganoon din kapag maganda ka o guwapo. O kaya buo at masaya ang pamilya mo. Pero paano kung ang konsepto natin ng pinagpala o kasiya-siyang buhay ay nakadepende lang sa mga bagay na iyon? E paano naman kung wala kang masyadong pera? O sungki-sungki ang ngipin mo? O iniwan ka ng asawa mo at nagrerebelde pa ang mga anak mo? Ikaw, ano ang batayan mo sa sarili para masabing ikaw ay pinagpala o mapalad? Kung marami ka bang pera o mataas ang grades mo sa school o kung maraming pumupuri sa iyo na maganda ka – o kapag nakikita mo ang sarili mo na sabik makinig ng salita ng Diyos at lumalago sa pagsunod nito?
Sinabi ni Jesus ang mga salitang ito para ipakita sa atin na…Naparito si Jesus para ituro sa atin kung paano tayo magkakaroon ng pinagpalang buhay. Sabi niya sa John 10:10 (ESV), “I came that they may have life and have it abundantly (NLT, “rich and satisfying life”). Alam ni Jesus na ang daan para maranasan natin ang pinagpalang buhay ay sa pamamagitan ng pagsunod sa mga salita ng Diyos. “Blessed are those whose way is blameless, who walk in the law of the LORD! Blessed are those who keep his testimonies, who seek him with their whole heart” (Psa 119:1-2 ESV). Pero paano naman kung hindi, “Cursed be anyone who does not confirm the words of this law by doing them” (Deut. 27:26 ESV; cf. Gal. 3:10). Iyan ngayon ang problema. At dapat nating makita na sa pagparito ni Jesus, gusto rin niyang magkaroon tayo ng katiyakan sa buhay o iyong secured life.
Secured Life (11:29-32): May Katiyakan
Dapat nating malaman ‘to kasi nga naman…May tiyak na kahatulan sa sinumang di-nagtitiwala at sumusuway sa mga salita ng Diyos. Iyan ang problema natin. Lahat naman kasi sa atin di nagtiwala sa Diyos, lahat sumuway sa kanya. Pati mga tao sa panahon ni Jesus na mga nakikinig at nakakita ng kanyang mga himala. “Napakasama ng mga tao sa panahong ito (kasama tayo diyan!). Naghahanap sila ng palatandaang mula sa langit, subalit walang palatandaang ipapakita sa kanila maliban sa nangyari kay Jonas. Kung paanong si Jonas ay naging isang palatandaan sa mga taga-Nineve, gayundin naman, ang Anak ng Tao ay magiging isang palatandaan sa lahing ito” (vv. 29-30 MBB). Para sa mga taong naniniwala kay Jesus, siya ay palatandaan na mararanasan natin ang buhay na pinagpala. Ngunit para sa hindi, he is a sign of judgment. Tulad ni Jonah sa mga taga-Nineveh. Anong mensahe niya sa kanila na galing sa Diyos? “Forty days from now Nineveh will be destroyed” (Jon 3:4 NLT)! Tiyak ang hatol ng Diyos sa mga taong hanggang ngayon ay namumuhay sa pagsuway. At higit pa doon…
Mas mabigat na parusa ang mararanasan ng mga taong nakasaksi tungkol kay Jesus pero di naman sumunod. “Sa Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang Reyna ng Sheba laban sa lahing ito, sapagkat naglakbay siya mula pa sa dulo ng daigdig upang mapakinggan ang karunungan ni Solomon, ngunit ang naririto ngayon ay higit na dakila kaysa kay Solomon. Sa Araw ng Paghuhukom, sasaksi ang mga taga-Nineve laban sa lahing ito, sapagkat nagsisi sila dahil sa pangangaral ni Jonas. Pakinggan ninyo, lalong dakila kay Jonas ang naririto ngayon” (vv. 31-32 MBB). Ang reyna ng Sheba, hindi iyan Judio, pero hindi lang siya basta nakarinig, kundi hinahanap ang pakikinig sa karunungan ni Solomon. Sabi nga, iba ang nakarinig sa nakikinig. Tulad ng mga Judio, narinig ang sinabi ni Jesus, di naman talaga nakinig. Mas mabigat ang parusang daranasin nila at ng mga kagaya nila sa pagbabalik ng Panginoong Jesus. Buti pa nga ang mga taga-Nineveh na hindi rin Judio, kaikling sermon lang ni Jonah, nakinig agad at nagsisi sa kanilang kasalanan. May response. Di tulad ng mga Judio sa panahon ni Jesus, humihingi pa ng mga signs! Mas mabigat ang parusang daranasin nila at ng mga taong gaya nila.
