Bakit sa tingin ninyo nilikha ng Diyos ang mga nanay? Sagot ng iba, “Upang maging katuwang ni tatay.” Oo, tama rin iyan. Sabi ng Diyos sa Genesis 2:18, “Hindi mabuti na ang lalaki ay nag-iisa; siya’y igagawa ko ng isang katuwang na nababagay sa kanya” (Ang Biblia). Puwede ring isagot ng iba, “Upang mag-alaga at magpalaki sa anak.” Tama rin iyan. Ayon sa Genesis 3:20, “Tinawag ng lalaki ang kanyang asawa na Eva sapagkat siya ang naging ina ng lahat ng mga nabubuhay.” Ang naunang dalawang sagot ay may kinalaman sa relasyon sa asawang lalaki at sa anak. Pero ang pangunahing dahilan kung bakit may nanay ay upang maging salamin ng karakter at puso ng Diyos. Tingnan ninyo ang Genesis 1:26-28:
Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Ngayon, likhain natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis. Sila ang mamamahala sa mga isda, sa mga ibon sa himpapawid at sa lahat ng hayop, maging maamo o mailap, malaki o maliit.” Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan. Sila’y kanyang nilalang na isang lalaki at isang babae, at sila’y pinagpala niya. Sinabi niya, “Magpakarami kayo at punuin ninyo ng inyong mga anak ang buong daigdig, at kayo ang mamahala nito. Binibigyan ko kayo ng kapangyarihan sa mga isda sa tubig, sa mga ibon sa himpapawid, at sa lahat ng mga hayop na nasa ibabaw ng lupa.”
Hindi lang lalaki ang nilikha ayon sa larawan ng Diyos. Pati babae. Hindi lang tatay, pati rin ang nanay. Ibig sabihin ng larawan ay parang isang salamin na kapag tiningnan mo kamukhang-kamukha ang makikita mo. Ayon rito, ang mga nanay ay nilikha para maipakita sa pamilya, sa kapitbahay, at sa buong mundo kung sino ang Diyos na lumikha sa kanya. Mayroon tayong makikita sa mga nanay na patungkol sa Diyos na hindi natin makikita sa mga tatay.
Yes, we call God our Father. Ito rin naman ang itinuro sa atin ng Panginoong Jesus. Pero huwag nating kalimutan na hindi mali na sabihin rin nating ang Diyos ang ating nanay. Kasama sa kanyang pagiging Ama ang pagkakaroon ng puso ng isang ina. Sa panahon ngayon, kung ang nanay ay nasa ibang bansa at naiwan ang tatay na mag-alaga ng anak, kahit ano ang gawin ng tatay hindi niya puwedeng palitan ang nanay. Pero sa Diyos mayroon tayong Ama, mayroon din tayong nanay. Oo, may pusong nanay ang Diyos. Ang mga nanay ay larawan ng pusong-nanay ng Diyos. Pansinin ninyo ang sinabi niya sa teksto natin:
Ang sagot ni Yahweh, ‘Malilimot kaya ng ina ang sarili niyang anak? Hindi kaya niya mahalin ang sanggol niyang iniluwal? Kung mayroon mang inang lumilimot sa kanyang anak, hindi ko kayo kakalimutan kahit sandali (Isaiah 49:15 MBB).
Continue reading or listen to the sermon “Hindi Kita Malilimutan”.