Nasaan ngayon ang pag-asa natin, ang katiyakang di tayo mapaparusahan tulad nila? Nakay Jesus! Naparito si Jesus para magsilbing ating karunungan at kaligtasan. Sabi ni Jesus bago niya ipakilala ang sarili niya at ang ministeryo niya na higit kaysa kay Solomon at Jonah, “Behold! Pakinggan n’yo! Tingnan n’yo!” Tapos sabi niya, “…ngunit ang naririto ngayon ay higit na dakila kaysa kay Solomon” (v. 31). “…lalong dakila kay Jonas ang naririto ngayon” (v. 32). Marunong si Solomon, walang sing-dunong sa panahon niya. Pero kalaunan, maging siya di nakinig sa mga itinuro niya. Ibang-iba ang Panginoong Jesus. Sa kanya nagmumula lahat ng karunungan tungkol sa Diyos. At siya mismo ang halimbawa ng tunay at taos-pusong pagsunod sa Diyos.
Sa kanya ang karunungan natin at kaligtasan. Ibang-iba sa panahon ni Jonah. Si Jonah, ayaw naman niyang maligtas ang mga taga-Nineveh, gusto niya sila lang mga Israelita ang tumanggap ng pagpapala. Kaya nag-atubili sa utos ng Diyos sa kanya. Ang Panginoong Jesus, kusang loob na nanaog para ialay ang kanyang sariling buhay para maligtas tayo. Ang katiyakan natin ay nasa kaligtasang ibinigay sa atin ni Jesus nang siya’y mamatay at mabuhay muli. Tulad ng sabi sa version ni Matthew na di nakalagay dito sa Luke, “For just as Jonah was three days and three nights in the belly of the great fish, so will the Son of Man be three days and three nights in the heart of the earth” (Matt. 12:40 ESV).
Kung security ang pag-uusapan, anong karaniwang sinasandalaan ng mga tao? Ang iba para makasigurado, kumukuha ng mga insurance. Ang iba feeling nila secured na sila kung may sarili na silang bahay. Ang iba naman akala nila sa pagiging relihiyoso nila at mabuting tao ay secured na sila. Pero kung ang security natin o katiyakan ng isang magandang buhay sa kinabukasan ay nakasandal sa ibang bagay, o ibang tao o sa sarili natin, we are not really secured. Ang bangko, nagsasara. Ang bahay, nasusunog. Ang tao, nagbabago ang takbo ng isip. Ang sarili natin, alam mo nang di rin maaasahan. Ang security natin, ang nag-iisang pwede nating sandalan at makatitiyak tayong ligtas at di mapapahamak ang buhay natin (kahit gaano kabigat na trahedya ang maranasan natin dito sa mundo) ay walang iba kundi si Jesus, ang kanyang mga salita, ang kanyang buong pusong pagsunod sa Diyos at ang kanyang ginawa sa krus para sa atin. Where is your security? Or, better yet, who is your security? “And because of him you are in Christ Jesus, who became to us wisdom from God, righteousness and sanctification and redemption” (1 Cor. 1:30-31).
Transformed Life (11:33-36): Nagbabago
Malinaw na ang katiyakan natin ay hindi nakasalalay sa pagsunod natin kundi kay Jesus na siyang sumunod sa lahat ng salita ng Diyos. Pero ibig sabihin ba nun, kahit sumuway tayo nang sumuway OK lang din? Pwede ba namang ang kaligtasang tinanggap mo sa Panginoon ay hindi magbabago sa buhay mo? Hindi! Dahil ang nais ng Diyos sa buhay ng mga tagasunod ni Jesus ay nagbabagong buhay o transformed life. Paano mangyayari ang pagbabagong iyon?
Naparito si Jesus para maipakita sa atin ang kaningningan ng Diyos. “Walang nagsisindi ng ilaw upang itago lamang iyon, [o kaya’y ilagay sa ilalim ng banga]. Inilalagay ang ilaw sa talagang patungan upang matanglawan ang mga pumapasok sa bahay” (ESV, “so that those who enter may see the light”). Malamang na ang ilaw na binabanggit dito ay si Jesus at ang kanyang pagdating sa harap ng mga tao. At ang liwanag o pagtanglaw nito ay para makita ng mga tao kung sino ang Diyos. Nagkasira-sira ang buhay natin dahil sa halip na Diyos ang tingnan natin, tumingin tayo sa sarili natin o sa ibang bagay. Naparito si Jesus para ibaling ang mga mata natin pabalik sa Diyos. At kapag nangyari iyon saka lang magkakaroon ng pagbabago sa buhay natin. Ang problema? Mga bulag tayo dahil sa kasalanan. Kahit anong liwanag ng ilaw na tatanglaw sa atin, di natin makikita. Anong solusyon?
Makikita lang natin ang Diyos kung bubuksan niya ang ating mga matang bulag dahil sa kasalanan. “Ang iyong mata ang ilaw ng iyong katawan. Kung malinaw ang iyong mata, mapupuno ng liwanag ang buo mong katawan. Ngunit kung malabo ang iyong mata, ang buo mong katawan ay mapupuno ng kadiliman” (v. 34). Kung di ka nakakakita (spiritually-speaking, iyon bang walang effect sa iyo ang mga salita ng Diyos), walang magbabago sa buhay mo. Kailangan mo ng bagong spiritual eyes, you need to be born again, you need to be raised from the dead. Kaya mo bang gawin iyon sa sarili mo? Hindi! Pero ang mabuting balita – “Sapagkat ang Diyos na nag-utos na magkaroon ng liwanag sa gitna ng kadiliman ay siya ring nagbigay liwanag sa aming isip upang makilala namin ang kaluwalhatian ng Diyos na nahahayag sa mukha ni Cristo” (2 Cor. 4:6 MBB).
Ang isang tao bang matino na, wala nang bisyo, di na nagmumura, palagi nang nagsisimba, mabait na, ibig sabihin nagbago na ba ang buhay niya at tunay na nakilala na niya ang Panginoon? Pwedeng hindi. Tandaan n’yong karamihan sa mga kausap ni Jesus ay mga relihiyosong Judio at ang iba sa kanila ay mga leaders pa. Pero ang sabi niya sa verse 35, “Kaya’t mag-ingat ka, baka ang liwanag na inaakala mong nasa iyo ay kadiliman pala.” Tingnan mong mabuti – baka akala mo nasa kaharian ka na ng Diyos pero baka nasa kaharian ka pa rin ni Satanas, o akala mong bago na ang buhay mo pero ang nagbago lang pala ay ang panlabas na mga nakikita ng tao pero ang puso mo tulad pa rin ng dati na hindi tumitibok sa pag-ibig kay Cristo.
Dapat nating siyasatin ang ating sarili kung nakikita na ba talaga natin si Jesus. Iyon bang nasasabik kang buksan ang Bibliya at kapag nakita mo si Jesus, lumulundag ang puso mo at nagsasabi, “That’s my Savior! That’s my Lord! Wonderful! Pambihira! I love you, Jesus!”
Tandaan natin na ang pagbabago sa buhay ay hindi makukuha sa pagbabago sa mga ginagawa natin kundi sa pagbabago ng tinitingnan natin. Sa pamamagitan lamang ng pagtingin kay Jesus tayo magkakaroon ng nagbabagong buhay. Verse 36, “Kung nasa liwanag ang buo mong katawan at walang bahaging nasa dilim, magliliwanag itong parang isang ilawan na tumatanglaw sa iyo.” Ang degree ng ating transformation ay nakasalalay hindi sa sarili nating performance o effort kundi sa pagtingin o pagkakilala natin sa Panginoong Jesus. “Ngunit alam nating sa pagdating ni Cristo, tayo’y magiging katulad niya, sapagkat makikita natin kung sino talaga siya” (1 John 3:2). We will be fully like Christ when we fully see him. Kaya ngayon pa lang, titigan na natin siya, kilalanin, paniwalaan – “we all with unveiled face, beholding the glory of the Lord, are being transformed into the same image from one degree of glory to another” (2 Cor. 3:18).
Looking to Jesus All the Time
Kung ang focus natin sa pagsunod ay ang sarili nating performance o galing o willpower, mabibigo tayo, hindi rin tayo makakasunod. Akala kasi natin ang Bible parang “manual” na may set of instructions na kapag sinunod natin, our life will go well. Pero dapat ang tingin natin sa Bible primarily ay parang isang “newspaper” – na naglalaman ng mga balita kung ano ang ginawa ng iba, hindi ng kung anu-ano ang dapat mong gawin. Ang kaibahan nga lang sa mga dyaryo ngayon, halos puro bad news. Pero ang Bible, Good News (gospel). Dahil dito ibinabalita ang ginawa na ni Jesus para sa atin. When you read the Word, look to Jesus. Sa bawat kuwento (kahit sa Old Testament), sa bawat pahina, sa bawat propesiya, sa bawat utos – lahat tungo at katugunan ay si Jesus. Kung hindi ito ang titingnan mo, paglalaanan mo ng panahon, at panghahawakan sa buhay, hindi ka magkakaroon ng pinagpalang buhay kundi buhay na sayang, hindi buhay na may katiyakan ng kaligtasan kundi nakakatakot na katapusan, hindi nagbabagong buhay kundi nasisirang buhay.
Saan umiikot ang buhay mo ngayon? Ano ang nagpapatakbo nito? Ilang linggo ding sumikat ang mobile game na Flappy Bird. Maraming naaddict. Maraming nagpuyat para makaiskor nang mataas. Marami rin ang nainis at frustrated dahil hirap na hirap sila. Para sa mga mataas ang iskor, masayang-masaya. Maraming oras ang inubos ng milyung-milyong tao para tingnan, para subukan, para pag-igihan ang paglalaro nito.
Pero alam n’yo ba na tinanggal na ng creator nito ang game na ito sa market. Bakit daw? Kasi maging siya pinuputakte ng mga tao at ginugulo ang buhay niya dahil sa popularidad ng larong ito.
Ang salita ng Diyos, isinulat ng Diyos, ginawa niya hindi lang para pag-igihan natin at kapag mababa ang iskor natin at di tayo makasunod ay mafrustrate lang tayo o kapag mataas ay maging proud sa sarili. Ginawa niya ito para tumingin tayo, paglaanan ng panahon, pakinggan ang nag-iisang ipinadala ng Diyos para di masayang ang buhay natin, magkaroon tayo ng katiyakan, at magkaroon ng tunay na pagbabago sa buhay – walang iba kundi si Jesus. Sa kanya lang – hindi sa telenovelas, hindi sa basketball, hindi sa career ambitions, hindi sa sariling tiyaga – dapat umikot ang buhay natin. And this life is not a game. At makikita natin siya kung maglalaan tayo ng maraming oras sa kanyang salita at paniwalaan ang mga ito. Hinding-hindi ipupull-out ng Diyos ang Word of God dahil alam niyang kailangang-kailangan natin ito. Wag kang magsawa. Hanap-hanapin mo at pakanaisin mo sa buhay ang hindi lamang pakikinig sa mga salita ng Diyos kundi ang buong-pusong pagsunod sa mga ito.
4 Comments